Noong bata ba ako, palaging
nagagalit ang tatay ko kapag kaliwang kamay ang ginagamit ko sa paghawak sa
lapis. Ganun din kapag nasa kaliwa ang kutsara kapag kumakain. Galit na galit din siya sa akin kung kaliwang kamay ang ginagamit ko sa pag-aabot sa kanya ng
tsinelas tuwing uuwi siya, kung kaliwang kamay ang ipinapanghawak ko sa Chicken Joy at lollipop.
Kapag naglalakad din sa kalsada bawal akong pumunta sa kaliwa, delikado daw
yun. Lahat na lang ng kaliwa para sa akin noong bata pa ako ay masama at
peligroso. Dumating na sa punto na kapag kaliwang kamay ang ginagamit ko e, palagi akong kinukurot at pinapalo sa kaliwa kong kamay. Nasa kaliwang kamay
ang lapis—palo. Nasa kaliwang kamay ang Chicken Joy, lolli pop at iba pang
pagkain—masakit na masakit na palo. Naaalala ko pa ang sabi ng tatay ko noon,
“kapag nalilito ka kung alin ang kanan at kaliwa, palagi mong iisipin kung alin
ang palaging sumasakit.” Kaya simula noon, kapag naglalakad lakad ako at
nagtatanong ng direksyon, kapag sinabing kumaliwa sa ganung kanto at ganyang
kalsada, palaging sumasakit ang kaliwa kong kamay.
Pero ano nga kaya ang politika ng
kanan at kaliwa. Sa ingles, right and left. Yung right ay nangangahulugan ding
tama. Right guy, nararapat na lalake. Right food, nararapat na pagkain.
Samantalang sa kabilang banda, ang kaliwa naman ay left. Ang iba pang ibig
sabihin, left, naiwan, nang-iwan, iniwanan. Para bang noon pa mang iniimbento
pa lamang ang mga salitang ito ay bugbog sarado na ng kanan ang kaliwa sa lahat
ng aspekto. Dati doon sa poster ko ng dasal na “Angel of God,” may isang batang
nagdadasal at tumatawag sa Panginoon. Nasa kanan niya ang isang maputing anghel
samantalang nasa kaliwa naman ang isang mapulang demonyo.
Nasa panahon at lipunan tayong
ang kanan ang tama at nasa kaliwa naman ang mali. Dahil ba ito sa dami ng taong
kanang kamay ang ginagamit sa pagsusulat, pagkain ng lolli pop at Chicken Joy?
Kapag ba marami na, sila na agad ang tama? At yung mga nasa kaliwa naman ang
mali.
Ilarawan natin ang mundo ng mga
maka-kanan at alamin natin kung tama nga ba ang right?
Tayo ay pinamumunuan ng pangulo
na as usual ay galing sa elististang isang bahagdan ng mamamayan sa Pilipinas.
Siya ay may malawak na lupain, negosyo at mula sa isang clan ng mga politiko.
Miyembro din siya ng partidong naghahari sa senado at kongreso na kung susuriin
ay galing din sa iisang bahagdan ng ating lipunan. Kaya naman lahat ng batas na
ginagawa nila ay mula sa kanila at para sa kanila. Sa pagdating ng araw na
eleksyon, bababa ang pangulo at papalitan ng mula rin sa elitistang hanay. Kaya
hindi totoong mayroong pagbabago sa eleksyon. Para lang tayong nagpalit ng
kulay ng sombrero pero hindi ng utak at lalong hindi ng ulo.
Wala tayong kulturang sariling
atin. Maliban sa ginawang impluwensya ng mga Kastila sa loob ng 333 na taon ay
pinapanatili ng Estados Unidos ang kanilang kumpas sa ating mga pagpapasyang
pangkultura. Binabad nila tayo sa mga paulit-ulit at nakakaurat na mga palabas sa telebisyon.
Panay mga awiting nagtuturong tumakas sa realidad din ang laman ng mga radyo.
Ginagawang mababaw at malabnaw ang mga asignaturang nagtuturo sa mga Pilipinong
magpaka-Pilipino. Nariyan ang bantang pagtanggal sa Filipino bilang asignatura
sa kolehiyo. Siya nga pala hindi na rin kasama ang Kasaysayan ng Pilipinas sa
hayskul. Kaya naman nakakatakot na ang ipoprodyus na kabataan ng susunod na
henerasyon. Mga kabataang lunod na lunod sa kababawan ng mga akda sa Wattpad at
hindi kilala si Sultan Kudarat, Gabriella Silang at Andres Bonifacio. Anong
patunay? E kung noon ngang itinuturo sa hayskul ang Kasaysayan ng Pilipinas ay
hindi na kilala ng mga kabataan ang mga kontra-Amerikanong sina Teodoro
Asedillo at Macario Sacay, ngayon pa kaya.
Sa ekonomiya. Malaking bahagdan
ng kita ng buong bansa ay napupunta sa isang bahagdan ng mga mayayamang uri.
Samantalang tayong mga nasa panggitnang uri ay nananatiling sapat lang para
mabuhay sa isang kinsenas. Makabili ng medyo hi-tech na cellphone at iba pang
gadget. Oras na tamaan ng malubhang karamdaman ang isa sa mga kapamilya tiyak
na magbebenta ng gamit, bahay at lupain. Pero ang higit na nakakapanggalaiti ay ang mga
magsasaka, manggagawang bukid at mangingisda na siyang dahilan kung bakit tayo
may kinakain sa araw-araw ay siya namang walang maihapag na matinong pagkain sa
araw-araw. Yung mga manggagawang dahilan kung bakit may matatayog na gusali sa
kalunsuran ay walang matinong silong na mauuwian. Yung mga OFW na
pinagtutulakan ng ating gobyerno palabas ng ating bansa ay nagiging mabuting
tagapag-alaga ng mga bata at matatanda pero yung sarili mismo nilang kapamilya
ay walang nagbibigay kalinga.
Yan ang estado ng ating lipunan
sa kamay ng mga kanan. Education is RIGHT, pero iniiwan ng ating gobyerno sa
mga butas butas na bulsa ng mga mahihirap nitong mamamayan ang lahat ng
gastusin sa pagpapaaral. Laganap pa rin sa mga State Colleges and Universities ang pagtapyas
sa subsidiya mula sa ating gobyerno. Nakasandal ang ating administrasyon sa PPP
o Public Private Partnership. Ibig sabihin, pianuubaya na tayo ng ating
gobyerno sa sektor ng mga elitistang korporador na walang ibang ginawa kundi
gawing komoditi ang mga basic rights natin, kasama na riyan ang health care,
housing at iba pang batayang pangangailan natin.
Siguro ito na yung tamang panahon
para subukan nating gamit ang mga kaliwa nating kamay para patakbuhin ang
lipunang ito. Panahon na para ang mga nasa kaliwa naman ang masunod. Isang
lipunang higit na dinadakila ang mga pangunahing pwersa—ang mga magsasaka.
Lahat ng yaman ng bansa ay ipamamahagi sa lahat ayon sa kanilang
pangangailangan. Mabilis ang paggulong ng hustisya at kayang papanagutin ang
kung sinong nagkasala na walang kinikilalang antas sa lipunan. Libre ang
edukasyon, ang mga pangangailangang medikal, pabahay at iba pang batayang
pangangailangan.
Kung sisimulan nating ipagkatiwala sa kanila ang lahat ng ito sa maagang yugto, masyado nang matagal ang 2030 para mapasaatin ang magandang kinabukasan. Ano ba ang kayang gawin ng labinlimang taon? katumbas ito ng dalawang pangulo, isang nagbibinata at nagdadalagang indibidwal. Sabi nga ng isang kasama, wala pa tayong nababalitaan na aktibistang nasangkot sa isang karumaldumal na krimen o anomalya, pero ang mga pulis at politiko-- palagi.
Bilang blogger at aktibo sa social media, hinog na ang panahong sinasabi ni Rizal na dadating ang araw na maaabot ng kamay ng kabataan ang mundo. At sana sa pag-abot natin sa mundong ito, kaliwang kamay ang gamitin natin.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento