Nagsimulang umikot ang balerina mula sa
kanyang inaalikabok na pedestal. Nasa paanan niya ang mga mumurahing kwintas,
mumurahing hikaw at iba pang mumurahing alahas. Nagpatuloy siya sa pagsayaw sa
kakambal na tugtog. Ipinatong sa harap niya ang dalawang pinagpatong na singsing,
natigilan siya sa pagsayaw kasabay ng pagdilim ng kanyang uniberso.
***
Nailagay na ng mag-asawa ang kanilang
wedding ring sa loob ng jewelry box. Humiga sila sa kama at nagsimulang damhin
ang himaymay ng bagong labang kobre kama. Puspos din sa downy ang kanilang
inuunanan. Naghihingalong bumbilya ang kanilang buwan at tala naman nila ang
mga butas sa bubungan.
“Simula na ng trabaho natin bukas. May
kakainin na tayo sa susunod na anim na buwan,” hinahawi ni Aric ang mga humaharang
na buhok sa mukha ng kanyang asawang si Mae.
“Kaya mo na a. Bawal ang may boyfriend sa
trabaho ko. Paano pa kaya kung malamang may asawa na ako,” tumagilid ito at
humarap sa kanyang asawa.
“Oo. Kaya ko yan. Mula bukas hindi
malalaman ng lahat ng tao sa mall na mag-asawa tayo. Pero pagkatapos sana ng
kontrata natin, bigyan mo na ako ng anak.”
“Anak ng jueteng! Mahirap manganak at
mahirap maghagilap ng pera para sa panganganak,” kumalas ito sa asawa at
kumiling sa kabilang bahagi ng kama.
Kapag napag-uusapan na ang anak, palaging
sa ganito nauuwi ang lahat. Heto’t hanggang ngayon nakahawak sa kanyang bibig
si Aric. Bakit pa ba niya yun nasabi? Bakit pa ba niya yun naungkat? At lalamunin na naman siya ng maraming
bakit ngayong gabi.
Kung may third party sa relasyon ni Aric
at Mae, ito siguro ang malaki at malawak na arkitektura ng mall. Pinaglalayo sila
ng mga hagdan at escalator. Pinangungulila sila ng lamig na buga ng aircon at
ng maingay na bulungan ng mga parokyano ng mall. Nasa isang restaurant sa ground
floor si Aric at abala sa paglilinis ng mga hapag na pinagkainan at/o
pinagtambayan, sa paghahatid sa mga order at pagkain ng ilan sa mga hindi
nagalaw na pagkain ng mga customer. Samantalang si Mae naman ay laman ng art
gallery sa pinakataas na palapag ng mall at abala sa pagtatanod sa mga painting
na nakangiti, nakasimangot at nakahubad. Kahit nasa loob ng isang gusali ang
mag-asawa, walang pagkakataon para magkita sila. Sa ganitong masaklap na
katotohanan, mukhang gustong tanggapin ni Aric na siya na ang kalaguyo ng
kanyang asawa at ang mall na ang tunay na karelasyon ng kanyang asawa.
Alas-nuwebe pa lang nasa loob na ng mall
si Aric. Dahil tiyak na dadagsa ang mga customer para mananghalian. Dapat nauna
na siyang makapananghalian dahil kung hindi, tiyak na siyang naghahanda pa ng
makakain ng maraming tao ang malilipasan ng gutom. At siyempre hindi rin uubra
kung sa mismong loob ng mall siya kakain. Malaking gastos ‘pag nagkataon. Para
lang siyang nagtrabaho para kumain sa mall. Nakukuntento na siya sa mga
turo-turo at karinderya sa labas. Mabubuhay na siya sa isang order ng kanin,
kalahating order ng gulay at libreng sabaw. Presto na yun hanggang sa uwian.
Minsan naman ‘pag walang toyo si Mae, masarap-sarap ang kain niya sa almusal.
At ang sunod niyang kain ay pag-uwi na sa kanilang bahay. Kaya hindi na
nakapagtataka kung sa kalagitnaan ng pagsisilbi niya sa mga customer ay bigla
siyang katukin ng kalam ng sikmura. Lalo’t talagang nakamamatay kung paano
manakam ang aroma ng mga pagkaing inihahain niya. May mga pagkakataon ngang
gusto niyang kumurot sa isinisilbi niyang crispy pata, pero palagi siyang pinaaalalahanan
ng kaluluwa ng baboy na ang mga ihinihahanda niyang pagkain ay hindi para sa
kanya.
Isang araw, nagising siya na kumakalam
ang kanyang sikmura. Nakalimutan niyang hindi pala siya naghapunan dahil sa
sagutan nilang mag-asawa at bonus pang toyo ni Mae sa umaga. Bakante na ang
kabilang bahagi ng kama at inulila na rin ng uniporme ng kanyang asawa ang
hanger sa likuran ng pinto. At bigla siyang sinigawan ng orasan sa pader. Alas-nuwebe
y media na. Nadale na. Hindi siya puwedeng umabsent ngayon dahil nakaday-off
ang karelyebo niya. Sumakto na sa limang buhos ang kanyang pagligo. Tatlong
kuskos ang pagsesepilyo, sa daan na sinuklay ang buhok at winisik ang pabango.
At sa pagpasok na niya sa mall sinelyo ang mga butones ng polo. Naririnig niya
ang kanyang tiyan na nagmamakaawa. “Parang awa mo na! Punan mo na ako! Ano ba
ang ginawa kong kasalanan sa’yo para tratuhin mo ako ng ganito.” Sa pasilyo ng mall
naririnig niyang nakikipag-usap ang mga tao sa kani-kanilang tiyan.
“Baby! Anong gustong kainin ng bebe?”
“Honey! Wait lang a. Mamaya pakakainin na
kita ng maraming marami!”
“Nagugutom ka na ba? Sige a. Pili na tayo
ng makakainan.”
Tumutugon naman ang mga tiyan nito.
Makikita ang saya ng mga parokyano ng mall at ng kanilang mga tiyan. Lahat iniinggit siya at ang kanyang sikmura.
Sa isang iglap ang mall ay naging isang malawak na barrio fiesta. Sa gitna nito
naitirik ang malangis na palo sebo na inaakyat ng mga gusgusing bata. Naging
maputik ang isang sulok at biglang nagtakbuhan ang marurungis at malulusog na
baboy. Hinabol sila ng mga parokyanong sabik na sabik. Napuno ng banderitas ang
bawat palapag ng mall. May pa-contest ng pataasan ng ihi, pabinggo at
beto-beto. Nabuhay rin ang mga rebulto ni Jollibee at McDo at sumayaw kasama
ang mga bata. Mula sa malayo ay tanaw na tanaw ni Aric ang parada ng mga
litsong nakabihis sa iba’t ibang kasuotan. May nakapang-congressman, senador,
sundalo, pulis at pangulo. Muli siyang tinapik ng kaniyang tiyan.
“Ano ba ang mali kong nagawa sa’yo para
parusahan mo ako ng ganito?”
Kumirot ang kanyang tiyan. Nabuwal siya
at humampas ang kanyang katawan sa sahig at kasabay na nabitiwan ang isang
order ng bulalo na nakalagay sa palayok. Nabasag ito at tumilapon sa kanyang
katawan. Napaliguan niya ang sarili ng sabaw ng bulalo. Napaungol ang kaluluwa
ng baka at agad na bumangon para alalayan si Aric. Nawala ang maingay na parada,
makukulay na banderitas at matayog na palo sebo sa gitna ng mall, pero masebo
ang tingin sa kanya ng kanyang boss.
Nauwi sa areglo ang lahat. Tatlongdaan
ang bulalo at isandaan daw ang palayok, all-in-all isang araw ng pagtatrabahong
libre na may bonus pang kahihiyan sa publiko at bad shot sa kanyang boss. Sa
loob ng dalawang buwan ito na ang kanyang pinakamasamang araw. Umuwi siyang
katampuhan ang sikmura. Buti na nga lang at hindi pa ito nag-alsa balutan sa
tindi ng parusang tinanggap.
Dinatnan niya sa bahay ang
asawa—nakangiti ng abot batok at nakaupo sa may sala.
“Honey! Kumain ka na ba?”
“Oo tapos na.” Sasabat sana ang kanyang
tiyan pero hindi na nito nagawa nang biglang pumasok sa kwarto si Aric. Humiga
ito sa kama na hindi iniinda kung madumi ang uniporme. Gusto niyang ang anumang
hindi niya napagkaloob sa sikmura niya sa araw na ito ay maibigay niya sa
kaniyang katawan.
Napapapikit na siya ng biglang tumunog
ang jewelry box. Binuksan niya ang kaniyang mga mata at katabi na niya ang
kanyang asawa. Suot-suot na nito ang wedding ring nila. Yumapos sa kanya si Mae
at iniangkla ang kanyang hita sa katawan nito sabay lapit ng nakakuyom na palad
nito sa kanya.
“Hon. Isuot mo na! Ayaw mo kumain a.“
Nagpatuloy sa pagsayaw ang balerina sa
saliw ng kinagisnan nitong musika. At sa kama ay may ibang sayaw sa ibang
musika. Dumami ang gusot sa kobre kama nagkandalaglagan na rin ang mga unan sa
may paanan. Wala ring pakialam si Mae sa dumi ng uniporme ng asawa. Kanya ang
katawan ni Aric sa pagkakataong ito. Hindi niya maipaliwanag pero lasang bulalo
ang katawan ng kanyang asawa. Mas ginanahan siya sa pagpapadulas ng dila sa
dibdib nito. Nilimusan din ng tikim ang nagmumukmok na tiyan. Hanggang sa
matunton ang sentro ng init ng katawang tinitikman. Hindi maintindihan ni Aric
ang balintuna ng araw na ito, siya itong naghahanda ng makakain ng marami tapos
siya ring hihimatayin sa gutom at hanggang ngayong laman na siya ng kanyang
pamamahay siyang nagugutom ay siya pa ring kinakain. Pero tinalikdan niya ang
gutom at hilo. Baka masalisihan niya ng
isang semilya ang kanyang asawa. Nagpapatuloy pa rin ang balerina sa kanyang
sayaw ng bumalikwas si Aric at tikman ang labi ng kanyang asawa. Siniil niya
ang leeg nito papunta sa dibdib. Kung nalulunok na ito, malamang ito na ang
lunas sa kanyang kagutuman. Pero wala na siyang ganang kumain. Kaya naman
inihanda na niya ang pagsasanib ng kanilang katawan. Halos magkandalito-lito
ang balerina sa pagsayaw dahil sa pagtabon ng mga ungol at hiyaw ng mag-asawa
sa musikang kanyang sinasayaw. Mas dumami ang gusot sa kama. Pero hindi pa man
tapos ang ballroom ng mag-asawa, nawala na sa ritmo ang katawan at kaluluwa ni
Mae. Kumalas ito at lumabas ng kwarto. Muli sa kobre kama na naman naidilig ni
Aric ang mga semilyang bubuo sa batang pinapangarap niya. Hinubad niya ang singsing
at inilagay sa jewelry box. Napagod ang balerina. Bumalik si Mae dala ang
platong may kanin at mangkok na may adobo.
“O! Kain ka na!”
“Dito pala napunta ang toyo mo.”
Malinaw ang bilin ng kanyang Boss. Isang
late pa at isa pang kapalpakan, hindi siya mangingiming isahog sa kaldereta ang
kanyang kontrata. Kaya naman ngayon ay mas maaga na siyang natutulog at mas
maaga na rin siyang nagigising. ‘Pag may toyo ang misis niya, siya na ang
nagluluto ng almusal. Ibig sabihin anim na araw sa isang linggo kung magluto
siya ng almusal. Siniguro niyang busog siyang papasok, busog siyang
nagtatrabaho at gutom siyang uuwi. Kahit papaano, umaasa pa rin siyang
masaganang kainan ang kaniyang uuwian sa kusina at sa kama.
***
Muntikan na si Mae magkaroon ng trabahong
wala na may suweldong meron. Paano ba naman kasi, wala siyang ibang ginagawa sa
art gallery kundi ang tumayo at magbantay sa mga ibinibentang painting. Minsan ‘pag
may mga nagtatanong tungkol sa presyo, nakakapagpaliwanag siya pero mas madalas
wala. Napapanis na nga ang ngiti ng mga subject sa painting, naging busangot na
ang mga simangot at pinupulmunya na yung mga nakahubad. Ang lahat pa naman ng
painting ngayon ay nakatema sa Pregnancy Awareness Advocacy. Kaya sana,
magbunga ang kanilang pag-ire sa kani-kanilang mga kanbas. Lahat ng kwadro ay
nagpapakita ng iba’t ibang kuwento ng panganganak. Mula sa isang nagpapakita sa
kung paano ipinanganak ni Maria si Hesus sa sabsaban habang kinukumadrona ng
iba’t ibang hayop. Mayroon ding lalaking buntis na pinapa-ire ng mga babae.
Mayroon ding imahen sa loob ng sinapupunan habang naghihintay na lumabas ang
bata. May mga konsepto din ng aborsyon at marami pang iba. Ang buong gallery ay
muntikan ng magmukhang Ospital ng Fabella.
Iba ang mundo ng tao sa pinakataas na
palapag ng mall. Para itong langit na walang anghel dahil sa mga pasilidad na
hindi dinadagsa ng mga customer. Nandyan ang mga spa, photocopy stall,
bingguhan at travel agency. Sa gallery ay may mas malawak pang mundo. Parang
may kung ilang libong palapag pang matatagpuan dito. Ang bawat kwadro ay
pintuan papunta sa iba’t ibang mundo.
Halos buwanan kung maghatid at magpalit ng
mga painting sa gallery. Pero hindi araw-araw may bumibili at hindi rin
araw-araw na may naglilimos ng sulyap sa mga ito. Pero araw-araw pumapasok si Mae
at tuwing kinsenas at katapusan din ay sumasahod siya. Kahanay niya ang mga
painting na nakasabit sa ding-ding.
Kung magiging isang painting siya, siguro
kabilang siya sa mga pinakamalungkot na obra maestra sa mundo. Maraming bahagi
ng buhay niya ang hindi naisara. Walang closure. Parang isang malaking manhole
sa kahabaan ng EDSA na naiwang nakabukas. At siguro ang kanyang asawang si Aric
ang hindi nakakatakas sa paulit-ulit na nahuhulog dito. Hanggang ngayong may
asawa na siya, patuloy niya pa ring hinahanap ang mga nawawalang tuldok sa salaysay
ng kanyang buhay: “Hindi ako maganda.” Ito ang palaging laman ng kanyang isip.
Paggising sa umaga, sa rurok ng pakikipagtalik niya sa gabi at higit ngayong
maghapong inuusig siya ng mga babae sa nanganganak na painting. Nung mga
nakaraang buwan nga, naririnig niya ang pagbubulungan ng mga apostol sa Last Supper.
Nawala raw ang gana nila sa pagkain dahil sa pagmumukha niya. Si Monalisa nama’y
panay ang irap sa kanya. Isang beses sinigawan siya nito, “Impostora ka! Hindi
ka maganda.” At binaswitan siya ng mga kalalakihan sa Spoliarium. “Hindi ka
maganda, ang dapat na ginagawa sa’yo ay kinakaladkad kagaya nito.” Sabay turo
sa alipin sa gitna. Ngayon naman, maaamo ang mga painting sa kanya. Araw-araw
sila kung manganak at araw-araw din sila kung mabuntis. At si Mae ang sumasaksi
sa lahat.
Sa umaga, pananggalang ni Mae ang makapal
na antipara at uniporme na higit na nagpapatanda sa kanya. Tinitingnan siya ng
mundo ng ganito. O siguro mas mainam na gusto niyang sa ganitong paraan siya tingnan
ng mundo. Pero sa gabi, ‘pag umuuwi siya sa mundo nila ng kaniyang asawa,
nag-iiba ang kanyang postura. Kaya niyang ibigay ang lahat kay Aric, maliban na
lang sa pagbubuntis ng kanilang supling. Sa mga gabing may kakaibang alinsangan
ang kanilang katawan, sumusuko siya sa kanyang asawa at ibinababa ang
pananggalang. Ihahatid sila ng kanilang mga haplos at halik sa kanilang mundo.
Pero dahil sa takot niyang mapunan ng sanggol ang kanyang tiyan, iniiwan niya
sa pedestal ang asawa at baba itong lasog-lasog ang pagkalalaki. Kung may
matres nga lang ang kanilang kobre kama marahil ito na ang nabuntis ng kanyang
asawa. Matindi ang takot niyang iwan ng asawa dahil sa hindi niya ito kayang
mapagkalooban ng anak pero mas matindi ang takot niya na iwan siya ng kanyang
asawa oras na manumbalik ang kanyang katawan sa orihinal nitong anyo matapos
ang panganganak.
“AGGGGGHHHHHH!!!”
Narinig na naman ni Mae, isang babae na
naman sa painting ang manganganak. Magkakasunod ang ire nito at palakas ng
palakas. Hanggang sa maabot ang pinakamatinis at pinakamalakas. Ang sumunod ay
ilang minuto ng paghingal at katahimikan. At saka umatungal ang isang bagong
silang na supling. Nagdiwang ang mga nakapaligid sa painting maging ang mga
nasa iba pa. Napangiti na lang si Mae, kahit paano nainggit sa babaeng naging
ganap na babae. Bigla na lang siyang nilapitan ng lalaking buntis. Maitim ito,
balbas sarado, malaking tao at nakasando.
“Sinasabi ng iyong mga mata na may
problema ka.”
Sa totoo lang, nung una pa lang agad na
niyang napansin ang painting na ito. Unang pumasok sa isip niya ang kanyang
asawa. Naisip niya, siguro kung ipinanganak lamang ang lipunang patas ang
lalake at babae sa usapin ng panganganak, malamang matagal ng nagbuntis si Aric
para sa kanya. Siya ang iire, ang manganganak at ang magpapasuso sa iluluwal na
bata. Habang siya naman ay abala sa paghahanap ng perang ipapanggastos sa
panganganak ng kaniyang asawa.
“Ano? Ba’t hindi mo sabihin? Handa akong
makinig. Ako nga pala si Bimbo.”
Magsasalita na sana si Mae at handa na
itong ilahad ang problema kay Bimbo nang biglang dumating ang kanyang boss.
Nagpigil sa pag-ire ang lahat. Maging ang mga sanggol ay tinakpan ang mga bibig
para maapula ang pag-iyak. Ang lahat ay bumalik sa kanilang orihinal na kaayusan.
Kumindat na lang si Bimbo kay Mae at bumalik sa itsura nitong hirap na hirap sa
panganganak.
“Mae, magkakaroon ng session sa susunod
na buwan. Puwede ka ba maging model para maipinta ng mga estudyante kong
painters? Tutal single ka naman, tiyak na walang magagalit na boyfriend oras na
ipakita mo sa iba ang katawan mo. Isa pa for art sakes din naman. At eksakto,
last day na yun ng kontrata mo, dun natin malalaman kung mai-extend ka,” nakatingin
sa kanyang mga mata ang kanyang boss. Parang tinatalupan ang grado ng kanyang
antipara.
“A- e. paanong model po ba?” Sa isip
niya, nagdidiwang siya. Sa loob ng mahabang panahon, ngayon lang siya naaya
para sa ganitong proyekto. Kung nandito lamang si Monalisa, ang mga apostol at
ang mga lalake sa Spoliarium malamang mababanas yun sa kanya.
“Maganda ka kasi Mae. Yung hindi common
na ganda. Yung tipo ng gandang hindi mapapanis sa mga kanbas ‘pag pininta.”
Dahan-dahang bumaba ang tingin sa kanya at binagtas ang mga kurbada sa kanyang
katawan.
“A pag-iisipan ko po.” Kung siya lang,
malaking oo ang sagot niya. Pero siyempre may asawa siya.
Hanggang ngayon, napakahalaga pa rin ng
mga alas-sais sa mga hapon ni Mae. Sa lahat ng dinaanan niyang pagsusumikap
para sa matamasa ang katawang tinataglay niya ngayon. Ang alas-sais ay parang
busal sa kanyang bibig na pipigil sa pagsubo at pagnguya at taling gumagapos sa
kanyang kamay na magpaparalisa sa kanyang sistema. Sa mga oras na ito
pinapatigil ang makinarya sa kanyang sikmura. Pinapatay niya ang TV. Tiyak
kasing tatakamin na naman siya ng maraming patalastas. Nagkukulong siya sa
kanyang kwarto at pinapatay ang mga ilaw. Kulang na lang magpanggap siyang
patay sa mga oras na ito. Kaya naman ngayong napagwagian na niya ang kanyang
katawan. Nabubuhay na siyang may busal at may gapos. Patay na rin ang kanyang
sikmura sa mga ganitong oras. At sa almusal ang resureksyon. Ito ang isa sa mga
hiwagang hindi maipaliwanag ng asawa niya. Nagtataka ito kung bakit alas-singko
pa lamang handa na ang kanilang hapunan. Hindi niya maunawaan kung bakit hindi
ito kumakain sa kanilang reception. At kung bakit ayaw na ayaw niya ng dinner
date. Malaki ang takot ni Mae na muli niyang maging mortal na kaaway ang alas-sais
ng hapon. Kaya ayaw niyang magbuntis dahil ayaw niyang maglihi, manganak at maiwanan
ng mga tabang matagal na niyang itinapon sa basurahan ng kanyang madilim na
kahapon.
“Wala na si Boss, Bimbo!”
Mabilis na plinantsa ni Bimbo ang lukot
nitong mukha sa painting. At agad na lumapit kay Mae.
“Ano? Tatanggapin ko ba yung alok ni boss?”
“Tingin ko. Malaki kasi ang problema mo
sa kagandahan e. Habang sinasabi niya sa’yo yun kanina, nakaramdam ako ng
kakaibang kagalakan sa’yong mga mata.”
“Pero, natatakot ako. Hindi ako maganda.”
“Sabi nino?”
“Ng mundo?”
“Sino ba ang nagdidikta ng kagandahan sa
mundo? Diba kayong mga tao. Nalilikha kami dahil sa konsepto ninyo. Kaya may
lalaking buntis na kagaya ko dahil sa punyetang art na yan. Ang mata ang
nakakakita ng tunay na kagandahan. At hindi lahat ng mata ay nakakakita.
Maniwala ka, maganda ka.”
Alas-sais na at bumaswit na ang
kumadrona, oras na ng panganganak ni Bimbo sa araw na ito. Naiwan siyang
nag-iisip. Hanggang sa pagsasara niya ng gallery. Pagpara sa dyip at
pagsipa-sipa sa bato habang naglalakad sa kalsadang hindi niya alam ang puno’t dulo.
Nabuo ang desisyon sa pagitan ng pagpapalit ng kalendaryo ng Abril at Mayo.
Binuksan niya ang pinto.
“Bakit ngayon ka lang. Gabi na a. Sa’n ka
galing?” galit ang magkakasunod na tanong ni Aric.
“Gusto ko nang magkaanak,” ibinulong niya
sa kanyang asawa at sabay halik sa pisngi nito.
Lumiwanag ang uniberso ng ballerina at
siningil ng mag-asawa ang kanilang singsing na naisangla sa kanyang mundo.
Mapagpalaya ang bawat kumpas ng katawan ni Mae. Nagpatuloy sa pag-ikot ang
balerina at ang mag-asawa nama’y sabay ring bumalikwas at hinanap ang
pinakamabilis na daan papuntang langit. Sa magkatambal na bundok. Sa tore. Sa
kagubatan at sa mahiwagang kweba. Sinalubong sila ng mga anghel at sa unang
pagkakataon ay nakaramdam ng selos ang kobre kama sa pwerta ni mae. Hindi nila
malilimutan ang gabing iyon.
“Salamat,” may hingal sa bawat pantig ng
katagang binitawan ni Aric.
“SSSHHHH! Nagsisimula pa lang ang gabi.
Nagsisimula pa lang ang kuwento ng pagiging tatay mo.” Nakailang panik at
panaog sila sa langit. May ngiti ang balerina sa muling pagdilim ng kanyang
uniberso.
Madalas na maging masiyahin si Aric at
dumalas naman ang tingin sa salamin ni Mae. Halos gabi-gabi na rin kung mapagod
sa pagsasayaw ang balerina sa kanyang pedestal. Ngumingiti na siya sa gallery
at tinutumbasan ang ngiti ng mga inang may bagong silang na supling. Napansin
ito ni Bimbo. Madalas silang magkuwentuhan kung ano ang pakiramdam ng
nanganganak. Kumalat na sa iba’t ibang mundo ng painting na ang babaeng
malungkutin sa labas ng kanilang mundo ay ninanais na mabuntis kagaya nila.
Dumalas ang mga workshop kung paano mas mabilis na mabubuntis, paano alagaan
ang sarili habang nagbubuntis, ano ang mga dapat gawin habang nagbubuntis at
marami pang iba. Ang gallery ay nagmistulang isang family planning session.
Handang-handa na si Mae. Pero hindi ang kanilang bulsa, kaya tatanggapin na
niya ang alok ng kanyang boss. Hindi na lang niya ipapaalam sa kanyang asawa
dahil tiyak na hindi siya papayagan nito. Malaki ang bayad sa pagmomodelo niya.
Kahit hindi na ma-extend ang kontrata, ang mahalaga may perang pumasok sa bulsa
nila bago may batang manahan sa sinapupunan niya.
Ngayong araw matatapos ang anim na buwan
para sa pagpapanggap ng mag-asawa. Makakalipat na sila ng trabaho.
Makakapag-mall na sila ng magkahawak ng kamay at higit sa lahat, magkakaanak na
sila. Ito ang pinakamatamis na anim na buwan para kay Aric at gusto niyang
tapusin itong masaya. Maaga siyang nagising at nagluto ng almusal para maghapon
silang magkasundo ng kanyang sikmura. Si Mae nama’y inihanda ang sarili sa
kanyang unang trabaho sa loob ng anim na buwan. Hindi na lang siya ang tatanod
sa mga painting, siya na ang tatanuran ng mga pintor at matatapos ang araw na
naisalin na siya sa iba’t ibang kambas gamit ang iba’t ibang kulay ng pintura.
Sa huling pagkakataon ay hinubad nila ang kanilang mga singsing. Sabay silang
kumain ng kanyang asawa, sabay na naligo at sa unang pagkakataon ay sabay na
pumasok sa mall ng magkahawak kamay. Sa pagbitaw nila magsisimula ang huling
pagpapanggap.
Alas-kwatro ang session. Pero alas-dos pa
lang inaayusan na si Mae ng make-up artist. Kinulot ang buhok nito at linatagan
ng maninipis na kolorete ang kanyang mukha. Hanggang sa pinagtanggal siya ng
saplot at may kung anong likidong ipinahid sa kanyang katawan. Sabi para raw
hindi siya madaling pawisan. May binuksan ulit itong botelya na may likido at
sinimulang ipahid sa kanyang utong. Para raw maging mapula-pula ito. Nasagot ng
make-up artist ang mga tagong tanong ni Mae, pero hindi ang lahat. Lumabas ang make-up
artist at napatanong si Mae sa sarili, “maganda ba talaga ako?” Sinasagot siya
ng salamin ng oo at ng ding-ding ng hindi. Nagtatalo ang mga bangko at kabinet
sa loob ng kwarto ukol sa kanyang kagandahan. Mainit ang debate na nauwi sa
batuhan ng iba pang gamit. Natigilan ang lahat nang bumalik ang make-up artist.
“Ready ka na, magsisimula na.”
Paubos na ang mga kumakain sa restaurant.
Palibhasa alas-dos na ng hapon. Halos lahat ng sikmura sa mall ay napunan na,
ang kanya nama’y nakakapagtiis-tiis pa. Pero biglang may dumating na lalakeng
customer kaya naunsyami ang pagpapahinga ni Aric.
“Aric? Ikaw ba yan? Kumusta ka na?”
Sinipat siya ng lalake mula sa ulo pababa sa talampakan. Puwede na siyang hindi
maghintay ng sagot dahil sa pustura pa lang nito mukhang hindi nga ok kagaya
niya ang dating kaklase.
“O Benjo, sa’n ka ngayon? Long time no
see a,” tsaka niya naalala na bawal makipag-usap sa mga customer.
“Eto may ari na ako ng gallery sa Baguio.
Diba dati kang painter? Magpipinta kami mamaya diyan sa taas. Sama ka.”
“On duty pa ako e.”
“Magpipinta kami ng bebot. Ikaw din.
Balita ko pamatay daw ang kurbada, tiyak na maglalaway ang dalawang brotsa ko.
Papadeliver na lang namin sa’yo tapos daan ka. Balik ka na lang after ng duty
mo para mas makapagkumustahan pa tayo.”
Ngiti ang isinagot ni Aric sa lahat. Mas
maginaw na ang mall, alam niya. Matapos na maiproseso ang mga pagkain at handa
na itong maipaproseso sa mga bibig at sikmura.
Lumabas
sa kwarto si Mae na nakatapis. Naiwan niyang nagbabangayan ang mga kasangkapan
sa loob. Nasagot naman ng mga mata ng lalaking pintor ang kanyang katanungan.
“Maganda ako!” Sabay hubad sa bathrobe. Umoo naman ang mga matang nakasipat sa
kanya. Iginiya siya ng kanyang boss kung paanong posisyon ang gagawin. May mga
nakaw na tingin at haplos ang kanyang boss. Nakahubad na nga siya, parang gusto
pa siyang higit na hubaran nito. At nagsimulang ilapat ang mga brotsa sa mga
kanbas. Nagniig ang mga kulay at nagsilang ng mga imahen. Sa puso naman ni Mae
ay may kung anong kapanatagan at kagalakan. Parang practice ng pagsasaganap ng
kanyang pagkababae.
Umakyat sa 5th floor si Aric
at nagpunta sa ibinigay na direksyon ng kanyang boss. Sa loob ng kalahating
taong nagtatrabaho siya sa mall, ngayon lang siya naka-akyat dito. At sa dami
ng art gallery, hindi niya alam kung aling art gallery ang pinagtatrabahuhan ng
kanyang asawa. Narating niya ang gallery na pagdedeliveran ng mga inorder na
panlaman tiyan. Walang tao sa bungad nito kung kaya’t hinawi niya ang itim na kurtina.
Sinalubong siya ni Benjo at pinapasok sa loob ng kwarto.
“MAE—”
Napalingon sa kaliwa ang lahat tao
maliban kay Mae. Bayad ang kanyang galaw kaya kahit pamilyar ang kanyang
narinig na boses patay malisya lamang siya. Pero hindi niya natiis, kaya’t nang
bumalik sa pagpipinta ang mga pintor bumaling siya sa kaliwa. Napapalatak ang
mga pintor.
“Aric!”
Papalabas na si Aric nang masundan niya
ang naunang salita. “Magpapaliwanag ako.”
Nabagsak ni Aric ang mga order na
pagkain. At nagkalasog-lasog ang mga kaluluwa ng manok at baboy. Lumakad ito
palabas ng gallery. Ilang minutong nanigas si Mae nang mapagdesisyunan niyang
habulin si Aric. Tumayo ito at tumakbo palabas ng kwarto – ng gallery. Nasagi
niya at nagkatumbahan ang mga kambas. Nagkagulo sa loob ng kwarto. Hindi mabuo
ang pagmumura ng mga bibig na hindi rin nabuo sa kanbas. Lahat naghahanap ng
mga nawawalang ilong, ngipin, suso, mata at noo. Isinumpa si Mae ng mga imahen
niyang kinulang ng bahagi. Hindi na nagawang isuot ni Mae ang bathrobe o
hablutin ang kahit na kurtina o dyaryo man lang. Kahit si Bimbo at ang mga
buntis na dibuho ay hindi siya naihatid palabas ng gallery.
“Aric!
Hintayin mo ako!”
Pero
hindi na maabot ng mga mata niya ang kahit na anino ni Aric. Sa huling araw ng
kontrata, ang pinakataas na palapag ay naging impyerno para kay Mae at naging
langit para sa mga anghel na pumalibot sa kanya. Lahat may hawak na camera at
pinagmamasdan ang kanyang hubad na katawan. Para siyang balerinang pinalibutan
ng mga manonood. Lahat nakatingin sa kanyang katawan mula sa mukha, suso, sa
tiyan sa puke at sa dumadaloy na dugo pababa dito. Naging kanbas ang sahig ng
pinturang dugong minsang pinangarap ni Aric.
At mortal na kaaway na naman ni
Mae ang Alas-sais ng hapon.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento