HIMALA (sa kung ilang araw ng Marsong napunit sa aking talaarawan)



Sabi ni Nora: Walang himala!
Sabi ko: Meron!



Isang Araw ng Marso
(tapos… pagtatapos)


Malapit na ang pagtatapos. Abala na ako sa paghahanda ng mga papeles para sa aking pagtatapos. Yung mga portfolio, journal, written report at iba pang requirements ay kailangan na ring matapos para sa araw ng pagtatapos. May babayaran pang grad pic, grad fee at year book—lahat ay para sa hindi matapos-tapos na paghahanda para sa pagtatapos.

Pinili kong mag-isang harapin ang lahat.

Yung mga kaklase ko kasi ay abala sa kani-kanilang pagtatapos. Yung mga magulang ko naman ay may iba ring tinatapos. At ang aking karelasyon—ay magdidiwang na ng kanyang kaarawan sa katapusan. Kaya kailangan ko na ring maihanda ang surpresa ko sa kanya kasabay ng mga requirement sa pagtatapos.

Naisip ko, labing walong tula para sa kanyang ikalabingwalong taon. Kailangang siya ang maging pinakamasayang babae sa planeta, sabi ko. Pero hindi ako narinig ng buong mundo, dahil abala ang lahat sa kani-kanilang pagtatapos.

Isang Sabado, matapos ang isang sesyon sa tula ng mga makata. Dahan-dahang nagsialisan ang mga manunulat na kerubin at anghel. Naroong natira ang isang Himala.

Hindi ko na maalala kung siya ba o ako ang nagprisinta. Siya ba o ako ang nag-aya? Siya ba o ako ang unang nag-alok? Basta nagkasundo kaming tutulungan niya ako sa paghahanda ng surpresa. At nakita ko na lang ang sariling tinatapos ang pagkain ng adobo sa ikalawang palapag ng SM kasama ang Himala. Masarap. Lalo na yung bahaging may taba. Kahit delikado, masarap lang talaga. Tapos… Tapos na!


Isang araw uli ng Marso.
(ok… di ako ok.)

Nakaset na ang lahat. Yung tarp, ok na. Yung mga kopya ng tula, ok na rin. Yung mga kaklase niyang babasa ng tula, ok na rin. Lahat lahat ay ok na. Handang handa na. Kasama ko siyang nagmamasid mula sa malayo. Sabi ko, ang cue ay kapag napiringan na nila ang mga mata ng karelasyon ko, tsaka kami papasok. At dun magsisimula ang pagbabasa ng mga tula.

At ok na nga. Napiringan na. Nabasa na ang mga tula. Nairaos na ang surpresa. Nagpaalam siya sa akin. Napangiti ako, sabi ko salamat. Ngumiti naman siya at nagsabing mauuna na siya. May kung anong meron sa pamamaalam niya na hindi ko maunawaan. Baka kako naninibago lang ako na maghihiwalay kami ng landas na walang bahid ng sebo ng adobo sa aking bibig.

Masaya naman ako. pero parang may kulang.

Naalala ko, nung binabasa  na ang mga akda, mas nakatingin ako sa kanya kaysa sa karelasyon ko. Bawat ngiti niya ay parang paulit-ulit niyang sinasabing, “sabi sa’yo, magiging ok ‘to e.” Tapos ako naman ay makakahinga na nang maluwag.

Tinapos namin ng aking karelasyon ang araw sa loob ng parehong restawran sa kaparehong palapag at kaparehong mall, sa kaparehong upuan.

Kumain ulit ako ng adobo—pero hindi ito makagat ng panlasa ko. Nag-aalsa, may kulang daw sa araw ko. Sabi ko sa sarili ko, ok lang ako. Pero sumagot ito, ‘yun ang akala mo.



Isa Uling Araw ng Marso
(mayroong meron sa wala)


Hindi ko maalala kung sino sa amin ang unang humawak sa kamay ng isa’t isa o kung ako nga ba ang unang humalik sa kanyang mga labi o siya sa akin. Ang alam ko lang ay tumugon siya lahat.  

            Isla ang ‘yong nunal
            Pahingahan ng napapagal
            Nais kong diyan na manahan
            Nang di na tayo magtago kaninoman

Bahagi ng tulang binasa ko sa kanya nang wala siyang piring sa mga mata. Binabantayan kami ng mga tala noon sa kaulapan ng Intramuros, na nangakong sesenyasan kami sa oras na may sumalakay na kakilala.

Makailang ulit akong ngumiti at makailang ulit niya rin akong tinanong kung bakit. Sabi ko wala, sabi niya, sa mga walang ‘yan ay palaging meron. Ngiti ang tugon sa ngiti. At alam naming itong saglit lang na ito ang mayroon kami. Maliban dito ay wala na. Lalabas kami sa makakapal na dingding ng Intramuros na hindi magkakilala. Ni walang batian o kung anong kalabitan.

Naghiwalay kami ng landas sa hudyat ng mga tala. Sumakay siya ng dyip papuntang MCU at ako nama’y naghahanap ng barko papunta sana sa islang kami lang ang nakakaalam.



Isa na Namang Araw ng Marso
(tagpuang hiwalayan)

Sa pagkakakilala ko sa kanya noon, mabilis siyang mag-imbento ng tulog. At hindi nga ako nagkamali. At sa hapong iyon, balikat ko ang kanyang laboratoryo. Nakaupo kami sa isa sa mga bench sa UP. Maraming nagdya-jogging sa paligid pero mas marami ang tumatakbo sa utak ko. Hanggang kailan ba ’to? Hanggang saan? May bukas pa bang naghihintay? Kung meron, anong meron bukas? At sa makalawa? At sa makalawa pa ulit?

Ayoko siyang gisingin, pero kumawala ang mga fireworks sa kalangitan na siyang umalarma sa kanya. Aksaya ng oras kung aalamin ko pa kung pawis ba o laway niya ang nag-iwan ng marka sa balikat ko.  Ngumiti siya sa akin at sabi niya, game na. Pero sabi ko, tapos na. Nagpapatuloy ang pagsirit ng mga fireworks pataas samantalang ang kanyang mga luha naman ay nagsimulang magrapelling pababa.

Sana sinabi mo nang maaga, para hindi na ako natulog, sabi niya. Sa isip ko, kung ako lang ang masusunod, pinili kong hindi ka na lang magising. Kahit sa balikat ko na lang ikaw manirahan, ok lang. Pero kailangan kong mamili. Hindi sa kanilang dalawa kundi sa kung alin ang mas makabubuti para sa kanilang dalawa. At sa mga pagkakataon na yun, pinili kong maging maayos kaysa sa maging masaya.

Halos sabay na naubos ang fireworks sa kalangitan at ang luha sa kanyang mga mata. Muli siyang sumakay sa dyip pa-MCU at ako naman sa bus, pabalik sa realidad.


Isang Araw ng Marso
(nagsisimula sa pagtatapos)

Bumalik na ako sa pagtatapos ng mga papeles para makapagtapos. At makalipas lang ang ilang araw ng Marso, wala na akong relasyong binalikan. Para akong batang may hawak na lobo sa magkabilang kamay at sabi ng mundo bitawan ko raw yung kaliwa. At dahil tanga ako sa usapin ng mga kanan at kaliwa, nabitiwan ko ang kanan at nang mapalaya ko ang kaliwa, tuluyan nang tumakas ang kanan.

Malamig na pasilyo na ang dating maiingay na tambayan sa eskwela. Siguro nga malapit nang magbakasyon kaya isa isa nang lumilipad palayo ang mga estudyante. Ilang araw pa ay magtatapos na rin ako. Pero alam ko, magsisimula pa lang ang maraming bagay sa pagtatapos ng pagtatapos.

Nakatingin ako sa mga pagitan sa mga upuan. Sa mga bitak sa sahig at  sa kumikindat na cursor sa cellphone ko. Oo, naisip ko. Kailangan ko nga yata ng space. Ilang taon pa siguro ang bibilangin bago maging kalmado ang ilang araw ng Marso. At kung totoo nga  ang Diyos, naniniwala ako na minsan pa ay dadating muli ang milagro sa buhay ko nang hindi ko inaasahan. Sa mga pagkakataong iyon, sana nakabili na ako ng ticket ng barko para sa aming dalawa.






Next PostMas Bagong Post Previous PostMga Lumang Post Home

1 komento: