oyayi

Kung may buhay pa ang mga tilapia’t bangus, malamang gininaw na ito sa pagtatanggal ni Kath ng lahat ng kanilang laman. Inihihiwalay niya ang mga ito sa tinik at inilalagay sa plato samantalang ang mga matitirang ulo at tinik naman ay iniitsa niya sa batya kasama ang mga thumbtacks, talahib, tangkay ng rosas, tinik ng makahiya at amorseko.
“Kath, paabot na niyang batya” nasa kwarto naman si Jerick at tuluyang pinarurupok ang pundasyon ng kanilang kama. Inilagay niya na dito ang mga makalawang na alambre at barbed wire. Iniabot sa kanya ni Kath ang batsa tsaka ibinuhos at itinaktak lahat sa kama. Ipinagpatuloy ni Jerick ang pagpapako ng plywood sa bintana. Nagpupumilit na pumasok ang liwanag pero hindi niya ito pinapaalpas. Lumapit sa kanya si Kath abot ang isang baso ng tubig at isang tableta.
“Hon, ito na ang huling tableta. Kung hindi ko kayanin, ipaghele mo na lang ako at hihintayin kita dun.” Nagayakap sila habang naninilip ang liwanag ng araw.

***

Pumanaw na ang batikang broadcaster at komentaristang si Ted Failon
kaninang madaling araw. Dagdag na lamang siya sa mahabang listahan ng
mga namamatay dahil sa Sweet Dreams Virus. Kamakailan lamang nang
maunang pumanaw sina Jojo Alejar, Camille Pratts at Andrew E. Patuloy na
pinapapaalalahanan ng DOH ang…

Pinatay na ni Jerick ang portable AM radaio nila sa gitna ng mesa. Katabi nito ang botelya ng wake up pills at ang tasa nilang mag-asawa na may umuusok pa ring kape.

“Bakit yung mga sikat lang ang ibinabalita nila?” sabay higop ng kape ni Kath at nagpatuloy, “ilan na ba talaga ang totoong bilang ng namamatay… ng mga pinapatay nila?” Muling higop sa tasa ng kape.

“Mag-iisang taon na rin pala tayong kasal.” Sinamantala ni Jerick ang paghigop ng kape ng asawa habang nakatitig sa wedding picture nilang nakasabit sa ding-ding. Halos lahat ay binilugan na nila ng marker sa ulo. Alam niya kasing kung hindi siya sisingit malamang hindi na siya makakapagsalita sa maghapon.

“At mag-iisang taon na rin ang punyetang Sweet Dreams Virus na ‘yan at mag-iisang taon na rin tayong walang tulog.” May paraan si Kath para pag-usapan ang mga bagay na gusto niyang pag-usapan—ng hindi sinasadya. Dalawa lang ang mapagpipilian ni Jerick, tatahimik siya o sasakyan niya na lang ang mga sinasabi ng kanyang asawa. Sa isipan niya tumatakbo ang mga salita—ang mga salitang gusto niyang pakawalan sa kanyang bibig. Kung siya lang ang masusunod, sa ganitong usapan niya sana ipapanganak ang mga salita:

            J: Kath bigyan mo na ako ng anak gaya ng pinapangarap natin.
            K: (kikiligin) Pilitin mo muna ako. Dali. (sabay kurot sa pisngi ng asawa)
J: Dali na! Andyan na ako o. (palalakarin ang hinlalato at hintuturo
    hanggang sa marating ang kanyang bisig at balikat)
K: (mas kikiligin at kukunin ang kamay nito at hahatakin papunta sa
    kanilang kwarto)

Pero hindi e. Patay siya ‘pag isinilang niya yung mga salitang iyon sa panahong ito. Sakaling masubukan niya man, malamang sa ganito mauuwi ang takbo ng usapan.

J: Kath bigyan mo na ako ng anak gaya ng pinapangarap natin.
K: Ano? Para mamatay din kaagad? Magiging pabigat lang ang batang ‘yan    
    sa sitwasyon natin.
J: Pero…
K: Pero ano? Tingnan mo nga ang lipunan natin ngayon, ‘wag ka ngang
    insenstibo.

Sa pagkakataong ito, pinili na lamang ni Jerick ang lamunin ng katahimikan. Hinayaan niya na lang na ang pagdampi ng kanyang kutsarita sa bibig ng tasa habang hinahalo ang kape ang magpapalaya ng mga salitang nabubulok sa kanyang isipan. Pinipilit niyang halukayin ang mga dumikit na creamer at asukal sa sahig ng tasa—para hanapin ang nawawalang tamis—ng kanyang kape.

NAGLILIPARAN ANG MGA KAMA mula sa mga motel at hotel. Nagbagsakan ang mga ito sa kahabaan ng EDSA kasama ang iba pang mga kagamitan na may kinalaman sa pagtulog. Ito ay bilang paggunita sa daang libong naging biktima ng Goodnight Valentino. Ito ang araw kung kalian nagsimulang lumaganap ang Sweet Dreams Virus na isang airbourne virus na pumapatay sa mga natutulog na tao. Halos kapareha ang teknolohiyang taglay nito sa WI-FI. Ang kaibahan nga lang, mas malawak ito dahil mismong satellite ng NASA ang ginagamit upang ito’y mapagana. Daang libong magnobyo’t magnobya, mag-asawa at magkabit na nagdiriwang ng araw ng mga puso ang una nitong pinatay. Ang mga motel at hotel ay nagsilbing morge sa umagang ang lahat ng puso’y naghahabol sa mga nawawalang pintig nito.
Ang lahat ng kama, katre, kutson, kumot at unan ay kinakaladkad ng mga galit na galit na raliyista sa kahabaan ng EDSA. Kinatagpo nila ang ibang kasama sa may Quezon Avenue na nanggaling sa Fabella Hospital. Kinaladkad naman ng mga ito ang mga kuna at maternity bed na simbolikal na pagluluksa sa libo-libong bilang ng mga sanggol at buntis na pinatay din ng epidemya. Napuno ng tao ang mga lansangan papunta sa may Eliptical Road kung saan nakatirik ang sentro ng kapangyarihan ng bansa. Ang dating Quezon City Circle ay naging Good Morning Palace na. Dito na naninirahan ang mga mayayamang pamilya at politiko, matataas na opisyal ng militar, kapulisan at simbahan at ang kasalukuyang pangulong si German Moreno IV.
Ang Sweet Dreams Virus ang tanging naisip ng pamahalaan na paraan para suplungin ang nagwawalang sambayanan at nag-aaklas na puwersa ng mga grupong kumubkob sa kapangyarihang nasa kabisera ng bansa. At mukhang mainam naman ang virus sa pagpapatahimik sa mga ito. Napasakamay ng mga sosyalista ang Malacanang pero hindi ang kapangyarihan. Gising na gising na ang taumbayan—literal na gising.

“Hon, dalhin natin ang kama natin diyan!” Nasa sala ang mag-asawa at nginunguso ni Jerick ang mahigit limang palapag ng pinagpatong-patong na sinusunog na kama ng mga raliyista. Umupo si Kath sa tabi niya at iniabot ang energy drink na nakalagay sa malaking bote ng softdrinks.
“Bata pa lang ako, kasama ko na ang kamang iyan e. Diyan ako pinanganak ni mama.” Sa loob ng isang taon, ito ‘ata ang pinakaunang pumpon ng mga malalambot na salitang pinakawalan niya. Hindi nagsalita si Jerick, hinintay niya dahil baka may kasunod pa. Katahimikan. Tungga ng energy drink. Nangati ang dila ni Jerick.
“…tsaka diyan mo rin isisilang ang magiging anak natin.” Katahimikan. Buntong hininga. Tungga ng Energy Drink. Tumingin sa kanya ang asawa.
“O bakit?” naghihintay pa rin ng sagot si Jerick.
“Tatlo na lang ang tableta.” At ininom nila ang huling dalawa.


3:35 am
            Kasasalang lang ni Jerick ng CD ng Metallica at Drowning Pool. Isinagad niya ang volume hanggang sa manginig ang mga picture frame at figurine sa may ibabaw ng istante. Maging ang mundo ng kanilang goldfish sa aquarium ay nagulo rin ang kaayusan. Nagring ang telepono, tumigil muna si Kath sa pagte-threadmill.

“Hello.” May umiiyak sa kabilang linya. Ang kanyang ina. Hindi maikulong sa mga salita ang ungol at hagulgol nito.
“hello mama!” nilapitan siya ng kanyang asawa.
“Nak! Patay na si Jun.” Sa wakas natahi rin ang salita sa kabilang linya na siya namang pumupunit sa puso ni Kath ngayon.
“Sabi ko naman iwasan niya na maglaro ng husto para hindi na siya makatulog e.” Nanginginig ang boses ni Kath habang pinipilit siyang kalmahin ng haplos sa likod ng kanyang asawa.
“Hindi, Nalason siya sa kinain niya kanina.” Humina ang hagulgol ng kanyang ina.
“HUH! PAANO NANGYARI YUN?”
“nalas-----on siy—a” mas humina ang boses sa kabilang linya.
“Hello nay! Hello! Hellooooooo!” Sumasabay sa igik ng gitara ng banda ang tining ng boses niya.
“…”
“Nay. Naaaaaay!” Sumuko ang boses ni Jerick sa pagtawag sa ina. Nagsukli naman ang kabilang linya ng sambitla ng katahimikan at malakas na hilik mula sa huling gumamit ng telepono. Abunado ng luha ang mga mata ni Kath, at nag-ambag ng kalinga ang dibdib ng kanyang asawa. Pabulong ang lahat ng hinaing ni Kath. Nilalamon ng mga distorted na power chords ng gitara at hampas sa drums at cymbals ang lahat ng kumakawalang hagulgol niya. Kinupkop ng balikat ni Jerick ang lahat ng nararamdaman ng asawa. Hanggang sa matutong sumuko ang mata ni Kath sa pagluha. Pansamantalang nagsara ang langit matapos ang malakas na buhos ng ulan. Papatulog na si Kath ng mapansin siya ng asawa kaya mabilis nitong pinalipad ang kamao sa kanyang pisngi.
“GISING!” Naalimpungatan ito at bumalik sa pagte-threadmill habang hinihimas ang naitanim na pasa ng suntok ng mister.

Kape ulit sa umaga. Sa kanilang lamesa. Hawak ni Kath ang wedding picture na nakakwadro sa kaliwang kamay at ang tasa ng kape sa kaliwa. Binitawan niya ang tasa ng kape makalipas ang tatlong higop. Dinampot niya ang marker at binilugan ang ulo ng ring bearer at ng kanyang ina. Mugto pa rin ang mga mata nito sa magdamagang pag-iyak. Magsasalita na sana si Jerick nang biglang kumalembang ang kampana sa kalapit na simbahan. Kasunod nito ang wang-wang ng rumorondang sasakyan ng mga raliyista.

Mga kasama, ito na po ang huling bugso ng hindi makataong
Sweet Dreams Virus na iniregalo sa atin ng rehimeng Moreno.
Pero ‘wag tayo magiging kampante dahil tiyak na marami pa silang
gagawing kaparaanan para hindi mabitawan ang kapangyarihan.
Gaya na lamang mamaya kung saan magpapakalat ang Good Morning
Palace ng mga ambulansya, police mobile at fire trucks. Lubha pong
mapanganib ang sirena ng mga ito dahil mas triple ang epekto nito
kumpara sa Sweet Dreams Virus. Kaya hangga’t maaga gawin
nating sound proof ang ating mga kabahayan.

At nagpatuloy ang pag-aanunsyo sa ibang kalsada ng rumorondang sasakyan
ng mga raliyista maging ang pagkalembang ng kampana ng simbahan.

            Nagdedemo si Kuya Kim ng mga tips kung paano iwasang makatulog ng inilipat ni Kath ang channel ng TV. Sumasayaw ang mga dancer na may malalalim na eye bag. Lipat. Puro replay na lang ang mga palabas sa TV maliban sa balita. Wala na kasing mga game show at kung mayroon man baka wala ng sumali. Ubos na rin ang player ng PBA at kung mayroon man baka wala na ring mga fans na sumugod sa Araneta. Sa panahon kasi ngayon, wala nang gwapo o magandang artista. Kung hindi tumataba ng husto dahil sa stress e pumapayat ng husto dahil sa walang panahon para matulog. Lipat. Lipat. Lipat. Biglang umere si Pangulong German Moreno IV mula sa Good Morning Palace. Lipat. Mukha niya pa rin. Lipat. Siya pa rin. Papatayin niya na sana ang TV pero pinigilan siya ng asawa.

            “Baka mahalaga.” Umupo ito sa tabi niya sabay abot ng tasa ng kape.

            Magandang tanghali Pilipinas. Walang… (bigla niyang itututok ang
            mikropono sa kanyang mga gabineteng nasa likuran niya) TULUGAAAAAN.

Nakapajama ang pangulo at hinihimashimas ang kanyang unang korteng puso. Makikita sa kanyang likuran ang malalawak at malalambot na kama. Nakapantulog din ang kanyang mga gabinete at kasalukuyang umiinat at nagtatanggal ng muta.

Ngayong araw matatapos ang inyong kalbaryo mga kababayan ko.
Matapos ang matinding pagsubok ng katapat sa pagiging Filipino mamayang
gabi, magiging bahagi kayo ng itatatag na bagong republika. Sa ganap na
ika-12 ng umaga hihinto ang Sweet Dreams Virus. Kung sino man
ang mga makatutulog bago ang oras na iyon ay mananatiling biktima
at ang mga taong mananatiling gising ay patutuligin sa loob ng siyam
na buwan. Tuloy-tuloy. Kung saan gigising kayo sa isang bagong Pilipinas.
Sa isang lipunang mahimbing na natutulog ang mga suliranin.
Magandang tanghali.
Walang…(muli niyang itututok ang mikropono sa kanyang mga gabineteng nasa likuran niya) TULUGAAAAAN.

At muling nagturo ng tips si Kuya Kim. Pinatay na ni Jerick ang TV pero nakapako pa rin dun ang mga mata ni Kath. Nasa isip niya ang mga salitang binitiwan ng pangulo. Gigising-Bago-Pilipinas. Paulit-ulit itong naglaro sa kanyang isipan habang nakatitig sa blangkong TV.

“Siyam na buwan. Siyam na buwan pa hon, makakapagsimula na tayo.” Papatayo na sana sa upuan si Jerick ng bigla itong sambitin ng kanyang asawa. Nagtagpo ang kanilang mga labing pinakulubot ng tamis at pakla ng kape. Ang mga dilang manhid na sa paso sa init nito. Ang mga laway na alangang panis at alangang sariwa. Matapos ang kanilang kasal, ito na yata ang pinakamatamis na halik. Napatid lamang ito sa muling pagkalembang ng kampana.
“Kaya natin ‘to.” Humigop ng kape si Jerick at Kath.
“Pagkatapos mo ayusin ang bintana at pinto, sirain mo ang kama at magpahinga ka. Dahil mamayang gabi, muli nating sisirain ang kama. Hon, dugo ang panlaban sa awit ng ibong adarna. Ikakasal tayo sa araw na ito.”

Naging abala ang dalawa. Si Jerick sa pagpukpok ng plywood sa bintana at pagpaparupok sa katre. Si Kath naman sa paghihimay ng mga isda at paghihiwalay sa mga tinik. Naihanda na rin ang mga makalawang na alambre at barbed wire at iba pang matutulis nabagay at inilatag sa kanilang kama. Plinantsa na ni Kath ang barong tagalog ng asawa at ang kanyang trahe de boda.

 Nung nakaraang taon, suot din nila ang parehong trahe de boda at barong tagalog. Isang taon lang ang lumipas pero hindi ito ang bilang na sinasabi ng mugto ng kanilang mga mata, ng kulubot sa kanilang pisngi at bagsak ng kanilang katawan. Pinatanda sila ng isang dekada ng isang taong walang tulog. Isinalang na ni Jerick ang CD ng Metallica sa todong volume. Si Kath naman ay abala sa paglalatag ng mga talulot ng rosas sa kanilang higaan. Isang taong hinintay ni Jerick ang araw na ito. Handa na siya—sila.

Umuugong na ang sirena sa ika-labing isa ng gabi. At tinutunton ang maliliit na barangay sa Maynila at kalapit na lalawigan. Huminto ang isang ambulansya sa mismong tapat ng bahay nila at sa isang iglap ang gising na diwa nila ay unti-unting ninakaw ng sirena. Mabilis silang nagkulong sa kwarto at kahit paano nabawasan ang kanilang antok. Nagpupumilit na tumagos ang ingay ng sirena sa mga siwang ng pinto at dingding. Yakap nila ang isa’t isa habang nakatakip ang kanilang mga kamay sa tenga. Nang mapansin ni Jerick na napapapikit na ang kanyang asawa agad niya itong itinulak sa kama. Bumaon ang mga talim sa likod nito. Agad na naging pula ang puting trahe de boda at kumalat ang dugo sa kama. Winasak ni Jerick ang harapang bahagi nito. Nailantad ang dibdib ni Kath. Naglapat ang kanilang mga labi. Idiniin ni Jerick ang asawa at mas bumaon ang tinik ng isda at rosas sa kanyang likod. Binagtas ng kanyang dila ang tenga hanggang sa dibdib ni Kath hanggang sa matunton ang dalawang tugatog nito. Lumalakas ang ugong ng sirena at nag-iimbita ng pagtulog. Iniangat ni Jerick ang katawan ng asawa at muling ihinagis sa kama. Muling bumaon ang mga tinik. Maging ang mga alambre at barbed wire ay umikit ng sariling marka nito sa katawan ni Kath. Iniangat ni Jerick ang trahe de boda ni Kath at hinawi ang panty sa ilalim nito. Ang unang pagsasalo ng kanilang pag-aari ay nagdulot ng masaganang dugo. Sumayaw sila sa ritmo ng sirena ng ambulansya. Tuwing lumalakas ang udyok ng pagtulog ay paulit-ulit na binabalibag ni Jerick ang asawa. Naglalawa na ang dugo sa kanilang kama halos palutangin ang mga talulot ng rosas. Matapos ang ilang itsa at baon, nanatili ang antok ni Kath. Isinaksak ni Jerick ang plantsa at nang uminit na ito’y inilapat sa pagitan ng suso ng asawa. Nag-iwan ng marka ang init nito. Napasigaw si Kath at animo’y biniyayaan ng panibagong kaluluwa. Hinatak niya ang asawa at ipinailalim sa kanya. Sa likod naman ni Jerick bumaon ang mga tinik na may dugo pa ni Kath. Tuluyan niyang hinubad ang kanyang panty at trahe de boda at saka siya umindayog sa ibabaw ng asawa. Limang minuto pa at matatapos na ang sumpa. Kumawala ang naipon na katas ni Jerick sa sinapupunan ng kanyang asawa. Iniwan silang hinihingal ng kanilang unang pagniniig. Napasandal si Kath sa kanyang asawang hinahabol ang hininga at nakatitig sa kisame.
Limang minuto matapos ang alas dose. Tumigil na ang sirena. Nakatitig pa rin si Jerick sa kisame. Tumayo si Kath sa pagkakakandong sa ibabaw ng asawa at bumulwak ang masaganang katas at dugo. Humiga siya sa tabi ng asawa, mahapdi pa rin ang mga mababaw at malalalim na sugat niya. Maging ang kanyang ari ay may pambihirang sakit na ipinapadama.
“Nagawa natin.” Hinihiwalay ng hingal ang bawat salitang inilalabas niya. Katahimikan. Naghihintay ng sagot si Kath o ng yakap o ng halik mula kay Jerick. Hindi sumasagot ang asawa. Katahimikan. “Sa dami ng nailabas mo natitiyak ko buo na ang una nating anak.” Mangiyak-ngiyak ang kanyang pagngiti at sabay yakap sa asawa. “Siyam na buwan pa at tatay ka na at pamilya na tayo.” Katahimikan.
“Jerick…”
“…”
Nagwala ang luha ni Kath nang marinig na humihilik ang asawa. Hinampas nito ang dibdib ng asawa na parang malalakas na kalabog sa pinto. Pero walang Jerick na sumasagot. Kinuha niya ang mainit na plantsa at inilapat sa dibdib nito. Namula at namrka lamang ito sa balat pero walang Jerick na sumigaw, walan g Jerick na nasaktan.
“Hon! ‘Wag mo akong iwan…” Sumuko na si Kath at ipinikit na lamang ang mata ng asawang nakatitig sa kisame. Ihinele niya ang kanyang asawa. Walang tamang tonong magpapatulog sa kanyang natutulog nang asawa pero may tamang haplos ng pagmamahal sa pisngi nito at may tamang kalungkutan ang dampi ng labi nito sa labi ng asawa. Muling bumukas ang langit ni Kath at muling umulan ng luha. Sa pagsasara ng langit, kasabay nito ang mga impit na pagsusumamo na sana magkita sila sa kanyang panaginip. Nakatulog siyang yakap ang asawa.
Isisilang ang bagong lipunan matapos ang siyam na buwan kasabay ng paggising niya—nilang mga natirang gising.



Next PostMas Bagong Post Previous PostMga Lumang Post Home

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento