Nagkalat ang mga tao sa baryo. Marami sa mga
ito ang taga-roon, pero mas lamang ang mga dayo at namimista sa kaarawan ng
poon. Maingay ang pasiklaban ng mga component at iba pang pampatugtog sa bawat
bahay. Nagpapalakasan at nagpapaingayan. Lahat ay pinaiindak ang mga bisita at
ang mga nagsisipaghanda’t nagsisipag-asikaso sa pista. Pero tumiklop ang lahat
ng ingay nang magsimulang dumaan ang parada sa pangunguna ng isang bandang
naglalatag ng kakaibang ingay. Ang mga bisitang nagsisipag-indakan ay dagling nagsitanghuran
sa mga bakuran kasama ang mga may bahay. Pansamantalang binitiwan ang lahat ng
gawain para mapanood ang parada. Inihahatid ng kanilang mga mata ang bawat
tambulero, bastunera at manunurotot mula kanan pakaliwa, hanggang sa hindi na nila
ito matanaw. At ‘pag napaglipasan na ng parada ang bawat kalsada, muli nilang
aatupagin ang mga binitiwang gawain. Ganito kaabala ang barangay ng Santa
Teresita sa araw ng kanyang pista. Sa sobrang pagkaabala, hindi na niya
nagawang lingunin ang pagdating ng isa sa kanyang mga lehitimong anak—si Jimmy.
Hindi alam ni Jimmy kung paano siya
sasalubungin ng kanyang ama, o kung paano niya dapat salubungin ang kanyang ama-amahan.
Nalilito siya. Ilang taon na rin kasi mula nang hindi siya makauwi sa kanilang
probinsya at ang huli pa niyang balik ay nang mamatay ang kanyang ina. Kung
anong layo ng Sorsogon sa Maynila ay siya rin namang layo ng puso ni Jimmy sa
kanyang ama, o baka doble pa nga. Na siyang kinabaliktaran naman ng kalapitan
ni Jimmy sa kanyang ina. Sapat na sigurong dahilan ang paglaki niya sa mga
palo, tadyak at gulpi. Ang mga alanganing paghihigpit at pagpapagalit na siyang
nagturo sa kanyang maagang talikuran ang pagiging bata. Kaya ngayong nasa may
tarangkahan na siya ng kanilang bakuran, muling nananariwa ang lahat lahat.
Pero pilit niya itong kinakalas sa kanyang pandama. Lamang pa rin ang pagmamatigas
niya at pag-aalangan sa kanilang muling pagtatagpo. Kailangan niya bang kumatok
sa sarili niyang bahay? Naisip niya, habang buhat-buhat ang bag ng mga damit at
labahan mula sa Maynila. Kung hindi dahil sa mga banderitas at iba pang
palamuting pampista, hindi malalagyan ng kulay ang bahay ni Mang Jacinto—ni
Jimmy. Naroon pa ang malaki at kumukupas na karatula ng JIMMY’S KARINDERYA, katabi
ang logo ng coke na pininta ng kanilang kapitbahay na si Mang Manny. Naroon pa ang mga de tiklop na lamesa at
mahahabang kahoy na silya. Naroon pa ang malaking bintana na nagsisilbing
tanggapan ng mga bibili at lalagyan ng istante na paglalagyan ng mga lutong
ulam. Pero ang lahat ng ito ay inulila na ng paninda.
“Kumain ka na ba?” Nakatalikod si Mang Jacinto,
nakaupo sa kanyang tumba-tumba at may kalayuan sa pintuan. Nakaharap sa mga
pinapakaing alagang aso at pusa. Mahahalata sa kanyang tinig ang dinaanan
nitong panahon. Garalgal na at mababa, pero may sindak pa rin kahit na mabagal.
“Hindi pa po!” Hindi pa rin siya hinaharap ni
Mang Jacinto na abalang abala sa paghihimay at pag-iitsa sa mga laman ng isda
sa hindi magkandarapang mga aso’t pusa.
“Lakad! Pumunta ka kay Tiyo Ricardo mo at doon
ka na makipista.” Hindi niya inaasahang ganito pa rin kalamig ang bahay na
kanyang dadatnan. Naging bingi na si Jimmy at pumasok sa kanyang kuwarto. Hindi
pa rin naman siya gutom sa kabila ng mahabang biyahe. Kaya, kaya niya pang
balewalain ang kanyang sikmura. Mas mahalaga sa kanyang makaulayaw ang kanyang
kama—at ang alaala ng kanyang ina.
***
Sakay sila ng malaking jeep noon paluwas sa
Sorsogon. Mamimili sa bayan ng mga rekados para sa mga putaheng lulutuin sa
pista. Musmos pa noon si Jimmy at natural na mumunti pa rin lamang ang kanyang
mga pangarap. At isa na nga roon ang pagsakay ng jeep na hindi ikinakalong ng
kanyang ama, ina o kung sinong kakilala. Gusto niyang tumanghod sa bintana at
tanawin ang labas na hindi sumasagabal ang kung anumang bahagi ng katawan ng
iba. At sa araw na ito, ang katuparan n’on, ayon na rin sa pangako ng kanyang
ina. Kaya nang magdagsaan ang mga pasahero, nagsipag-usog ng kaunti ang mga
sakay, sa kanan, sa kaliwa. Kinandong na ang ibang mga bata at nagpaabot ang
mga ito sa kanya ng tingin. Para bang nagbibigay ng mensahe na “ano pa bang
inaatupag mo? Kumandong ka na rin sa iyong kasama” Pero maangas siya sa mga
panahong iyon, dahil na rin sa pangako ng kanyang ina.
“Jimmy, kumandong ka na sa’kin, dali!” May
paraan ang kanyang ama para magsalita ng paggalit kahit hindi. Sindakan
kumbaga. Pero maagang nasanay dito si Jimmy. Kaya alam niyang hindi pa galit
ang kanyang ama.
“Pinapaupo po ako ni mama! Sabi niya po
babayaran daw ako.” Kahit na alam niyang hindi pa galit ang kanyang ama,
nakakaramdam pa rin siya ng takot. Dahil na rin siguro kilala niya ang kanyang
ama bilang isang bulkan na biglaan kung sumabog at magalit.
“TAYO SABI E!” At sumabog na nga ang bulkan.
Sa sumunod na tagpo, wala na siyang makita kundi ang mga mata ng kapwa niyang
bata na tila nang-aasar ng “Beh buti nga sa’yo, ayaw mo pa tumayo a! yan tuloy
ang napapala mo.” Nilingon niya ang kanyang ina, at ngumiti lang ito. Ramdam
niya ang tigas ng hita ng kanyang ama. Matigas talaga ang kanyang ama.
***
Bumalikwas sa kama si Jimmy. At kinuha ang
lumang photo album sa kanyang cabinet. Nagkandalaglagan ang mga nakaipit na
picture. Napangiti siya. At napasimangot. Palagi na lang sumisingit ang kanyang
ama sa mga masasayang alaala nila ng kanyang ina. Tiningnan niya ang mga
pictures at nakita ang koleksyon ng mga tagpo nung isa sa mga birthday niya.
Naalala niya, 7th birthday n’ya n’on at yun ang kaunaunahang beses
niyang iihip ng kandila sa isang birthday cake sa isang payak na birthday party.
Bagong karanasan ito para sa kanya at sa kanyang mga bisita. Kaya naman ang
lahat ay pumalibot na sa kanya. Hinihintay na maihipan na ang kandila, ma-slice
ang cake at maipamahagi na sa lahat. Pero laking gulat ni Jimmy nang may
sumamang laway sa pagbuga niya rito. Mabilis pa sa ala una ang pagdaong ng
kamay ng kanyang ama sa kanyang batok. Kaya kung titingnan ang magkakasunod na
kuha ng camerang may Kodak 24 shot film sa album ngayon, ito ang makikita: una,
nakangiti siya, ang kanyang ina, ama at ang mga bata sa paligid niya. Sa
pangalawa nakaihip siya, nakangiti pa rin ang lahat. Sa pangatlo, ayun na yung
batok moment nilang mag-ama, naawa ang kanyang ina at nandiri ang mga bata sa
paligid. At sa huli, umiiyak na siya at yakap ang kanyang ina, tumatawa ang mga
bata sa paligid at hindi na nahagip ng lente ng camera ang kanyang ama. Naisip
niya, sana pwedeng ganun na lang. Habang buhay siyang yakap ng kanyang ina, at
habang buhay na wala ang kanyang ama. Kung ito man ang matagal nang ipinapanalangin
ni Jimmy, marahil mali ng pagkakaunawa ang Diyos.
***
“Binaril yun ng mga NPA” “Hindi, ng mga
militar.” “E bakit ba naman kasi, gabing gabi na e, naroon pa si Emy sa gubat.”
“Aba e baka naman nababaliw na?” “May dala pa nga raw na kaldero’t kawali, e
aanhin niya ba yun?” “E ‘asan ba si Jacinto n’on?” “Kawawang Emy!”
Ito ang pinagtagpi-tagping impormasyong
mayroon si Jimmy. Abuloy mula sa bibig ng mga kapitbahay nila at ibang dayo sa
huling gabi ng burol ng kanyang ina. Hanggang ngayon, wala pa ring malinaw na
sagot ang pagkamatay ng kanyang ina. Ilang taon na ang lumipas. Ang malinaw
lamang e, nasa gubat ito, may dalang kawali at kaldero at may tama siya ng bala
sa batok at dibdib. Matataas na uri ng baril ang ginamit. Tortyur para kay
Jimmy ang tuntunin at tukuyin ang paraan ng pagkamatay at kung sino ang pumatay
sa kanyang ina. Takot siyang maglatag ng mga tanong na may mga sagot na muli na
namang magluluwal ng mga bagong tanong at sagot at tanong. Nakakamatay ang
proseso. Hanggang ngayong laman siya ng kamang minsang pinaghelehan sa kanya ng
kanyang ina at pinagdurusahan ang proseso ng tanong at sagot. Sa huli iniluwal niya
ang tanong na pansamantalang tutuldok sa proseso. “Bakit hindi na lang si Papa
ang kinuha mo?”
***
Muling nagkuwento ang mga larawan. Mula grade
1 hanggang grade 6, palaging absent si Mang Jacinto sa kanyang mga recognition
at pagtatapos dahil abalang abala ito sa pagsisimula ng inuman sa kanilang
bakuran. Kung tutuusin, hindi naman talaga masamang tao si Mang Jacinto. Paborito
nga siya ng mga kainuman at kabarangay sa pagiging mahusay nitong makisama.
Kilala rin siya sa sarap niyang magluto. Kaya naman hindi na nakapagtatakang
nagpatayo sila ng karinderya sa gilid ng kalsada ng Santa Teresita. Maliit lang
ito nung una hanggang sa lumaki ng kaunti. Palaging abala ang kanilang bahay sa
oras ng tanghalian at hapunan dahil sa pagpapakain sa mga customer ng kanilang
karinderya. Lahat ng putahe alam n’yang lutuin. Magmula sa dinuguan, kare-kare,
bopis, nilaga, bicol express at iba pa. Walang gustong kumumpitensya sa kanila.
Dahil na rin siguro sa respeto ng bawat bunganga at sikmura sa kahusayan sa
pagluluto ni Mang Jacinto. Pero sa pagkakapatay kay Aling Emy, kasabay ding
namatay ang panlasa niya. Nawala ang tamis, nanlamya ang anghang. Hanggang sa
tuluyang tinabangan na siya ng gana sa pagluluto. Matapos ang libing ng kanyang
asawa, namanata siyang hindi na muling haharap sa kalan para magluto ng kung
kahit na anong putahe. Isinama niya sa kabaong ng asawa ang ilang kawali,
kaldero, kawa at iba pang kasangkapan sa pagluluto. Sa paglipas ng panahon,
bilang bahagi ng pagpupugay sa minsang naging mahusay na kusinero ng baryo,
inaabot-abotan na lamang siya ng ulam ng magkakapitbahay. Pero kung wala,
nakukuntento na lamang siyang bumili sa ilang bagong bukas na karinderya o kaya
nama’y nagtitiyaga na lamang siya sa mga delata at ilang instant na makakain.
At ang sapilitang diyetang ito, ay mababakas sa kanyang katawan. Dumidikit na
ng husto ang kanyang balat sa kanyang buto. Kung sakaling hindi man nagsara ang kanilang
karinderya, malamang ay papasara na rin ito ngayon. Humina ang benta ng mga
karinderyang itinayo sa kanilang bayan dahil sa pagkakatayo ng mga fastfood
chain sa may harap ng simbahan. Una, isa lang, tapos nung mag-click nasundan pa
ng isa, ng isa at ng isa. Dumadagsa naman ang tao, lalo na ‘pag araw ng Linggo.
Unti-unti na nga nitong inuudyukan ng ibang timplada ang panlasa ng kanyang mga
kababayan. Pero sa mga araw ng pista kagaya nito, patuloy na may hinahanaphanap
ang mga dila ng mga taga Santa Teresita.
Mabuti ring asawa si Mang Jacinto. Sa
katunayan, buhay prinsesa si Aling Emy sa kanya. Siya ang namamalengke, nagluluto
at nagsisilbi sa mga customer. Kahit may ibang husay din si Aling Emy sa
pagluluto, hindi na siya pinahahawak ng kawali’t siyanse sa karinderya ni Mang
Jacinto. Pero sa tuwing may mga selebrasyon, si Aling Emy naman ang taya sa
pagluluto. Walang ibang gawain sa karinderya si Aling Emy kundi ang tauhan ang
kaha at tumanggap ng bayad at magsukli. Ganun din ang kuwento sa mga gawaing
bahay. Pero iba talaga ang usapin ng kanyang pagiging ama kay Jimmy. Hindi siya
mahusay na ama. Siguro dahil hindi naman talaga siya naging ama. Hinding hindi
niya naranasang maging ama.
***
Palaging naaalala ni Jimmy ang pinakamasakit
na palong kanyang natanggap mula sa kanyang ama. Ito ang pinakamatagal gumaling
sa lahat ng pasa at sugat na natanggap niya, sa buong buhay niya.
Mura lang ang kaligayahan ng bata noon, may
limampiso ka lang, solve na solve ka na. Kaya naman makasalanan na ang batang
humihiling ng bente at higit pa. Isang araw ng pasko naging makasalanan si
Jimmy, hinangad niyang matikman man lang ang ‘tig bebenteng Cornetto na
inilalako sa may arko, na matagal nang inilalako sa radyo at telebisyon at
paulit-ulit na binili ng kanyang imahinasyon.
Sakto namang wala siyang perang hawak. Mabilis niyang naalala ang
aguinaldo sa kanya ng kanyang Ninong Andoy. Isandaan din yun at nakita niyang
inipit ‘yun ni Mang Jacinto at inilagay nito sa kanyang pitaka bago matulog. Huli
na ang lahat para magtimpi, naglalaway na siya para dito. Hindi siya nakaramdam
ng kahit na anong takot. Walang mali sa gagawin niyang pagkuha, dahil ang
perang iyon ay kanya.
Naging matamis ang pagkain niya ng ice cream.
Matamis na matamis. Tila ba isang pang-uyam sa isang paparating na mapaklang kapalaran.
Mabilis siyang bumalik sa bulsa at pitaka ng kanyang ama. Muli niya itong ibinuka
at sinauli ang tatlong bente at dalawang sampung pisong barya, nahulog ang isa,
kumalansing at tuluyang nagising ang kanyang ama. Sapat na para kay Mang Jacintong
makitang hawak ni Jimmy ang pitaka, perang papel, at natutunaw na ice cream sa
kanyang apa para mabuo at mapatunayan ang kanyang hinala. Lumatay ang kanyang
kamay sa puwitan nito. Tatlong beses ang una at ang mga kasunod ay hindi na
mabilang pa. Wala na ring kinikilala ang mababangis na braso ni Mang Jacinto.
Nariyang dagitin ang mumurahing hita, braso, tagiliran, dibdib, tiyan at ari. Tanging
iyak at palahaw lamang ang maidaing ni Jimmy. At sa huling matinding hambalos
sa likod kumawala ang pinakamasasakit na salita. “Tarantado kang bata ka!
Magnanakaw! Hindi kita anak! Hindi kita anak! Anak ka ng militar.” Tuluyan nang
namanhid ang katawan ni Jimmy kasabay ng paghina ng mga sigaw ni Mang Jacinto.
Handa na si Jimmy na tanggapin ang lahat ng suntok at hampas na para sa kanya.
Pero sumuko ang kanyang ama, ang kanyang kinilalang ama. Tuluyang nalaglag ang
apa ng ice cream sa lapag, kahalo ang dugo at nana mula sa mga bago at
nabuksang sugat. Masakit, naramdaman ni Jimmy. Mabigat ang braso ng kanyang
ama, pero mas masakit ang sugat na dulot ng dila nito’t mga salita. At naghalo
ang tamis ng ice cream at alat ng luha sa kanyang panlasa. Dun niya napagtanto
na hindi pala para sa kanya ang mga suntok, bigwas, hambalos, tadyak at iba
pang pananakit na matagal na niyang pinagdurusahan, kundi para sa kanyang
ama—sa ama niyang militar.
Mula nung araw na yun, naging hayagan na sa
bahay ang pagiging ampon ni Jimmy. Hanggang sa maging ang komunidad na ng Santa
Teresita ang nakaaalam na si Jimmy ay anak sa pagkadalaga ni Aling Emy.
Naghahanap ng paliwanag si Jimmy, pero matipid ang mga sagot ni Aling Emy.
“Paglaki mo ipapaliwanag ko sa’yo ang lahat lahat. Masyado ka pang bata para
maunawaan ang mga nangyari.” Palaging ganyan ang sagot ng kanyang ina, sa
tuwing maghahanap siya ng ama. Pero mahirap itago ang sikretong alam na alam ng
buong baryo at kulang ang dalawang kamay ni Aling Emy para takpan ang tenga ng
batang si Jimmy noon. Hindi rin abot ng kanyang mga kamay ang tenga ng bata
‘pag nasa eskwela ito. Kaya samu’t saring kuwento ang naririnig niya mula sa
kalsada, mga kaklase at ibang kababaryo. “Yung nanay mo ni-rape ng mga
sundalo,” “Anak ka pala ng sundalo!” “Ampon ka, hindi mo tatay si Mang Jacinto,
tatay mo yung sundalo.” Sundalo. Sundalo. Sundalo. Palaging nakakabit ang
sundalo sa lahat ng kuwento. Pero sa kabila ng lahat ng kuwentong sundalo, hindi
siya naniwala at nanatili lang na nakikinig. Hinintay niya ang kanyang paglaki,
ang araw na magiging handa na siya sa kuwentong sundalo ng kanyang ina. Pero
nauna nang namatay ang kanyang ina, bago pa ito makapagkuwento sa kanya. Ang
masaklap pa, dawit na naman ang sundalo sa kuwento ng pagkamatay ng kanyang
ina.
***
Sa kabila ng lahat, hindi nagtanim ng galit si
Jimmy sa kanyang nagsilbing ama. Siguro dahil ang tumana ng kanyang poot at galit
ay napuno at natamnan na ng binhi ng kanyang galit sa mga sundalong pumatay sa
kanyang ina. Kumbaga, hindi napapanahon kung magagalit pa siya kay Mang
Jacinto.
Lalong naunawaan ni Jimmy ang lahat lahat nang
siya ay tumuntong ng kolehiyo. Unang apak pa lang niya sa pamantasan,
sinalubong na siya ng mga kilos protesta. Mga flag na pula at mga plakards na
may panawagang: no to tuition increase, ang unang kumaway sa kanya. At ang mga
leaflet ng mga batang organisador ang una niyang nakilala. Hindi na naging
mahirap para kay Jimmy unawain ang ipinaglalaban ng mga estudyanteng ito. Sa
sobrang pag-intindi niya, naging isa siya sa kanila. Humawak siya ng flag at
plakards at namigay ng leaflet.
Ito na ang panahong “Paglaki mo anak” at
“mauunawaan mo rin ang lahat”, naisip niya. Ito na yung mga panahong alam na
niya na ang mga sundalo ay hindi inimbento para sa kapayapaan. Dumami pa ang
mga kuwentong sundalong nalaman niya. Pero ngayon, may nadagdag na tauhan—ang
mga aktibista. Nakaengkwentro niya ang kuwento ng nawawalang aktibista at
nagtatagong sundalo. Kuwento ng pinahirapan, ginahasa at pinatay na aktibista
at mga sundalong may pakana ng lahat ng ito. Sundalong nagpapanggap na
aktibista at aktibistang kinukulong ng walang sala at marami pang iba. Ang
bawat kuwento ay nagdidilig sa binhi ng kanyang pagkamuhi. Sa bawat nawawala,
pinahihirapan, ginagahasa at pinapatay na kasama ay ang dahan-dahang pag-usbong
nito. Sa bawat buwan at taon na dahan dahan siyang namumulat sa kanyang lipunan
ay siya namang binilis ng paglago ng binhi at ngayon ay isa na itong matayog na
puno. At mula sa isa, ito’y naging dalawa at tatlo hanggang sa naging dosena at
masukal na guabat ng muhi at galit. Nakilala
niya ang mga kauri ng kanyang ina na matagal na ring biktima—at matagal na ring
lumalaban. Hindi na bago kay Jimmy ang lahat. Ilan na ba sa mga kakilala niyang
matatanda sa probinsya ang nakaranas ng panggigipit sa lupa ng mga mayayamang
politiko? Ilang kababata niya na ba ang umakyat sa bundok para sumapi sa
hukbong bayan? Sa bayan naman nila’y hindi una at hindi huli ang karumaldumal
na pagkamatay ng kanyang ina. At alam ng lahat kung sino ang kalaban nila. Hangga’t
hindi niya nakakamit ang hustisya para sa kanyang ina, hinding hindi makakalaya
ang kanyang ina sa nilikhang kagubatan ng kanyang galit.
***
“Sasamahan mo ba ako bukas?” Pareho nilang
binibilang ang mga bus na dumadaan sa kalsada. Katatapos lang maisara ng
karinderya at naghihintay pa ang mangilan-ngilang plato, kutsara’t baso sa
lababo. Kaunti lang ang customer ngayon, palibhasa pasko. Ang lahat ng hapag ng
Santa Teresita ay may bakas pa ng noche buena kagabi.
“Alam mo namang hindi ko buhay ‘yan! Hinding
hindi ko magiging buhay ‘yan!” Tugon ni Mang Jacinto.
“Kung nandito lang sana si Jimmy.” Ito ang
unang pasko ni Jimmy na malayo sa kanyang pamilya. Ito rin ang unang taon niya
bilang estudyante sa UP. Naninibago si Aling Emy, pero hindi si Mang Jacinto.
Pumasok na ito para hugasan ang mga hugasin sa lababo. At nagpatuloy sa pagdaan
ang mga bus.
Sa kama na muling nagtagpo ang mag-asawa.
Pinagdamutan nila ng romansa ang isa’t isa. At yun ang pinakamalamig na gabi ng
Disyembre.
Gusot na ang kabilang panig ng kama. Wala na
si Aling Emy. Napatingala sa kisame si Mang Jacinto at niyakap ang iniwang
gusot ni Aling Emy. At yung ang pinakamalamig na umaga ng Disyembre.
***
Tinanggal ni Jimmy ang lahat ng damit sa loob
ng kanyang bag. Magkahiwalay pa rin ang mga labahan sa hindi pa nagagamit. Muli
niyang binuksan ang kanyang cabinet. Naroon ang mga damit ng kanyang ina.
Nakahiwalay din ang mga labahin sa hindi. Naroon ang ilang mga notes ni Aling
Emy at mga librong tumatalakay sa kasaysayan ng armdong pakikibaka sa bansa.
Ipinatong niya ang kanyang mga damit sa damit ng kanyang ina. Muling nagkasalo
ang kanilang natuyong pawis at gunita. Kung hindi man siya makabalik, may
iiwanan siyang alaala sa kanyang kinilalang ama. Kinuha niya ang ilan sa mga
damit na hindi pa nagamit at masinsing isisnalansan sa loob ng bag.
Sa labas ng kanilang bahay ay dumaan ang prusisyon.
Nasa unahan ang mga sakristan at ang poon. May hawak na kandila ang lahat ng
deboto’t nakikiprusisyon. At nasa dulo naman ang mga tambulero, bastunera at
manunurotot. Kung anong ligalig ng kanilang mga nota kaninang umaga, siya
namang lumanay at sagrado ng sa ngayon. Ang mga bisita’t residente’y muling
tumanghod sa kani-kanilang bakuran, may ilang sumama at nagpatianod sa
prusisyon. Pero hindi natinag ang bahay ni Mang Jacinto. Nanatiling nakatalikod
at nakayukod sa pagdiriwang ng pista ni Santa Teresita.
***
Busog ang lahat ng tao, kinaumagahan ng pista
sa bayan. Maliban na lamang kay Jimmy na nakaimpake na at handa nang lisanin
ang bahay ni Mang Jacinto, ang bayan ng Santa Teresita. ‘Pag labas niya ng
pinto, halos nasa parehong posisyon pa rin si Mang Jacinto. Muling hinihimay
ang isda at isinasaboy sa mga gutom na aso at pusa.
“Kumain ka na muna bago umalis.” Nanatiling
nakatalikod si Mang Jacinto, tulala naman si Jimmy.
“Hindi pa ho ako gutom!” Eksakto namang
kumalam ang sikmura ni Jimmy.
“Sinong niloko mo? Ipinagluto kita ng
almusal!” Muling nagkalasa ang pananalita ni Mang Jacinto, at muli pang kumalam
ang sikmura ni Jimmy. Malinamnam pa ang mga sumunod nitong pahayag.
“Hintayin mo na yung laing, nakasalang na yun.
Dalhan mo yung mga kasamahan ng nanay mo.” At muling nakaamba ang paglaya ng
panlasa ng baryo ni Mang Jacinto.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento