lipat bahay



May bayanihan ng mga pawisang katawan
Imbes na bahay, buhat nila’y kasangkapan
Magmula sa blender, oven at hair blower
Hanggang sa mga cabinet, istante at drawer
Pasa-pasa.
Abot-abot.
Hanggang maka-abot sa dyip na haharurot

May bigat ang pag-aabutan
May pagpipigil ang mga kamay na nagtutulungan
Parang natatanong na:
Hindi na ba talaga kayo mapipigilan?
O baka naman kayo ay mayroon pang agam-agam?

Bawat abot ng kagamitan
May kuwento si Aling Linda ng nakaraan:
Naalala mo ba nung nanghiram ako sa’yo ng sangkalan
At nagluto tayo ng matamis na ginataan
Sumagot ang aking inang:
Oo, ang lasa ay malinamanam
Talagang hindi ko yun malilimutan

Sumabat naman si Aling Celia sa kawalan
Naaalala mo rin ba noong minsang umuulan
Wala kayo at may pinuntahan
Ako ang sumaklolo sa inyong sampayan
Sinira ko pa yung bakod niyong kawayan
Kesa bumaho ang ‘yong nilabhan

Nagpatuloy ang mga ina
Sa kanilang mga gunita.
Ang kanilang mga alaala
Ay parang palaman sa garapon
Patuloy na sinisimot ang mga kahapon
Walang tinitira
Kahit isa

Inilabas na nila ang lamesa
Ang mga silya at kama
kasabay ang mga kuwentong
Hinapagan, inupuan at hinigaan

Salamat pare
Wika ni Mang Jose
Nang maalala ang mga inumang
Nauuwi sa mga utangang
Hindi na maalala kung nagkabayaran
Sabi naman ni Mang Furisima,
Kahit pa walang tama ng Ginebra
Ang pitaka ng aking ama
Ay hindi nangmamata
Kusang umaabot at hindi nagdadamot

Buhat na nila ang aking bisikleta,
Mga lutu-lutuan, manika
At iba pang laruan sa maleta
Na palaging bumebenta
Sa mga kalaro kong mga bata

Nagpaalam na si Jun-jun
Sabi niya: dapat ako pa rin ang bespren mo dun
Sabi ko naman: oo, kung pwede lang kita isama
Kasya pa naman tayo sa dyip naming nirenta
Ngumiti siya at sinabing; Hindi bale na
Kontento na akong palagi mo akong maaalala
Tuwing ipepedal mo ang ‘yong bisikleta

Sabi niya pa: Pagtanda natin hahanapin kita

At napuno na nga ng bahay ang Dyip
Iniwan na namin ang ilang bagay na nagpapasikip
Ang tumba-tumba, paso ng halaman
Batya, tabo at timba
Pati ang upuang mahaba
Hindi na namin nadala
Pero, sapat na ang baon naming alaala

At sa muling paghinto ng dyip na puno
May mga katawang matitipuno
Ang muling magbabayanihan
Hindi lamang ng mga kasangkapan
Kundi sa pagbuo ng aming bagong alaalang
Tatawagin naming tahanan


Lahok sa Saranggola Blog Awards 5
Pagsulat ng Tula

                                                                      
Next PostMas Bagong Post Previous PostMga Lumang Post Home

8 komento:

  1. madalas namin gawin ang maglipat-bahay dahil sa walang permanenteng tahanan... at di mo talaga maiiwasang magbalik tanaw....

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. masayang pagkasyahin ang buong bahay sa loob ng isang sasakyan.
      nakakatuwa yung mga bahagi kung saan iiwan na yung mga hindi kakasya. mahirap kumaway at panuoring lumiliit habang lumalayo ang bahay na nagsilbing tahanan niyo sa loob ng mahabang panahon :)

      Burahin
  2. Naalis ng may-ari ang komentong ito.

    TumugonBurahin
  3. hindi ko napansin nung una ngunit huli na
    pareho pala tayo ng title ng tula
    ako po'y pagpasensiyahan hindi ko kasi lagi binibisita
    ngayon ko lang nakita sa sidebar ng saranggola

    ako po si Semidoppel

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. magandang umaga semidoppel
      alam ko nauna yung akda mo e.
      kaya hindi ko na nilagyan ng gitling
      yung akin. anw, goodluck sa atin

      Burahin
  4. Gusto mo ba ng online work?
    Earn while you enjoy time with your Family & Lovedones!
    Email me: tirada_uno_23@yahoo.com / tiradauno@gmail.com / n.helphelphelp@gmail.com
    Contact Number: 09465046302
    For more details, kindly visit http://www.unemployedpinoys.com/

    TumugonBurahin