Ang Alamat ng Kutsilyong Hindi Maibenta benta





(ang mahabang kuwento ng maikiling kuwento ng Sir. Ma’am. Sir)

Minsan sinabi ni Genoveva Edroza Matute na ang pagsususlat niya ng kanyang mga tauhan sa kanyang nilikhang maikling kuwento ay pakikidalamhati niya sa mga pighati ng mga ito at ang muling pagbabasa sa kanyang mga kuwento ay ang muling pananariwa ng mga sugat nila—at muling pakikidalamhati niya. At sa pagkakasulat at pagkakabasa/pagkakatanghal sa kuwentong Sir.Ma’am,Sir., alam ko, mas higit ko na siyang nauunawaan.

Mag-iisang taon pa lamang ang kuwentong Sir.Maam.Sir. sa papel. Pero alam ng Diyos na matagal na itong nabubulok sa aking isipan. Nakaparada lamang ito sa bodega ng aking isipan, parang kutsiluyo naghihintay lang na mapansin at mabili. Matagal na akong kinukulit ng mga tauhang sila naman ang daw ang bigyan ko ng banghay. Ang tunggalian naman daw nila ang isapapel at isatitik ko. Isinilang ko ang unang dagta ng dugo nila sa talaarawan kong pang-Marso nang nagdaang taon. Kasama na ang pagtitinda ng kutsilyo ni Burgos sa mga ‘to do list’ ko. Pero saan nga ba nag-umpisa ang konsepto ng hindi mabenta-bentang kutsilyo?

2011 ata yun o 2012 na nung maging kabi-kabila yung mga patayan sa loob ng mall. Yung isa sa may SM Pampanga at yung isa naman ay sa may SM North Edsa. Parehong nag-uugat sa pagmamahal—pagtataksil. Malinaw lamang itong manipestasyon na talagang hungkag ang mga polisiya ng mga mall owners at pati na rin ng mga kapulisan pagdating sa pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko. Gaano na nga lang ba kamakapangyarihan ng mga chopstick ng mga sekyu na ginagamit nila sa mga bag. Parang thermometer lang ito na pinapasak sa bunganga ng bag—kaya ang resulta, kawalang katiyakan ng seguridad ng mall. ‘Pag nagkaroon ng pagsabog sa loob ng mall, tsaka sila maghihigpit. Malamang naman na mas matalino pa sa kanila ang mga terorista sa pagpaplano. Kaya malamang, hindi sila magpapasabog ng dalawang magkasunod. At kapag humupa na ang tension, BOOM. Magkakaroon na naman ng pagsabog. At  muling hahaba ang pila ng mga mall goer para sa linsiyak na inspeksyon ng mga bag nilang nilalagnat.

Minsan nga sa klase namin sa Panitikang Popular kay Prop. Lolita Bandril, idinemo ko kung paano makakapatay ng tao sa loob ng mall na hindi nagdadala ng deadly weapon sa loob. At yun nga ang pagbili ng kutsilyo sa loob ng mall.

Ako at ang mall

Marami akong kuwento sa loob ng mall. Kung maituturing ngang mall ang Grand Central sa Caloocan, e siguro batang mall ako. Ilang picture na pangthrowback ba ang mayroon ako sa loob ng mall. Mayroong nasa paanan ako ni Jollibee at iba pang mascot ng mga fastfood chain. Mayroon din habang naksakay ako sa kabayong hinuhulugan ng token para yumugyog ng yumugyog sa loob ng limang minuto at marami pang iba.

Iba kasi ang arkitektura ng mall e. Sari-sari ang mga kulay. Nakakapanghalina. Dumadagundong din ang mga usong dance craze, kaya talaga namang nakakaengganyo ang karanasang mall. Sa aklat na kulturang mall ni Rolando B. Tolentino ko naunawaan ang mga lihim na itinatago sa atin ng mall. Ang mga empleyadong biktima ng kontrakwalisasyon, ang dahan-dahang pagbubura ng kulturang Pilipino ng kulturang mall, ang gampanin nito sa lipunang nag-aasam na dumanas ng mga simpleng ligaya at satispaksyon. Ang mall ay parang isang tsokolateng mahirap takasan. (ayon nga sa ginuhit ni Jolly M. Lugod sa Aklas 2013: Ang Kontemporanyong Tipan). Ito ay nasa bunganga ng malaking pusang kapitalista na patuloy na nanghihikayat na pasukin ang pasilyo ng kanyang mall at maging isang masiyahing biktima. At ang masang Pilipino ay ang mga langgam na hinding hindi makatakas sa matamis na panawagan. Kahit nga mga aktibistang mulat at lumalaban sa mga kapitlistang tulad ni Henry Sy ay bumibili ng mga damit sa department store, libro sa national bookstore at Burger at Fries sa Mcdo. Mahirap matakasan ang karanasang mall. Kaya naman naisip kong ikuwento ang Sir. Maam. Sir para ipakilala ang ibang mukha ng nito. Siguro hindi para sa mga mulat nang mambabasa, kundi higit doon sa mga taong walang oras na magbasa at laman lang ng mall. Tingin ko may katapusan din ang pagyugyog ng kabayo ng kapitalista. Ang akdang ito ay hindi sandata sa giyera para labanan ang mga naghaharing puwersa, pero sapat na para maging kalatas namagpapaunawa na may ganitong klaseng giyerang hindi natin namamalayan.

At nung nagkolehiyo ako sa Pamantasang Normal ng Pilipinas, mas lalo akong nalubog sa mall, mas dumami ang kuwento ko tungkol sa akin sa loob ng mall. Paghihintay ng padala sa LBC loob ng mall. Pagpapatila ng ulan sa loob ng mall. Pagkain sa loob ng mall. Pagtae sa loob ng mall. Pagbibilang ng tao sa loob ng mall at iba pa.

At kung bakit may dugo ang aking sandalan

Mas gugustuhin ko pang mabaril sa likod kesa masaksak sa likod. Kaunting sakit lang ang requirement ng tandem ng baril at bala, pero iba ang kuwento ng matalim na kutsilyo. Bawat hugot at baon, mararamdaman mo ang pagwakwak ng mga sariwa mong laman. Randam mo ang pagkapunit ng iyong balat sa pagkakabunot at muling pagtatahi sa muling pagkakasaksak. Kung isang saksak lang, masakit din siguro. Malaking problema ang pagpapatahan ng dugo. Pero ang pinakamatindi ay ang saksak ng kutsilyo sa likod mo nang hindi mo namamalayan. Malamang uuwi kang nasa critical level na ang cc ng iyong dugo. Hindi pa ako nabaril, hindi pa ako nasaksak, pero nagkasugat na ang likod ko ng malalim na malalim na malalim.

Mahabang kuwento ang aming naging samahan. Pero maikling kuwento kung paano naming ito winakasan. At ang Diyos na lang ang may alam kung gaano kahaba o kaikli ang daan sa muli naming pagiging tunay na magkaibigan.

Ano ba ang mali sa amin? Siguro ang inakala kong blue ay red pala sa kanya. Sabi ko paabot ng tuwalya, at binigyan niya ako ng  isang supot ng calamansi. Humingi ako ng isang kilong bigas at binigyan niya ako ng isang sako. Sabi ko pahiram naman ng salbabida, binigyan niya ako ng yate. Sabi niya lagyan ko ng toyo ang adobo at nilagyan ko nga ito ng asukal na pula. At sa lahat ng malinaw na kalabuang ito, sinasabi pa rin naming nauunawaan naming ang isa’t isa. Kami ang predikamento ng linyang masama ang anumang sobra. Wala talagang kulang sa amin—lalo sa kanya. Nagpapasalamat ako sa kanya. Ngumingiti naman siya. Sabi ko pa nga, napakabuti mo talagang kaibigan.. Ngumingiti lang siya ulit. Hanggang sa araw na dumating ang expiration date ng mga ngiting iyon—at napag-alaman kong may gantimpala palang katubusan ang lahat ng mga oras, pagod, hirap, dasal at haplos na inilaan. Sa isang iglap, naging laman ako ng kahon at nagapos sa sariling kadena ng pagtanaw ng nakaraan. Hiningi ko ang susi, binigyan niya ako ng resibo. Sabi ko susi, inabot niya naman ang sili at granada. SABI KO SUSI, sinaksak niya ako sa likod. Isa. Dalawa. Tatlo. Pero dahil sa inakala kong rekisito lamang iyon n gaming pinagtagpi-tagping malabong ugnayan, akala ko hindi masakit, hindi mahapdi. Pero naalala kong lahat ng pagdugo ay pagdanas ng sugat. At ang kutsilyo nga’y naging pana ng mga kupido ng mga omalohokan ng walang katuturan at kasinungalingan.

Pinagtaksilan ako ng mga tao, ng lipunan ng buong mundo. Parang pananaw lang ng isang emo na may blade na sa himaymay ng braso ipinapanggantsilyo. Naisip ko, walang mainam na paraan sa pagkalimot kundi ang pagtanggap ng mga bagong alaala. Lumangoy ako sa laot papalayo sa kaniya. At siya rin naman sa akin. Pero palaging may palatandaan ang sugat ng nakaraan. Matutunton at matutunton pa rin ako ng hapdi at sakit.

Ok na kami. Nagkita kami bago ako magtapos sa kolehiyo. Kumain at nagkuwentuhan sa loob ng mall. May buhay na siya at malinaw na sa amin ang konsepto ng paghingi-pagbigay at pag-asam- pagtanggap. Minsan naisip ko, paano kaya kung talagang toyo ang ibinigay ko ng minsang nanghingi siya sa kanyang adobo—iniisip ko pa rin kung ano ang naging lasa namin. Hindi naman siguro karumaldumal. Pero may mga bagay lang yata na talagang hindi puwedeng pagdikitin gaya ng pilay at kambing.

Si Burgos, ang guro at ang nawawala

Si Burgos, ay simbolo ng daang libong kontrakwal na manggagawa sa loob at labas ng mall. Siya ang nagsilbing boses, utak, kalamnan, kaluluwa at bayag ng mga empleyadong busog sa trabaho at gutom sa hanggang sakong na kita. Pinili ko siyang ‘wag bigyan ng pangalan para hindi siya makulong sa mga Benjo, sa mga Miguel, Pedro at Juan. Ang kanyang kawalang pangalan ay palatandaan na ang mall ay istrukturang magkakanlong ng mga bagger, sales lady at promodizer na hindi kinikilala ng mga mall goers. Gusto kong ang bawat makababasa at makapagtatanghal ang magbigay ng palayaw sa kanya. Sa ganitong paraan ko dinadakila ang hanay ng mga manggagawa.

Hindi nawala, nawawala at mawawala ang dignidad ng mga taong lamang ng mga trabahong mall—dahil una pa lamang, HINDI NA NAGKAROON. Hindi gaya ng aktibistang si Jonas Burgos na hindi lamang winalan ng dignidad kundi literal na iwinala—binura sa ating lipunan. Kaya ang muli-t muling pag-uulit ng kanyang pangalan sa kuwento ay pagsusumamo na palutangin siya. Parang pagtawag kay muning sa gitna ng talahiban. Si Jonas Burgos ay kapanig din ng mga manggagawa at ng iba pang nakararanas ng panddarahas. Isa sa mga pangarap ko sa buhay ay ang muli siyang lumaya sa pagkakawala at pangalawa’y mabasa ang akdang ito.

Sabi ni Ma’am Joiz Muniz, co-teacher ko sa LTA, sa lahat ng tauhan, si Burgos ang pinakamalapit sa akin. Sabi niya pa, pinapakiramdaman niya daw kung alin sa mga tagpo ang talagang dinanas ko. Ano daw ang naging motibasyon ko para mabuo ang mga tauhan ko. Sa huli sabi niya, ako yun, ako sila—ako si BURGOS. Sabi ko, hindi po. Si Burgos ang isa sa mga naging maaga kong gasolina sa pagsulat ng kuwento—Sir Jomar Empaynado.

Sa lahat ng propesor na nagsabi na “hindi naman talaga mahalaga ang grado, mas mahalaga pa rin ang pagkatuto,” ang pagkakapili niya ng mga salita ang pinaka naging epektibo. Sa kanyang matalinong kaisipan ko naipadron ang ilan sa mga pilosopiyang pangwika ko, gaya ng ang wika ay hindi dapat na ikinakahon sa mga batas at ang gampanin ng mga guro sa wikang Filipino ay hindi limitahan ang galaw ng wika, bagkus dapat na panuorin at sukatin kung hanggang saan na nakaaabot. Malaking impluwensya ang naging pagtuturo niya sa akin kung paano ko turuan ang mga estudyante ko ngayon.

Siya ang katawan ni Burgos. Siya ang likot ng dila at bawat pagbuka ng bibig, siya ang pilantik ng bawat wika at bawat kataga. Siyang siya ang lalim ng boses, ang diin, antala at intonasyong nalikha. Siyang siya yun. Palagi siyang kasama sa lahat ng pasasalamatan ko sa larangan ng pagtuturo—pagsusulat. 


Si Myla, ang babae at ang mga babae

Nang minsang manalo ang koleksiyon ko ng dagling “Deliberi” sa patimpalak ng Circulus Literati sa PNU, parang hindi na ako nakatakas sa pagkukuwento ng mga paghihirap at pagpapaksakit ng mga kababaihan maisilang lang ang susunod na henerasyon. Malamang hindi ko talaga alam ang sakit na nararanasan ng bawat buntis, pero may matagal nang bumabagabag sa akin para maging kumadrona ng mga kuwento nila. Minsan nga sabi ni Prop. Joel Costa Malabanan, hindi limitasyon ang hindi mo pagdanas sa isang bagay para iyong maisulat. Mukha ngang nasagka nitong kuwentong ito ang paniniwala kong ang panginoon ng bawat manunulat ay ang kanilang karanasan. Sa ganitong kalagayan, mukhang nagtraydor nga ako sa aking karanasan.

Sa totoo lang, hindi naman talaga dapat ipapanganak sa kuwento si Myla at kuwento ng kanyang dinadala. Pero nang magpasya akong isali ang kuwentong ito sa Emman Lacaba Literary Award ng College Edotors Guild of the Philippines, nakita kong hindi aabot ang dami ng salitang mayroon si Burgos para sa hinihingi ng paligsahan. Kaya naman sa loob ng dalawang linggo, tuloy tuloy kong inasembol ang katauhan ni Myla. Hindi ako tumigil hangga’t hindi siya mabuo—hindi siya mabuntis. Kung wala ang kuwento ni Myla, malamang nadumihan ang kamay ni Burgos at ng mga manggagawang kontraktwal sa mall. Sila kasi ang nakatakdang pumatay sa Boss. Kaya naman ang pagdating ni Myla sa Kuwento ay parang pagdating na rin ng Messiah. Hayaan nating mag-ubusan ng lahi ang mga nasa ibabaw ng trayanggulong lipunan.

Sa isa sa mga hapon bago magsembreak nung nakaraang taon, tumabi ako sa kaklase kong babae. Si Justine Manansala. Noon pa man hinahangaan ko na siya. Outspoken. Wala siyang pakialam kung ano ang maging pagtingin sa kanya ng mundo. Magka-cartwheel siya at mag-e-egg roll kung gusto niya. Pero gaya ng lahat ng tao, alam ko may kahinaan siya. At nung hapong iyon, yun ang napag-usapan namin. Napaka random ng usapan, anywhere goes.  Paano ka umiyak? May tunog? Ano lasa ng luha mo? Kung magiging gamit ka, ano ka? Bakit yun? Sino kahawig mong artista? Pabor ka bas a budget cut sa mga SUC? May Diyos ka ba? Paano mo siya kinokontak? Kung ano-ano yung mga tanong ko at kung ano-ano rin lang yung mga sagot niya. Hanggang sa napunta kami sa konsepto ng panganganak. Ilan ang gusto mo? Lalake ba muna o babae? Ano ipapangalan mo? E PAANO KUNG HINDI MAGKAROON? At dun nabuo ang pagkatao ni Myla. Nahubaran ko ng buong buo ang pagkatao ng isa sa pinakatatangi kong babae—kaklase. May anino na si Myla at hindi na ako nahirapan pang buuin ang pagkatao niya. Bakit Myla? Random lang din. Pinindot ko yung keypad tapos lumabas yung pangalan ng isa sa mga writer ng PLNTK—si Myla Eusebio.

Minsan hindi ako natatawa sa pagpapatawa ng tadhana, pero talaga nga yatang palabiro ito. Ilang araw matapos manalo ang kuwento sa Lunduyan, nalaman kong naghiwalay na rin si Justine at ang karelasyon niya. Kung bayad yun sa pagkakadawit niya sa kuwento, ikinalulungkot ko. Pero sa huli kong check, masaya siya ngayon.

Si Leopoldo, ako at ang kapitalistang ganid

Bata pa lamang ako ay may phobia na ako sa mga mayayaman. Siguro ang lakas lang talaga ng impluwensya sa akin ng telebisyon. Magmula kasi sa pagdurusa ni Camille Pratts sa Sarah ang Munting Prinsesa hanggang sa pagluha ni Caludine Barretto at Judy Anne Santos sa Mula sa Puso at Esperanza, walang ibang role ang mga mayayaman kundi mang-api at mangmata ng mga mahihirap. Hindi naman ako lumaking mahirap talaga. May birthday party ako taon-taon nung bata pa ako, pero talagang takot na takot akong maging bida sa mga teleseryeng pantanghali. Ayokong mabuhusan ng orange juice sa mukha, ayokong sirain lahat ng mga laruan ko ng mga malditang bata, ayaw na ayaw ko nun. Takot akong pumunta sa mga malalaking bahay, ayoko kasing makabasag ng mga mamahaling paso. Ayokong makipaglaro sa mga rich kid, naniniwala kasi akong mahirap silang pakibagayan, alam ko kasi bully sila at aawayin nila ako—siyempre ganun din ang mga magulang nila. ‘Pag rumesbak sila sa anak nila,  patay na. Kung makikisakay ako sa sasakyan ng mga mayayaman palagi kong pinag-aaralan kung paano bubuksan ang pinto para makalabas ako oras na may mangyaring hindi inaasahan.

Kaya naman ang pagkukuwento kay Leopoldo ay isang mahirap na trabaho.  Bumabalik sa akin ang lahat ng pangaalipusta ng mga mayayaman sa mga bidang tauhan sa mga teleserye. Paano ko ilalarawan at isasalaysay ang mga bagay-bagay sa perspektibo ng mga taong ayokong makahalubilo? Malaking bagay siguro yung pagiging aktibista ko nung kolehiyo. Naunawaan ko kung sino ba talaga ang tunay kong kaaway. Ang mga tunay na mayayaman. Silang kumokontrol sa media, hudikatura, polisiya at gobyerno.  At si Leopoldo ay  bahagi ng sistemang nananamantala. Pero maging siya man ay pinagmukha ko ring biktima, hindi nga lang ng mga kauri niya o ng mas mababa pa sa kanya. Biktima siya ng buhay at pagkakataon. Bilang pagtugon sa mga katanungan ko kay Justine, sinubukan ko ring hanapan ng sagot sa perspektibo naman ng isang Adan.  Natural ang pagiging marupok ng mga lalake, at alam na alam ko yan. Sinubukan kong pakinggan ang argumento ng panloloko ng mga caller ni Papa Jock, pero napag-isip isip ko na wala ng mas magiging mainam na tauhan kundi ako. Sa ganitong sitwasyon, naging panginoon ko ang bawat karanasan sa pagsulat sa katauhan ni Leopoldo. Wala nang mas eeksakto pa sa pagkakataong kasalukuyan.
At nabuo na nga si Sir. Si Ma’am at si Sir.

Si Liza? Siya yung ultimate crush ko nung highschool. May asawa’t anak na siya ngayon at masaya ako para sa kanya. Ang pagkakapasok ko sa kuwento niya ay pagpapaalala na minsan kabahagi ako ng isang relasyong nagsimula panloloko. Sabi ko dati, ang kuwento ni Liza ang magiging barometro ko ng pagiging matinong lalake. Pero hindi pa yata talaga napapanahon para doon. Ginusto ko naman talagang maging matino at magpakatino, pero tinatawag din ako ng pagkakataon. Gaya ni Leopoldo, umasa rin lang ako.
Ang karanasan ni Leo at Liza ay antolohiya ng pagtatago namin sa lipunan ng mga matang nagsusumbong at sumusuplong.  Gaya ng kakalse kong lumaya kasabay ni Myla—maging ako ay malaya na kay Liza.

Ano na kaya ang mangyayari sa kontarata ni Burgos? Sabi ng mga kaibigan ko, gawan ko daw ng part 2. Pero sabi ko naman, may mga kuwentong kinakailangang walang closure. Gusto kong ang mga mambabasa ang magbigay ng closure. Gusto kong sila ang palaging maglagay ng pinakahuling tuldok sa kuwento. Gusto kong sila na ang bahalang magdugtong ng riles papunta sa wakas na banghay ng bawat kuwento. Gaya nga ng sinabi ko sa Aklas 2013: Ang kontemporanyong Tipan, hindi lang ang mga tauhan ang magkaroon ng resolusyon, hinihiling kong higit na lumaya ang mga mambabasa sa mga true to life na tunggalian. Ang maikling kuwento ay hindi lamang kuwento. Ito ay buhay.

Kaya naman nagpapasalamat ako sa pamunuan ng Kapisanang Diwa at Panitik, sa pagkakapili ng kuwnetong Sir.Maam.Sir, upang isabuhay sa entablado ng pamantasan. Ilang ni-required na estudyante ng mga guro sa Filipino ang nabingwit natin sa mata. Ang pagtatanghal sa kuwentong ito ay pagpapanumbalik ng mga sugat, at sakit ng nakaraan. Muling pagtanggap ng mga saksak sa likod at harap ng kutsilyong kinakalawang na sa aking isipan. Pero ito ang pinakamatamis na sugat kong pahihilumin.


Emmanuel T. Barrameda

Lungsod ng Imus, Cavite
Next PostMas Bagong Post Previous PostMga Lumang Post Home

1 komento:

  1. Kaya hangang hanga ako sayo pagsulat ng Sir, Ma'am, Sir eh. Bawat tauhan may natatagong kwento. :)

    TumugonBurahin