Malaking krimen kaya kung sa
gitna ng klase ay bigla akong tumigil sa ginagawa ko at sabihing, “Klase, may I
go out?” Awkward naman n’un naisip ko. Ano na lang ang iisipin ng aking mga estudyante,
na tumatakas ako sa aking dakilang responsibilidad, na nilulustay ko lang ang
binayaran nilang oras ko, na ako ay walang kuwenta at imoral na gurong hindi
marunong pahalagahan ang kanilang pagsusumikap na inilalaan sa paaralan para
magsunog ng kilay? Ang dami dami ko nang sinabi, pero wala pa naman akong
sinasabi. OA lang. Pero ito talaga ang naglalaro sa utak ko nung mga oras na
iyon habang may ibang laro naman ang aking sikmura. Naniniwala ako na ang lahat
ng diskarteng pantao, kahit yung mga pangguro at iba pang propesyunal ay kayang
kayang sirain ng simpleng—TAE.
Kapag binaliktad mo ang salitang
tae, eat ang makukuha mo. Hindi ko alam kung may batayan ako dito o ito ay
likot lang ng aking imahinasyon. Yun nga kaya ang ugat nun? Kung sa bagay may
lohika nga naman kahit paano. Ang bunganga at puwet nga naman ang magkabilang dulo
sa linya ng alimentary canal sa loob ng katawan ng tao. Parang Roosvelt Station
na kumakain ng kung ano anong tsibog ang bunganga at parang Baclaran Station
naman ang puwet na nagluluwal ng mga tae. Tae ang ending ng lahat ng mga
pagkaing hindi matutunaw at maisasama sa nutrients sa katawan ng tao. Ito yung
mga latak sa lahat ng kinakain natin. Nandyan yung mga papel na nakain natin sa
ilalim ng siopao, malunggay na sahog sa alimango sa gata at maging ang mga
diyamanteng hikaw at pakete ng droga na ipinalunok sa mga drug mule.
At sobrang lapit din ng tao sa
tae. Isang letra lang ang pagitan. O at E. Kung sabagay sobrang lapit nga naman
ng katangian ng tao sa tae. Kaya ‘wag na siguro nating pagtawanan ang pagdagsa
ng tae ni Jiggy Manicad sa kanyang report. Madumi ang tae, parang tao, madumi
rin. Malambot ang tae, gaya rin ng tao, lahat may soft spot. Nasa iyo na nga
lang ang paraan kung paano tuklasin ang mga iyon. Parang tae, alam nating
malambot pero siguro naman ay hindi pa tayo siraulo para pisil pisilin at
pindot pindotin yun para lang mapatunayang malambot nga. Ito yung ilang bagay
sa mundo na makita mo pa lang, kahit na hindi mo na hawakan alam mo sa sarili
mo na malambot nga. Sapat na sapat dito yung linyang “to see is to believe.”
Ang tao rin ay gaya ng tae na matapos gamitin ng lipunan ay basta na lamang
ipa-flush ng sistemang lumamon sa kanya. Parang yung kuwento ng mga kontraktwal
na janitor. Walang ibang ginawa kundi maglinis ng banyo at kubeta, tiyaking ang
lahat ng tae at ihi ay naiflush na at hindi na amoy laman tiyan ng tao ang
teritoryo nila. Pero oras na abutan sila ng edad sa trabaho, kasama silang
ipa-flush sa mga taeng minsan nilang dinispatya sa kanilang trabaho.
TAE-TAO-TAE. Magkaugnay tayo. Niluluwal natin sila, pero minsan, may mga
pagkakataong tayo ang iniluluwal nila sa kahihiyan. Lahat may bahong itinatago—at
ito ang akin.
Tumatakbo ako. Mula sa
eskuwelahan papunta sa bahay namin. Malayong-malapit. Piso ang bayad sa
sikad-sikad (pedicab) Pero wala na akong pera. Hapon pa ako susunduin ng tatay
ko. Kailangan ko nang maibuslo ang lahat ng sama ng loob ng tiyan ko. Parang
basketbol at nasa akin ang bola. Ginebra ako at kalaban ko ang Alaska. Takbo,
takbo, takbo. Hanggang sa nakatawid ako sa halfcourt. Tanaw ko na ang bahay
namin. Pero sadyang malalaki ang mga bantay ko. May malaking trak na biglang
nagmamaniobra sa may hardware. Yari na. Muling nawala sa paningin ko ang bahay
namin. Ramdam ko na ang pagkaubos ng oras. Hawak ko pa rin ang bola. Hindi
puwedeng matalo ang Ginebra sa Alaska. Takbo takbo. Hanggang sa nasa may hagdan
na ako paakyat sa bahay namin. Pero nakarinig ako ng pito. “Bakit ka umuwi,
maghahalfday ka na namang bata ka, napakatamad mo talaga mag-aral” Galit ang
tatay ko, pero mas galit ang sikmura ko. At nanaig ang malakremang gatas ng
Alaska sa aking puwitan, hita hanggang sa paanan. Dun ko natutunan na wala kang
magagawa sa pagtakbo sa buhay.
Grade 2 ako nun. Dahil sa
probinsya namin ay kakaunti lamang ang tao, madaling nababalitaan ang ganung
tagpo. Natatawa na lang ang tatay ko ‘pag naaalala niya yun. Namimilog daw ang
mga mata ko nun. Parang bola daw na sabay na tumatalbog. Tanong niya pa, bakit
daw ba hindi na lang ako nag-cr sa school. Naalala ko nun, sobrang baho ng mga
CR sa eskwelahan. No match at talagang mahihiya ang baho ng poops ko dun. Isa
pa, bali-balita noon na may mga batang napopossess sa CR na yun. At isang isa
pa, wala rin namang tubig doon, kaya kung nailabas ko man ang galit ko sa
palikurang iyon, habang buhay din akong hindi makakaalis sa inidorong iyon.
Baka kaya may mga batang naposses dun dahil sa mga tagpong kagaya nun.
Lumipas ang dalawang taon. Iba na
ang bahay namin. Iba na rin ang paaralan ko. Malayong malayo na sa kinagisnan
kong isla. Nakatakas na ako sa pagsunod ng mga langaw at bangaw sa nanlilimahid
kong kahihiyan noon. Pero gaya ng linyang “history repeats itself”, muli akong
sumubo, muling ngumuya, muling lumunok at muling nakipaglaro sa akin ang tiyan
ko.
Uwian na namin nun. Mas mainit
ang araw na yun kumpara sa mga nagdaang araw. Paanong hindi, e kumagat na ang
buwan ng Marso noon. Paubos na ang araw na may pasok. Para sa akin, ang
pagpasok sa eskuwela noon ay luho na lamang sa maghapon kong paglalaro, pagnood
ng tv at pagtulog. Sigurado na kasi ang pagtuntong ko sa ikalimang baitang.
Wala na ring ginagawa sa klase namin kundi maglinis at magharutan. Kaya
nabubuhay akong prenteng prente sa bahay namin. Pero isang araw, hindi ko alam
kung kaninong kaluluwa ang sumapi sa akin. Gising na ako ng alas singko pa lang
ng umaga at naghahanda sa pagpasok.
Hindi ko na maalala ang menu sa
canteen nun. Mas naaalala ko pa ang mga putahe sa labas ng paaralan. Yung
manggang hilaw na may bagoong, yung santol na may asin, fishball, kikiam,
tokneneng, cotton candy, mga candy na korteng pizza, pangil ng bampira at iba
pang makukulay na bagay. At sa paniniwala ko, isa sa mga ‘yan ang dumale sa
sikmura ko nung araw na yun. Dahil nga ubos ubos biyaya ako, malamang sa alamang,
wala nang matitira sa aking pamasahe pauwi. Isa pa, alanganin kasi yung
layo/lapit ng bahay namin sa eskwelahan. Yun yung mga distansyang
nakapanghihinayang lustayan ng kwatro pesos na pamasahe sa dyip. Pagbaba ko,
malayo pa ang lalakarin ko papasok sa subdivision. Kaya nabuo ang pasya--
maglalakad ako.
Sa kalagitnaan ng paglalakad,
isang malakas na sipa sa sikmura ang kumawala. Naisip ko—yari, parang déjà vu,
parang nangyari na ‘to. Sa isang iglap, muli kong hawak ang bola ng kahihiyan.
Para akong de-susing laruan na nagloloko ang baterya, lalakad, tatakbo, tatakbo
nang mabilis, lalakad nang mabagal, lalakad nanag mabilis at tatakbo nang
mabagal. Anak ng jueteng, ‘pag tumatakbo ako mas nahuhulog, ‘pag naglalakad
naman mas dumudulas. Walang lusot. Nasa may kanto na ako ng subdivision namin
nang biglang bumulwak ang lahat ng sama ng loob sa akin ng sikmura ko.
Guminhawa ang aking pakiramdam. Walang kasing ginhawa. Gumaan ang mabigat kong
sikmura. Nasa may tabi ako nun ng karinderya, buti na nga lang at hapon na kaya
wala nang mga taong kumakain. Nagtago ako sa may likod nun, at dahan dahan kong
inalis ang aking shorts. Ayokong makita ang aking krimen kaya nakapikit kong
hinubad ang aking brief. Pero kahit nakapikit ako, naiimagine ko ang itsura ng
basura ko. Tagumpay. Nailuwal ko ang aking brief sa tabi ng mga buto ng manok,
tinik ng isda, bote ng softdrinks at mumu ng kanin. Mas presko na ang aking pakiramdam.
Kusang sumusuot ang hangin sa kaibuturan ng aking salawal at dumarampi sa
kalooblooban ng aking pagkalalaki. Ang sarap ng simoy ng hangin nun. Akala ko
tapos na ang kalbaryo. Muling sumipa ang sikmura sa ikalawang pagkakataon. Mas
marahas yung dagsa ngayon. Lakad-takbo-lakad-takbo. Buti na lang at nahagip ng aking
mga mata ang isang lumang poso. Bumulwak na naman siya. Naknamputsa. Pumuwesto
ako sa may nguso ng poso at binomba ang braso nito. Buti na lang at may
malaking bote ng mineral water na tinagpas ang katawan para maging maliit na balde.
Bomba-salok-tae-hugas. Tuloy tuloy lang. Hanggang sa dumagsa na rin ang mga
residenteng mag-iigib ng pang-inom, pangsaing at pantimpla sa gatas ng mga
bata. Napapapalatak na lang ang mga matatanda habang pinapanood ang aking munting
palabas at may mga nagliliparan pang mga masasakit na salita. Tapos na ang
giyera at umuwi akong nakayuko sa kahihiyan. Nakasando akong umuwi at ang polo
ko ay itinali ko sa aking bewang. Yun ang huling araw na pumasok ako sa ikaapat
na baitang. Isang masaklap na araw.
Matagal ding nakisama ang sikmura
ko. Matagal ding nagkasundo ang isked niya ng paniningil at ang normal kong
buhay. Sinusuyo ko siya sa umaga bago ako pumasok sa eskuwela. At
nagpaparomansa naman siya. Nung kolehiyo ako, nalulusutan ko ang mga minsang
alanganin niyang paniningil. Kung hindi sa mga CR ng mall, sa CR sa library ng
school ako umeerna. Buti na nga lang at naging miyembro ako ng publikasyon,
walang malaking perang insentibo, pero ok na yung may palikuran kang matatakbuhan
sa oras na nakikipaglaro na itong si sikmura. Mahirap kung sasabihin kong: “sa
bahay na lang, unting tiis pa” Hindi biro ang layo ng Maynila at Cavite.
Akala ko nasa edad ang pagtae sa
salawal/pantalon. Akala ko exempted na ang mga nasa kolehiyo sa kahihiyan. Para
bang yung mannerism ng mga bata sa pag-ihi sa kutson o sa banig, malaking kahihiyan
na kung ginagawa mo pa rin ang mga ito nang teen ager ka na. Nagkamali ako.
Umuulan nun. Katatapos lang ng
isa sa mga inorganisa kong palihan sa malikhaing pagsulat. Kasama ko ang mga
kaibigan ko. Kakain dapat kami sa Pizza Hut—celebration kumbaga. Naglalakad
kami sa loob ng mall. Hindi ako mapakali. Parang may kulang. Parang may mali.
Parang may bagay na hindi ko nagawa. Bigla. Walang pasabi. Tumakbo ako pabalik
sa sakayan ng bus. Sabi ko, kung hindi ko siya maaabutan at hindi ko siya
makikita, siguro nga hindi kami ang para sa isa’t isa. At sumagot nga ang Diyos.
Nandun siya, nag-aabang ng masasakyan. Nagulat siya—mas nagulat ako. Hanggang
ngayon ramdam ko pa rin yung hingal ko nung mga panahon na yun. Pati yung patak
ng ulan na humahalo sa pagtagaktak ng aking pawis. Naaamoy ko pa yung alimuom.
Damang dama ko rin ang panlilimahid ko. Maging ang amoy niya. Tuwing umuulan,
isa ‘to sa mga imaheng nabubuo ng bawat patak ng ulan. Hinatak ko siya at kumain
kami sa Mcdo. Ok na ok na yung tagpo e. Sa sobrang pagiging ok nga e, pwede ko
na siya ayaing magpakasal. E kumatok bigla ang sikmura ko—nanlumo ako. Gusto
kong sumagot na, wala si Emman, tulog, umalis, masakit ang ngipin, masakit ang tiyan,
patay na! Pero mapilit e. Parang disconnection notice ng MERALCO at pulis na
may warrant of arrest, hindi pupuwedeng tanggihan, hinding hindi puwedeng
hindian. Kaya ayun, minadali ang paghigop sa float, ang pagnguya sa fries at
ang paglantak sa burger. Nagpapahatid siya sa Recto. Nag-iisip naman ako ng
alibi. Dyahe naman kung sasabihin kong, “Honey una ka na! Maghahanap pa ako ng
pagtatambakan ng mga punyetang taeng ‘to” o kaya “bye baby! Una ka na a!
Natatae pa ang bebe mo e” ang bantot pakinggan. Kinikilabutan ako. Ano kaya ang
mensahe ng Diyos sa sitwasyong ito? Matapos kong habulin at maabutan siya,
heto’t hinahabol naman ako ng sikmura ko. Karma ba? E bakit sa sikmura pa?
Pwede namang masagasaan na lang o kaya maholdap at masaksak— at talagang sa tae
na naman ang bagsak ko. Matapos ang unting bolahan, nakasakay na siya ng dyip.
Kumaway siya at kumaway din ako. Sa background ko parang may orkestrang umihip ng trumpeta. At ako naman, parang superhero na tumakbo para
maghahanap ng lugar na pagpapalitan ng costume.
Lakad-takbo-lakad-takbo-lakad-takbo.
Hanap ng mga portable cr. Kahit pa may bayad na limang milyon—ayos na yan. Kung
kailan mo sila kailangan tsaka naman sila nagsipagsara. Dinala ako ng aking mga
paa at ng tae sa Chinese Garden. Dati dito kami nagpapractice ng mga sabayang
pagbigkas para sa mga patimpalak, pero nung gabing ‘yun, sabayang pagbulwak
naman ang masasaksihan ng parkeng ito. Nagbayad ako sa entrance ng 50, kahit
limang piso lang talaga ang bayad. Sabi ko babalikan ko na lang. Napangiti ang
nagbabantay, parang hindi na siya bago sa mga ganitong problema. Lakad-takbo-lakad-takbo.
Dumodoble na ang paningin ko.
…
Sapat na ang isang salita para
ilarawan ang lahat ng nangyari
—KAPOS.
Sa pinutan ko naidilig ang lahat
lahat. Ayoko nang ikuwento ang mga kasunod. Basahin niyo na lang ang maikling
kuwentong Hapi Meal. J
Siyempre hindi ako yun. Hindi ako kumain sa loob. Pero ang tagpo sa loob ng
palikuran sa Chinise Garden ang nagsilbing paanakan ni Castor at ng malinamnam
na kare-kare.
Lumabas ako ng classroom at
kinatok ang co-teacher ko sa kabilang klase para rumilyebo muna sa akin. Pagkaupo
ko sa trono, nanumbalik sa akin ang lahat ng alaala ng pagme-may-i-go-out. Sa mga
nabanggit kong kuwentong tae sa itaas, hindi ko pala nagamit ang mga katagang
may-i-go-out. Palibhasa kasi sinisingil ako ng sikmura ko ‘pag nasa lugar ako
na malayo sa comfort zone—o sa madaling salita, malayo sa banyo. Nung nasa
kolehiyo ako, ang ibig sabihin ng may-i-go-out
ay pagpunta ng rally sa Mendiola. At sa pasintabing iyon, wala nang
katiyakan kung may balikan pa. Bahala na lang umakyat mag-isa ang bag sa pub. Pero ngayong guro na ako, natutunan ko
na ang pinakatamang gamit ng linyang may-i-go-out. Sa awa ng poong may kapal, sumakto
lang naman ang lahat sa pagkakataong ito. Tingin ko matagal ang pagsasamahan
namin ng inidorong ito.
***
Nang manalo ako sa Gawad Emman
Lacaba (GEL), sabi ni Froe, co-writer ko sa pub. ‘Pag namatay daw ako, may
naisip na raw siyang award giving body para sa pagkilala sa akin—Gawad Emmanuel
Barrameda (GEB), kung magkakaanak naman daw ako ng lalake at gagawin kong
junior, malamang magiging senior ako. Kaya magiging GEBS, Gawad Emmanuel
Barrameda Sr. Ang bantot. Hanggang sa pagkilala hinahabol pa rin ako ng mga
erna.
Gaya ng lahat ng tao, isa rin ako
sa mga tae ng lipunang ito. Madumi. Kahit sampung beses maligo sa isang araw,
nananatiling madumi. Parang tae na kahit ibabad sa alcohol ay hindi mawawalan
ng mikrobyo. Tanggapin na natin, kahit gaano pa tayo magmalinis, palagi at
palagi pa ring pa rin tayong dudumi—kung saan, yun ang nakakatuwang pag-usapan.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento