Paparating na si Martin! Ang malaki at magiliw na alupihang kinahuhumalingan sa buong bayan. Nariyan na siya. Paparating na sa kumpulan ng iba pang insekto sa bayan. Dahil sa kaniyang laki, palagi niyang pinasasakay sa kaniyang likuran ang mga ito upang mabilis silang makarating sa kanilang pupuntahan. Dati kasi nakapila lamang silang naglalakad papunta sa imbakan ng asukal. Inaabot sila noon ng tatlong araw bago makarating, ngayon ay tatlong minuto na lamang.

Sumasakay sila sa likod ni Martin ‘pag dumadating na niya. Sabi niya, kumapit kayo nang maigi sapagkat magiging mabilis ang ating biyahe. Mula sa kaniyang likod ay tanaw na tanaw ng mga insekto ang malalawak na dagat at ang mga berdeng burol pati na rin ang maingay na ilog at ang matatayog na bundok. Sa pagdating nila sa kanilang pupuntahan ay titigil si Martin at sasabihing, sana ay naibigan ninyo ang inyong pagsakay at muli siyang babalik sa kanilang pinanggalingan para sunduin ang iba pa.

Bilang kapalit sa kabutihan ni Marin, samu’t saring regalo ang ibinibigay ng mga insekto sa kaniya. Ang mga langgam ay nagbibigay sa ng matatamis na panghimagas. Binibigyan din siya ng mga damit na gawa sa sapot ni Gagamba, at ng iba’t ibang halaman ni Butiki. Kaya naman mas lalo pa siyang ginaganahan sa paghahatid at sundo sa kaniyang mga ginigiliw na pasahero.

Nariyan na si Martin! Mabilis siyang humaharurot papunta sa kumpulan ng mga insekto. Parang hindi siya napapagod. Pakanta-kanta pa nga ito habang naglalakbay. Humihinto siya sa bawat bayan para magbaba at magsakay. Hindi sa kaniya uso ang pahinga. Kaya naman kapag nariyan na si Martin, ang lahat ay nagdiriwang, napapatalon, at ginaganahan ng loob.

Pero isang araw, walang Marting dinatnan ang mga insekto. Dati-rati naman e nauuna pa siya sa mga ito. Ngayon ay walang naroroon kundi ang kaniyang mga mananakay. Nagkakagulo na ang lahat. “Nasaan na si Martin?” sabi ng isang langgam. Iba’t iba ang nabuo at narinig na mga sagot. Baka raw ayaw na niyang pasakayin ang mga insekto. Baka raw nagsasawa na itong magsakay ng mga insekto sa kaniyang likuran. Baka daw kulang na yung mga minatamis, damit, at halaman na ibinibigay sa kaniya. Nagpasya nang maglakad ang iba nang biglang dumating si Martin. Paparating na si Martin! Paparating na! Nagsisigawan ang lahat. Maging ang mga nagpasiya nang maglakad ay muling bumalik.


Hindi tulad ng dati, ubod ng bagal ni Martin  ngayon. Hindi na rin siya nagsasalita sa biyahe.  Hindi na siya kumakanta at hindi na rin nagpapaalala sa kaniyang mga mananakay. Parang ang bagal-bagal ng kilos ng lahat sa mga oras na ‘yun. May ilang pinili nang bumaba at maglakad na lamang. May ilang nanatiling nakakapit kay Martin at nagtiyaga na lamang sa mabagal na paglakad ng dambuhalang alupihan.

Gabi na nang makarating sa imbakan ng asukal ang mga insekto. Yung dating tatlong minuto ay naging tatlong araw na ulit. Mas nauna pa ngang nakarating at nakauwi yung mga nagpasiyang maglakad. Triple ng pagod ng mga insekto sa paglalakbay ang pagod ni Martin. Hindi na siya halos makabalik dahil sa pagod. Awang-awa ang mga insektong nakasakayn sa kaniyang  likod sa pagkakataong iyon.

Noong mga sumunod na araw, naroon pa rin si Martin, pero hindi yung dating Martin na mabilis at makisig kung kumilos. Mas bumabagal na sa paglakad si Martin at nagpatigil-tigil ngayon. Yung dating mabilis na takbo ay naging mabagal na paglakad. At ang mabagal na paglakad ay naging mabagal na mabagal na paglakad. Hanggang sa tumigil ito at hindi na muli pang gumalaw. Pagod na pagod si Martin.

Nagsialisan na ang iba pero naiwan ang ilang insekto. Inakay nila si Martin papunta sa kaniyang bahay. Doon na lamang nila napansing marami na palang sugat si Martin sa kaniyang mga paa. Maliban doon ay mataas na mataas rin ang lagnat niya. Kaya naman agad na gumawa ng kumot na yari sa sapot si Gagamba para malabanan nito ang ginaw na nararamdaman. Si Butiki naman ay naghanap ng mga halamang gamot at pinakuluan para mahigop ni Martin. At si Langgam naman ay masugid na nagbantay kay Martin habang pinupunasan ang kaniyang noo ng mainit na bimpo. Dumating ang nanay ni Martin na si Aling Martha at iniwan namin siya roong mahimbing na natutulog.

Ilang araw ding bumalik sa dati ang gawi ng mga insekto. Lahat ay muling gumigising nang mas maaga at bumabangon. Sabay-sabay silang naglalakad patungo sa imbakan ng asukal. Nakita nilang nagbago ang buhay nila nang mawala ang dambuhalang alupihan sa kanilang buhay.


Hanggang sa isang araw ay may biglang malaking malaking alupihan ang natanaw ng mga insekto sa malayo na papalapit sa kanila. Paparating na si Martin! Paparating na! Napuno ng palakpakan at hiyawan ang paligid. Naroon na nga ang magaling at malakas nang si Martin. Kumakanta siya habang humaharurot papunta sa kaniyang mga ginigiliw na pasahero.


“Sumakay na kayo at maglalakbay na tayo!”

Sabi ni Martin sa mga insekto. Kaya nag-unahan ang mga itong sumakay sa kaniyang likod. Kahit na napuno na ang likod ni Martin ay hindi pa rin ito sasapat para sa lahat.


Nalungkot ang ibang hindi nakasakay. Pero nagsalita si Martin, “Huwag na kayong mag-alala, babalikan ko kayo kaagad.”

Pero hindi pa man natatapos magsalita si Martin ay biglang may natanaw ang mga insekto paparating sa kanilang kinatatayuan.  

“Ako na ang bahala dito sa natitira!” Nagsalita kararating lang na isa pang dambuhalang alupihan. Mas higit na nagdiwang ang buong bayan sa pagdating ng nanay ni Martin, Si Aling Martha.


Mula noon ay naging mas maginhawa ang paglalakbay ng mga insekto. May panahon na para makapagpahinga si Martin kapag si Aling Martha ang naghahatid at sunod sa mga pasahero. Kapag si Aling Martha naman ang nagpapahinga ay nakakasama muli ng mga insekto si Martin. Ayan na! Paparating na si Martin!

* Lahok sa Saranggola Blog Awards 7 (http://www.sba.ph).


(Pitong Diona sa Bigas)

I.

Mga natatapon na
Kanin sa may lamesa
Langgam ang tumitira

II.

Bigas na isasaboy
Sa kasal ng palaboy
Atin nang iabuloy

III.

Kaning lamig at sabaw
Iniinit ang ginaw
Parang ako at ikaw

IV.

Bandehado ng kanin
Kanilang aanihin
Dehado’ng kikitain

V.

Naubusan ng kanin
Ang kalderong maitim
Kumalam nang mataimtim

VI.

Isang kilo ng bigas
at bagyo na malakas
lugaw ang handa bukas


VII.

Sinaing ay natusta
Tutong ang nasa mesa
Binuska ng prinsesa




* Lahok sa Saranggola Blog Awards 7 (http://www.sba.ph).



Sabi ni Nora: Walang himala!
Sabi ko: Meron!



Isang Araw ng Marso
(tapos… pagtatapos)


Malapit na ang pagtatapos. Abala na ako sa paghahanda ng mga papeles para sa aking pagtatapos. Yung mga portfolio, journal, written report at iba pang requirements ay kailangan na ring matapos para sa araw ng pagtatapos. May babayaran pang grad pic, grad fee at year book—lahat ay para sa hindi matapos-tapos na paghahanda para sa pagtatapos.

Pinili kong mag-isang harapin ang lahat.

Yung mga kaklase ko kasi ay abala sa kani-kanilang pagtatapos. Yung mga magulang ko naman ay may iba ring tinatapos. At ang aking karelasyon—ay magdidiwang na ng kanyang kaarawan sa katapusan. Kaya kailangan ko na ring maihanda ang surpresa ko sa kanya kasabay ng mga requirement sa pagtatapos.

Naisip ko, labing walong tula para sa kanyang ikalabingwalong taon. Kailangang siya ang maging pinakamasayang babae sa planeta, sabi ko. Pero hindi ako narinig ng buong mundo, dahil abala ang lahat sa kani-kanilang pagtatapos.

Isang Sabado, matapos ang isang sesyon sa tula ng mga makata. Dahan-dahang nagsialisan ang mga manunulat na kerubin at anghel. Naroong natira ang isang Himala.

Hindi ko na maalala kung siya ba o ako ang nagprisinta. Siya ba o ako ang nag-aya? Siya ba o ako ang unang nag-alok? Basta nagkasundo kaming tutulungan niya ako sa paghahanda ng surpresa. At nakita ko na lang ang sariling tinatapos ang pagkain ng adobo sa ikalawang palapag ng SM kasama ang Himala. Masarap. Lalo na yung bahaging may taba. Kahit delikado, masarap lang talaga. Tapos… Tapos na!


Isang araw uli ng Marso.
(ok… di ako ok.)

Nakaset na ang lahat. Yung tarp, ok na. Yung mga kopya ng tula, ok na rin. Yung mga kaklase niyang babasa ng tula, ok na rin. Lahat lahat ay ok na. Handang handa na. Kasama ko siyang nagmamasid mula sa malayo. Sabi ko, ang cue ay kapag napiringan na nila ang mga mata ng karelasyon ko, tsaka kami papasok. At dun magsisimula ang pagbabasa ng mga tula.

At ok na nga. Napiringan na. Nabasa na ang mga tula. Nairaos na ang surpresa. Nagpaalam siya sa akin. Napangiti ako, sabi ko salamat. Ngumiti naman siya at nagsabing mauuna na siya. May kung anong meron sa pamamaalam niya na hindi ko maunawaan. Baka kako naninibago lang ako na maghihiwalay kami ng landas na walang bahid ng sebo ng adobo sa aking bibig.

Masaya naman ako. pero parang may kulang.

Naalala ko, nung binabasa  na ang mga akda, mas nakatingin ako sa kanya kaysa sa karelasyon ko. Bawat ngiti niya ay parang paulit-ulit niyang sinasabing, “sabi sa’yo, magiging ok ‘to e.” Tapos ako naman ay makakahinga na nang maluwag.

Tinapos namin ng aking karelasyon ang araw sa loob ng parehong restawran sa kaparehong palapag at kaparehong mall, sa kaparehong upuan.

Kumain ulit ako ng adobo—pero hindi ito makagat ng panlasa ko. Nag-aalsa, may kulang daw sa araw ko. Sabi ko sa sarili ko, ok lang ako. Pero sumagot ito, ‘yun ang akala mo.



Isa Uling Araw ng Marso
(mayroong meron sa wala)


Hindi ko maalala kung sino sa amin ang unang humawak sa kamay ng isa’t isa o kung ako nga ba ang unang humalik sa kanyang mga labi o siya sa akin. Ang alam ko lang ay tumugon siya lahat.  

            Isla ang ‘yong nunal
            Pahingahan ng napapagal
            Nais kong diyan na manahan
            Nang di na tayo magtago kaninoman

Bahagi ng tulang binasa ko sa kanya nang wala siyang piring sa mga mata. Binabantayan kami ng mga tala noon sa kaulapan ng Intramuros, na nangakong sesenyasan kami sa oras na may sumalakay na kakilala.

Makailang ulit akong ngumiti at makailang ulit niya rin akong tinanong kung bakit. Sabi ko wala, sabi niya, sa mga walang ‘yan ay palaging meron. Ngiti ang tugon sa ngiti. At alam naming itong saglit lang na ito ang mayroon kami. Maliban dito ay wala na. Lalabas kami sa makakapal na dingding ng Intramuros na hindi magkakilala. Ni walang batian o kung anong kalabitan.

Naghiwalay kami ng landas sa hudyat ng mga tala. Sumakay siya ng dyip papuntang MCU at ako nama’y naghahanap ng barko papunta sana sa islang kami lang ang nakakaalam.



Isa na Namang Araw ng Marso
(tagpuang hiwalayan)

Sa pagkakakilala ko sa kanya noon, mabilis siyang mag-imbento ng tulog. At hindi nga ako nagkamali. At sa hapong iyon, balikat ko ang kanyang laboratoryo. Nakaupo kami sa isa sa mga bench sa UP. Maraming nagdya-jogging sa paligid pero mas marami ang tumatakbo sa utak ko. Hanggang kailan ba ’to? Hanggang saan? May bukas pa bang naghihintay? Kung meron, anong meron bukas? At sa makalawa? At sa makalawa pa ulit?

Ayoko siyang gisingin, pero kumawala ang mga fireworks sa kalangitan na siyang umalarma sa kanya. Aksaya ng oras kung aalamin ko pa kung pawis ba o laway niya ang nag-iwan ng marka sa balikat ko.  Ngumiti siya sa akin at sabi niya, game na. Pero sabi ko, tapos na. Nagpapatuloy ang pagsirit ng mga fireworks pataas samantalang ang kanyang mga luha naman ay nagsimulang magrapelling pababa.

Sana sinabi mo nang maaga, para hindi na ako natulog, sabi niya. Sa isip ko, kung ako lang ang masusunod, pinili kong hindi ka na lang magising. Kahit sa balikat ko na lang ikaw manirahan, ok lang. Pero kailangan kong mamili. Hindi sa kanilang dalawa kundi sa kung alin ang mas makabubuti para sa kanilang dalawa. At sa mga pagkakataon na yun, pinili kong maging maayos kaysa sa maging masaya.

Halos sabay na naubos ang fireworks sa kalangitan at ang luha sa kanyang mga mata. Muli siyang sumakay sa dyip pa-MCU at ako naman sa bus, pabalik sa realidad.


Isang Araw ng Marso
(nagsisimula sa pagtatapos)

Bumalik na ako sa pagtatapos ng mga papeles para makapagtapos. At makalipas lang ang ilang araw ng Marso, wala na akong relasyong binalikan. Para akong batang may hawak na lobo sa magkabilang kamay at sabi ng mundo bitawan ko raw yung kaliwa. At dahil tanga ako sa usapin ng mga kanan at kaliwa, nabitiwan ko ang kanan at nang mapalaya ko ang kaliwa, tuluyan nang tumakas ang kanan.

Malamig na pasilyo na ang dating maiingay na tambayan sa eskwela. Siguro nga malapit nang magbakasyon kaya isa isa nang lumilipad palayo ang mga estudyante. Ilang araw pa ay magtatapos na rin ako. Pero alam ko, magsisimula pa lang ang maraming bagay sa pagtatapos ng pagtatapos.

Nakatingin ako sa mga pagitan sa mga upuan. Sa mga bitak sa sahig at  sa kumikindat na cursor sa cellphone ko. Oo, naisip ko. Kailangan ko nga yata ng space. Ilang taon pa siguro ang bibilangin bago maging kalmado ang ilang araw ng Marso. At kung totoo nga  ang Diyos, naniniwala ako na minsan pa ay dadating muli ang milagro sa buhay ko nang hindi ko inaasahan. Sa mga pagkakataong iyon, sana nakabili na ako ng ticket ng barko para sa aming dalawa.










Silinyador

Unang pumikit ang mga headlight ng taxi ni Mang Ramon sa bulto ng mga nakatambak na sasakyan sa EDSA. Sumuko rin pati ang makina kaya magkasabay na nagpahinga ang radyong kumakanta ng mga awiting pamasko at ang aircon na bumubuga ng hangin. Pinihit niya pababa ang bintana upang hindi mainitan. Mabagal ang andar ng mga sasakyan palibhasa rush hour pa at kasusweldo lang ng karamihan kaya naman punong puno ng mga parokyano ang mga mall at ibang pasyalan.

Uminat si Mang Ramon at naalalang pangatlong gabi niya nang gising. Kailangan niyang samantalahin ang dami ng mga pasahero ngayong magpapasko kaya nakukuntento na lang siya sa mga paisa-isang oras na tulog sa mga gasolinahan at paradahan sa may karinderya.

“Boss, Commonwealth?”

Mabilis niyang binuksan ang pinto para papasukin ang pasaherong may bitbit na pinamiling kutson, unan, at maraming stuff toys na panregalo. At sa pagsara ng pinto kasabay na kumumpas ang traffic enforcer. At muling dumilat ang headlight ng taxi ni Mang Ramon kasabay ng muling pag-awit ng koro sa radyo at pagbuga ng hangin ng aircon. Sa pag-apak niya sa gasolina, nagtakbuhan sa kanyang harapan ang isang pulutong ng tupa.






ATM

Kasing haba ng pila sa ATM ang pila sa listahan ng mga kailangang bilhin ni Ma’am Lesly. Nakapriority ang mga ihahanda sa noche buena at bisperas ng bagong taon. Magkakasunod sa pila ang pasta, hotdog, sauce, giniling para sa spaghetti. Habang nasa kabilang pila naman ang mga softdrinks, loaf bread at fruit cocktail. Absent na sa listahan ang keso de bola at hamon dahil sa sobrang mahal ng mga ito. Hawak ni Ma’am Lesly ang listahan at ang kanyang pulang ballpen habang nakatayo sa pila.  At habang nababawasan ang mga taong nakapila isa isa ring nalalagyan ng pulang ekis ang mga dapat bihin.

·      Bola para kay James  (sa January na lang siguro. Isasabay ko na lang sa birthday niya)
·    Manikang Hello Kitty kay Tina (baka may magbigay sa akin galing sa mga estudyante ko, ibibigay ko na lang sa kanya.)
·      Duster para kay Ate Lyn (prutas na lang siguro pagdalaw namin sa kanila)
·      Pabango para kay Kuya Jim (mukha namang hindi niya na kailangan nito)
·      Pang exchange gift bukas.

Siya na ang kasunod sa pila at pang exchange gift na lang ang natira sa kanyang pinaikling listahan. Binuka niya ang pitaka para kunin ang ATM card nang bigla siyang tuklawin ng panibagong listahan. Nilamon siya ng buo nito at ang kung magkanong laman ng kanyang ATM. Nakiusap siyang baka maaaring tirahan siya ng kahit na isanlibo para sa kanilang noche buena o kahit isang daan para sa pang exchange gift niya sa party ng mga bata bukas. Pero tuluyan nang gumapang palayo ang ahas para manuklaw ng iba pang baon sa utang.










Tala

Nakauwi na ang mga kasamahan ni Mang Ambo pero siya ay nagpapatuloy pa rin. Hindi niya iniinda ang dilim ng gabi para ipagpatuloy ang kanyang trabaho. Sige lang siya sa pagpapakinis ng mga piraso ng kawayan para gawing pundasyon ng ginagawang parol. Pagdudugtungin niya ang mga ito gamit ang maninipis na alambre para maging talang walang ningning sa gabing madilim.

Kukuha siya ng makulay na papel sa lagayan at dahan dahang pakikinangin ang kanyang nililikhang bituin sa pamamagitan nito. Mayroong pula, asul, dilaw at berde. Ipagpapatuloy niya ang pagbabakod ng kulay sa malalamig na pundasyon ng parol at saka niya ipapasok sa puwitan ang maliit na ilaw na may kable.

At matapos niyang magawa ang  ilang parol, nagliwanag na ang paligid pero madilim pa rin ang mundo ni Mang Ambo. Nanatili siyang bulag na saksi sa liwanag ng mga talang kanyang ginawa.










Christmas Tree

Nagpapatagalan ng tayo si Wilma at ang Christmas tree na kanyang itinitinda. Kung tutuusin, lamang na lamang talaga si Wilma sa patagalan ng pagtayo. Hunyo pa lang ay nakatayo na siya sa department store na kanyang pinagtatrabahuhan. Ilang beses na siyang nagtagumpay sa patagalan ng pagtayo. Natalo na niya ang mga manekin na nakasuot ng uniporme with matching back pack at baunan noong Hunyo. Nung Hulyo naman ay dinaig na niya ang mga manekin na nakakapote at may tangang payong. Nakabarong, baro at saya naman nung Agosto. Nung nagkaroon ng sale sa mall nung Setyembre, dinaig niya rin ang lahat ng mga items na itinayo sa tabi niya. Nung Oktubre ay dinaig niya ang mga nakakatakot na zombie na punong puno pa ng sapot at gagamba at nung nakaraang buwan nga ay itinayo sa tabi niya ang mga nagtatayugang Christmas tree—at hanggang ngayong magki-clearing na ang mall ay nagpapatuloy pa rin ang kanilang laban.

Kinalabit siya ng isa pang sales lady.

“Tawag ka ni Sir. Pinapakuha na yung libre mong noche buena items”

“Sige, salamat.”

“May itatayong Savemore dun sa may Junction, subukan mong magpasa ng resume.”

Ngumiti si Wilma at muling sumulyap sa Christmas tree. Tanggap niya ang pagkatalo ilang araw bago magpasko. At bukas magpapatuloy ang laban sa pagitan ng Christmas tree at ng bagong sales lady.










Chance Passenger

May sale daw ng mga ticket pauwi ng Bicol, yung dating 900, magiging 500 na lang. Isa sa mga natuwa si Mang Hulyo, paano ba naman, matagal na niyang gustong makauwi sa kaniyang probinsya. Matagal na niyang gustong makita ang kanyang mga iniwang anak at asawa. Eksakto, sa bisperas ng pasko, magkakasama-sama na sila. Hindi na siya nagdalawang-isip pa, bibilhin niya ang ticket at susurpresahin niya ang kanyang mag-iina|. Yung natira sa pinaghirapan niya sa ilang buwang pagtatrabaho ay isanlibo na lamang at ito ang binawasan niya ng kaunti para ipamili ng kaunting pasalubong para sa kanyang asawa at mga anak. Binilhan niya ng kumot na pula at ilang mumurahing bestida ang asawang si Susie at isang lata naman ng biskwit para sa kanyang tatlong anak.

Ginabi siya sa pamimili. Kaya naman hapunan na nang siya ay dumating sa terminal. Dala na niya ang lahat ng damit at kasangkapang pang-constructiong nakakahon sa kanyang kaliwa. Sa kanang kamay naman ang nakalukot ang 500 pisong pamasahe papauwi. May paskil siyang nakita sa may ulunan ng teller—malabo ito. Hanggang sa palapit siya nang palapit sa unahan ng pila, at ang dating malabong karatula ay dahan-dahang lumilinaw. At nang siya na ang susunod sa pila, naging malinaw na malinaw ang kaninang malabong malabong paskil na karatula: THE PROMO IS UNTIL NOVEMBER 30 ONLY. Muling pinalabo ng luha ang kanyang paningin. Nalukot lalo ang noo ni Ninoy sa 500 sa kanyang palad, dahan-dahan siyang napatingin sa lata ng biskwit—at kumalam ang kanyang sikmura.







Balikbayan

Suot ni Janna ang paboritong dilaw na bestida. Ito ang palaging pinapasuot sa kanya ng kanyang mama Luz kapag kaharap nila sa computer ang asawa nitong nasa monitor ng computer. Lahat na ng pwedeng gawin ng bata sa harapan ng monitor ay nagawa na niya para ipakita ang pagka-miss sa kanyang papa Al ay nagawa na niya. Kumanta na siya ng Pusong Bato. Sumayaw na ng Tatak Mo. Nag ay-lab-yu at nagflying kiss. Sa edad na apat, talagang ang alam ng murang isipan niya ay nasa loob lang kahon ang kanyang papa Al, kaya naman palagi siyang nagtatanong sa kanyang mama Luz kung kailan makakalabas sa loob ng kahon ang kanyang papa Al. Sabi ni mama Luz, bago magpasko.

Araw-araw na nanunood si Janna ng mga balita tungkol sa pagdalaw ng pope sa Pilipinas, pag-ahon ng mga biktima ng bagyong Ruby at ang mga naka-quarantine na peace keeper galing ng Liberia, para abangan ang countdown sa pasko. Inaabangan niya kung ilang tulog na lang bago magpasko at saka niya tinatatakan ng Hello Kitty stamp ang mga numero sa kalendaryo. Tapos ipinapakita niya kay papa Al sa monitor.

Natatakan na ni Janna ang huling numero at pinatay na rin ni mama Luz ang computer. Alas nuwebe ang dating ng eroplanong sinasakyan ni papa Al. Kaya alas otso pa lang ay nakatayo na silang mag-ina sa may waiting area sa airport.

Isang malaking monitor ang lahat ng mahahagip ng mata ni Janna. At mamaya lang ay lalabas dito ang kanyang papa Al. Sabik na sabik na si Janna. Hawak niya pa ang stamp ng Hello Kitty. Gagawin niya itong mikropono mamaya sa pagkanta niya ng Pusong Bato at Taktak. Kumagat na sa alas nuwebe ang relo. Mula sa tuldok sa dulo, dahan-dahang lumaki ang imahen ng kanyang papa Al at ang mga dala nitong maleta. Parehong pareho ang itsura ni papa Al sa monitor ng computer at sa malawak na paliparang ito. Dahan dahang nakaramdam ng kaba si Janna.
Sumenyas si papa Al kay Mama Luz. Tatawag daw siya. At nagring ang kanyang telepono. Samantalang kinikilala pa rin ni Janna ang mukha ni papa Al.

“Ika-quarantine kami ng 21 days ma. Hindi pa ako makakauwi. Ito yung protocol sa mga galing sa Liberia. Skype na lang tayo.” Nagflying kiss pa si papa Al kay Janna na nahihiya at nagtago sa likod ni mama Luz.

Napatango na lang si mama Luz at nalaglag ang kapirasong luha sa kanyang mga mata. Nagtataka si Janna na yung malaking papa Al niya ay muling lumiliit at naging tuldok. Niyakap siya ng kanyang mama Luz at hinanap niya ang saya ng pasko sa mukha ni Hello Kitty. 


Medyas

Nanginginig ang mga kamay ni Aling Celia nang mabaasa niya ang liham ng anak mula sa medyas na nakasabit sa bintana. Taon-taon kasing ganito ang gawi nila sa bahay. Magsasabit sila ng mga pamaskong medyas at lalagyan ito ng liham ng kanilang anak na si Karl. Taon taon namang pinagsusumikapang matupad ng asawa niyang si Ben ang lahat ng kahilingan ng anak. Kahit kakarampot lang ang sahod nito sa pabrika ng medyas na pinagtatrabahuhan, nagawa niya pa ring maibili ng bisikleta ang anak noong nakaraang pasko. Kahit na ilang ulit na siyang napagbantaang tatanggalin sa trabaho dahil sa paglaban ng kanilang unyon ay nakabili pa rin siya ng tshirt na may batman na tatak. Kahit pa pinagbabantaan na ang buhay nito dahil sa napakulong na administrador dahil sa ilang iskandalong kinasangkutan ay nakabili pa rin siya ng baril-barilan para sa kanyang anak.

Ngayong pasko, hindi alam ni Aling Celia kung paano gagampanan ang gawain ng kanyang asawa. Pumatak ang kanyang luha sa papel na sinulatan ng liham ni Karl.

           
            Dear Santa,
                        Sana po ay mahanap na namin si Papa.
                                                                        -Karl











Homilya

Sa ikawalong simbang gabi.

Nagtanong ang pari:                    Sino ang gustong makapunta sa langit?
Sumagot ang bayan:                     Kami po! (halos lahat ay nagsipagtaasan ng kamay)
Nagtanong ulit ang pari:            Sino naman ang gustong mamatay?
Sumagot ulit ang bayan:             (natahimik ang buong simbahan at binawi na sa ere ang mga nakataas na kamay.)
Nagsalita ang pari:                       Akala ko ba ay gusto niyong makapunta sa langit? Walang ibang daan papunta sa                                                                   langit kung hindi ang kamatayan. Para magkaroon  ng walang hanggang buhay ay                                                                 kinakailangan mo munang mamatay.

Muling nagtanong ang pari:     Ngayon, sino ang gustong mamatay?

Muling sumagot ang bayan:     Kami po! (may kasama nang tawanan ang pagtataas ng kamay)

Nang biglang umuga ang lupa at bumagsak ang chandelier sa gitna ng simbahan. Bumaliktad din ang krus na pinagpakuan kay Kristo. Natumba ang mga imahen ng Birheng Maria. Nagputukan ang mga Christmas lights. Nagsisigawang nagtakbuhan ang mga tao palabas ng simbahan. Pinauna ang mga matatanda at ang mga bata. Walang natira sa loob kundi ang mga estatwa at mga upuan.
At sa labas ng simbahan ay nagsimula sa pagdarasal ang pari na sinagot naman ng mga taong may masidhing pagnanais na makaakyat sa langit.







Bisperas

Simple lang ang handa ng pamilya ni Mang Jose ngayong gabing inaalala ang pagsilang sa sabsaban ng tagapagligtas. Naroon ang mga manok na hindi mo na makilala kung anong parte. Naroon din ang samu’t saring prutas gaya ng ubas, ponkan, mansanas at mangga. Pero wala sa kanila ang malaya sa lamog. May kanin sila pero hindi pa nai-inin sa kanilang ulingan. Ganito kapayak ang kanilang noche buenang pagsasaluhan.

Nagsalita ang kanyang anak.

“Tay ito lang ba ang handa natin?”

“Oo nak! Aba sa labas ng Jollibee ko nakuha yang mga manok na ‘yan a. Chicken Joy ‘yan. Yung iba nga e hindi pa nababawasan ng husto.”

“E, araw araw, ganyan na ang kinakain natin. Wala na bang iba? Yung may sabaw man lang. Nakakasawa na e.”

Natahimik na lang si Mang Jose at inilagay na niya ang kanin sa hapag.



Sa hudyat ng kulog ay bigla na lang bumuhos ang malakas na malakas na ulan. Napatingala na lang silang mag-ama sa kalangitan at sa mga manok na tinutusok ng mga patak ng ulan.
Noong bata ba ako, palaging nagagalit ang tatay ko kapag kaliwang kamay ang ginagamit ko sa paghawak sa lapis. Ganun din kapag nasa kaliwa ang kutsara kapag kumakain. Galit na galit din siya sa akin kung kaliwang kamay ang ginagamit ko sa pag-aabot sa kanya ng tsinelas tuwing uuwi siya, kung kaliwang kamay ang ipinapanghawak ko sa Chicken Joy at lollipop. Kapag naglalakad din sa kalsada bawal akong pumunta sa kaliwa, delikado daw yun. Lahat na lang ng kaliwa para sa akin noong bata pa ako ay masama at peligroso. Dumating na sa punto na kapag kaliwang kamay ang ginagamit ko e, palagi akong kinukurot at pinapalo sa kaliwa kong kamay. Nasa kaliwang kamay ang lapis—palo. Nasa kaliwang kamay ang Chicken Joy, lolli pop at iba pang pagkain—masakit na masakit na palo. Naaalala ko pa ang sabi ng tatay ko noon, “kapag nalilito ka kung alin ang kanan at kaliwa, palagi mong iisipin kung alin ang palaging sumasakit.” Kaya simula noon, kapag naglalakad lakad ako at nagtatanong ng direksyon, kapag sinabing kumaliwa sa ganung kanto at ganyang kalsada, palaging sumasakit ang kaliwa kong kamay.

Pero ano nga kaya ang politika ng kanan at kaliwa. Sa ingles, right and left. Yung right ay nangangahulugan ding tama. Right guy, nararapat na lalake. Right food, nararapat na pagkain. Samantalang sa kabilang banda, ang kaliwa naman ay left. Ang iba pang ibig sabihin, left, naiwan, nang-iwan, iniwanan. Para bang noon pa mang iniimbento pa lamang ang mga salitang ito ay bugbog sarado na ng kanan ang kaliwa sa lahat ng aspekto. Dati doon sa poster ko ng dasal na “Angel of God,” may isang batang nagdadasal at tumatawag sa Panginoon. Nasa kanan niya ang isang maputing anghel samantalang nasa kaliwa naman ang isang mapulang demonyo.

Nasa panahon at lipunan tayong ang kanan ang tama at nasa kaliwa naman ang mali. Dahil ba ito sa dami ng taong kanang kamay ang ginagamit sa pagsusulat, pagkain ng lolli pop at Chicken Joy? Kapag ba marami na, sila na agad ang tama? At yung mga nasa kaliwa naman ang mali.

Ilarawan natin ang mundo ng mga maka-kanan at alamin natin kung tama nga ba ang right?

Tayo ay pinamumunuan ng pangulo na as usual ay galing sa elististang isang bahagdan ng mamamayan sa Pilipinas. Siya ay may malawak na lupain, negosyo at mula sa isang clan ng mga politiko. Miyembro din siya ng partidong naghahari sa senado at kongreso na kung susuriin ay galing din sa iisang bahagdan ng ating lipunan. Kaya naman lahat ng batas na ginagawa nila ay mula sa kanila at para sa kanila. Sa pagdating ng araw na eleksyon, bababa ang pangulo at papalitan ng mula rin sa elitistang hanay. Kaya hindi totoong mayroong pagbabago sa eleksyon. Para lang tayong nagpalit ng kulay ng sombrero pero hindi ng utak at lalong hindi ng ulo.

Wala tayong kulturang sariling atin. Maliban sa ginawang impluwensya ng mga Kastila sa loob ng 333 na taon ay pinapanatili ng Estados Unidos ang kanilang kumpas sa ating mga pagpapasyang pangkultura. Binabad nila tayo sa mga paulit-ulit at nakakaurat na mga palabas sa telebisyon. Panay mga awiting nagtuturong tumakas sa realidad din ang laman ng mga radyo. Ginagawang mababaw at malabnaw ang mga asignaturang nagtuturo sa mga Pilipinong magpaka-Pilipino. Nariyan ang bantang pagtanggal sa Filipino bilang asignatura sa kolehiyo. Siya nga pala hindi na rin kasama ang Kasaysayan ng Pilipinas sa hayskul. Kaya naman nakakatakot na ang ipoprodyus na kabataan ng susunod na henerasyon. Mga kabataang lunod na lunod sa kababawan ng mga akda sa Wattpad at hindi kilala si Sultan Kudarat, Gabriella Silang at Andres Bonifacio. Anong patunay? E kung noon ngang itinuturo sa hayskul ang Kasaysayan ng Pilipinas ay hindi na kilala ng mga kabataan ang mga kontra-Amerikanong sina Teodoro Asedillo at Macario Sacay, ngayon pa kaya.

Sa ekonomiya. Malaking bahagdan ng kita ng buong bansa ay napupunta sa isang bahagdan ng mga mayayamang uri. Samantalang tayong mga nasa panggitnang uri ay nananatiling sapat lang para mabuhay sa isang kinsenas. Makabili ng medyo hi-tech na cellphone at iba pang gadget. Oras na tamaan ng malubhang karamdaman ang isa sa mga kapamilya tiyak na magbebenta ng gamit, bahay at lupain. Pero ang higit na nakakapanggalaiti ay ang mga magsasaka, manggagawang bukid at mangingisda na siyang dahilan kung bakit tayo may kinakain sa araw-araw ay siya namang walang maihapag na matinong pagkain sa araw-araw. Yung mga manggagawang dahilan kung bakit may matatayog na gusali sa kalunsuran ay walang matinong silong na mauuwian. Yung mga OFW na pinagtutulakan ng ating gobyerno palabas ng ating bansa ay nagiging mabuting tagapag-alaga ng mga bata at matatanda pero yung sarili mismo nilang kapamilya ay walang nagbibigay kalinga.

Yan ang estado ng ating lipunan sa kamay ng mga kanan. Education is RIGHT, pero iniiwan ng ating gobyerno sa mga butas butas na bulsa ng mga mahihirap nitong mamamayan ang lahat ng gastusin sa pagpapaaral. Laganap pa rin sa mga State Colleges and Universities ang pagtapyas sa subsidiya mula sa ating gobyerno. Nakasandal ang ating administrasyon sa PPP o Public Private Partnership. Ibig sabihin, pianuubaya na tayo ng ating gobyerno sa sektor ng mga elitistang korporador na walang ibang ginawa kundi gawing komoditi ang mga basic rights natin, kasama na riyan ang health care, housing at iba pang batayang pangangailan natin.

Siguro ito na yung tamang panahon para subukan nating gamit ang mga kaliwa nating kamay para patakbuhin ang lipunang ito. Panahon na para ang mga nasa kaliwa naman ang masunod. Isang lipunang higit na dinadakila ang mga pangunahing pwersa—ang mga magsasaka. Lahat ng yaman ng bansa ay ipamamahagi sa lahat ayon sa kanilang pangangailangan. Mabilis ang paggulong ng hustisya at kayang papanagutin ang kung sinong nagkasala na walang kinikilalang antas sa lipunan. Libre ang edukasyon, ang mga pangangailangang medikal, pabahay at iba pang batayang pangangailangan.


Kung sisimulan nating ipagkatiwala sa kanila ang lahat ng ito sa maagang yugto, masyado nang matagal ang 2030 para mapasaatin ang magandang kinabukasan. Ano ba ang kayang gawin ng labinlimang taon? katumbas ito ng dalawang pangulo, isang nagbibinata at nagdadalagang indibidwal. Sabi nga ng isang kasama,  wala pa tayong nababalitaan na aktibistang nasangkot sa isang karumaldumal na krimen o anomalya, pero ang mga pulis at politiko-- palagi. 

Bilang blogger at aktibo sa social media, hinog na ang panahong sinasabi ni Rizal na dadating ang araw na maaabot ng kamay ng kabataan ang mundo. At sana sa pag-abot natin sa mundong ito, kaliwang kamay ang gamitin natin.



Lahok sa Saranggola Blog Awards 2014


chance passenger

May sale daw ng mga ticket pauwi ng Bicol, yung dating 900, magiging 600 na lang. Isa sa mga natuwa si Mang Hulyo, paano ba naman, matagal na niyang gustong makauwi sa kaniyang probinsya. Matagal na niyang gustong makita ang kanyang mga iniwang anak at asawa. Eksakto, sa bisperas ng pasko, magkakasama-sama na sila. Hindi na siya nagdalawang-isip pa, bibilhin niya ang ticket at susurpresahin niya ang kanyang mag-iina, yung pinaghirapan niyang isanlibo ay binawasan niya ng kaunti at namili ng kaunting pasalubong para sa kanyang asawa at mga anak. Binilhan niya ng kumot na pula at ilang mumurahing bestida ang asawang si Susie at isang lata naman ng biskwit para sa kanyang tatlong anak.


Nasa pila na siya, tanghali pa lamang, dala na niya ang lahat ng damit at kasangkapang pang-constructiong nakakahon sa kanyang kaliwa. Sa kanang kamay naman ang 600 pisong pamasahe papauwi. May paskil siyang nakita sa may ulunan ng teller—malabo ito. Hanggang sa palapit siya nang palapit sa unahan ng pila, at ang dating malabong karatula ay dahan-dahang lumilinaw. At nang siya na ang susunod sa pila, naging malinaw na malinaw ang kaninang malabong malabong paskil na karatula: THE PROMO IS UNTIL NOVEMBER 30 ONLY. Muling pinalabo ng luha ang kanyang paningin. Nalukot ang 600 sa kanyang mga palad, dahan-dahan siyang napatingin sa lata ng biskwit—at kumalam ang kanyang sikmura.





exchange gift

Kasing bigat ng mga kahong buhat ng isang musmos sa Divisoria ang loob ni Millete—ayaw niya kasing sumali sa exchange gift sa klase. Paano ba naman kasi,  nung nasa elementary pa lang siya, lahat na ng kamalasan e nabunot na niya. Nakakuha siya ng mga underwear ng lalake, tatlong pakete ng lucky me noodles, isang piraso ng lapis at sandamakmak na kalendaryo, face towel at picture frame. Kaya ipinangako na niya sa kanyang sarili na hinding hinding hindi na siya sasali sa mga ganitong kabulastugan. Pero ngayong papasapit ang araw ng kanilang Christmas party, heto siya sa may bukana ng Divisoria, hawak ang isang pirasong papel na naglalaman ng wishlist ni Kyle—ang kanyang nabunot, ang kanyang crush simula pa n’ung grade 3. Ang maputing lalaking iyon ay gustong makatanggap ng sumbrerong pula, o kaya ay shades na maganda at kwintas na pang gangsta.

Nang papatawid na siya sa kalsada, eksakto namang biglang naging laman ng fastfood chain si Kyle—nag-iisa. Sinadya yata ‘to ng kapalaran, naisip nito. Baka mamimili rin ng ireregalo. “sana ako ang nabunot niya,” dagdag niya pa.

Tinamaan na siya ng kilig sa katawan. Buo na ang plano—mahirap na siyang mapigilan pa, babatiin niya ito at sasabayan sa pagkain. Susubukan niyang yayain itong sabay na mamili. Hindi naman siguro ito tatanggi. Pero nasa kalagitnaan na siya ng pagtawid sa kalsada nang may dumating itong kasama, isang matangkad na lalake. May pulang sombrero, shades na maganda at kwintas na pang-gangsta, bitbit ang tray ng kanilang inorder. Umupo ito at isinubo kay Kyle ang isang piraso ng fries. Natulala siya sa gitna ng kalsada, at bumusina ang isang jeep may bonus pang mura mula sa driver. Natauhan siya at nabitawan ang listahan—mukhang lalagnatin siya sa makalawa.



papel


“Loko-loko yung isang customer ko pare! Mantakin mo, binayaran ako ng pekeng limandaan.” Nagsisimula ng usapan ang isang matabang lalake sa isang Chinese restaurant sa may Quiapo. Nagpatuloy ito, “Pagkahawak ko pa lang sa pera, alam ko peke na yun. Iba ang gaspang e.” Sumagot naman ang kanyang kumpare, “Astig pare! Puwede ka palang mag-agent sa NBI e.” Nagpatuloy sila sa kuwentuhan at nagpatuloy din sa pakikinig ang matandang kahera sa kanyang kaha.

Nauwi sa halakhakan ang usapan ng magkumpare. Nagpapataasan ng ihi, nagpapayabangan kung sino ang mas mahusay na fixer sa cityhall. Sa ilang sandali pa, dumating na ang kanilang order, tig-isang siopao na asado at mainit na mainit pang lomi. Natakam ang dalawa at pansamantalang hindi nagkibuan para pasinayaan ang pagkain. Nang masimot nila ang nailatag na pagkain sa hapag, nagpatuloy sila sa kuwentuhan. “Oras na makita ko ulit yung lalaking ‘yun, ipapalamon ko sa kanya yung limandaan niyang peke.” Nagpatuloy sila sa halakhakan, ngayon nga lang e may kasama ng dighay. Nagpatuloy naman ang matandang kahera sa pakikinig at pagpupunit sa mga resibo at karton ng noodles. Napangiti ito ng dalhin niya ang mga ito sa kusina.



5678

Kinuyog ang isang lalaking papasakay ng kanyang motorsiklo. Kinuha ang payong nito at pingapapalo sa kanyang ulo at likod. Galit na galit ang mga tao sa kanya. Naghahalo ang pawis at dugo nito sa kanyang ulunan at dahan-dahang bumababa sa kanyang balbas saradong panga at baba. Pati ang pananghalian nitong shawarma ay hindi nakaligtas, kinuha ito sa kanyang bag at inginudngod sa kanyang mukha.

“Walang hiya ka! Ang kapal ng mukha mo. Ang taas mo magpatubo!”
“’Yan ang nararapat sa’yo! Opurtunista!”
“Magdusa ka! Mapagsamantala kang hayup na bumbay ka!

Nanlaban ang lalaki at sumigaw sa gitna ng ingay ng taumbayan na kumukuyog sa kanya.

“Ako, isang arabo, hindi bumbay.”

  

uhaw


“Obey your thirst” naalala niya yung nakapaskil sa isang billboard sa EDSA. Naramdaman niya rin ang bigat ng kanyang sikmura dahil marami siyang nakaing kanin kanina sa Mang Inasal, sa date nila ni Suzette. Ngayon ay sinisingil siya ng uhaw. Para bang may nakabarang polar bear sa kanyang lalamunan na kinakailangan niyang itulak para matunaw sa kanyang sikmura.

Nagkataong sakto lang ang pera niya para ilibre si Suzette ng isang order ng PM1 at ng pamasahe papunta. Inabutan niya pa ito ng 200, pandagdag allowance. Pinauwi na niya ito dahil tumakas lang ito sa kanyang amo. Kinakailangang maunahan ni Suzette ang kanyang amo sa bahay kundi magkakandaletse-letse ang buhay niya. Kaya heto siya ngayon, naiwang nag-iisa at nakatayo sa harapan ng MOA—uhaw na uhaw.

Kung hindi lang sana nagmamadali si Suzette na makauwi mula sa kanilang date, siguro nainom pa niya ang hininging tubig sa waiter. Kaya ngayon, hindi niya alam kung paano, itutulak ang ilang round ng unlimited rice papunta sa kanyang panunaw. Tinaktak niya ang kanyang wallet, eksakto na lamang ito para makauwi siya sa shop. Bigla niyang naalala yung sukli kanina sa bus na inilagay niya sa bulsa. Bente otso. Eksakto. Nabuhayan siya at mabilis na tinungo ang supermarket. Hanap ng pinakamurang softdrinks in can. Pagkabayad na pagkabayad, tinakbo naman niya ang bus para  makahabol sa pagsasara ng shop. Tayuan sa bus. Agad niyang binuksan ang Sprite na nabili at mabilis na nilagok. Naramdaman niya ang lualhati. Sa wakas, kung sa inidorong barado, nabomba na niya ang bara. Maraming salamat sa Sosa. Maraming salamat sa Sprite. At wala pang limang minuto ang glorya nang biglang sumakit at nanikip ang kanyang pantog.



promotor

Kagagaling lang nila sa hide out. Malinaw na malinaw ang planong nakasiksik sa helmet ng dalawang rider. Puno na rin ng angas ang kanilang mga leather jacket. Target na lang ang talagang kulang para sa isa na namang malagim na kuwentong pampolitika. Ang target nila, si Congressman Teodoro, tumatakbong mayor. At ang kanilang boss si Gov. Gonzales, ang mahigpit na makakalaban nito sa papalapit na eleksyon. Pareho nilang plataporma ang pagpapabuti ng kalagayan ng agrikultura sa probinsya, kaya nga pareho silang nagkakasundo sa market to farm road. Para nga naman ang mga palay ay mabilis na maisa-kanin at maihapag sa bawat hapag bago makapananghalian. Pero ilang term na nila ang lumipas, baku-bako pa rin ang mga daanan. Perwisyo pa rin ito sa mga magsasaka, lalo na kapag umuulan. Kabilang din dito ang rutang dadaanan ng kongresista na tatahakin din ng dalawang rider.  Malinaw sa headlight ng kanilang motor ang puwesto kung saan babarilin ang target at kung saan dadaan para tumakas. Pero unti-unti itong nanlabo nang biglang bumuhos ang malakas na malakas na ulan.

“Pare itabihsjsksmnsnshsjskswmwkm una.” Dahil sa lakas ng ulan, hindi na sila magkaintindihan sa loob ng kanilang mga helmet.

“Dito na muna sjshw bwnmwjdbd de,mjsb pare.” Nagpatuloy pa ang lakas ng ulan at ang kasunod nilang narinig ay ang malakas na ugik ng busina ng kanilang motor at ang umpugan ng mga metal nito na nagpabale-balentong ito sa hangin at bangin hanggang sa malugmok ito sa sakahan. Nilamon ng ingay ng buhos ng ulan ang baryo, hinawi na lamang ito ng isang malakas na wang wang ng Pajerong may plakang nakapangalan sa gobyerno.



huling hapunan


Marso ngayon, Abril naman bukas. Triple ang init kumpara sa kinasanayan niya sa mahabang panahon. Pero kahit gaano karaming pawis ang pakawalan ng kanyang magaspang na balat, ginaw na ginaw pa rin si Joel, lalo na at wala siya sa tabi ng kanyang pamilya. Nanalangin siya, sa isip niya kasama niya si Kristong minsang nanalangin sa halamanan ng Getsemani. At bago mananghali, tinipon na sila at ang iba pang desipulong balbas sarado. Nagsama-sama sila sa hapag at nagsalo sa magagarbong pagkain. Nagwika si Joel, “Itong pananghaliang ito ang ating huling hapunan.” Nang ibinaba niya ang tinapay at alak, bumukas ang pinto at nagsipasok ang mga sundalo. Siya pala ang unang isasalang sa pila ng pagdurusa.


                 bilang pakikiisa sa ‘yong semana santa.






lucky charm

Nagkukuwentuhan si Steve at James sa sulok na bahagi ng resto. Madaldal si Steve, matiyagang nakikinig si James. Sinasamantala nila ang patay na oras ng paghihintay sa kanilang inoreder para sa tanghalian.

“Pare! Ang lupit ni Cheska! Ang galing gumiling, panalong panalo.” Lahat naman ng babaeng naikama na ni Steve ay una niyang ikinukuwento sa kanyang pinakamatalik na kaibigan. Agresibong agresibong magkuwento itong si Steve, akala mo wala nang bukas. Halos kopyahin pa kung paano umungol ang iba’t ibang babaeng dumaan sa kanya, samantalang si James naman ay nakukuntento na lamang sa “talaga pare?, lupet a.” Palibhasa wala naman siyang ibang maikuwento. Sa sobrang gaslaw magkuwento ni steve, natabig niya ang kanyang wallet na mabilis namang pinulot ni James. Aksidente niya itong nabuklat.

“Ano ‘to pre?”

“Condom! Ngayon ka lang nakakita niyan?” Halos takpan ni James ang iskandalosong bunganga ni Steve na nililingon na ng mga tao sa resto.

“Pampasuwerte daw ‘yan sabi ng mga kaklase ko.” Wika ni Steve. At biglang nagring ang telepono. Isang text msg para kay Steve:

Steve! Buntis ako, 2 months na. :(

Napapalatak na lang si Steve. “Malas!”

Napapalatak na lang din si James. “Ang suwerte niya.”  

At dumating kanilang order, isang sisig, kare-kare at ice cream na strawberry flavor.


Previous PostMga Lumang mga Post Home