(Ulat
ng Direktor ng Sangay PLNTK sa taong 2012-13)
Ang rengga ay karaniwang ginagawa ng mga taong walang magawa.
Ito ay isa sa mga naipamana sa ating kulturang pampanitikan ng mga hapon. Ito ay ang aktibidad kung saan, nakalilikha
ng isang tula ang grupo ng mga tao. Para siyang brain storming ng mga ideya.
Para siyang lokohan sa una, pero sa ilan kina-carrer talaga ito. Pero sa huli,
ang rengga ay maihahalintulad sa konsepto ng pagpapatatag ng panitikan sa
Pamantasang Normal ng Pilipinas. Kinakailangang maipasa, maipagpatuloy,
tanggapin at kilalanin ng mga pagpapasahan, tagapagpatuloy at ang mga buong
pusong tataggap. Nagpapasalamat ako kay Kitty Bantayan ng The Warden, sa
pagpapabatid na may ganito palang kalokohang puwedeng gawing seryoso at pagbukalan
ng mga likhang panitikan.
Noong tumatakbo pa lamang ako bilang direktor ng Sangay
PLNTK, marami akong sinabi. Una sabi ko magkakaroon ng opisyal na kalipunan ng
akdang pampanitikan ang mga mag-aaral ng Kagawaran ng Filipino, bubuo ng
patimpalak sa malikhaing pagsulat, bubuhayin ang Omalohokan, gagawing buwanan
ang mga palihan, palalayain ang mga akda, hindi lamang sa pamantasan bagkus sa
mas malawak na lipunang kinasasadlakan ng pamantasan. At sa huli, sabi ko ang
lahat ng ito ay maisasakatuparan sa tulong ng pamunuan at ng mga estudyanteng
manunulat. Masyadong madaling abutin ang Palanca Award kung magtutulong-tulong
sa pag-abot dito. (ngayon ko lang naisip na ipinanganak pala akong may bunganga
ng politiko) Kaya nga siguro, maraming naniwala sa akin at nakalabas ako bilang
opisyal na kabahagi ng pamunuan. At nung tipanan noong Hunyo, sinabi ko, ang
pagpasok sa PLNTK ay hindi isang paanyaya—bagkus ay isang HAMON.
At para sa mga tumugon sa hamon. Inaasahan na hindi
nakukulong sa isang taong panuruan ang pagtalima sa mabigat na responsibilidad ng
pagsulat. Noon kasi, nakukulong sa isang palihan sa isang taon ang pagiging
kasapi ng PLNTK. Yung tipong sapat na na nakadalo ka sa isang palihan para
makonsidera ang pagiging kasapi ng sangay. Sa taong ito, hindi lamang nakulong
ang mga kasapi sa isang palihan bagkus mas pinayabong pa ito sa buwanang
pagtitipon sa unang semestre. Nariyan ang Reklamo, Reklamo 1.5 at ang Kathapora.
Kahiwalay pa ang mga lingguhang pulong na sa pagtataya ay nagging makabuluhang
bahagi naman ng pagsusulat ng mga manunulat na kasapi. Malinaw ang mandato sa
pagpapalaganap ng panitikan at sa lahat ng mga naisagawang pagpapalihan, naniniwala
ako, napagtagumpayan naman. At ang patunay: ang Hordin ni Myla Eusebio, ang
Tutuldok ni Diosa Fe Garcia, ang Buwan ni El Krissa Postrado, Estribong
Tanghalan ni Jolly M. Lugod, Deboto ni Kevin Armingol (patay ka kay Empty Minds
XD) at ang ilang pagtatangka ng ibang kasapi. Kamakailan lang, pinagawa ko ang
mga kasapi ng dagli tungkol sa upuan ng gabi at paggising ko sa umaga, tapos na
nila. May kakaibang atake. Maniwala kayo hindi CLICHE. (baka next year na
mailabas yun) Pero siyempre gaya ng lahat ng bagay, napaka-kapal naman ng mukha
ko kung gagawin kong kredito sa akin ang lahat ng iyon. Siyempre hindi,
naniniwala ako sa kanilang kapasidad, mas mainam sigurong kinulit at ginising
ko lang sila. Ito ang mga lehitimong katibayan ng paglahok sa mga palihan. Ang
aplikasyon ng mga natutunang konsepto sa malikhaing pagsulat.
Kung babalikan ang kasaysayan, ang KADIPAN ay lehitimo naman
talagang organisasyong pangmanunulat at hindi mortal na kasalanan ang pagbalik
natin sa orihinal nitong kaayusan. Sa mga katauhang gaya nina Jaco Tango,
Kristine Salvador at Daniel Avila De Guzman na kapuwa nagpakita ng kahusayan sa
ika-21 Gawad Genoveva Edrioza-Matute, naniniwala akong hindi nawala ang matalas
na panulat ng PLNTK.
Sabi ko nga sa Amorseko, ang gumigising pa lamang ang mga
manunulat ng PLNTK mula sa mahabang mahabang pagkakatulog. At kung maniniwala
tayo sa linyang masamang magbiro sa bagong gising. Matakot na ang lahat sa
bangis ng tintang tinataglay nila. Sana ay samantalahin ng mga bagong manunulat
ang pagkakabuklat ng unang pahina ng kontemporanyong panitikang likha ng mga
nagpapakadalubhasa sa wikang Filipino.
Economical Power is Politcal Power. At diyan nagkulang ang
PLNTK. Hindi natin sinasadyang nagging kabahagi ng Krisis Monetarya ng KADIPAN.
Anu’t ano pa man. Mapalad pa rin tayo na sa kabila ng lahat. Mayroon tayong
Si.Guro, Busal at Amorseko. Pagkatapos ng lahat. Bumababa ang dignidad ng
salapi subalit hindi ng mga kalipunan ng mga akdang pinagsumikapan,
pinagtalunan at pinaghirapan ng mga manunulat at patnugot.
Alam ko sa dinami-rami ng nagawa ko wala pa rin akong nagawa.
At pilitin ko man ang sariling kong dagdagan ang mga araw ng kalendaryo sa
buwan ng Marso, mananatiling imbalido ang ilan sa mga pinapangarap ko. Sana
hindi matabunan ng mga personal kong kamalian ang dakilang layunin ng
pagpapayabong ng panitikan. Naging tao muna ako bago naging direktor. Naging
ako lang si ako. Sapat na yun. Handa akong makipagtulungan sa susunod na
direktor kung sakaling hihingin ang aking ayuda. Wala akong karampot na
karapatang ipagkait ang kahit na anong kaalamang tinaglay, tinataglay at
tataglayin ko. Maging bukas sa maraming pagbabago. Harapin ang mga tunggalian. At
kung tatanungin ako kung ano ang bagay na hahanap-hanapin ko paglabas ko ng
pamantasan. Ito yun, ang pagiging direktor ng sangay PLNTK. Nananalig ako na
nasa mabuting kamay ang mga manunulat dahil dalawa pa naman ang kamay ni Prop.
Joel Costa Malabanan.
Salamat sa mga naging katuwang sa pagpapalwak ng panitikan. Mula
kay Anna Fallorina, Nanay Rai Perdigon at Mariel Gidalanga hanggang sa mga weirdong sina Patricia
Gertrude Reyes, Dina Relojo, Ethel Diana Jordan at Gizelle Tagle, kay Erol Gumogda, Jaco B. Tango
at Mark Rommeld Santos at siyempre kay Diosa Fe Garcia.
Gayundin kay Pat Villafuerte at Joel Costa Malabanan.
Sa mga naging instruktor ng mga palihan, Andang Juan, Pia
Montalban, Terrie Padin, Jonathan Vergara Geronimo, Wilmor Pacay III at Mark Angeles.
At sa mga naging kabahagi ng Amorseko, Carlo Romero,
Donnadette S.G. Belza, Andrew Bonifacio Clete at Prop. Genaro Gojo Cruz.
Muli’t muli. Hindi na ako makapaghintay kung anong klaseng
halaman ang naitanim namin sa taong ito. Nagpapatuloy ang hamon mga kasama. At
kung Rengga nga ito, kayo naman...
emmanuel t. barrameda
manunulat
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento