Ang Huling Rengga sa Pamantasang Normal ng Pilipinas




(Ulat ng Direktor ng Sangay PLNTK sa taong 2012-13)


Ang rengga ay karaniwang ginagawa ng mga taong walang magawa. Ito ay isa sa mga naipamana sa ating kulturang pampanitikan ng mga hapon.  Ito ay ang aktibidad kung saan, nakalilikha ng isang tula ang grupo ng mga tao. Para siyang brain storming ng mga ideya. Para siyang lokohan sa una, pero sa ilan kina-carrer talaga ito. Pero sa huli, ang rengga ay maihahalintulad sa konsepto ng pagpapatatag ng panitikan sa Pamantasang Normal ng Pilipinas. Kinakailangang maipasa, maipagpatuloy, tanggapin at kilalanin ng mga pagpapasahan, tagapagpatuloy at ang mga buong pusong tataggap. Nagpapasalamat ako kay Kitty Bantayan ng The Warden, sa pagpapabatid na may ganito palang kalokohang puwedeng gawing seryoso at pagbukalan ng mga likhang panitikan.

Noong tumatakbo pa lamang ako bilang direktor ng Sangay PLNTK, marami akong sinabi. Una sabi ko magkakaroon ng opisyal na kalipunan ng akdang pampanitikan ang mga mag-aaral ng Kagawaran ng Filipino, bubuo ng patimpalak sa malikhaing pagsulat, bubuhayin ang Omalohokan, gagawing buwanan ang mga palihan, palalayain ang mga akda, hindi lamang sa pamantasan bagkus sa mas malawak na lipunang kinasasadlakan ng pamantasan. At sa huli, sabi ko ang lahat ng ito ay maisasakatuparan sa tulong ng pamunuan at ng mga estudyanteng manunulat. Masyadong madaling abutin ang Palanca Award kung magtutulong-tulong sa pag-abot dito. (ngayon ko lang naisip na ipinanganak pala akong may bunganga ng politiko) Kaya nga siguro, maraming naniwala sa akin at nakalabas ako bilang opisyal na kabahagi ng pamunuan. At nung tipanan noong Hunyo, sinabi ko, ang pagpasok sa PLNTK ay hindi isang paanyaya—bagkus  ay isang HAMON.

At para sa mga tumugon sa hamon. Inaasahan na hindi nakukulong sa isang taong panuruan ang pagtalima sa mabigat na responsibilidad ng pagsulat. Noon kasi, nakukulong sa isang palihan sa isang taon ang pagiging kasapi ng PLNTK. Yung tipong sapat na na nakadalo ka sa isang palihan para makonsidera ang pagiging kasapi ng sangay. Sa taong ito, hindi lamang nakulong ang mga kasapi sa isang palihan bagkus mas pinayabong pa ito sa buwanang pagtitipon sa unang semestre. Nariyan ang Reklamo, Reklamo 1.5 at ang Kathapora. Kahiwalay pa ang mga lingguhang pulong na sa pagtataya ay nagging makabuluhang bahagi naman ng pagsusulat ng mga manunulat na kasapi. Malinaw ang mandato sa pagpapalaganap ng panitikan at sa lahat ng mga naisagawang pagpapalihan, naniniwala ako, napagtagumpayan naman. At ang patunay: ang Hordin ni Myla Eusebio, ang Tutuldok ni Diosa Fe Garcia, ang Buwan ni El Krissa Postrado, Estribong Tanghalan ni Jolly M. Lugod, Deboto ni Kevin Armingol (patay ka kay Empty Minds XD) at ang ilang pagtatangka ng ibang kasapi. Kamakailan lang, pinagawa ko ang mga kasapi ng dagli tungkol sa upuan ng gabi at paggising ko sa umaga, tapos na nila. May kakaibang atake. Maniwala kayo hindi CLICHE. (baka next year na mailabas yun) Pero siyempre gaya ng lahat ng bagay, napaka-kapal naman ng mukha ko kung gagawin kong kredito sa akin ang lahat ng iyon. Siyempre hindi, naniniwala ako sa kanilang kapasidad, mas mainam sigurong kinulit at ginising ko lang sila. Ito ang mga lehitimong katibayan ng paglahok sa mga palihan. Ang aplikasyon ng mga natutunang konsepto sa malikhaing pagsulat.

Kung babalikan ang kasaysayan, ang KADIPAN ay lehitimo naman talagang organisasyong pangmanunulat at hindi mortal na kasalanan ang pagbalik natin sa orihinal nitong kaayusan. Sa mga katauhang gaya nina Jaco Tango, Kristine Salvador at Daniel Avila De Guzman na kapuwa nagpakita ng kahusayan sa ika-21 Gawad Genoveva Edrioza-Matute, naniniwala akong hindi nawala ang matalas na panulat ng PLNTK.

Sabi ko nga sa Amorseko, ang gumigising pa lamang ang mga manunulat ng PLNTK mula sa mahabang mahabang pagkakatulog. At kung maniniwala tayo sa linyang masamang magbiro sa bagong gising. Matakot na ang lahat sa bangis ng tintang tinataglay nila. Sana ay samantalahin ng mga bagong manunulat ang pagkakabuklat ng unang pahina ng kontemporanyong panitikang likha ng mga nagpapakadalubhasa sa wikang Filipino.

Economical Power is Politcal Power. At diyan nagkulang ang PLNTK. Hindi natin sinasadyang nagging kabahagi ng Krisis Monetarya ng KADIPAN. Anu’t ano pa man. Mapalad pa rin tayo na sa kabila ng lahat. Mayroon tayong Si.Guro, Busal at Amorseko. Pagkatapos ng lahat. Bumababa ang dignidad ng salapi subalit hindi ng mga kalipunan ng mga akdang pinagsumikapan, pinagtalunan at pinaghirapan ng mga manunulat at patnugot.

Alam ko sa dinami-rami ng nagawa ko wala pa rin akong nagawa. At pilitin ko man ang sariling kong dagdagan ang mga araw ng kalendaryo sa buwan ng Marso, mananatiling imbalido ang ilan sa mga pinapangarap ko. Sana hindi matabunan ng mga personal kong kamalian ang dakilang layunin ng pagpapayabong ng panitikan. Naging tao muna ako bago naging direktor. Naging ako lang si ako. Sapat na yun. Handa akong makipagtulungan sa susunod na direktor kung sakaling hihingin ang aking ayuda. Wala akong karampot na karapatang ipagkait ang kahit na anong kaalamang tinaglay, tinataglay at tataglayin ko. Maging bukas sa maraming pagbabago. Harapin ang mga tunggalian. At kung tatanungin ako kung ano ang bagay na hahanap-hanapin ko paglabas ko ng pamantasan. Ito yun, ang pagiging direktor ng sangay PLNTK. Nananalig ako na nasa mabuting kamay ang mga manunulat dahil dalawa pa naman ang kamay ni Prop. Joel Costa Malabanan.

Salamat sa mga naging katuwang sa pagpapalwak ng panitikan. Mula kay Anna Fallorina, Nanay Rai Perdigon at Mariel Gidalanga  hanggang sa mga weirdong sina Patricia Gertrude Reyes, Dina Relojo, Ethel Diana Jordan at Gizelle Tagle, kay Erol Gumogda, Jaco B. Tango at Mark Rommeld Santos at siyempre kay Diosa Fe Garcia.

Gayundin kay Pat Villafuerte at Joel Costa Malabanan.
Sa mga naging instruktor ng mga palihan, Andang Juan, Pia Montalban, Terrie Padin, Jonathan Vergara Geronimo, Wilmor Pacay III at Mark Angeles.
At sa mga naging kabahagi ng Amorseko, Carlo Romero, Donnadette S.G. Belza, Andrew Bonifacio Clete at Prop. Genaro Gojo Cruz.

Muli’t muli. Hindi na ako makapaghintay kung anong klaseng halaman ang naitanim namin sa taong ito. Nagpapatuloy ang hamon mga kasama. At kung Rengga nga ito, kayo naman...




emmanuel t. barrameda
manunulat

Next PostMas Bagong Post Previous PostMga Lumang Post Home

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento