Nagkatumbahan na ang mga bote ng alak.
Larawan si Arturo ng isang tatay na
naghahangad lang ng isang pamilyang may anak. Kung pwede lang na sa sinapupunan
niya na lamang ipunla ang magiging anak niya at siya na lang ang magdala nito
sa loob ng siyam na buwan, malamang ginawa na niya. Pero dahil sa imposible ito,
alak na lamang ang araw-gabi niyang ipinampupuno dito.
Sa kanyang sobrang kalasingan
naghahalo na ang ingay na likha ng mundong totoo at hindi. Alin ang likha ng mundong
totoo at alin ang katha lamang ng kanyang isipan. Sa isang iglap isang malalim
na boses ang naghari sa dalawang mundo.
“Pumatay ka ng isang tao. Isang tao
lang. Pangako maaabswelto ka.”
Nagpapaulit-ulit ang tinig. Hindi
siya nilulubayan.Hindi siya tinatantanan. Hindi tumitigil hangga’t hindi siya
kumikilos.
“Pumatay ka ng isang tao. Isang tao
lang. Pangako maaabswelto ka.”
Pumasok siya sa loob ng tinutuluyang
lumang apartment dala ang isang bote ng Anejo.
“Pumatay ka ng isang tao. Isang tao
lang. Pangako maaabswelto ka.”
Nagpatuloy sa pag-iling ang electric
fan. Sumuko ang ilaw.
“Pumatay ka ng isang tao. Isang tao
lang. Pangako maaabswelto ka.”
Nagpatuloy siya sa kwarto at dinatnan
ang humihilik na asawa.
“Pumatay ka ng isang tao. Isang tao
lang. Pangako maaabswelto ka.”
Natumba ang family picture, nabasag,
naapakan at nadurog.
“Pumatay ka ng isang tao. Isang tao
lang. Pangako maaabswelto ka.”
“BAOG KA! BAOG KA! MADAMOT KA! HINDI
MO AKO PINAGKALOOBAN NG ANAK!!!”
“Pumatay ka ng isang tao. Isang tao lang.
Pangako maaabswelto ka.”
Walang kagatol-gatol niyang inihampas
ang bote sa nahihimbing na asawa.
“Pumatay ka ng isang tao. Isang tao lang.
Pangako maaabswelto ka.”
Naging pula ang unan, kumot, kutson,
at sahig. Nanumbalik ang mundong totoo.
Nagising na lamang si Arturo sa likod
ng rehas. Muling sumulpot ang malalim na tinig;
“Magandang Umaga.”
“Nilinlang mo ako.”
“Hindi kita nilinlang Arturo.”
“Pero sinabi mo at nangako ka na
maaari akong pumatay ng isang tao at hindi ako makukulong.”
.”OO nga. Malay ko ba namang buntis
pala ang papatayin mo.”
nagwaging unang gantimpala sa patimpalak sa pagsulat ng dagli
Circulus Literati PNU
Pebrero 2012
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento