karo.dyer

Mabagal ang ikot ng mundo
ng tao, ng paruparo-ng karo,
bayanad kung maglakad
ang sasakyang makupad
dahan dahan
rin ang katahimikan
sa panggantsilyo
ng kalsadang dinaraanan
ang bawat aspalto
ay makahiyang bumubuka
at sumasarado
‘pag nasasagi ng otong islomo

sa isang iglap

may bus na umararo
sa pagong na karo
nawalan daw ng preno
sabi ng pasaherong kuneho

at muling bumilis
ang ikot ng mundo



pamahiin

‘wag ko daw buhatin
ang kabaong ng aking amain
utos ng matandang pamahiin
baka daw may sumunod
na kapamilyang maisapuntod
‘wag daw lilingon
kung nasa prusisyon
dahil ‘pag nagkataon
may libing na naman
sa bagong taon
‘wag daw magwawalis
o maligo ‘pag ala sais
bawal maging malinis
naknampatis
akin na ‘yang pistola
wala ng kasunod si lola
si ama at si Rebecca
dahil sa sunod na prusisyon
pamilya mo naman ang nakapila
kahit hindi mo akayin ang kabaong
ng asindera mong ina
‘wag ka mag-alala
Kasado na ang bala para sa
berdugo mong ama



di kita malilimutan

kumanta na ang istiryo
ng hindi kita malilimutan
at biglang naghagulgulan
ang mga kapamilyang naiwan
bumuo sila
ng ‘sang mahabang pila
ng mga taong nagbibigay halaga
sa malamig na bangkay
na marahan kong inaakay
sa dami nila
mukhang magtatagal pa
bago ang katawang ito’y
maaagnas sa kanilang alaala
biglang huminto ang istiryo
ang makina nama’y nadeliryo
huminto ang gulong-yari ako
nakalimutan ko ang gasolina
ng karong kanilang nirenta
parang domino ang mahabang pila
ng kapamilyang nangungulila
lahat ako’y minumura
anak ng bakang may amnesia



abo

may sunog, walang bumbero
may apoy, hindi naman impyerno
may usok, ba’t walang usisero

mahal ko,
patawarin mo ako
kung wala ako sa piling mo
nang maabo ang ating sityo
bumbero pa man din ako
pero ni ‘sang baso ng tubig
hindi ko sa iyo naidilig
kung kaya lang patayin ang luha
ang apoy na nangunguha
ika’y aking isasalba
kahit paulit ulit pa
ngayong hapon
sa akbay ng ambon
muli kang susungin sa isang pugon
may usok, may apoy, may sunog
sa piling ng sirenang baog
ako’y nahiga sa iyong abo
mamaya lang iisa na uli tayo



‘sandaan

sadaang taon na ako bukas
matikas pa rin at malakas
heto nga’t kaya pang maglakad
sa lilim na araw na magtingkad
ihahatid ko ang busong si Julian
sa kanyang huling himlayan
nitso ang aking sinapupunan
at isinauli na ng mundo
ang lahat ng iniluwal ko
ba’t ba naunahan pa ako
ng mga anak kong sundalo
ba’t ba nandito pa ako sa mundo
di ba dapat nauna na ako
sa pag-ihip ko sa kandila
hihilingin kong maibsan
ang dakila kong pangungulila
nawa sa pagtulog ko
gisingin na ako ni arnulfo
julian, diosdado, leopoldo
mga anak kong sundalo




ded na si idol

sa basbas ng kura paroko
sabay sabay silang humayo
lahat ng paa nag-unahan
palabas ng simbahan
upang masulyapan
ang labi ng idolong
pinakahahangaan
sumigaw ang mikropong
“hinay hinay lang po tayo”
“kailangan ko siyang masilayan”
sabi ng iyaking fan
dumami pa ang matang nag-iiyakan
at biglang dumilim ang kalawakan
umalon ang dagat ng tao
nagkahalohalo
nagkapalit-palit ng braso
nag-iyakan ang mga tao
hindi dahil sa kanilang idolo
kundi sa nagkandabali-baling buto



patay na si delayla

kung ginising mo lang sana ako
bago mo ako pinagkanulo
edi walang gunting na nakabaon
dyan sa bumbunan mo
kung nagtanong ka lang sana
kung anong hairstyle ang maganda
siguro sa’yo na rin ako nagpatina
dyahe dito sa presinto
puro kami kalbo
bruha ka!
Kasalanan mo ‘to
Kung naging matapat ka lang
‘di sana di ko nilagyan
ang ‘yong baso
ng shampoo ng kabayo


salamat sa pagtatayp Samantha Isabelle Adonis








                                                           


Malaking krimen kaya kung sa gitna ng klase ay bigla akong tumigil sa ginagawa ko at sabihing, “Klase, may I go out?” Awkward naman n’un naisip ko. Ano na lang ang iisipin ng aking mga estudyante, na tumatakas ako sa aking dakilang responsibilidad, na nilulustay ko lang ang binayaran nilang oras ko, na ako ay walang kuwenta at imoral na gurong hindi marunong pahalagahan ang kanilang pagsusumikap na inilalaan sa paaralan para magsunog ng kilay? Ang dami dami ko nang sinabi, pero wala pa naman akong sinasabi. OA lang. Pero ito talaga ang naglalaro sa utak ko nung mga oras na iyon habang may ibang laro naman ang aking sikmura. Naniniwala ako na ang lahat ng diskarteng pantao, kahit yung mga pangguro at iba pang propesyunal ay kayang kayang sirain ng simpleng—TAE.

Kapag binaliktad mo ang salitang tae, eat ang makukuha mo. Hindi ko alam kung may batayan ako dito o ito ay likot lang ng aking imahinasyon. Yun nga kaya ang ugat nun? Kung sa bagay may lohika nga naman kahit paano. Ang bunganga at puwet nga naman ang magkabilang dulo sa linya ng alimentary canal sa loob ng katawan ng tao. Parang Roosvelt Station na kumakain ng kung ano anong tsibog ang bunganga at parang Baclaran Station naman ang puwet na nagluluwal ng mga tae. Tae ang ending ng lahat ng mga pagkaing hindi matutunaw at maisasama sa nutrients sa katawan ng tao. Ito yung mga latak sa lahat ng kinakain natin. Nandyan yung mga papel na nakain natin sa ilalim ng siopao, malunggay na sahog sa alimango sa gata at maging ang mga diyamanteng hikaw at pakete ng droga na ipinalunok sa mga drug mule.

At sobrang lapit din ng tao sa tae. Isang letra lang ang pagitan. O at E. Kung sabagay sobrang lapit nga naman ng katangian ng tao sa tae. Kaya ‘wag na siguro nating pagtawanan ang pagdagsa ng tae ni Jiggy Manicad sa kanyang report. Madumi ang tae, parang tao, madumi rin. Malambot ang tae, gaya rin ng tao, lahat may soft spot. Nasa iyo na nga lang ang paraan kung paano tuklasin ang mga iyon. Parang tae, alam nating malambot pero siguro naman ay hindi pa tayo siraulo para pisil pisilin at pindot pindotin yun para lang mapatunayang malambot nga. Ito yung ilang bagay sa mundo na makita mo pa lang, kahit na hindi mo na hawakan alam mo sa sarili mo na malambot nga. Sapat na sapat dito yung linyang “to see is to believe.” Ang tao rin ay gaya ng tae na matapos gamitin ng lipunan ay basta na lamang ipa-flush ng sistemang lumamon sa kanya. Parang yung kuwento ng mga kontraktwal na janitor. Walang ibang ginawa kundi maglinis ng banyo at kubeta, tiyaking ang lahat ng tae at ihi ay naiflush na at hindi na amoy laman tiyan ng tao ang teritoryo nila. Pero oras na abutan sila ng edad sa trabaho, kasama silang ipa-flush sa mga taeng minsan nilang dinispatya sa kanilang trabaho. TAE-TAO-TAE. Magkaugnay tayo. Niluluwal natin sila, pero minsan, may mga 
pagkakataong tayo ang iniluluwal nila sa kahihiyan. Lahat may bahong itinatago—at ito ang akin.

Tumatakbo ako. Mula sa eskuwelahan papunta sa bahay namin. Malayong-malapit. Piso ang bayad sa sikad-sikad (pedicab) Pero wala na akong pera. Hapon pa ako susunduin ng tatay ko. Kailangan ko nang maibuslo ang lahat ng sama ng loob ng tiyan ko. Parang basketbol at nasa akin ang bola. Ginebra ako at kalaban ko ang Alaska. Takbo, takbo, takbo. Hanggang sa nakatawid ako sa halfcourt. Tanaw ko na ang bahay namin. Pero sadyang malalaki ang mga bantay ko. May malaking trak na biglang nagmamaniobra sa may hardware. Yari na. Muling nawala sa paningin ko ang bahay namin. Ramdam ko na ang pagkaubos ng oras. Hawak ko pa rin ang bola. Hindi puwedeng matalo ang Ginebra sa Alaska. Takbo takbo. Hanggang sa nasa may hagdan na ako paakyat sa bahay namin. Pero nakarinig ako ng pito. “Bakit ka umuwi, maghahalfday ka na namang bata ka, napakatamad mo talaga mag-aral” Galit ang tatay ko, pero mas galit ang sikmura ko. At nanaig ang malakremang gatas ng Alaska sa aking puwitan, hita hanggang sa paanan. Dun ko natutunan na wala kang magagawa sa pagtakbo sa buhay.

Grade 2 ako nun. Dahil sa probinsya namin ay kakaunti lamang ang tao, madaling nababalitaan ang ganung tagpo. Natatawa na lang ang tatay ko ‘pag naaalala niya yun. Namimilog daw ang mga mata ko nun. Parang bola daw na sabay na tumatalbog. Tanong niya pa, bakit daw ba hindi na lang ako nag-cr sa school. Naalala ko nun, sobrang baho ng mga CR sa eskwelahan. No match at talagang mahihiya ang baho ng poops ko dun. Isa pa, bali-balita noon na may mga batang napopossess sa CR na yun. At isang isa pa, wala rin namang tubig doon, kaya kung nailabas ko man ang galit ko sa palikurang iyon, habang buhay din akong hindi makakaalis sa inidorong iyon. Baka kaya may mga batang naposses dun dahil sa mga tagpong kagaya nun.

Lumipas ang dalawang taon. Iba na ang bahay namin. Iba na rin ang paaralan ko. Malayong malayo na sa kinagisnan kong isla. Nakatakas na ako sa pagsunod ng mga langaw at bangaw sa nanlilimahid kong kahihiyan noon. Pero gaya ng linyang “history repeats itself”, muli akong sumubo, muling ngumuya, muling lumunok at muling nakipaglaro sa akin ang tiyan ko. 

Uwian na namin nun. Mas mainit ang araw na yun kumpara sa mga nagdaang araw. Paanong hindi, e kumagat na ang buwan ng Marso noon. Paubos na ang araw na may pasok. Para sa akin, ang pagpasok sa eskuwela noon ay luho na lamang sa maghapon kong paglalaro, pagnood ng tv at pagtulog. Sigurado na kasi ang pagtuntong ko sa ikalimang baitang. Wala na ring ginagawa sa klase namin kundi maglinis at magharutan. Kaya nabubuhay akong prenteng prente sa bahay namin. Pero isang araw, hindi ko alam kung kaninong kaluluwa ang sumapi sa akin. Gising na ako ng alas singko pa lang ng umaga at naghahanda sa pagpasok. 

Hindi ko na maalala ang menu sa canteen nun. Mas naaalala ko pa ang mga putahe sa labas ng paaralan. Yung manggang hilaw na may bagoong, yung santol na may asin, fishball, kikiam, tokneneng, cotton candy, mga candy na korteng pizza, pangil ng bampira at iba pang makukulay na bagay. At sa paniniwala ko, isa sa mga ‘yan ang dumale sa sikmura ko nung araw na yun. Dahil nga ubos ubos biyaya ako, malamang sa alamang, wala nang matitira sa aking pamasahe pauwi. Isa pa, alanganin kasi yung layo/lapit ng bahay namin sa eskwelahan. Yun yung mga distansyang nakapanghihinayang lustayan ng kwatro pesos na pamasahe sa dyip. Pagbaba ko, malayo pa ang lalakarin ko papasok sa subdivision. Kaya nabuo ang pasya-- maglalakad ako.

Sa kalagitnaan ng paglalakad, isang malakas na sipa sa sikmura ang kumawala. Naisip ko—yari, parang déjà vu, parang nangyari na ‘to. Sa isang iglap, muli kong hawak ang bola ng kahihiyan. Para akong de-susing laruan na nagloloko ang baterya, lalakad, tatakbo, tatakbo nang mabilis, lalakad nang mabagal, lalakad nanag mabilis at tatakbo nang mabagal. Anak ng jueteng, ‘pag tumatakbo ako mas nahuhulog, ‘pag naglalakad naman mas dumudulas. Walang lusot. Nasa may kanto na ako ng subdivision namin nang biglang bumulwak ang lahat ng sama ng loob sa akin ng sikmura ko. Guminhawa ang aking pakiramdam. Walang kasing ginhawa. Gumaan ang mabigat kong sikmura. Nasa may tabi ako nun ng karinderya, buti na nga lang at hapon na kaya wala nang mga taong kumakain. Nagtago ako sa may likod nun, at dahan dahan kong inalis ang aking shorts. Ayokong makita ang aking krimen kaya nakapikit kong hinubad ang aking brief. Pero kahit nakapikit ako, naiimagine ko ang itsura ng basura ko. Tagumpay. Nailuwal ko ang aking brief sa tabi ng mga buto ng manok, tinik ng isda, bote ng softdrinks at mumu ng kanin. Mas presko na ang aking pakiramdam. Kusang sumusuot ang hangin sa kaibuturan ng aking salawal at dumarampi sa kalooblooban ng aking pagkalalaki. Ang sarap ng simoy ng hangin nun. Akala ko tapos na ang kalbaryo. Muling sumipa ang sikmura sa ikalawang pagkakataon. Mas marahas yung dagsa ngayon. Lakad-takbo-lakad-takbo. Buti na lang at nahagip ng aking mga mata ang isang lumang poso. Bumulwak na naman siya. Naknamputsa. Pumuwesto ako sa may nguso ng poso at binomba ang braso nito. Buti na lang at may malaking bote ng mineral water na tinagpas ang katawan para maging maliit na balde. Bomba-salok-tae-hugas. Tuloy tuloy lang. Hanggang sa dumagsa na rin ang mga residenteng mag-iigib ng pang-inom, pangsaing at pantimpla sa gatas ng mga bata. Napapapalatak na lang ang mga matatanda habang pinapanood ang aking munting palabas at may mga nagliliparan pang mga masasakit na salita. Tapos na ang giyera at umuwi akong nakayuko sa kahihiyan. Nakasando akong umuwi at ang polo ko ay itinali ko sa aking bewang. Yun ang huling araw na pumasok ako sa ikaapat na baitang. Isang masaklap na araw.

Matagal ding nakisama ang sikmura ko. Matagal ding nagkasundo ang isked niya ng paniningil at ang normal kong buhay. Sinusuyo ko siya sa umaga bago ako pumasok sa eskuwela. At nagpaparomansa naman siya. Nung kolehiyo ako, nalulusutan ko ang mga minsang alanganin niyang paniningil. Kung hindi sa mga CR ng mall, sa CR sa library ng school ako umeerna. Buti na nga lang at naging miyembro ako ng publikasyon, walang malaking perang insentibo, pero ok na yung may palikuran kang matatakbuhan sa oras na nakikipaglaro na itong si sikmura. Mahirap kung sasabihin kong: “sa bahay na lang, unting tiis pa” Hindi biro ang layo ng Maynila at Cavite.

Akala ko nasa edad ang pagtae sa salawal/pantalon. Akala ko exempted na ang mga nasa kolehiyo sa kahihiyan. Para bang yung mannerism ng mga bata sa pag-ihi sa kutson o sa banig, malaking kahihiyan na kung ginagawa mo pa rin ang mga ito nang teen ager ka na. Nagkamali ako.

Umuulan nun. Katatapos lang ng isa sa mga inorganisa kong palihan sa malikhaing pagsulat. Kasama ko ang mga kaibigan ko. Kakain dapat kami sa Pizza Hut—celebration kumbaga. Naglalakad kami sa loob ng mall. Hindi ako mapakali. Parang may kulang. Parang may mali. Parang may bagay na hindi ko nagawa. Bigla. Walang pasabi. Tumakbo ako pabalik sa sakayan ng bus. Sabi ko, kung hindi ko siya maaabutan at hindi ko siya makikita, siguro nga hindi kami ang para sa isa’t isa. At sumagot nga ang Diyos. Nandun siya, nag-aabang ng masasakyan. Nagulat siya—mas nagulat ako. Hanggang ngayon ramdam ko pa rin yung hingal ko nung mga panahon na yun. Pati yung patak ng ulan na humahalo sa pagtagaktak ng aking pawis. Naaamoy ko pa yung alimuom. Damang dama ko rin ang panlilimahid ko. Maging ang amoy niya. Tuwing umuulan, isa ‘to sa mga imaheng nabubuo ng bawat patak ng ulan. Hinatak ko siya at kumain kami sa Mcdo. Ok na ok na yung tagpo e. Sa sobrang pagiging ok nga e, pwede ko na siya ayaing magpakasal. E kumatok bigla ang sikmura ko—nanlumo ako. Gusto kong sumagot na, wala si Emman, tulog, umalis, masakit ang ngipin, masakit ang tiyan, patay na! Pero mapilit e. Parang disconnection notice ng MERALCO at pulis na may warrant of arrest, hindi pupuwedeng tanggihan, hinding hindi puwedeng hindian. Kaya ayun, minadali ang paghigop sa float, ang pagnguya sa fries at ang paglantak sa burger. Nagpapahatid siya sa Recto. Nag-iisip naman ako ng alibi. Dyahe naman kung sasabihin kong, “Honey una ka na! Maghahanap pa ako ng pagtatambakan ng mga punyetang taeng ‘to” o kaya “bye baby! Una ka na a! Natatae pa ang bebe mo e” ang bantot pakinggan. Kinikilabutan ako. Ano kaya ang mensahe ng Diyos sa sitwasyong ito? Matapos kong habulin at maabutan siya, heto’t hinahabol naman ako ng sikmura ko. Karma ba? E bakit sa sikmura pa? Pwede namang masagasaan na lang o kaya maholdap at masaksak— at talagang sa tae na naman ang bagsak ko. Matapos ang unting bolahan, nakasakay na siya ng dyip. Kumaway siya at kumaway din ako. Sa background ko parang may orkestrang  umihip ng trumpeta.  At ako naman, parang superhero na tumakbo para maghahanap ng lugar na pagpapalitan ng costume.

Lakad-takbo-lakad-takbo-lakad-takbo. Hanap ng mga portable cr. Kahit pa may bayad na limang milyon—ayos na yan. Kung kailan mo sila kailangan tsaka naman sila nagsipagsara. Dinala ako ng aking mga paa at ng tae sa Chinese Garden. Dati dito kami nagpapractice ng mga sabayang pagbigkas para sa mga patimpalak, pero nung gabing ‘yun, sabayang pagbulwak naman ang masasaksihan ng parkeng ito. Nagbayad ako sa entrance ng 50, kahit limang piso lang talaga ang bayad. Sabi ko babalikan ko na lang. Napangiti ang nagbabantay, parang hindi na siya bago sa mga ganitong problema. Lakad-takbo-lakad-takbo.  Dumodoble na ang paningin ko.


Sapat na ang isang salita para ilarawan ang lahat ng nangyari



—KAPOS.


Sa pinutan ko naidilig ang lahat lahat. Ayoko nang ikuwento ang mga kasunod. Basahin niyo na lang ang maikling kuwentong Hapi Meal. J Siyempre hindi ako yun. Hindi ako kumain sa loob. Pero ang tagpo sa loob ng palikuran sa Chinise Garden ang nagsilbing paanakan ni Castor at ng malinamnam na kare-kare.


Lumabas ako ng classroom at kinatok ang co-teacher ko sa kabilang klase para rumilyebo muna sa akin. Pagkaupo ko sa trono, nanumbalik sa akin ang lahat ng alaala ng pagme-may-i-go-out. Sa mga nabanggit kong kuwentong tae sa itaas, hindi ko pala nagamit ang mga katagang may-i-go-out. Palibhasa kasi sinisingil ako ng sikmura ko ‘pag nasa lugar ako na malayo sa comfort zone—o sa madaling salita, malayo sa banyo. Nung nasa kolehiyo ako, ang ibig sabihin ng may-i-go-out  ay pagpunta ng rally sa Mendiola. At sa pasintabing iyon, wala nang katiyakan kung may balikan pa. Bahala na lang umakyat mag-isa ang bag sa  pub. Pero ngayong guro na ako, natutunan ko na ang pinakatamang gamit ng linyang may-i-go-out. Sa awa ng poong may kapal, sumakto lang naman ang lahat sa pagkakataong ito. Tingin ko matagal ang pagsasamahan namin ng inidorong ito.

***

Nang manalo ako sa Gawad Emman Lacaba (GEL), sabi ni Froe, co-writer ko sa pub. ‘Pag namatay daw ako, may naisip na raw siyang award giving body para sa pagkilala sa akin—Gawad Emmanuel Barrameda (GEB), kung magkakaanak naman daw ako ng lalake at gagawin kong junior, malamang magiging senior ako. Kaya magiging GEBS, Gawad Emmanuel Barrameda Sr. Ang bantot. Hanggang sa pagkilala hinahabol pa rin ako ng mga erna.

Gaya ng lahat ng tao, isa rin ako sa mga tae ng lipunang ito. Madumi. Kahit sampung beses maligo sa isang araw, nananatiling madumi. Parang tae na kahit ibabad sa alcohol ay hindi mawawalan ng mikrobyo. Tanggapin na natin, kahit gaano pa tayo magmalinis, palagi at palagi pa ring pa rin tayong dudumi—kung saan, yun ang nakakatuwang pag-usapan.






Nagkatumbahan na ang mga bote ng alak.

Larawan si Arturo ng isang tatay na naghahangad lang ng isang pamilyang may anak. Kung pwede lang na sa sinapupunan niya na lamang ipunla ang magiging anak niya at siya na lang ang magdala nito sa loob ng siyam na buwan, malamang ginawa na niya. Pero dahil sa imposible ito, alak na lamang ang araw-gabi niyang ipinampupuno dito.  

            Sa kanyang sobrang kalasingan naghahalo na ang ingay na likha ng mundong totoo at hindi. Alin ang likha ng mundong totoo at alin ang katha lamang ng kanyang isipan. Sa isang iglap isang malalim na boses ang naghari sa dalawang mundo.

            “Pumatay ka ng isang tao. Isang tao lang. Pangako maaabswelto ka.”
            Nagpapaulit-ulit ang tinig. Hindi siya nilulubayan.Hindi siya tinatantanan. Hindi tumitigil hangga’t hindi siya kumikilos.

“Pumatay ka ng isang tao. Isang tao lang. Pangako maaabswelto ka.”
Pumasok siya sa loob ng tinutuluyang lumang apartment dala ang isang bote ng Anejo.

“Pumatay ka ng isang tao. Isang tao lang. Pangako maaabswelto ka.”
Nagpatuloy sa pag-iling ang electric fan.  Sumuko ang ilaw.

“Pumatay ka ng isang tao. Isang tao lang. Pangako maaabswelto ka.”
Nagpatuloy siya sa kwarto at dinatnan ang humihilik na asawa.

“Pumatay ka ng isang tao. Isang tao lang. Pangako maaabswelto ka.”
Natumba ang family picture, nabasag, naapakan at nadurog.

“Pumatay ka ng isang tao. Isang tao lang. Pangako maaabswelto ka.”
“BAOG KA! BAOG KA! MADAMOT KA! HINDI MO AKO PINAGKALOOBAN NG ANAK!!!”

“Pumatay ka ng isang tao. Isang tao lang. Pangako maaabswelto ka.”
Walang kagatol-gatol niyang inihampas ang bote sa nahihimbing na asawa.

 “Pumatay ka ng isang tao. Isang tao lang. Pangako maaabswelto ka.”
Naging pula ang unan, kumot, kutson, at sahig. Nanumbalik ang mundong totoo.

Nagising na lamang si Arturo sa likod ng rehas. Muling sumulpot ang malalim na tinig;

“Magandang Umaga.”
“Nilinlang mo ako.”
“Hindi kita nilinlang Arturo.”
“Pero sinabi mo at nangako ka na maaari akong pumatay ng isang tao at hindi ako makukulong.” 


.”OO nga. Malay ko ba namang buntis pala ang papatayin mo.”




nagwaging unang gantimpala sa patimpalak sa pagsulat ng dagli
Circulus Literati PNU
Pebrero 2012




(ang mahabang kuwento ng maikiling kuwento ng Sir. Ma’am. Sir)

Minsan sinabi ni Genoveva Edroza Matute na ang pagsususlat niya ng kanyang mga tauhan sa kanyang nilikhang maikling kuwento ay pakikidalamhati niya sa mga pighati ng mga ito at ang muling pagbabasa sa kanyang mga kuwento ay ang muling pananariwa ng mga sugat nila—at muling pakikidalamhati niya. At sa pagkakasulat at pagkakabasa/pagkakatanghal sa kuwentong Sir.Ma’am,Sir., alam ko, mas higit ko na siyang nauunawaan.

Mag-iisang taon pa lamang ang kuwentong Sir.Maam.Sir. sa papel. Pero alam ng Diyos na matagal na itong nabubulok sa aking isipan. Nakaparada lamang ito sa bodega ng aking isipan, parang kutsiluyo naghihintay lang na mapansin at mabili. Matagal na akong kinukulit ng mga tauhang sila naman ang daw ang bigyan ko ng banghay. Ang tunggalian naman daw nila ang isapapel at isatitik ko. Isinilang ko ang unang dagta ng dugo nila sa talaarawan kong pang-Marso nang nagdaang taon. Kasama na ang pagtitinda ng kutsilyo ni Burgos sa mga ‘to do list’ ko. Pero saan nga ba nag-umpisa ang konsepto ng hindi mabenta-bentang kutsilyo?

2011 ata yun o 2012 na nung maging kabi-kabila yung mga patayan sa loob ng mall. Yung isa sa may SM Pampanga at yung isa naman ay sa may SM North Edsa. Parehong nag-uugat sa pagmamahal—pagtataksil. Malinaw lamang itong manipestasyon na talagang hungkag ang mga polisiya ng mga mall owners at pati na rin ng mga kapulisan pagdating sa pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko. Gaano na nga lang ba kamakapangyarihan ng mga chopstick ng mga sekyu na ginagamit nila sa mga bag. Parang thermometer lang ito na pinapasak sa bunganga ng bag—kaya ang resulta, kawalang katiyakan ng seguridad ng mall. ‘Pag nagkaroon ng pagsabog sa loob ng mall, tsaka sila maghihigpit. Malamang naman na mas matalino pa sa kanila ang mga terorista sa pagpaplano. Kaya malamang, hindi sila magpapasabog ng dalawang magkasunod. At kapag humupa na ang tension, BOOM. Magkakaroon na naman ng pagsabog. At  muling hahaba ang pila ng mga mall goer para sa linsiyak na inspeksyon ng mga bag nilang nilalagnat.

Minsan nga sa klase namin sa Panitikang Popular kay Prop. Lolita Bandril, idinemo ko kung paano makakapatay ng tao sa loob ng mall na hindi nagdadala ng deadly weapon sa loob. At yun nga ang pagbili ng kutsilyo sa loob ng mall.

Ako at ang mall

Marami akong kuwento sa loob ng mall. Kung maituturing ngang mall ang Grand Central sa Caloocan, e siguro batang mall ako. Ilang picture na pangthrowback ba ang mayroon ako sa loob ng mall. Mayroong nasa paanan ako ni Jollibee at iba pang mascot ng mga fastfood chain. Mayroon din habang naksakay ako sa kabayong hinuhulugan ng token para yumugyog ng yumugyog sa loob ng limang minuto at marami pang iba.

Iba kasi ang arkitektura ng mall e. Sari-sari ang mga kulay. Nakakapanghalina. Dumadagundong din ang mga usong dance craze, kaya talaga namang nakakaengganyo ang karanasang mall. Sa aklat na kulturang mall ni Rolando B. Tolentino ko naunawaan ang mga lihim na itinatago sa atin ng mall. Ang mga empleyadong biktima ng kontrakwalisasyon, ang dahan-dahang pagbubura ng kulturang Pilipino ng kulturang mall, ang gampanin nito sa lipunang nag-aasam na dumanas ng mga simpleng ligaya at satispaksyon. Ang mall ay parang isang tsokolateng mahirap takasan. (ayon nga sa ginuhit ni Jolly M. Lugod sa Aklas 2013: Ang Kontemporanyong Tipan). Ito ay nasa bunganga ng malaking pusang kapitalista na patuloy na nanghihikayat na pasukin ang pasilyo ng kanyang mall at maging isang masiyahing biktima. At ang masang Pilipino ay ang mga langgam na hinding hindi makatakas sa matamis na panawagan. Kahit nga mga aktibistang mulat at lumalaban sa mga kapitlistang tulad ni Henry Sy ay bumibili ng mga damit sa department store, libro sa national bookstore at Burger at Fries sa Mcdo. Mahirap matakasan ang karanasang mall. Kaya naman naisip kong ikuwento ang Sir. Maam. Sir para ipakilala ang ibang mukha ng nito. Siguro hindi para sa mga mulat nang mambabasa, kundi higit doon sa mga taong walang oras na magbasa at laman lang ng mall. Tingin ko may katapusan din ang pagyugyog ng kabayo ng kapitalista. Ang akdang ito ay hindi sandata sa giyera para labanan ang mga naghaharing puwersa, pero sapat na para maging kalatas namagpapaunawa na may ganitong klaseng giyerang hindi natin namamalayan.

At nung nagkolehiyo ako sa Pamantasang Normal ng Pilipinas, mas lalo akong nalubog sa mall, mas dumami ang kuwento ko tungkol sa akin sa loob ng mall. Paghihintay ng padala sa LBC loob ng mall. Pagpapatila ng ulan sa loob ng mall. Pagkain sa loob ng mall. Pagtae sa loob ng mall. Pagbibilang ng tao sa loob ng mall at iba pa.

At kung bakit may dugo ang aking sandalan

Mas gugustuhin ko pang mabaril sa likod kesa masaksak sa likod. Kaunting sakit lang ang requirement ng tandem ng baril at bala, pero iba ang kuwento ng matalim na kutsilyo. Bawat hugot at baon, mararamdaman mo ang pagwakwak ng mga sariwa mong laman. Randam mo ang pagkapunit ng iyong balat sa pagkakabunot at muling pagtatahi sa muling pagkakasaksak. Kung isang saksak lang, masakit din siguro. Malaking problema ang pagpapatahan ng dugo. Pero ang pinakamatindi ay ang saksak ng kutsilyo sa likod mo nang hindi mo namamalayan. Malamang uuwi kang nasa critical level na ang cc ng iyong dugo. Hindi pa ako nabaril, hindi pa ako nasaksak, pero nagkasugat na ang likod ko ng malalim na malalim na malalim.

Mahabang kuwento ang aming naging samahan. Pero maikling kuwento kung paano naming ito winakasan. At ang Diyos na lang ang may alam kung gaano kahaba o kaikli ang daan sa muli naming pagiging tunay na magkaibigan.

Ano ba ang mali sa amin? Siguro ang inakala kong blue ay red pala sa kanya. Sabi ko paabot ng tuwalya, at binigyan niya ako ng  isang supot ng calamansi. Humingi ako ng isang kilong bigas at binigyan niya ako ng isang sako. Sabi ko pahiram naman ng salbabida, binigyan niya ako ng yate. Sabi niya lagyan ko ng toyo ang adobo at nilagyan ko nga ito ng asukal na pula. At sa lahat ng malinaw na kalabuang ito, sinasabi pa rin naming nauunawaan naming ang isa’t isa. Kami ang predikamento ng linyang masama ang anumang sobra. Wala talagang kulang sa amin—lalo sa kanya. Nagpapasalamat ako sa kanya. Ngumingiti naman siya. Sabi ko pa nga, napakabuti mo talagang kaibigan.. Ngumingiti lang siya ulit. Hanggang sa araw na dumating ang expiration date ng mga ngiting iyon—at napag-alaman kong may gantimpala palang katubusan ang lahat ng mga oras, pagod, hirap, dasal at haplos na inilaan. Sa isang iglap, naging laman ako ng kahon at nagapos sa sariling kadena ng pagtanaw ng nakaraan. Hiningi ko ang susi, binigyan niya ako ng resibo. Sabi ko susi, inabot niya naman ang sili at granada. SABI KO SUSI, sinaksak niya ako sa likod. Isa. Dalawa. Tatlo. Pero dahil sa inakala kong rekisito lamang iyon n gaming pinagtagpi-tagping malabong ugnayan, akala ko hindi masakit, hindi mahapdi. Pero naalala kong lahat ng pagdugo ay pagdanas ng sugat. At ang kutsilyo nga’y naging pana ng mga kupido ng mga omalohokan ng walang katuturan at kasinungalingan.

Pinagtaksilan ako ng mga tao, ng lipunan ng buong mundo. Parang pananaw lang ng isang emo na may blade na sa himaymay ng braso ipinapanggantsilyo. Naisip ko, walang mainam na paraan sa pagkalimot kundi ang pagtanggap ng mga bagong alaala. Lumangoy ako sa laot papalayo sa kaniya. At siya rin naman sa akin. Pero palaging may palatandaan ang sugat ng nakaraan. Matutunton at matutunton pa rin ako ng hapdi at sakit.

Ok na kami. Nagkita kami bago ako magtapos sa kolehiyo. Kumain at nagkuwentuhan sa loob ng mall. May buhay na siya at malinaw na sa amin ang konsepto ng paghingi-pagbigay at pag-asam- pagtanggap. Minsan naisip ko, paano kaya kung talagang toyo ang ibinigay ko ng minsang nanghingi siya sa kanyang adobo—iniisip ko pa rin kung ano ang naging lasa namin. Hindi naman siguro karumaldumal. Pero may mga bagay lang yata na talagang hindi puwedeng pagdikitin gaya ng pilay at kambing.

Si Burgos, ang guro at ang nawawala

Si Burgos, ay simbolo ng daang libong kontrakwal na manggagawa sa loob at labas ng mall. Siya ang nagsilbing boses, utak, kalamnan, kaluluwa at bayag ng mga empleyadong busog sa trabaho at gutom sa hanggang sakong na kita. Pinili ko siyang ‘wag bigyan ng pangalan para hindi siya makulong sa mga Benjo, sa mga Miguel, Pedro at Juan. Ang kanyang kawalang pangalan ay palatandaan na ang mall ay istrukturang magkakanlong ng mga bagger, sales lady at promodizer na hindi kinikilala ng mga mall goers. Gusto kong ang bawat makababasa at makapagtatanghal ang magbigay ng palayaw sa kanya. Sa ganitong paraan ko dinadakila ang hanay ng mga manggagawa.

Hindi nawala, nawawala at mawawala ang dignidad ng mga taong lamang ng mga trabahong mall—dahil una pa lamang, HINDI NA NAGKAROON. Hindi gaya ng aktibistang si Jonas Burgos na hindi lamang winalan ng dignidad kundi literal na iwinala—binura sa ating lipunan. Kaya ang muli-t muling pag-uulit ng kanyang pangalan sa kuwento ay pagsusumamo na palutangin siya. Parang pagtawag kay muning sa gitna ng talahiban. Si Jonas Burgos ay kapanig din ng mga manggagawa at ng iba pang nakararanas ng panddarahas. Isa sa mga pangarap ko sa buhay ay ang muli siyang lumaya sa pagkakawala at pangalawa’y mabasa ang akdang ito.

Sabi ni Ma’am Joiz Muniz, co-teacher ko sa LTA, sa lahat ng tauhan, si Burgos ang pinakamalapit sa akin. Sabi niya pa, pinapakiramdaman niya daw kung alin sa mga tagpo ang talagang dinanas ko. Ano daw ang naging motibasyon ko para mabuo ang mga tauhan ko. Sa huli sabi niya, ako yun, ako sila—ako si BURGOS. Sabi ko, hindi po. Si Burgos ang isa sa mga naging maaga kong gasolina sa pagsulat ng kuwento—Sir Jomar Empaynado.

Sa lahat ng propesor na nagsabi na “hindi naman talaga mahalaga ang grado, mas mahalaga pa rin ang pagkatuto,” ang pagkakapili niya ng mga salita ang pinaka naging epektibo. Sa kanyang matalinong kaisipan ko naipadron ang ilan sa mga pilosopiyang pangwika ko, gaya ng ang wika ay hindi dapat na ikinakahon sa mga batas at ang gampanin ng mga guro sa wikang Filipino ay hindi limitahan ang galaw ng wika, bagkus dapat na panuorin at sukatin kung hanggang saan na nakaaabot. Malaking impluwensya ang naging pagtuturo niya sa akin kung paano ko turuan ang mga estudyante ko ngayon.

Siya ang katawan ni Burgos. Siya ang likot ng dila at bawat pagbuka ng bibig, siya ang pilantik ng bawat wika at bawat kataga. Siyang siya ang lalim ng boses, ang diin, antala at intonasyong nalikha. Siyang siya yun. Palagi siyang kasama sa lahat ng pasasalamatan ko sa larangan ng pagtuturo—pagsusulat. 


Si Myla, ang babae at ang mga babae

Nang minsang manalo ang koleksiyon ko ng dagling “Deliberi” sa patimpalak ng Circulus Literati sa PNU, parang hindi na ako nakatakas sa pagkukuwento ng mga paghihirap at pagpapaksakit ng mga kababaihan maisilang lang ang susunod na henerasyon. Malamang hindi ko talaga alam ang sakit na nararanasan ng bawat buntis, pero may matagal nang bumabagabag sa akin para maging kumadrona ng mga kuwento nila. Minsan nga sabi ni Prop. Joel Costa Malabanan, hindi limitasyon ang hindi mo pagdanas sa isang bagay para iyong maisulat. Mukha ngang nasagka nitong kuwentong ito ang paniniwala kong ang panginoon ng bawat manunulat ay ang kanilang karanasan. Sa ganitong kalagayan, mukhang nagtraydor nga ako sa aking karanasan.

Sa totoo lang, hindi naman talaga dapat ipapanganak sa kuwento si Myla at kuwento ng kanyang dinadala. Pero nang magpasya akong isali ang kuwentong ito sa Emman Lacaba Literary Award ng College Edotors Guild of the Philippines, nakita kong hindi aabot ang dami ng salitang mayroon si Burgos para sa hinihingi ng paligsahan. Kaya naman sa loob ng dalawang linggo, tuloy tuloy kong inasembol ang katauhan ni Myla. Hindi ako tumigil hangga’t hindi siya mabuo—hindi siya mabuntis. Kung wala ang kuwento ni Myla, malamang nadumihan ang kamay ni Burgos at ng mga manggagawang kontraktwal sa mall. Sila kasi ang nakatakdang pumatay sa Boss. Kaya naman ang pagdating ni Myla sa Kuwento ay parang pagdating na rin ng Messiah. Hayaan nating mag-ubusan ng lahi ang mga nasa ibabaw ng trayanggulong lipunan.

Sa isa sa mga hapon bago magsembreak nung nakaraang taon, tumabi ako sa kaklase kong babae. Si Justine Manansala. Noon pa man hinahangaan ko na siya. Outspoken. Wala siyang pakialam kung ano ang maging pagtingin sa kanya ng mundo. Magka-cartwheel siya at mag-e-egg roll kung gusto niya. Pero gaya ng lahat ng tao, alam ko may kahinaan siya. At nung hapong iyon, yun ang napag-usapan namin. Napaka random ng usapan, anywhere goes.  Paano ka umiyak? May tunog? Ano lasa ng luha mo? Kung magiging gamit ka, ano ka? Bakit yun? Sino kahawig mong artista? Pabor ka bas a budget cut sa mga SUC? May Diyos ka ba? Paano mo siya kinokontak? Kung ano-ano yung mga tanong ko at kung ano-ano rin lang yung mga sagot niya. Hanggang sa napunta kami sa konsepto ng panganganak. Ilan ang gusto mo? Lalake ba muna o babae? Ano ipapangalan mo? E PAANO KUNG HINDI MAGKAROON? At dun nabuo ang pagkatao ni Myla. Nahubaran ko ng buong buo ang pagkatao ng isa sa pinakatatangi kong babae—kaklase. May anino na si Myla at hindi na ako nahirapan pang buuin ang pagkatao niya. Bakit Myla? Random lang din. Pinindot ko yung keypad tapos lumabas yung pangalan ng isa sa mga writer ng PLNTK—si Myla Eusebio.

Minsan hindi ako natatawa sa pagpapatawa ng tadhana, pero talaga nga yatang palabiro ito. Ilang araw matapos manalo ang kuwento sa Lunduyan, nalaman kong naghiwalay na rin si Justine at ang karelasyon niya. Kung bayad yun sa pagkakadawit niya sa kuwento, ikinalulungkot ko. Pero sa huli kong check, masaya siya ngayon.

Si Leopoldo, ako at ang kapitalistang ganid

Bata pa lamang ako ay may phobia na ako sa mga mayayaman. Siguro ang lakas lang talaga ng impluwensya sa akin ng telebisyon. Magmula kasi sa pagdurusa ni Camille Pratts sa Sarah ang Munting Prinsesa hanggang sa pagluha ni Caludine Barretto at Judy Anne Santos sa Mula sa Puso at Esperanza, walang ibang role ang mga mayayaman kundi mang-api at mangmata ng mga mahihirap. Hindi naman ako lumaking mahirap talaga. May birthday party ako taon-taon nung bata pa ako, pero talagang takot na takot akong maging bida sa mga teleseryeng pantanghali. Ayokong mabuhusan ng orange juice sa mukha, ayokong sirain lahat ng mga laruan ko ng mga malditang bata, ayaw na ayaw ko nun. Takot akong pumunta sa mga malalaking bahay, ayoko kasing makabasag ng mga mamahaling paso. Ayokong makipaglaro sa mga rich kid, naniniwala kasi akong mahirap silang pakibagayan, alam ko kasi bully sila at aawayin nila ako—siyempre ganun din ang mga magulang nila. ‘Pag rumesbak sila sa anak nila,  patay na. Kung makikisakay ako sa sasakyan ng mga mayayaman palagi kong pinag-aaralan kung paano bubuksan ang pinto para makalabas ako oras na may mangyaring hindi inaasahan.

Kaya naman ang pagkukuwento kay Leopoldo ay isang mahirap na trabaho.  Bumabalik sa akin ang lahat ng pangaalipusta ng mga mayayaman sa mga bidang tauhan sa mga teleserye. Paano ko ilalarawan at isasalaysay ang mga bagay-bagay sa perspektibo ng mga taong ayokong makahalubilo? Malaking bagay siguro yung pagiging aktibista ko nung kolehiyo. Naunawaan ko kung sino ba talaga ang tunay kong kaaway. Ang mga tunay na mayayaman. Silang kumokontrol sa media, hudikatura, polisiya at gobyerno.  At si Leopoldo ay  bahagi ng sistemang nananamantala. Pero maging siya man ay pinagmukha ko ring biktima, hindi nga lang ng mga kauri niya o ng mas mababa pa sa kanya. Biktima siya ng buhay at pagkakataon. Bilang pagtugon sa mga katanungan ko kay Justine, sinubukan ko ring hanapan ng sagot sa perspektibo naman ng isang Adan.  Natural ang pagiging marupok ng mga lalake, at alam na alam ko yan. Sinubukan kong pakinggan ang argumento ng panloloko ng mga caller ni Papa Jock, pero napag-isip isip ko na wala ng mas magiging mainam na tauhan kundi ako. Sa ganitong sitwasyon, naging panginoon ko ang bawat karanasan sa pagsulat sa katauhan ni Leopoldo. Wala nang mas eeksakto pa sa pagkakataong kasalukuyan.
At nabuo na nga si Sir. Si Ma’am at si Sir.

Si Liza? Siya yung ultimate crush ko nung highschool. May asawa’t anak na siya ngayon at masaya ako para sa kanya. Ang pagkakapasok ko sa kuwento niya ay pagpapaalala na minsan kabahagi ako ng isang relasyong nagsimula panloloko. Sabi ko dati, ang kuwento ni Liza ang magiging barometro ko ng pagiging matinong lalake. Pero hindi pa yata talaga napapanahon para doon. Ginusto ko naman talagang maging matino at magpakatino, pero tinatawag din ako ng pagkakataon. Gaya ni Leopoldo, umasa rin lang ako.
Ang karanasan ni Leo at Liza ay antolohiya ng pagtatago namin sa lipunan ng mga matang nagsusumbong at sumusuplong.  Gaya ng kakalse kong lumaya kasabay ni Myla—maging ako ay malaya na kay Liza.

Ano na kaya ang mangyayari sa kontarata ni Burgos? Sabi ng mga kaibigan ko, gawan ko daw ng part 2. Pero sabi ko naman, may mga kuwentong kinakailangang walang closure. Gusto kong ang mga mambabasa ang magbigay ng closure. Gusto kong sila ang palaging maglagay ng pinakahuling tuldok sa kuwento. Gusto kong sila na ang bahalang magdugtong ng riles papunta sa wakas na banghay ng bawat kuwento. Gaya nga ng sinabi ko sa Aklas 2013: Ang kontemporanyong Tipan, hindi lang ang mga tauhan ang magkaroon ng resolusyon, hinihiling kong higit na lumaya ang mga mambabasa sa mga true to life na tunggalian. Ang maikling kuwento ay hindi lamang kuwento. Ito ay buhay.

Kaya naman nagpapasalamat ako sa pamunuan ng Kapisanang Diwa at Panitik, sa pagkakapili ng kuwnetong Sir.Maam.Sir, upang isabuhay sa entablado ng pamantasan. Ilang ni-required na estudyante ng mga guro sa Filipino ang nabingwit natin sa mata. Ang pagtatanghal sa kuwentong ito ay pagpapanumbalik ng mga sugat, at sakit ng nakaraan. Muling pagtanggap ng mga saksak sa likod at harap ng kutsilyong kinakalawang na sa aking isipan. Pero ito ang pinakamatamis na sugat kong pahihilumin.


Emmanuel T. Barrameda

Lungsod ng Imus, Cavite