Sir.Ma’am.Sir.



“Sir. Ma’am, Sir. Bumili na po kayo ng ULTIMATE KNIFE. 07, isang set na po yan mga ma’am, mga sir. Walang gulay sa bahay-kubo ang hindi nito kayang talupan at hiwain. Sir. Ma’am. Sir, Kung dito niyo ‘to bibilhin, makatatanggap po kayo ng mas malaking discount at maaari pa kayong makakuha ng libreng items. Sir. Ma’am. Sir. Bumili na po kayo. ”

Araw-araw ko na ‘tong litanya. Nung mga unang buwan ko rito medyo nauutal-utal pa ako pero kinalaunan para na itong Aba Ginoong Mariang kusang dumudulas sa aking mga dila. Kusa na lang nakabisado ng sistema ko. Gamit ang lapel, nakikipagsabayan ako sa ingay ng tugtugin ng mall. Nakikipagpataasan din ako ng boses sa mga nasa customer service.

Kakaiba ang demand ng trabahong ito. Hindi gaya ng mga nasa baggage counter na katawan lang ang gagamitin. Dito hindi e. Laway at boses ang puhunan. Simula nga ng maging promodizer ako, binawasan ko na ang pag-inom ng mga malalamig na inumin. Iniwasan ko na rin ang mga ice cream at iba pang matatamis na pagkain. Ang dami kong bagay na naisakripisyo para sa isang kontraktwal na trabaho.

“Sir. Ma’am, Sir. Subukan niyo pong gamitin itong ULTIMATE KNIFE. 07. Tiyak na mas mapapadali ang inyong pagluluto.”

Medyo may kahirapang ibenta ang paninda ko ngayon. Kumpara noong mga nagdaang buwan na talaga namang nakikita ko ang malaking kapakinabangan sa mga taong bibili. Mas madali silang mauto na kailangan nila ang mga bagay na yun. Gaya na lang ng CCTV camera (para malaman kung nangangaliwa ang kanilang mga asawa o kaya naman para mabantayan ang mga katulong kung hindi ba ito sumasalisi sa ulam). Ang dami ng naibenta ko nun. Itong kutsilyo? May kutsilyo na yata ang halos lahat ng bahay sa kamaynilaan. Wala ng bago. Ang hirap i-market. Buti sana kung may wi-fi ‘to o kaya may built-in na E-books. Isang buwan ko na itong tinitinda pero wala pa ring tumatangkilik ni isa.

Puno na naman ng tao ang mall. Palibhasa Linggo. Palibhasa may 3 Day Sale. Palibhasa maalinsangan sa labas. Anak ng kalabasa. Kailangan kong samantalahin ang lahat ng “palibhasang” iyon. Kung lilipas ang araw na ito na wala pa rin akong maibenta, patay na. Tandang-tanda ko pa ang sinabi sa akin ni Sir kagabi bago ako umuwi:

“Burgos. Isang buwan na sa iyo yang mga kutsilyong yan, wala ka pa ring naibebenta. Aba kakalawangin na ito sa iyo a.”
Gusto ko siya sagutin ng: “Tang ina mo pala e! Ikaw kaya magtinda nito. Tarak ko ‘to sa leeg mo e.” Kaya lang baka pulutin ako sa labas ng mall na walang trabaho.
“Sige na lumabas ka na. Oras na hindi ka makabenta bukas, pasensyahan na lang tayo, huling ENDO mo na iyan.”

Wala pa rin ni isang pumapansin sa akin at sa kutsilyong itinitinda ko. Kaunting lakas pa ng boses. Kanting tinis pa. Kaunting pagpapapansin pa. Para sa kaunting ginhawa kay ina, kaunting pag-asa para kay Tasya at kaunting ngiti para sa aking mga supling.

“Sir. Ma’am, Sir. Kakaiba po ito kumpara sa ibang kutsilyo na mayroon kayo. Tingnan niyo po. Mayroon na po siyang built in na can opener.”

Kung pwede ko lang sana gamitin ang retorikang natutuhan ko nung nasa kolehiyo pa ako. Aba makata ng taon yata ito at suki ng mga patimpalak sa Buwan ng Wika. Kung hindi nga lang ako maagang nakabuntis at nakapag-asawa, baka guro na ako sa Filipino. Kung gagamitan ko ng indayog at kumpas ang pagbebenta nitong kutsilyo baka gawaran nila ako ng palakpak at kaunting awa. Baka kahit paano may bumili sa kanila nitong kutsilyo.

“O kutsilyo dakila ang ngalan mo!
Kailangan kita at ng buong mundo,
Ang talas mo’y pagpapala
Magpapadali sa buhay ng masa.
Kaya kung wala ka pang kutsilyong matalas
Wag ng mag-atubiling bilhin ito”

Sasabog ang confetti nun. Makikita ko si nanay sa gilid halos pigil ang luha sa hiyawan ng mga tao sa akin. Dadating ang punong inampalan at igagawad sa akin ang medalya at tropeo. Magpapatuloy ang hiyawaan ng mga tao at kakamayan ko ang mga hurado.
“Salamat po! Maraming Salamat po!”
“Anong ipinagpapasalamat mo? Nangangarap ka na naman ng gising a. Ano may nabenta ka na?”
Si Sir. Naku patay! Ang aga niya ata pumasok ngayon. Dati hapon na ‘to kung dumating. At saka iba ang awra niya a. Ang bango niya e malayo sa kulay ng kanyang nasusunog na budhi. Marami na akong kasamahang hindi nakapagrenew dahil sa higpit niya. Yung unang nagtinda ng mga kutsilyong itinitinda ko e tumalon mula sa 4th floor ng mall habang nagki-clearing. Nang mag-ENDO ang kontrata niya, literal niyang INEND ang buhay niya. Nagkaaregluhan kaya hindi na nabalita sa TV.

“Wala pa rin po sir e.”
“Tsk. Paano ba yan, mukhang ito na ang huling araw mo sa mall. Dapat nakabili ka na ng bio-data, mahirap pa naman mag-apply ng trabaho.”

Walang panahon para magdilim ang paningin ko. Lalo siyang naging mukhang demonyo sa suot niyang pulang long sleeves at abot tengang ngiti. Pinanood ko na lang siyang lamunin ng mga tao. At muli akong tumingin sa mga gulay sa harap ko.

“Patatas! Kunwari ikaw numa si Sir!”
TAKTAKATAKTAKTAKTATAK – pwede na itong pang mash potato.
May labanos pa. Calamansi at letsugas. Anak ng letsugas! Kailangan ko nang makabenta ng kutsilyo.

“Pare kain na muna.”
Si Bart, kaka-renew lang ng kontrata kahapon.

“Uy! Sipag a. Baka maubos mo yan.”
Si Aileen, tinatapos na lang ang kontrata at mag-aapply na DH sa Hong-Kong sa katapusan.
“Una na kami a!”
Si Andrea, working student. Nursing ang kinuha niya at matatapos na siya sa susunod na taon. Nakitaan ng kakaibang ganda at potensyal kaya naman inilagay agad siya sa customer service.
“Sige lang. Una na kayo! Mainit sa akin si Sir e.”
Ako, guro na sana. Pero kinakailangang tumigil at magtrabaho para hindi maging pabigat kay nanay. Pinababalik niya ako sa pag-aaral pagkapanganak ni Tasya, pero nawalan na ako ng gana sa pag-aaral. Hindi naman kasi lahat na itinuturo ng akademya e magagamit ko sa buhay ko. Heto nga’t hindi ko mai-apply sa pagtitinda ng kutsilyo ang mga karunungang inimbak sa akin ng mga titser ko. Maliban sa pagtaya sa lotto, diskarte na lang siguro ang magiging susi ko sa pagtamasa ng tagumpay.

Mas malamig yata ang aircon ngayon. Mas malamig ang butil ng mga pawis ko. Mas malamig ang tubig na pinagbababaran ng mga gulay na natatalupan ko. Mas malamig yata dahil sa kaba ng pagkawala ng trabaho ko. Paano na lang ang panggatas ni Nathalie? Mag-aaral na sa susunod na taon si Nico. Kung hindi pa dumaan yung mga katrabaho ko e hindi ko pa malalamang oras na pala ng tanghalian. Nakikiramay ang sikmura ko, inuunawa na wala muna akong panahon para mapunan siya. May ipinabaong tortang talong, kamatis at kanin si Tasya, pero iisnabin ko muna siguro. Kung hindi pa panis, baka mamayang gabi ko na lang yun lantakan. Sayang ang oras. Baka biruin ako ng tadhana at magsidatingan ang mga bibili ng kutsilyo habang kumakain ako.


Patuloy ang pagdagsa ng mga tao. Patuloy rin ang aking pagsusumamo. Buti pa yung manekin nalilimusan nila ng oras para sulyapan. Buti pa yung mga mascot kinaaaliwan ng mga bata. E ako, tao ‘to o. May buhay. May dugo. May laman loob. Nakapagsasalita at nakararamdam. Wala pa ring pumapansin sa akin. Kung hindi ako makakabenta, ako na lang siguro ang bibili ng isa at itatarak ko sa aking leeg. Mas kakayanin ko pa yatang mamatay sa ganung paraan kesa sa mamatay sa harapan ng mga mahal ko sa buhay na nilalamon ng gutom.

 “Sir. Ma’am. Sir. Ma’am. Sir. Ma’am. Bili na po kayo ng ULTIMATE KNIFE .07.” Natalupan ko na ang lahat ng gulay pero wala pa ring nahahalina. Kaya napapikit ako at nagsimulang dumulas ang Aba Ginoong Maria, Ama Namin at Ave Maria sa aking dila. Tinawag ko na ang lahat ng kakilalang santo at sinimulang bagtasin ang mga misteryo ng rosaryo.

“May kasama bang hasaan ang kutsilyong tinitinda mo?”

Sa pagdilat ko, may isang babaeng nasa kwarenta anyos ang nakatayo sa aking harapan. Mabilis pa sa kidlat ang naging pagtugon ko. Halos hindi na ako huminga sa sunod-sunod na pagkawala ng mga salita. Sa wakas may makikinig sa mga sasabihin ko.
“MA’AM. Hindi niyo na po kakailanganing gumamit pa ng hasaan para lang mapatalas ang kutsilyong ito. Sa maniwala po kayo’t sa hindi, ito lang ang kutsilyong mas tumatalas sa tuwing ginagamit.”

Anak ng letsugas! Ubos na pala ang mga gulay. Naiwang nakatingin sa akin ang ale. May dumagdag pang isang aleng may dalang dalawang bata. Isang bagong kasal na mag-asawa. At isang lola.

“Mga MA’AM, kumpleto po ang set na ito. Kaya po nitong hiwain at balatan ang lahat ng gulay sa bahay-kubo maging ang mga aluminum can ng mga softdriks .”

Parang nakukulangan sila sa mga sinasabi ko. Puro teorya, kulang sa praktika. Yung kamatis ni Tasya. Tama! Yung kamatis ni Tasya. Mabilis ko itong hinalungkat sa bag at ihiniwalay mula sa tortang talong. Inilagay ko ito sa chopping board at mabilis na hiniwa-hiwa habang nagpapaliwanag. Mahalaga ang eye contact sa pagpapaliwanag, kaya naman isa-isa kong sinusuyod ang kanilang mga mata. Nanghihikayat at nagmamakaawa.

“Ayan mga Ma’am, tingnan niyo po kung gaano ko kabilis mahihiwa ang kamatis na ito. Ang kagandahan po kasi sa kutsilyong ito e, twin blade po siya. May talim siya sa magkabilang side ng kutsilyo kaya naman sobrang bilis lang kung makahiw…”

“MOMMY MAY DUGO!”

Kulay pula na pala ang chopping board. Putang ina, hindi ko namalayan nahihiwa ko na pala ang daliri ko. Naghahalo ang katas ng kamatis sa sariwa kong dugo. Napangiwi ang lola. Tinakpan ng ale ang mga mata ng kanyang anak at nagsialisan ang mga ito. “Mga MA’AM sandali lang po, may iba pa pong feature ang kutsilyong ito…” Subalit ipinagdamot na nila ang sulyap. Tapos na ang palabas para sa kanila. Tapos na ang kontrata ko. Mas lumakas ang agos ng dugo sa aking daliri.





“Ang mga ngiting iyon.” Panaginip ba iyong kanina? Parang totoo. Hindi ako pwedeng magkamali sa mga ngiting iyon”
Gusot-gusot pa ang kabilang panig ng kama pero nakasalansan ng maayos ang mga unan sa may ulunan. Maagang umalis si Pol, marahil nagsimba at tumuloy na sa trabaho. Ipinakilala sa akin ng salamin ang itsura ko ngayong umaga. Sa edad na kwarenta, hindi mahahalata ang mga guhit sa aking mukha. Alas diyes na. Buti na nga lang at Linggo ngayon, kahit papaano makakabawi ako ng tulog. Hindi na muna ako magbubukas ng salon. Kailangan ako lang ang pinakamaganda sa araw kong ito.
“Mare 3 Day Sale ngayon sa SM North punta tayo,
tsaka may importante akong sasabihin sa’yo ”

Ang aga namang magtext nito ni Alicia. Dun na siguro ako magtatanghalian sa mall. Kailangan ko ring mamili ng mga kasangkapan para sa bago naming condo unit. Titingin na rin ako ng mga magagandang damit na ipanreregalo sa mga pamangkin ko ngayong papalapit na ang pasko. Buti na lang at nakapagsimba na ako sa Baclaran kagabi. Akin na akin na talaga ang araw na ito.

“Saan po Tayo Ma’am?”
“North Edsa”

Sa susunod na Linggo, ipagdidiwang na namin ang ikadalawampung taon naming mag-asawa. Tagal na rin pala. Pero sa loob ng dalawang dekadang iyon parang ang dami pa ring kulang. May mga bagay na nawala at pilit kong hinahanap-hanap at may mga bagay na nanatili na pilit kong tinatanggap. Malaking bagay siguro yung hindi namin pagkakaroon ng supling ni Pol. Wala kaming karapatang matawag na pamilya, mag-asawa pwede pa.

Linggo-linggo kung pakiusapan ko yung mga kapatid ko na baka pwedeng sa bahay na muna namin mag-stay yung mga bata.
“Beth, Sige na naman, payagan mo na yung mga bata sa Linggo.”
“May magagawa pa ba ako e naka-impake na yang mga iyan Biyernes pa lang.”
            “Kuya Roman sama namin sa Baguio si Kevin sa Sabado a.”
            “Sige! Walang problema, kesa naman sa naglalakwatsa lang yan dito.”

Minsan nga umaabot pa sila ng ilang araw sa amin pag nawiwili e. Kaya naman tuwing Linggo lang kami nagiging magulang ni Pol. Isang beses inaya ko siyang mag-ampon pero tumanggi siya. Sabi niya, iba pa rin ang tunay na anak sa ampon lang. Baka hindi ko matanggap ang bata, kawawa lang siya. Minsan, sinabi ko rin sa kanya na subukan din naming mag-artificial insemination. Tutal e marami naman kaming pera. Ayaw niya rin. Komplikado naman daw. Mukhang umurong na yata ang tapang ni Pol para humawak ng responsibilidad para sa pagiging ama. Masyado yata siyang nawili sa pagiging asawa lang.

            Sinalubong ako ng mahabang pila. Ang daming pulis at sekyu. Mas mahigpit sila ngayon kumpara sa dati. Buti na lang at isang shoulder bag lang ang dala ko. Naglilibot din sa paligid ng mall ang mga bomb sniffing dog. Mataas kasi ang banta ng terorismo ngayon dahil sa pagsabog ng bomba sa isang bus nung nakaraang linggo. Ang daming pamilyang namamasyal ngayon. Palibhasa Linggo. Ang daming bata. Nasanay na ako pero paminsan-minsan naiinggit pa rin ako.

Hindi ako baog. Komplikado lang talaga ako kung magbuntis. Makailang ulit na akong nalaglagan kaya siguro natakot na rin kaming umasa at mabigo ni Pol. Sa bilang ko, kung hindi nalaglag ang mga dinadala kong sanggol malamang e nasa lima na ang mga anak namin. Sa lahat ng mga dinala ko sa aking sinapupunan, isa ang pinakang namumukod tangi. Siguro dahil na rin sa siya ang pinakamatagal kong dinala at pinakamatagal kong iniyakan. Siya ang pinakamalungkot kong karanasan.
Malinaw pa sa akin ang lahat. Mas excited pa yata si Pol kesa sa akin. Umaga rin yun ng Linggo. Maaga siyang gumising para maghanda ng almusal. Ipinakilala ako ng salamin sa matabang ako. Dapat buwanan lang ang check-up ko kay doktora pero ginawa na niyang lingguhan dahil sa selan ko kung magbuntis.

“Misis, lalaki po ang inyong anak.”

Pinakita sa amin ni doktora ang ultrasound image at nabanaag ko ang itsura ng aming anak. Halos lumutang si Pol sa tuwa habang hinahaplos ang buhay sa loob ng aking tiyan. Napakapit ako sa kanya ng maramdaman kong gumagalaw ito sa loob. Nagpapakitang gilas yata dahil alam niyang pinapanood naming siya ng tatay niya.

“Pero dapat po misis e maging maingat na po kayo sa inyong pagbubuntis dahil oras na malaglag pa ito e baka mahirapan na kayong makabuo pa.”
“O ayan darling narinig mo a. Tumigil ka na muna sa bahay. Magha-hire na rin tayo ng nurse na tutulong sa’yo. Kakausapin ko na rin si Beth para samahan ka sa bahay.”  
“Anu ka ba naman Pol! Kaya ko ‘to no. Wala kang bilib sa akin.”

May pigil na kasiyahan sa bawat kilos ni Pol nun. Naging maingat siya ng husto sa akin. Inaalalayan niya ako sa kalsada na parang matanda. Sarap nga hampasin ng payong e. Buntis lang ako, wala akong kapansanan. Hindi na siya nagmaneho at nagpatawag na lang ng taxi. Hindi mapigilan ni Pol ang saya. Sa biyahe nga e halos maubos na niya ang pangalang panlalaki kakaisip ng pinakabagay sa magiging anak namin.

“Hector? Andrew? Thomas? Antonio? Alfredo…”
Aliw na aliw ako sa kanya. Mukhang sa kanya nga yata ako naglilihi.

Linggo din nun nung namili kami ng mga gamit ng magiging anak namin. Nung una ayaw niya akong payagang sumama kesyo malaki na raw ang tiyan ko. Pero dahil sa takot na magiging pangit ang itsura ng bata, pag nalungkot ako e pumayag na rin siya. Tuwang-tuwa ako sa mga napamili namin. May walker na siya. May kuna. May ilang set na siya ng bimpo. Nakabili na rin kami ng mga damit niya pati yung isusuot niya sa binyag. Ok na ang lahat, yung baby na lang ang kulang.
Hindi ko alam na ang araw na rin na yun pala ang magpapabago sa relasyon naming dalawa ni Pol.

“Darling dito ka lang kukunin ko lang yung kotse.”

Pinanuod ko siyang mawala sa dami ng tao. Para siyang bulalakaw na nawala sa kalawakan. Kinain siya ng mga mukhang hindi ko makilala. Pagkatapos nun nilamon ako ng dilim at wala na akong naalala. Nakaratay na ako sa kama ng ospital sa sumunod na tagpo. Nakasimangot si Pol. Umiiyak habang nakayuko sa aking tiyan. Hindi mabura sa isipan ko ang mga luha na pinalaya niya nun. Ilang gabi siyang hindi natulog sa tabi ko. Kung hindi sa sofa sa sala, madalas sa nursery room dapat ng magiging anak namin. Lumipas ang mga buwan at taon, naiiwan na palaging kusot ang kabilang panig ng kama.
“Mare sa Starbucks ako a!”
“Malapit na ako.”
           
            Ngayong umaga, muli kong nakita ang mga ngiting iyon sa mukha niya. Kaya ngayong ikaapatnapung taon ko, muli kong susubukang makapagambag ng supling sa mundo. Ipagluluto ko ng masarap si Pol.

            “Sir.MA’AM.Sir.MA’AM.sir. MA’Am. Bili na po kayo ng ULTIMATE KNIFE .07.”
           
… KUTSILYO. Wala pa nga palang kutsilyo sa condo. Paano nga ba naman ako magluluto kung wala ito. Yung mga nabili ko kasi nakaraan e mapupurol na at hindi na makahiwa ng mga gulay at karne.

“May kasama bang hasaan ang kutsilyong tinitinda mo?”
“Ma’am. Hindi niyo na po kakailanganing gumamit pa ng hasaan para lang mapatalas ang kutsilyong ito. Sa maniwala po kayo’t sa hindi, ito lang ang kutsilyong mas tumatalas sa tuwing ginagamit.”

Dumami ang nagpuntahan sa tindahan ng kutsilyo. May lola at babaeng may kasamang anak at batang mag-asawa. Naalala ko tuloy kami ni Pol nung nagsisimula pa lang kami. Lahat ng kasangkapan naming sa bahay, sabay naming binili.

“Mga Ma’am, kumpleto po ang set na ito. Kaya po nitong hiwain at balatan ang lahat ng gulay sa bahay-kubo maging ang mga aluminum can.”

Napatingin ako sa papababang escalator. Nakupit nito ang atensyon ko sa tinitindang kutsilyo. Pamilyar ang mga ngiting iyon. Hindi ako pwedeng magkamali sa mga ngiting iyon. Tinutumbasan ng babaen ang mga ngiting iyon. Nakayakap ito sa kanya ng mahigpit. Dumampi ang kanilang mga labi. Hindi ako pwedeng magkamali sa mga ngiting nakita ko.

“Ayan mga Ma’am, tingnan niyo po kung gaano ko kabilis mahihiwa ang kamatis na ito. Ang kagandahan po kasi sa kutsilyong ito e, twin blade po siya. May talim siya sa magkabilang side ng kutsilyo kaya naman sobrang bilis lang kung makahiw…”

“MOMMY MAY DUGO!”
           
Natauhan ako sa sigaw ng bata. “Mga walang hiya.”

“Hello Rose. Kumain ka na muna diyan may bibilhin lang ako.”
“Hello. Myla. Hello Myla…”








“Leo! Buntis Ako! Kita tayo sa dati.”

Maaga akong bumangon. Tang ina, tatay na ako. Naligo. Nagsepilyo. Nagsuklay at nagbihis. Pula. Magsusuot ako ng kulay pula. Sa mall na ako mag-aalmusal. Mahirap maabutan ng trapik. Baka maubusan pa ako ng mapaparadahan sa mall. Minamadali ako ng balita. Sa wakas, tatay na rin ako.
Sakto lang at may 3 Day Sale ngayon sa mall. Makapamimili kami ng mga gamit para sa una kong supling. Pinunit ko ang daan. Nakaya ko ng kinse mintuto ang biyahe mula sa Monumento hanggang sa North Edsa. Buti na lang at Linggo. Sa hapon na siguro kami magsisimba.
Limang taon na akong bisor dito sa mall. Mabilis akong nakapasok dito dahil maimpluwensya ang mga magulang ko, kumpare niya ang mga nakatataas sa mall. Pero kahit ganun, hindi rin naman basta basta maisasantabi ang mga transcript ko. Tumanda na ako sa pamamahala sa mga kontraktwal na empleyado sa mall. Sa mga kamay ko dumadaan ang mga papel nila. Ako ang nagpapasya kung matatanggap ang sila o hindi. Sa akin din nakasalalay kung maeextend ang kontrata nila o maliligwak na. Ako ang kinikilala nilang Diyos sa loob ng ilang sulok ng mall. Kaya naman talagang sinasamba nila ako. Para akong hari kung yukuran nila pag naglilibot ako sa kanilang mga department.
Walang kasing sarap ang trabaho ko. Pwede akong pumasok kahit tanghali o hapon na. Iikot lang ako sa buong mall para manindak ng mga clerk at ibang empleyado. Tapos Pwede ko ng ubusin ang araw ko sa loob ng opisina. Lalo na ngayong uso na ang CCTV camera. Walang maitatago ang mall sa akin. Kitang-kita ko kung may mga tatamad tamad na empleyado.

“Hello. Mr. Herera. Nautusan po kami ng management.
Magdadagdag daw po tayo ng mga security
dahil naka-heighten alert ang buong Metro Manila.
“Sige walang problema.Tawag ka na sa Agency,
Higpitan niyo ang pagiinspieksyon sa mga gamit
Ng mga papasok, lalo na yung mga hindi katiwa-tiwala.”

Pook kalakalan ang bawat panig ng mall para sa akin. Produkto ang lahat ng nasa loob nito. Lahat mapagkakakitaan. Lahat matutubuan. Ang theme song ng mall na paulit-ulit na kumukulili sa mga tenga ng mga customer sa buong araw ay tila isang hipnotismong sinasabing “Gumastos kayo! Kailangan niyo to! Palitan niyo na yung mga luma ninyong kasangkapan at bumili ng bago!” Katumbas nito ang ilang bilyong kalansing ng barya mula sa mga mahihirap hanggang sa mga nagpapanggap na mayaman.
“Dito na ako sa mall.”
“Sige. Meet tayo sa 4th floor.
Daan lang ako ng department store”

Tahanan ang mall ng mga consumer na may malabong mata. At ang advertisment ang nagsisilbing gabay nila. Kaya nga hindi na nakapagtataka kung nagsusumigaw ang mga patalastas sa loob ng mall. Nakikipaglaban ang asul. Nagrerebolusyon ang pula. May angas ang dilaw. Lahat ng kulay, naglabo-labo. Kaya yung mga produkto na hindi kayang daanin sa disenyo e dinadaan sa sigaw. Gaya na lang nitong kutsilyo. Walang bumibili sa istante, marami pang stock nito sa bodega kaya naman kailangang ipagdikdikan sa mga consumer.

Buti na lamang at may mga matatalinong kapitalista ang nakaisip ng konsepto ng promodizer. Sila ang mga modernisado at intelikwalisadong palengkero’t palengkera. Pormal ang kanilang kasuotan- naka long sleeves ang mga lalaki at ang mga kababaihan nama’y naka slacks o kaya ay palda. Pormal ang kanilang pagsigaw- gumagamit sila ng lapel, hindi megaphone na ginagamit ng mga aktibista, hindi rin mikropono na ginagamit ng mga nagbobola ng bingo. At least pag lapel, mukha lang silang mga broadcaster. Pormal ang paraan ng kanilang pagtitinda- siyempre dapat kahit paano e nakatuntong ng kolehiyo para marunong na makipag-usap sa tao.
Ito nga si Burgos. Hanggang ngayon na lang ang kontrata nito. Oras na hindi siya makabenta ng kutsilyo ngayong araw na ito. Pupulutin na siya sa kangkungan bukas.

“Anong ipinagpapasalamat mo? Nangangarap ka na naman ng gising a. Ano may nabenta ka na?”
 “Wala pa rin po sir e.”
“Tsk. Paano ba yan, mukhang ito na ang huling araw mo sa mall. Dapat nakabili ka na ng bio-data, mahirap pa naman mag-apply ng trabaho.”

Hindi uso ang awa sa loob ng mall. Kung matagal ng nauso yun, edi dapat marami ng pulubi ngayon sa loob. Ang kontrata ay palaging magiging kontrata.

“Mahal. Tagal ka pa ba?”
“Papunta na ako. Sandali na lang.”

“Ito o! Nagdalawang linya.”

Hindi pa man ako nakakaupo, pinakita na niya agad sa akin ang pregnancy test niya. Naghahalo sa kanyang mga mata ang iba’t ibang emosyon. Nandun ang saya. Matagal niya ng planong bigyan ako ng anak, kahit na wala pa sa panahon, nagpahinog siya sa pilit at inampon ang aking mga pangarap sa kanyang sinapupunan. Nandun ang kaba. Marahil sa pag-aaral niya. Sa pamilya niya. Sa kinabukasan. Subalit, sa lahat, mas nangibabaw ang takot.

“Alam na sa bahay Leo. Pinapalayas na nila ako.”  
“Wag ka matakot Liza. Ako ang bahala sa’yo. Dun ka na muna sa apartment ko. Ipapaliwanag natin ang lahat sa mga magulang mo pag handa na ang lahat. Handa akong panagutan ang nabuo natin at pag-aaralin kita wag kang mag-alala.”
“Hindi daw ito kikilalanin ni Papa.”

At dumagsa pababa ang luha sa kanyang pisngi. Para siyang batang takot na takot sa kidlat. Ang ganda ng magiging ina ng aking panganay. Nakayuko siya. Ninanamnam ang bawat luhang papatak. Inaangkin niya ang katahimikan sa sulok nitong restawran.

“Hindi kita iiwan Liza. Nandito lang ako. Hindi ka ba natutuwa? Magkakaanak na tayo o”
“Paano yung asawa mo?”

Matagal ko ng hindi mahal ang asawa ko. Hindi niya ako kayang bigyan ng anak. Paulit-ulit niya akong binigo. Ang pagtabi ko sa kanya sa pagtulog ay pagtalima na lamang sa obligasyon ko bilang kanyang asawa. Wala na akong ka-amor amor sa kanya. Wala siyang kwentang babae. Hindi niya ako kayang gawing ama.

“Bigyan mo lang ako ng kaunting oras, iiwan ko na rin siya.”

Bumukal ang ngiti niya sa kanyang mga labi. Natuyo na ang mga naidilig na luha.  Sa kanyang psingi. Sa wakas, nangibabaw ang saya sa kanyang mga mata.

“Kain ka na tayo dali... Sigurado sa mga susunod na araw e lolobo na yang tiyan mo, kaya bibili tayo ng mga bagong damit. Pati na rin ng mga gamit ni baby. Buti may 3 Day Sale ngayon. “

Ito na yata ang pinakamasarap na almusal. Kasama ang magiging ina ng aking anak. Malayo siya sa aking asawa. Sa edad pa lang, mily-milya na talaga ang layo nila. Kolehiyo na ang asawa ko ng isilang sa mundo si Liza. Hindi naman sila gaanong mayaman, pero dahil ilang taong nag-sea man ang tatay niya kaya kahit paano ay nakapag-ipon. Kaedaran ko siguro ang tatay niya.

            “Mahal na mahal kita Liza. Magmula sa araw na ito hindi na tayo magtatago sa kanila. Susuungin natin ang mundo. Hindi na tayo matatakot sa kanila.”

May laya na ang bawat haplos. Maging ang mga halik. Hindi na rin labag sa batas kung Makita kaming magkaakbay. Wala na kaming pakialam sa mga nakakasalubong namin. Amin na ang mundo. Oras na maghiwalay kami ng asawa ko, matatanggap na rin kami ng mundo.

“Baba na muna tayo. Bili tayo ng mga kitchen ware para makapagluto ka mamaya sa apartment.”





“MOMMY MAY DUGO!”

Pumula ang chopping board at naghalo ang dugo ni Burgos sa mga tinatadtad niyang kamatis. Napangiwi na ang lola, natakpan na ng ale ang mga mata ng anak niya at nakaalis na ang mag-asawa bago niya pa man namalayan ang lahat. Naiwan si Burgos at ang kanyang umaagos na dugo. Sa isip nito’y tapos na ang palabas at tapos na rin ang kanyang kontrata. Bumilis ang agos ng dugo.


“Bigyan mo ako ng isang order.”

Nabunutan ng tinik si Burgos. Hulog ng langit ang aleng ito. Isa siyang anghel na sinugo ng Diyos para bumili ng aking tindang kutsilyo, naibulong niya sa kanyang sarili. Sakto at natatanaw ko na si Sir mula sa di kalayuan, ipamumukha ko sa kanya na nakabenta ako. Napuno ng kaluwalhatian ang kaluluwa ni Burgos.

“Eto po Ma’am. Salamat po. Bayaran niyo na lang po sa cashier 13.”

Natapos ang transaksyon at natapos din ang alamat ng kutsilyong hindi maibenta.

“Myla! Nasaan ka na ba?”

            “Cashier 13? Mamaya na kita babayaran. Check ko muna kung matalas kang talaga.”

            Nilamon na ng kadiliman si Myla. Eto’t sinuong niya ang mga mukhang hindi niya kilala habang kinakausap ang kanyang nabiling kutsilyo. Ang mga ngiting iyon, hindi mabura sa kanyang isip. May kaparis na ang mga ngiting iyon, sabi niya. Hindi niya matanggap. Nagwawala ang kanyang cellphone sa loob ng kanyang bag. Nagsusumigaw. Nananawagan.

“Myla. Sagutin mo! Utang na loob.”

“Leo, anu-ano ang mga bibilhin natin?”
“Kutsilyo tsaka kawali, para makapagluto ka na mamaya ng paborito kong kaldereta ”

Mula sa pedestal, hinahatid sila at ang iba pa ng escalator pababa. Nilalamon ng sahig ang bawat baitang nito. Walang nakakaalpas. Walang nakakawala. Hindi nila alintana ang mundo. Ipinagdiwang nila ang mga yapos at halik. Wala silang pakialam sa iisipin ng iba. Sa baba’y hinihintay sila ng libong mukha.

Sa malayo pa lang, tinituhog na siya ng tingin ni Burgos. Sir nakabenta na ako. Extended ang kontrata ko, pauli-ulit itong tumatakbo sa isip niya. Baka sakaling dumoble ang buwenas baka maka-isa pang benta.

“Sir. Ma’am. Sir. Matalas po ang kutsilyong ito. May mga items po kayong pwedeng matanggap pag binili niyo ito. Sir. Ma’am. Sir”


“LEOPOLDO!”
“Mahal, si Myla.”
“Wag kang matakot Liza!”

Sinalubong ni Myla ang pababang escalator. Hinawi ang mga katawang nakaharang. Nagkagulo. Nagsigawan ang mga taong pababa. Maging ang mga paakyat ay nagmadali sa pag-iwas sa kanya. Mabilis na nagsitakbuhan papalayo sa kaniya. Humaba ang leeg ng mga lalaking usisero at abala naman ang mga nanay sa pagpapatahan sa kanilang mga anak. Hanggang sa ikaapat na palapag ay may leeg na napalingon sa komosyon. Napaiyak si Liza sa sobrang takot. Humigpit ang pagkakakapit niya sa braso ni Leopoldo.

“Myla. Wag mong gawin to. Pag-usapan natin ang lahat. Maaayos pa ito. Utang na lo…”

Hindi pa man natatapos ang litanya ni Leopoldo ay naundayan na siya ng saksak sa tagiliran ni Myla. May mga mangilan-ngilan pang mga salitang sumubok tumakas sa kanyang bibig pero sinabayan ito ng pagtarak ng matalas na kutsilyo sa kanyang dibdib at sikmura. Umagos ang dugo at pilit na sumuot sa mga baitang ng escalator.
Napaatras si Liza. Natapilok. Nawala ang balanse. At nawalan ng malay. Masama ang pagkakabasak niya sa lapag. Nag-ambag ng kakaibang dugo ang kanyang sinapupunan sa una ng naidilig ni Leopoldo.
Nababaliw na si Myla. Nilasing na siya ng pighati. Nagdedeliryo na siya sa kalungkutan. Hindi niya matanggap ang lahat. Hindi niya matanggap na hindi na para sa kanya ang mga ngiting dati’y pag-aari niya.

“Matalas nga ang kutsilyong ito. Tama ang batang iyon hindi ko na kailangan ng panghasa.”

Isang unday ang pinakawalan niya. Sa sikmura. Para sa mga batang hindi mo hinayaang mabuo. Para sa mga panahong umasa kami sa wala. Ikalawang unday sa dibdib. Para pagkababaeng hindi ko nagampanan. Wala akong kwentang babae. Wala akong kwentang asawa. Wala akong kwenta, ang mga salitang ipinanselyo niya sa kanyang buhay. Pumatak ang luha niya at hinabol sa kabilang buhay si Leopoldo.
Patuloy ang paglamon ng sahig sa baitang. May kapistahan ng sariwang dugo ang tatlong katawang nakahambalang. Hindi malamon ng sahig. Nagpatuloy ang buhay ng mall. Nagpatuloy ang ingay.

“We’ve got it all for you…”



Kinilalang Unang Gantimpala
ika-8 Gawad Emman Lacaba
College Editors Guild of the Philippines

nailathala sa AKLAS 2013: Ang Kontemporanyong Tipan


0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento