Hindi
mapatid-patid ang pag-usal ng mga dasal ng mga deboto at parokyano.
Kaliwa’t kanan ang pag-usad ng mga kalyadong daliri sa butil ng
rosaryo-- binabagtas ang bawat misteryo .
Napuno
ang dating nilalangaw na kapilya. Naglipana na sa labas ang mga
nagtitinda ng panyong may imahen ng birheng Manaoag, banal na langis,
rosaryo, nobenaryo, t-shirt at iba pang religious item. Ano mang oras
ay nakatakda na ring dumating ang mga taga-Rated K para i-cover ang
pambihirang tagpo.
Nag-iiyakan
ang mga matatandang deboto. Sabi, palatandaan na daw ito na malapit
nang bumalik si Hesu Kristo. Pagsisihan na raw ang mga kasalanan,
magdasal at magbalik loob sa kanya. Umiiyak daw sila para malinis ng
kanilang mga luha ang mga kasalanan ng tao.
Umiiyak
naman ang iba pang parokyano dahil sa hinaba-haba ng panahon, ngayon
lang sila nakasaksi ng himala. Sabi ng ilan, ito na ang natatanging
pagkakataon para gumaling mula sa kapansanan at karamdaman, yumaman,
makapasa sa board at muling makapagsimula at makapagbagong buhay.
Natapos
ang huling litanya at sabay-sabay na winakasan ng amen ang
panalangin. Lumabas ang kura ng parokya mula sa kanyang opisina handa
nang magdiwang ng panibagong misa. May kakaiba siyang taglay na saya.
Nagsasalo ang pawis at nangingilid na luha.
Nagsimula
ang misa. Nagpatuloy sa pagluha ang mga deboto, ang birheng Manaoag
at ang babae sa silong ng opisina –hindi na birhen.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento