May
sale daw ng mga ticket pauwi ng Bicol, yung dating 900, magiging 600 na lang.
Isa sa mga natuwa si Mang Hulyo, paano ba naman, matagal na niyang gustong
makauwi sa kaniyang probinsya. Matagal na niyang gustong makita ang kanyang mga
iniwang anak at asawa. Eksakto, sa bisperas ng pasko, magkakasama-sama na sila.
Hindi na siya nagdalawang-isip pa, bibilhin niya ang ticket at susurpresahin
niya ang kanyang mag-iina, yung pinaghirapan niyang isanlibo ay binawasan niya
ng kaunti at namili ng kaunting pasalubong para sa kanyang asawa at mga anak.
Binilhan niya ng kumot na pula at ilang mumurahing bestida ang asawang si Susie
at isang lata naman ng biskwit para sa kanyang tatlong anak.
Nasa
pila na siya, tanghali pa lamang, dala na niya ang lahat ng damit at
kasangkapang pang-constructiong nakakahon sa kanyang kaliwa. Sa kanang kamay
naman ang 600 pisong pamasahe papauwi. May paskil siyang nakita sa may ulunan
ng teller—malabo ito. Hanggang sa palapit siya nang palapit sa unahan ng pila,
at ang dating malabong karatula ay dahan-dahang lumilinaw. At nang siya na ang
susunod sa pila, naging malinaw na malinaw ang kaninang malabong malabong paskil
na karatula: THE PROMO IS UNTIL NOVEMBER 30 ONLY. Muling pinalabo ng luha ang
kanyang paningin. Nalukot ang 600 sa kanyang mga palad, dahan-dahan siyang napatingin
sa lata ng biskwit—at kumalam ang kanyang sikmura.
exchange gift
Kasing
bigat ng mga kahong buhat ng isang musmos sa Divisoria ang loob ni Millete—ayaw
niya kasing sumali sa exchange gift sa klase. Paano ba naman kasi, nung nasa elementary pa lang siya, lahat na
ng kamalasan e nabunot na niya. Nakakuha siya ng mga underwear ng lalake,
tatlong pakete ng lucky me noodles, isang piraso ng lapis at sandamakmak na
kalendaryo, face towel at picture frame. Kaya ipinangako na niya sa kanyang
sarili na hinding hinding hindi na siya sasali sa mga ganitong kabulastugan.
Pero ngayong papasapit ang araw ng kanilang Christmas party, heto siya sa may
bukana ng Divisoria, hawak ang isang pirasong papel na naglalaman ng wishlist
ni Kyle—ang kanyang nabunot, ang kanyang crush simula pa n’ung grade 3. Ang
maputing lalaking iyon ay gustong makatanggap ng sumbrerong pula, o kaya ay
shades na maganda at kwintas na pang gangsta.
Nang
papatawid na siya sa kalsada, eksakto namang biglang naging laman ng fastfood
chain si Kyle—nag-iisa. Sinadya yata ‘to ng kapalaran, naisip nito. Baka
mamimili rin ng ireregalo. “sana ako ang nabunot niya,” dagdag niya pa.
Tinamaan
na siya ng kilig sa katawan. Buo na ang plano—mahirap na siyang mapigilan pa, babatiin
niya ito at sasabayan sa pagkain. Susubukan niyang yayain itong sabay na
mamili. Hindi naman siguro ito tatanggi. Pero nasa kalagitnaan na siya ng
pagtawid sa kalsada nang may dumating itong kasama, isang matangkad na lalake.
May pulang sombrero, shades na maganda at kwintas na pang-gangsta, bitbit ang tray
ng kanilang inorder. Umupo ito at isinubo kay Kyle ang isang piraso ng fries. Natulala
siya sa gitna ng kalsada, at bumusina ang isang jeep may bonus pang mura mula
sa driver. Natauhan siya at nabitawan ang listahan—mukhang lalagnatin siya sa
makalawa.
papel
“Loko-loko
yung isang customer ko pare! Mantakin mo, binayaran ako ng pekeng limandaan.”
Nagsisimula ng usapan ang isang matabang lalake sa isang Chinese restaurant sa
may Quiapo. Nagpatuloy ito, “Pagkahawak ko pa lang sa pera, alam ko peke na yun.
Iba ang gaspang e.” Sumagot naman ang kanyang kumpare, “Astig pare! Puwede ka
palang mag-agent sa NBI e.” Nagpatuloy sila sa kuwentuhan at nagpatuloy din sa
pakikinig ang matandang kahera sa kanyang kaha.
Nauwi sa halakhakan ang usapan ng magkumpare. Nagpapataasan ng ihi, nagpapayabangan kung sino ang mas mahusay na fixer sa cityhall. Sa ilang sandali pa, dumating na ang kanilang order, tig-isang siopao na asado at mainit na mainit pang lomi. Natakam ang dalawa at pansamantalang hindi nagkibuan para pasinayaan ang pagkain. Nang masimot nila ang nailatag na pagkain sa hapag, nagpatuloy sila sa kuwentuhan. “Oras na makita ko ulit yung lalaking ‘yun, ipapalamon ko sa kanya yung limandaan niyang peke.” Nagpatuloy sila sa halakhakan, ngayon nga lang e may kasama ng dighay. Nagpatuloy naman ang matandang kahera sa pakikinig at pagpupunit sa mga resibo at karton ng noodles. Napangiti ito ng dalhin niya ang mga ito sa kusina.
5678
Kinuyog
ang isang lalaking papasakay ng kanyang motorsiklo. Kinuha ang payong nito at
pingapapalo sa kanyang ulo at likod. Galit na galit ang mga tao sa kanya.
Naghahalo ang pawis at dugo nito sa kanyang ulunan at dahan-dahang bumababa sa
kanyang balbas saradong panga at baba. Pati ang pananghalian nitong shawarma ay
hindi nakaligtas, kinuha ito sa kanyang bag at inginudngod sa kanyang mukha.
“Walang
hiya ka! Ang kapal ng mukha mo. Ang taas mo magpatubo!”
“’Yan
ang nararapat sa’yo! Opurtunista!”
“Magdusa
ka! Mapagsamantala kang hayup na bumbay ka!
Nanlaban
ang lalaki at sumigaw sa gitna ng ingay ng taumbayan na kumukuyog sa kanya.
“Ako,
isang arabo, hindi bumbay.”
uhaw
“Obey
your thirst” naalala niya yung nakapaskil sa isang billboard sa EDSA.
Naramdaman niya rin ang bigat ng kanyang sikmura dahil marami siyang nakaing
kanin kanina sa Mang Inasal, sa date nila ni Suzette. Ngayon ay sinisingil siya
ng uhaw. Para bang may nakabarang polar bear sa kanyang lalamunan na kinakailangan
niyang itulak para matunaw sa kanyang sikmura.
Nagkataong
sakto lang ang pera niya para ilibre si Suzette ng isang order ng PM1 at ng
pamasahe papunta. Inabutan niya pa ito ng 200, pandagdag allowance. Pinauwi na
niya ito dahil tumakas lang ito sa kanyang amo. Kinakailangang maunahan ni
Suzette ang kanyang amo sa bahay kundi magkakandaletse-letse ang buhay niya.
Kaya heto siya ngayon, naiwang nag-iisa at nakatayo sa harapan ng MOA—uhaw na
uhaw.
Kung
hindi lang sana nagmamadali si Suzette na makauwi mula sa kanilang date, siguro
nainom pa niya ang hininging tubig sa waiter. Kaya ngayon, hindi niya alam kung
paano, itutulak ang ilang round ng unlimited rice papunta sa kanyang panunaw.
Tinaktak niya ang kanyang wallet, eksakto na lamang ito para makauwi siya sa
shop. Bigla niyang naalala yung sukli kanina sa bus na inilagay niya sa bulsa.
Bente otso. Eksakto. Nabuhayan siya at mabilis na tinungo ang supermarket.
Hanap ng pinakamurang softdrinks in can. Pagkabayad na pagkabayad, tinakbo
naman niya ang bus para makahabol sa pagsasara
ng shop. Tayuan sa bus. Agad niyang binuksan ang Sprite na nabili at mabilis na
nilagok. Naramdaman niya ang lualhati. Sa wakas, kung sa inidorong barado,
nabomba na niya ang bara. Maraming salamat sa Sosa. Maraming salamat sa Sprite.
At wala pang limang minuto ang glorya nang biglang sumakit at nanikip ang
kanyang pantog.
promotor
Kagagaling
lang nila sa hide out. Malinaw na malinaw ang planong nakasiksik sa helmet ng
dalawang rider. Puno na rin ng angas ang kanilang mga leather jacket. Target na
lang ang talagang kulang para sa isa na namang malagim na kuwentong pampolitika.
Ang target nila, si Congressman Teodoro, tumatakbong mayor. At ang kanilang
boss si Gov. Gonzales, ang mahigpit na makakalaban nito sa papalapit na eleksyon.
Pareho nilang plataporma ang pagpapabuti ng kalagayan ng agrikultura sa
probinsya, kaya nga pareho silang nagkakasundo sa market to farm road. Para nga
naman ang mga palay ay mabilis na maisa-kanin at maihapag sa bawat hapag bago
makapananghalian. Pero ilang term na nila ang lumipas, baku-bako pa rin ang mga
daanan. Perwisyo pa rin ito sa mga magsasaka, lalo na kapag umuulan. Kabilang
din dito ang rutang dadaanan ng kongresista na tatahakin din ng dalawang rider. Malinaw sa headlight ng kanilang motor ang
puwesto kung saan babarilin ang target at kung saan dadaan para tumakas. Pero
unti-unti itong nanlabo nang biglang bumuhos ang malakas na malakas na ulan.
“Pare
itabihsjsksmnsnshsjskswmwkm una.” Dahil sa lakas ng ulan, hindi na sila
magkaintindihan sa loob ng kanilang mga helmet.
“Dito
na muna sjshw bwnmwjdbd de,mjsb pare.” Nagpatuloy pa ang lakas ng ulan at ang
kasunod nilang narinig ay ang malakas na ugik ng busina ng kanilang motor at
ang umpugan ng mga metal nito na nagpabale-balentong ito sa hangin at bangin
hanggang sa malugmok ito sa sakahan. Nilamon ng ingay ng buhos ng ulan ang
baryo, hinawi na lamang ito ng isang malakas na wang wang ng Pajerong may
plakang nakapangalan sa gobyerno.
huling
hapunan
Marso
ngayon, Abril naman bukas. Triple ang init kumpara sa kinasanayan niya sa mahabang
panahon. Pero kahit gaano karaming pawis ang pakawalan ng kanyang magaspang na
balat, ginaw na ginaw pa rin si Joel, lalo na at wala siya sa tabi ng kanyang
pamilya. Nanalangin siya, sa isip niya kasama niya si Kristong minsang
nanalangin sa halamanan ng Getsemani. At bago mananghali, tinipon na sila at
ang iba pang desipulong balbas sarado. Nagsama-sama sila sa hapag at nagsalo sa
magagarbong pagkain. Nagwika si Joel, “Itong pananghaliang ito ang ating huling
hapunan.” Nang ibinaba niya ang tinapay at alak, bumukas ang pinto at
nagsipasok ang mga sundalo. Siya pala ang unang isasalang sa pila ng pagdurusa.
bilang pakikiisa sa ‘yong semana
santa.
lucky charm
Nagkukuwentuhan
si Steve at James sa sulok na bahagi ng resto. Madaldal si Steve, matiyagang
nakikinig si James. Sinasamantala nila ang patay na oras ng paghihintay sa
kanilang inoreder para sa tanghalian.
“Pare!
Ang lupit ni Cheska! Ang galing gumiling, panalong panalo.” Lahat naman ng babaeng
naikama na ni Steve ay una niyang ikinukuwento sa kanyang pinakamatalik na
kaibigan. Agresibong agresibong magkuwento itong si Steve, akala mo wala nang
bukas. Halos kopyahin pa kung paano umungol ang iba’t ibang babaeng dumaan sa
kanya, samantalang si James naman ay nakukuntento na lamang sa “talaga pare?,
lupet a.” Palibhasa wala naman siyang ibang maikuwento. Sa sobrang gaslaw
magkuwento ni steve, natabig niya ang kanyang wallet na mabilis namang pinulot
ni James. Aksidente niya itong nabuklat.
“Ano
‘to pre?”
“Condom!
Ngayon ka lang nakakita niyan?” Halos takpan ni James ang iskandalosong
bunganga ni Steve na nililingon na ng mga tao sa resto.
“Pampasuwerte
daw ‘yan sabi ng mga kaklase ko.” Wika ni Steve. At biglang nagring ang
telepono. Isang text msg para kay Steve:
Steve! Buntis ako, 2 months na. :(
Napapalatak
na lang si Steve. “Malas!”
Napapalatak
na lang din si James. “Ang suwerte niya.”
At
dumating kanilang order, isang sisig, kare-kare at ice cream na strawberry
flavor.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento