Ang Pangarap kong Dilaw na Cement Mixer



Ang pangarap kong pagpapakabait ay nasa loob ng laruang cement mixer. Patuloy na ginigiling, hindi natatapos. At hindi na yata talaga matatapos.

Isang Linggo ng pagkabata ko, napadaan kami ni papa sa isang toy section sa Grand Central. Natulala ako sa laruang nakita ko. Hindi ko napansin ang ibang remote control na laruan. Yung mga matchbox na modelo ng iba’t ibang tunay na sasakyan. Yung mga robot at mga action figure ng Power Ranger na kapag pinipindot ang dibdib ay kusang nagpapalit ng ulo. Ang umagaw ng pansin ko ay ang malaking kulay dilaw na cement mixer. Sa laki nito, kakasya siguro sa loob ng mixer nito ang mga laspag laspag ko nang matchbox sa bahay. Kahit ang ilang bahagi nito ay gawa sa bakal, magaan lang ito at kayang kaya ko pang buhatin. At siguradong mas kayang kayang buahtin ni papa at ibato sa dingding ‘pag may ginawa na naman akong kalokohan. Tumigil ang sistema ko nun, napabitaw kay papa at napahalo siya sa karamihan ng mga mall goer. Napanganga ako at lumapit pa nang kaunti para mas makita ang mga features ng laruan. Na-excite ako. Naalala ko yung mga trak na dumadaan sa may C3. Detalyado ang mga features ng tunay na cement mixer dito sa laruang ito. Kopyang kopya yung mga nakikita ko sa buy and sell magazine ni papa.

Sabi ko, ‘pag nagkaroon ako nito, lalagyan ko ng tali tapos hahatakin ko saan man ako magpunta. Naplano ko na kung paano ko siya ipagyayabang sa mga pinsan at iba ko pang kalaro. Baka pwedeng ilagay sa loob ng mixer yung mga buhanging sangkap ni jenny sa lutu-lutuan. Puwede sigurong dun na rin namin haluin ang iba pa niyang sangkap gaya ng dahon, bulaklak ng santan at tubig ulan. Bago ko pa man malapitan ang pangarap kong laruan, isang pingot sa tenga ang nakuha ko. Sinigawan ako ni papa. Sabi niya: sa susunod na pumunta tayo sa mall, itatali na kita sa kamay ko para hindi ka mawala kung saan tayo pupunta.

Lagi namang ganun si papa. Parang krimen ang maglakad ng mabagal. Dapat laging may humahabol na mga alien sa amin. Dapat magkasabay kami ng hakbang. E ang problema lang, ang isang hakbang niya e katumbas ng limang maliliit kong hakbang. Lakad niya, takbo ko.  Kaya naman ang salitang pasyal sa akin noong bata pa ako ay isang nakakapagod na gawain. At sa araw na nakita ko ang pangarap kong laruan, hindi ako nag-aksaya ng panahon para igiit na ang pamamasyal ay para sa aking mga munting hakbang at hindi para sa kanyang mga nagmamadaling biyas. Nagpumiglas ako at bumalik sa hanay ng mga cement mixer. Para akong engineer na bubuo ng isang malaking malaking gusali.

“Ano bang ginagawa mo diyan? Male-late na tayo sa misa. Humanda ka sa akin sa bahay mamaya.”

Patay na. Yung mga linya niyang ganyan ay nangangahulugan na: patay ka na namang bata ka! Palo ka na naman ng sinturon! Kaya naman naisip ko na ilubos-lubos na lang. Kailangang umuwi akong dala ang laruang ito. Para kahit na mapalo pa ako at least may cement mixer na ako. Pigil na yung sigaw ni papa. Iniiwasang pagtinginan kami ng ibang tao. Yun pa naman ang panahon na bagong bagong tatag pa lang ang Bantay Bata 163. Mabilis kong kinuha yung isang cement mixer at niyakap. Lumapit na sa amin ang isa sa mga sales lady. Alanganing nagsusungitat alanganing natutuwa. Para akong hostage taker noon at yung cement mixer ang biktima ko. Tiningnan ako ng sales lady sa mata. Para bang sinasabi niyang: sige pa, bata, umiyak ka pa para makabenta ako. Umaksyon na ang tatay ko. Kinausap niya yung sales lady: Magkano ba ‘to miss? Pansamantalang tumayo ang babae at itinuro ang presyo sa tatay ko: 600. Nanlaki ang mata ng tatay ko. Yung maamo niyang mukha kanina, tuluyan nang umasim. BITAWAN MO NA YAN.UUWI NA TAYO. Patay. Napuno ko na si papa. Alam ko sa ganitong tagpo, kasing tigas na ng nahalong semento ang desisyon niya. Pinakawalan ko na ang laruan at sinauli na ito sa kanyang garahe. Sumama na ako kay papa. Pero bago kami umalis, tumingin siya sa sales lady at nagsabing: miss, pakitabi na lang nito, babalikan ko. Tapos kinausap niya ako, sabi niya: ‘pag nagpakabait ka, bibilhin ko yan. Sinundan niya pa: Tatawag tayo kay mama sa Hong-Kong papabili kita doon, mas marami doon. Mas maganda pa. Ngayong matanda na ako, ngayon ko lang nakuha na ang tinutukoy pala noon ni papa ay ipanghihingi ako ni mama ng mga laruang nalaro na ng mga anak ng amo niya. Kaya naman ang mga bago kong laruan ay hindi naman talaga bago. Parang ukay-ukay.

Wala namang nangyaring paluan sa pag-uwi namin. Siguro tinanggal na yun sa isipan ng tatay ko nung mga guardian angel ko nung magsimba kami. Dalawa lang kasi ang ipinagdasal ko noong buong misa. Una, ‘wag sana akong paluin ni papa pag-uwi namin sa bahay. Pangalawa, sana maging mabait na ako para magkaroon na ako ng laruang cement mixer.

Nung gabing yun, sinumpa kong magiging mabait na ako. Para sa dilaw na cement mixer. Inihanda ko na yung garahe niya sa ilalim ng kama. Tinanggal ko yung itim kong sapatos sa kahon nito. Pag nabili na yung cement mixer, dun ko yun ipaparada.

Tuwing dumadaan kami ng tatay ko sa toy section na yun ng mall,palagi ko itong hinihimas at hinahalikan. Binubulungan ko ito ng: unting tiis na lang, malapit na akong bumait. Inaabangan din yata ng sales lady ang pagiging mabuting bata ko. Siguro isa rin siya sa nananalangin noon ng kabaitan ko. Sa bawat araw na lumilipas, napapansin ko na sa tuwing dumadaan ako ay nababwasan ang mga cement mixer na nakaparada sa istatnte. May mga pumapalit na laruan. May mga ten wheeler truck na, dump truck at pick up truck. Pero para sa akin, the best pa rin ang dilaw na cement mixer. Ewan ko ba, hindi ko naman alam noon kung ano ang kapakinabangan ng trak na yun. Siguro dahil sa kulay nitong dilaw at itim. Masarap sa mata. Parang umaandar na pedestrian crossing. Ang cool. Dagdag pa yung malaki at umiikot na mixer sa likod nito. Parang pagong na gawa sa bakal. Pinaka kakaiba pa dito, umiikot ito habang umaandar. Parang may carousel sa loob nito.

Palagi na akong maagang matulog. Kumakain na ako ng mga gulay (tinitiis ko lang ang pakla). Hindi ko na inaaway yung mga pinsan ko. Nililigpit ko na yung mga laruan ko at inaabot ko na kay papa ang tsinelas niya tuwing nanggagaling siya sa trabaho. Mapapakamot na lang siya ng ulo at hahaplusin ang leeg ko at sasabihing: may lagnat ka ba? Isang maulang sabado ng gabi, umuwi siya at sinabi sa akin: may pasalubong ako sa’yo. YUNG CEMENT MIXER. Nasa isip ko. Nagbunga na rin sa wakas ang pagpapakabuti ko. Hindi ako makapaniwala na sa wakas ay may laruan na akong cement mixer. May maipaparada na ako sa ginawa kong garahe. Tapos dahan-dahan niyang nilabas mula sa bag niya.

Isang nakarolyong malaking papel.
Siyempre hindi ‘to cement mixer.
Napabuntong hininga ako at binuksan ang papel.
ANGEL OF GOD, MY GUARDIAN DEAR…
tapos may isang malaking picture ng batang nagdadasal sa maputing anghel.
Tinapik niya ang balikat ko. Ikabit ko daw sa tabi ng kama ko para tuloy-tuloy na yung pagpapakabait ko.

Sa buong buhay ko, ito yung naaalala kong pinakaunang beses kong magtampo. Binato ko ang lahat ng laruan ko sa lapag. Literal na lumipad ang malaking eroplano, pati ang mga tora-tora ng mga sundalong hapon. Ang mga laruan kong sundalo naman ay nagkalasog-lasog ang buto sa paghagis ko sa kanila. Ang mga lego naman ay parang mga sementong nagkandadurog-durog. Parang war zone ang sahig ng kuwarto namin. Ginulo ko rin ang ayos ng kama. Umiyak ako at nagwala. Hinahanap ko yung cement mixer. Kung totoo man siguro ang mga guardian angel, umiiyak na ito sa tabi ko. At kung totoo man ang mga devil, siguro ito ang mga nasa likod ng pambubuyo sa akin. Pumapasok sa isip ko nun na paano kung mawala na yung cement mixer? Kung maubusan ng stock? Kung masunog yung mall? (na nangyari pagkalipas ng mahigit isang dekada) Umakyat ang tatay ko. Galit na galit. Para siyang si Voltes V, agad niyang hinugot ang ultraelectromagneticbelt para paluin ako. Tumagal ang maaksyong paluan nang kalahating oras. Napuno ang kwarto ng hagulgol ko. Paulit-ulit, sinabi niya: Masama akong bata, suwail at sutil.

Gumuho ang mundo ko. Akala ko mabait na ako. Pero hindi pa pala. Natulog akong masama ang loob. Hindi dahil sa wala akong cement mixer, kundi dahil sa katotohanang hindi pa pala ako mabait na bata. Hindi ako nakakain nung gabing yun. Sitaw pa naman ang ulam.

Hanggang ngayon, naalala ko pa kung gaano kasarap matulog ng bagong iyak. Parang sabay na nakakatulog ang kaluluwa at ang pisikal na katawan. Matutulog kang basa ang unan, minsan libre pa ang sipon. Palatandaan mo na lang yung matigas na bahagi ng unan pagkagising. Nung mga panahong iyon, pakiramdam ko, ako na ang pinakamasamang bata sa buong mundo. Pakiramdam ko, kakampi ko na yung mga monster na kalaban ng Power Rangers at Voltes V.

Linggo ang kinaumagahan. Nagising ako na katabi si papa. Nakaharap siya sa akin at yung kamay niya ay nakapatong sa may beywang ko. Nawala yung bagsik ng kanyang mukha. Medyo marami akong muta nun, kasi nga nakatulog akong basa ang mga mata. Bumalik ako sa pagtulog at paggising ko, wala na siya sa tabi ko. At sa muli kong pagdilat may nakapatong ng bimpo sa noo ko. Sabi niya: o ano? Kumusta ka na? ang init-init mo. Sisimba lang ako, si ninang mo na muna ang bahala sa’yo. Nakatulog ulit ako. At paggising ko nasa tabi ko na siya at ang isang mangkok ng lugaw.

Tatalikod sana ulit ako pero sabi niya: may surpresa ako sa’yo.

Nilabas niya mula sa likod niya yung tatlong laruang jeep, kotse at eroplano. Asul, puti at dilaw. Tig bebente daw ang isa. Tumayo ako at yumuko sa ilalim ng kama. Sakto lang sila sa inihanda kong garahe.

Siyempre naulit pa yung mga paluan. Maraming beses pang naging Voltes V si papa. At ako naman ay makailang ulit pang naging monster na pinaparusahan ng ultraelectromagneticbelt at iba pang special weapon. Maraming beses pang lumuha ang guardian angel ko. Nasira, nawala at naipamigay na yung mga laruan sa paglipas ng panahon. Padalang nang padalang yung umaatikabong paluan. Hindi ko alam kung bumait na ako o baka napagod at nagsawa lang si papa. Hanggang sa ngayon, yung batang ako ay nakasakay pa rin sa cement mixer at hinahalo ang tamang formula sa pagiging mabait. Pero ako, nabuhay sa labas ng toy store, malayo sa Grand Central—hindi bumait pero nagtanda.

Binabalikan ko yung mga picture ko nung bata pa ako. Sagana nga ako sa laruan pero hindi ko talaga maintindihan kung bakit naging ganito kahalaga ang dilaw na cement mixer sa kuwento ng pag-uugali ko. Siguro kung nabilhan man ako nun ni papa, masisira ko rin yun o kaya maiwawala o kaya maipamimigay. Hindi rin siguro sasapat yung paggiling at paghalo na gagawin nito sa buhay ko. Pinanganak yata ako para maging isang matigas at magaspang na semento.

Ngayong matanda at may trabaho na ako, kaya ko nang bumili ng laruang dilaw na cement mixer pero hindi ko alam kung babait pa ako.





(unang tangka sa pagsulat ng sanaysay)
Next PostMas Bagong Post Previous PostMga Lumang Post Home

2 komento:

  1. napakahusay! maganda ang pagkakapanday ng mga salita. naaliw ako at namangha. maraming salamat sa kwento kapanalig ;)

    TumugonBurahin
  2. Ang galing ng kwento.napakahusay.inspirational.salamat nito.

    TumugonBurahin