Unang
pumikit ang mga headlight ng taxi ni Mang Ramon sa bulto ng mga nakatambak na
sasakyan sa EDSA. Sumuko rin pati ang makina kaya magkasabay na nagpahinga ang
radyong kumakanta ng mga awiting pamasko at ang aircon na bumubuga ng hangin.
Pinihit niya pababa ang bintana upang hindi mainitan. Mabagal ang andar ng mga
sasakyan palibhasa rush hour pa at kasusweldo lang ng karamihan kaya naman
punong puno ng mga parokyano ang mga mall at ibang pasyalan.
Uminat
si Mang Ramon at naalalang pangatlong gabi niya nang gising. Kailangan niyang
samantalahin ang dami ng mga pasahero ngayong magpapasko kaya nakukuntento na lang
siya sa mga paisa-isang oras na tulog sa mga gasolinahan at paradahan sa may
karinderya.
“Boss,
Commonwealth?”
Mabilis
niyang binuksan ang pinto para papasukin ang pasaherong may bitbit na
pinamiling kutson, unan, at maraming stuff toys na panregalo. At sa pagsara ng
pinto kasabay na kumumpas ang traffic enforcer. At muling dumilat ang headlight
ng taxi ni Mang Ramon kasabay ng muling pag-awit ng koro sa radyo at pagbuga ng
hangin ng aircon. Sa pag-apak niya sa gasolina, nagtakbuhan sa kanyang harapan ang
isang pulutong ng tupa.
ATM
Kasing
haba ng pila sa ATM ang pila sa listahan ng mga kailangang bilhin ni Ma’am
Lesly. Nakapriority ang mga ihahanda sa noche buena at bisperas ng bagong taon.
Magkakasunod sa pila ang pasta, hotdog, sauce, giniling para sa spaghetti.
Habang nasa kabilang pila naman ang mga softdrinks, loaf bread at fruit
cocktail. Absent na sa listahan ang keso de bola at hamon dahil sa sobrang mahal
ng mga ito. Hawak ni Ma’am Lesly ang listahan at ang kanyang pulang ballpen
habang nakatayo sa pila. At habang
nababawasan ang mga taong nakapila isa isa ring nalalagyan ng pulang ekis ang
mga dapat bihin.
· Bola
para kay James (sa January na lang siguro. Isasabay
ko na lang sa birthday niya)
· Manikang
Hello Kitty kay Tina (baka
may magbigay sa akin galing sa mga estudyante ko, ibibigay ko na lang sa
kanya.)
· Duster
para kay Ate Lyn (prutas
na lang siguro pagdalaw namin sa kanila)
· Pabango
para kay Kuya Jim (mukha
namang hindi niya na kailangan nito)
· Pang
exchange gift bukas.
Siya
na ang kasunod sa pila at pang exchange gift na lang ang natira sa kanyang pinaikling
listahan. Binuka niya ang pitaka para kunin ang ATM card nang bigla siyang
tuklawin ng panibagong listahan. Nilamon siya ng buo nito at ang kung magkanong
laman ng kanyang ATM. Nakiusap siyang baka maaaring tirahan siya ng kahit na
isanlibo para sa kanilang noche buena o kahit isang daan para sa pang exchange
gift niya sa party ng mga bata bukas. Pero tuluyan nang gumapang palayo ang
ahas para manuklaw ng iba pang baon sa utang.
Tala
Nakauwi
na ang mga kasamahan ni Mang Ambo pero siya ay nagpapatuloy pa rin. Hindi niya
iniinda ang dilim ng gabi para ipagpatuloy ang kanyang trabaho. Sige lang siya
sa pagpapakinis ng mga piraso ng kawayan para gawing pundasyon ng ginagawang
parol. Pagdudugtungin niya ang mga ito gamit ang maninipis na alambre para
maging talang walang ningning sa gabing madilim.
Kukuha
siya ng makulay na papel sa lagayan at dahan dahang pakikinangin ang kanyang
nililikhang bituin sa pamamagitan nito. Mayroong pula, asul, dilaw at berde.
Ipagpapatuloy niya ang pagbabakod ng kulay sa malalamig na pundasyon ng parol
at saka niya ipapasok sa puwitan ang maliit na ilaw na may kable.
At
matapos niyang magawa ang ilang parol,
nagliwanag na ang paligid pero madilim pa rin ang mundo ni Mang Ambo. Nanatili
siyang bulag na saksi sa liwanag ng mga talang kanyang ginawa.
Christmas
Tree
Nagpapatagalan
ng tayo si Wilma at ang Christmas tree na kanyang itinitinda. Kung tutuusin,
lamang na lamang talaga si Wilma sa patagalan ng pagtayo. Hunyo pa lang ay
nakatayo na siya sa department store na kanyang pinagtatrabahuhan. Ilang beses
na siyang nagtagumpay sa patagalan ng pagtayo. Natalo na niya ang mga manekin
na nakasuot ng uniporme with matching back pack at baunan noong Hunyo. Nung Hulyo
naman ay dinaig na niya ang mga manekin na nakakapote at may tangang payong.
Nakabarong, baro at saya naman nung Agosto. Nung nagkaroon ng sale sa mall nung
Setyembre, dinaig niya rin ang lahat ng mga items na itinayo sa tabi niya. Nung
Oktubre ay dinaig niya ang mga nakakatakot na zombie na punong puno pa ng sapot
at gagamba at nung nakaraang buwan nga ay itinayo sa tabi niya ang mga
nagtatayugang Christmas tree—at hanggang ngayong magki-clearing na ang mall ay
nagpapatuloy pa rin ang kanilang laban.
Kinalabit
siya ng isa pang sales lady.
“Tawag
ka ni Sir. Pinapakuha na yung libre mong noche buena items”
“Sige,
salamat.”
“May
itatayong Savemore dun sa may Junction, subukan mong magpasa ng resume.”
Ngumiti
si Wilma at muling sumulyap sa Christmas tree. Tanggap niya ang pagkatalo ilang
araw bago magpasko. At bukas magpapatuloy ang laban sa pagitan ng Christmas
tree at ng bagong sales lady.
Chance Passenger
May
sale daw ng mga ticket pauwi ng Bicol, yung dating 900, magiging 500 na lang.
Isa sa mga natuwa si Mang Hulyo, paano ba naman, matagal na niyang gustong
makauwi sa kaniyang probinsya. Matagal na niyang gustong makita ang kanyang mga
iniwang anak at asawa. Eksakto, sa bisperas ng pasko, magkakasama-sama na sila.
Hindi na siya nagdalawang-isip pa, bibilhin niya ang ticket at susurpresahin
niya ang kanyang mag-iina|. Yung natira sa pinaghirapan niya sa ilang buwang
pagtatrabaho ay isanlibo na lamang at ito ang binawasan niya ng kaunti para ipamili
ng kaunting pasalubong para sa kanyang asawa at mga anak. Binilhan niya ng
kumot na pula at ilang mumurahing bestida ang asawang si Susie at isang lata
naman ng biskwit para sa kanyang tatlong anak.
Ginabi
siya sa pamimili. Kaya naman hapunan na nang siya ay dumating sa terminal. Dala
na niya ang lahat ng damit at kasangkapang pang-constructiong nakakahon sa
kanyang kaliwa. Sa kanang kamay naman ang nakalukot ang 500 pisong pamasahe
papauwi. May paskil siyang nakita sa may ulunan ng teller—malabo ito. Hanggang
sa palapit siya nang palapit sa unahan ng pila, at ang dating malabong karatula
ay dahan-dahang lumilinaw. At nang siya na ang susunod sa pila, naging malinaw
na malinaw ang kaninang malabong malabong paskil na karatula: THE PROMO IS
UNTIL NOVEMBER 30 ONLY. Muling pinalabo ng luha ang kanyang paningin. Nalukot lalo
ang noo ni Ninoy sa 500 sa kanyang palad, dahan-dahan siyang napatingin sa lata
ng biskwit—at kumalam ang kanyang sikmura.
Balikbayan
Suot
ni Janna ang paboritong dilaw na bestida. Ito ang palaging pinapasuot sa kanya
ng kanyang mama Luz kapag kaharap nila sa computer ang asawa nitong nasa
monitor ng computer. Lahat na ng pwedeng gawin ng bata sa harapan ng monitor ay
nagawa na niya para ipakita ang pagka-miss sa kanyang papa Al ay nagawa na
niya. Kumanta na siya ng Pusong Bato. Sumayaw na ng Tatak Mo. Nag ay-lab-yu at
nagflying kiss. Sa edad na apat, talagang ang alam ng murang isipan niya ay
nasa loob lang kahon ang kanyang papa Al, kaya naman palagi siyang nagtatanong
sa kanyang mama Luz kung kailan makakalabas sa loob ng kahon ang kanyang papa
Al. Sabi ni mama Luz, bago magpasko.
Araw-araw
na nanunood si Janna ng mga balita tungkol sa pagdalaw ng pope sa Pilipinas,
pag-ahon ng mga biktima ng bagyong Ruby at ang mga naka-quarantine na peace
keeper galing ng Liberia, para abangan ang countdown sa pasko. Inaabangan niya
kung ilang tulog na lang bago magpasko at saka niya tinatatakan ng Hello Kitty
stamp ang mga numero sa kalendaryo. Tapos ipinapakita niya kay papa Al sa
monitor.
Natatakan
na ni Janna ang huling numero at pinatay na rin ni mama Luz ang computer. Alas
nuwebe ang dating ng eroplanong sinasakyan ni papa Al. Kaya alas otso pa lang
ay nakatayo na silang mag-ina sa may waiting area sa airport.
Isang
malaking monitor ang lahat ng mahahagip ng mata ni Janna. At mamaya lang ay
lalabas dito ang kanyang papa Al. Sabik na sabik na si Janna. Hawak niya pa ang
stamp ng Hello Kitty. Gagawin niya itong mikropono mamaya sa pagkanta niya ng
Pusong Bato at Taktak. Kumagat na sa alas nuwebe ang relo. Mula sa tuldok sa dulo,
dahan-dahang lumaki ang imahen ng kanyang papa Al at ang mga dala nitong maleta.
Parehong pareho ang itsura ni papa Al sa monitor ng computer at sa malawak na
paliparang ito. Dahan dahang nakaramdam ng kaba si Janna.
Sumenyas
si papa Al kay Mama Luz. Tatawag daw siya. At nagring ang kanyang telepono. Samantalang
kinikilala pa rin ni Janna ang mukha ni papa Al.
“Ika-quarantine
kami ng 21 days ma. Hindi pa ako makakauwi. Ito yung protocol sa mga galing sa
Liberia. Skype na lang tayo.” Nagflying kiss pa si papa Al kay Janna na
nahihiya at nagtago sa likod ni mama Luz.
Napatango
na lang si mama Luz at nalaglag ang kapirasong luha sa kanyang mga mata.
Nagtataka si Janna na yung malaking papa Al niya ay muling lumiliit at naging
tuldok. Niyakap siya ng kanyang mama Luz at hinanap niya ang saya ng pasko sa
mukha ni Hello Kitty.
Medyas
Nanginginig
ang mga kamay ni Aling Celia nang mabaasa niya ang liham ng anak mula sa medyas
na nakasabit sa bintana. Taon-taon kasing ganito ang gawi nila sa bahay.
Magsasabit sila ng mga pamaskong medyas at lalagyan ito ng liham ng kanilang
anak na si Karl. Taon taon namang pinagsusumikapang matupad ng asawa niyang si
Ben ang lahat ng kahilingan ng anak. Kahit kakarampot lang ang sahod nito sa
pabrika ng medyas na pinagtatrabahuhan, nagawa niya pa ring maibili ng
bisikleta ang anak noong nakaraang pasko. Kahit na ilang ulit na siyang
napagbantaang tatanggalin sa trabaho dahil sa paglaban ng kanilang unyon ay
nakabili pa rin siya ng tshirt na may batman na tatak. Kahit pa pinagbabantaan
na ang buhay nito dahil sa napakulong na administrador dahil sa ilang
iskandalong kinasangkutan ay nakabili pa rin siya ng baril-barilan para sa
kanyang anak.
Ngayong
pasko, hindi alam ni Aling Celia kung paano gagampanan ang gawain ng kanyang
asawa. Pumatak ang kanyang luha sa papel na sinulatan ng liham ni Karl.
Dear Santa,
Sana po ay mahanap na
namin si Papa.
-Karl
Homilya
Sa
ikawalong simbang gabi.
Nagtanong
ang pari: Sino ang gustong
makapunta sa langit?
Sumagot
ang bayan: Kami po! (halos
lahat ay nagsipagtaasan ng kamay)
Nagtanong
ulit ang pari: Sino naman ang
gustong mamatay?
Sumagot
ulit ang bayan: (natahimik ang
buong simbahan at binawi na sa ere ang mga nakataas na kamay.)
Nagsalita
ang pari: Akala ko ba ay
gusto niyong makapunta sa langit? Walang ibang daan papunta sa langit
kung hindi ang kamatayan. Para magkaroon ng
walang hanggang buhay ay kinakailangan mo munang mamatay.
Muling
nagtanong ang pari: Ngayon, sino ang
gustong mamatay?
Muling
sumagot ang bayan: Kami po! (may kasama
nang tawanan ang pagtataas ng kamay)
Nang
biglang umuga ang lupa at bumagsak ang chandelier sa gitna ng simbahan.
Bumaliktad din ang krus na pinagpakuan kay Kristo. Natumba ang mga imahen ng
Birheng Maria. Nagputukan ang mga Christmas lights. Nagsisigawang nagtakbuhan
ang mga tao palabas ng simbahan. Pinauna ang mga matatanda at ang mga bata.
Walang natira sa loob kundi ang mga estatwa at mga upuan.
At
sa labas ng simbahan ay nagsimula sa pagdarasal ang pari na sinagot naman ng
mga taong may masidhing pagnanais na makaakyat sa langit.
Bisperas
Simple
lang ang handa ng pamilya ni Mang Jose ngayong gabing inaalala ang pagsilang sa
sabsaban ng tagapagligtas. Naroon ang mga manok na hindi mo na makilala kung anong
parte. Naroon din ang samu’t saring prutas gaya ng ubas, ponkan, mansanas at
mangga. Pero wala sa kanila ang malaya sa lamog. May kanin sila pero hindi pa
nai-inin sa kanilang ulingan. Ganito kapayak ang kanilang noche buenang
pagsasaluhan.
Nagsalita
ang kanyang anak.
“Tay
ito lang ba ang handa natin?”
“Oo
nak! Aba sa labas ng Jollibee ko nakuha yang mga manok na ‘yan a. Chicken Joy ‘yan.
Yung iba nga e hindi pa nababawasan ng husto.”
“E,
araw araw, ganyan na ang kinakain natin. Wala na bang iba? Yung may sabaw man
lang. Nakakasawa na e.”
Natahimik
na lang si Mang Jose at inilagay na niya ang kanin sa hapag.
Sa
hudyat ng kulog ay bigla na lang bumuhos ang malakas na malakas na ulan.
Napatingala na lang silang mag-ama sa kalangitan at sa mga manok na tinutusok
ng mga patak ng ulan.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento