Silinyador

Unang pumikit ang mga headlight ng taxi ni Mang Ramon sa bulto ng mga nakatambak na sasakyan sa EDSA. Sumuko rin pati ang makina kaya magkasabay na nagpahinga ang radyong kumakanta ng mga awiting pamasko at ang aircon na bumubuga ng hangin. Pinihit niya pababa ang bintana upang hindi mainitan. Mabagal ang andar ng mga sasakyan palibhasa rush hour pa at kasusweldo lang ng karamihan kaya naman punong puno ng mga parokyano ang mga mall at ibang pasyalan.

Uminat si Mang Ramon at naalalang pangatlong gabi niya nang gising. Kailangan niyang samantalahin ang dami ng mga pasahero ngayong magpapasko kaya nakukuntento na lang siya sa mga paisa-isang oras na tulog sa mga gasolinahan at paradahan sa may karinderya.

“Boss, Commonwealth?”

Mabilis niyang binuksan ang pinto para papasukin ang pasaherong may bitbit na pinamiling kutson, unan, at maraming stuff toys na panregalo. At sa pagsara ng pinto kasabay na kumumpas ang traffic enforcer. At muling dumilat ang headlight ng taxi ni Mang Ramon kasabay ng muling pag-awit ng koro sa radyo at pagbuga ng hangin ng aircon. Sa pag-apak niya sa gasolina, nagtakbuhan sa kanyang harapan ang isang pulutong ng tupa.






ATM

Kasing haba ng pila sa ATM ang pila sa listahan ng mga kailangang bilhin ni Ma’am Lesly. Nakapriority ang mga ihahanda sa noche buena at bisperas ng bagong taon. Magkakasunod sa pila ang pasta, hotdog, sauce, giniling para sa spaghetti. Habang nasa kabilang pila naman ang mga softdrinks, loaf bread at fruit cocktail. Absent na sa listahan ang keso de bola at hamon dahil sa sobrang mahal ng mga ito. Hawak ni Ma’am Lesly ang listahan at ang kanyang pulang ballpen habang nakatayo sa pila.  At habang nababawasan ang mga taong nakapila isa isa ring nalalagyan ng pulang ekis ang mga dapat bihin.

·      Bola para kay James  (sa January na lang siguro. Isasabay ko na lang sa birthday niya)
·    Manikang Hello Kitty kay Tina (baka may magbigay sa akin galing sa mga estudyante ko, ibibigay ko na lang sa kanya.)
·      Duster para kay Ate Lyn (prutas na lang siguro pagdalaw namin sa kanila)
·      Pabango para kay Kuya Jim (mukha namang hindi niya na kailangan nito)
·      Pang exchange gift bukas.

Siya na ang kasunod sa pila at pang exchange gift na lang ang natira sa kanyang pinaikling listahan. Binuka niya ang pitaka para kunin ang ATM card nang bigla siyang tuklawin ng panibagong listahan. Nilamon siya ng buo nito at ang kung magkanong laman ng kanyang ATM. Nakiusap siyang baka maaaring tirahan siya ng kahit na isanlibo para sa kanilang noche buena o kahit isang daan para sa pang exchange gift niya sa party ng mga bata bukas. Pero tuluyan nang gumapang palayo ang ahas para manuklaw ng iba pang baon sa utang.










Tala

Nakauwi na ang mga kasamahan ni Mang Ambo pero siya ay nagpapatuloy pa rin. Hindi niya iniinda ang dilim ng gabi para ipagpatuloy ang kanyang trabaho. Sige lang siya sa pagpapakinis ng mga piraso ng kawayan para gawing pundasyon ng ginagawang parol. Pagdudugtungin niya ang mga ito gamit ang maninipis na alambre para maging talang walang ningning sa gabing madilim.

Kukuha siya ng makulay na papel sa lagayan at dahan dahang pakikinangin ang kanyang nililikhang bituin sa pamamagitan nito. Mayroong pula, asul, dilaw at berde. Ipagpapatuloy niya ang pagbabakod ng kulay sa malalamig na pundasyon ng parol at saka niya ipapasok sa puwitan ang maliit na ilaw na may kable.

At matapos niyang magawa ang  ilang parol, nagliwanag na ang paligid pero madilim pa rin ang mundo ni Mang Ambo. Nanatili siyang bulag na saksi sa liwanag ng mga talang kanyang ginawa.










Christmas Tree

Nagpapatagalan ng tayo si Wilma at ang Christmas tree na kanyang itinitinda. Kung tutuusin, lamang na lamang talaga si Wilma sa patagalan ng pagtayo. Hunyo pa lang ay nakatayo na siya sa department store na kanyang pinagtatrabahuhan. Ilang beses na siyang nagtagumpay sa patagalan ng pagtayo. Natalo na niya ang mga manekin na nakasuot ng uniporme with matching back pack at baunan noong Hunyo. Nung Hulyo naman ay dinaig na niya ang mga manekin na nakakapote at may tangang payong. Nakabarong, baro at saya naman nung Agosto. Nung nagkaroon ng sale sa mall nung Setyembre, dinaig niya rin ang lahat ng mga items na itinayo sa tabi niya. Nung Oktubre ay dinaig niya ang mga nakakatakot na zombie na punong puno pa ng sapot at gagamba at nung nakaraang buwan nga ay itinayo sa tabi niya ang mga nagtatayugang Christmas tree—at hanggang ngayong magki-clearing na ang mall ay nagpapatuloy pa rin ang kanilang laban.

Kinalabit siya ng isa pang sales lady.

“Tawag ka ni Sir. Pinapakuha na yung libre mong noche buena items”

“Sige, salamat.”

“May itatayong Savemore dun sa may Junction, subukan mong magpasa ng resume.”

Ngumiti si Wilma at muling sumulyap sa Christmas tree. Tanggap niya ang pagkatalo ilang araw bago magpasko. At bukas magpapatuloy ang laban sa pagitan ng Christmas tree at ng bagong sales lady.










Chance Passenger

May sale daw ng mga ticket pauwi ng Bicol, yung dating 900, magiging 500 na lang. Isa sa mga natuwa si Mang Hulyo, paano ba naman, matagal na niyang gustong makauwi sa kaniyang probinsya. Matagal na niyang gustong makita ang kanyang mga iniwang anak at asawa. Eksakto, sa bisperas ng pasko, magkakasama-sama na sila. Hindi na siya nagdalawang-isip pa, bibilhin niya ang ticket at susurpresahin niya ang kanyang mag-iina|. Yung natira sa pinaghirapan niya sa ilang buwang pagtatrabaho ay isanlibo na lamang at ito ang binawasan niya ng kaunti para ipamili ng kaunting pasalubong para sa kanyang asawa at mga anak. Binilhan niya ng kumot na pula at ilang mumurahing bestida ang asawang si Susie at isang lata naman ng biskwit para sa kanyang tatlong anak.

Ginabi siya sa pamimili. Kaya naman hapunan na nang siya ay dumating sa terminal. Dala na niya ang lahat ng damit at kasangkapang pang-constructiong nakakahon sa kanyang kaliwa. Sa kanang kamay naman ang nakalukot ang 500 pisong pamasahe papauwi. May paskil siyang nakita sa may ulunan ng teller—malabo ito. Hanggang sa palapit siya nang palapit sa unahan ng pila, at ang dating malabong karatula ay dahan-dahang lumilinaw. At nang siya na ang susunod sa pila, naging malinaw na malinaw ang kaninang malabong malabong paskil na karatula: THE PROMO IS UNTIL NOVEMBER 30 ONLY. Muling pinalabo ng luha ang kanyang paningin. Nalukot lalo ang noo ni Ninoy sa 500 sa kanyang palad, dahan-dahan siyang napatingin sa lata ng biskwit—at kumalam ang kanyang sikmura.







Balikbayan

Suot ni Janna ang paboritong dilaw na bestida. Ito ang palaging pinapasuot sa kanya ng kanyang mama Luz kapag kaharap nila sa computer ang asawa nitong nasa monitor ng computer. Lahat na ng pwedeng gawin ng bata sa harapan ng monitor ay nagawa na niya para ipakita ang pagka-miss sa kanyang papa Al ay nagawa na niya. Kumanta na siya ng Pusong Bato. Sumayaw na ng Tatak Mo. Nag ay-lab-yu at nagflying kiss. Sa edad na apat, talagang ang alam ng murang isipan niya ay nasa loob lang kahon ang kanyang papa Al, kaya naman palagi siyang nagtatanong sa kanyang mama Luz kung kailan makakalabas sa loob ng kahon ang kanyang papa Al. Sabi ni mama Luz, bago magpasko.

Araw-araw na nanunood si Janna ng mga balita tungkol sa pagdalaw ng pope sa Pilipinas, pag-ahon ng mga biktima ng bagyong Ruby at ang mga naka-quarantine na peace keeper galing ng Liberia, para abangan ang countdown sa pasko. Inaabangan niya kung ilang tulog na lang bago magpasko at saka niya tinatatakan ng Hello Kitty stamp ang mga numero sa kalendaryo. Tapos ipinapakita niya kay papa Al sa monitor.

Natatakan na ni Janna ang huling numero at pinatay na rin ni mama Luz ang computer. Alas nuwebe ang dating ng eroplanong sinasakyan ni papa Al. Kaya alas otso pa lang ay nakatayo na silang mag-ina sa may waiting area sa airport.

Isang malaking monitor ang lahat ng mahahagip ng mata ni Janna. At mamaya lang ay lalabas dito ang kanyang papa Al. Sabik na sabik na si Janna. Hawak niya pa ang stamp ng Hello Kitty. Gagawin niya itong mikropono mamaya sa pagkanta niya ng Pusong Bato at Taktak. Kumagat na sa alas nuwebe ang relo. Mula sa tuldok sa dulo, dahan-dahang lumaki ang imahen ng kanyang papa Al at ang mga dala nitong maleta. Parehong pareho ang itsura ni papa Al sa monitor ng computer at sa malawak na paliparang ito. Dahan dahang nakaramdam ng kaba si Janna.
Sumenyas si papa Al kay Mama Luz. Tatawag daw siya. At nagring ang kanyang telepono. Samantalang kinikilala pa rin ni Janna ang mukha ni papa Al.

“Ika-quarantine kami ng 21 days ma. Hindi pa ako makakauwi. Ito yung protocol sa mga galing sa Liberia. Skype na lang tayo.” Nagflying kiss pa si papa Al kay Janna na nahihiya at nagtago sa likod ni mama Luz.

Napatango na lang si mama Luz at nalaglag ang kapirasong luha sa kanyang mga mata. Nagtataka si Janna na yung malaking papa Al niya ay muling lumiliit at naging tuldok. Niyakap siya ng kanyang mama Luz at hinanap niya ang saya ng pasko sa mukha ni Hello Kitty. 


Medyas

Nanginginig ang mga kamay ni Aling Celia nang mabaasa niya ang liham ng anak mula sa medyas na nakasabit sa bintana. Taon-taon kasing ganito ang gawi nila sa bahay. Magsasabit sila ng mga pamaskong medyas at lalagyan ito ng liham ng kanilang anak na si Karl. Taon taon namang pinagsusumikapang matupad ng asawa niyang si Ben ang lahat ng kahilingan ng anak. Kahit kakarampot lang ang sahod nito sa pabrika ng medyas na pinagtatrabahuhan, nagawa niya pa ring maibili ng bisikleta ang anak noong nakaraang pasko. Kahit na ilang ulit na siyang napagbantaang tatanggalin sa trabaho dahil sa paglaban ng kanilang unyon ay nakabili pa rin siya ng tshirt na may batman na tatak. Kahit pa pinagbabantaan na ang buhay nito dahil sa napakulong na administrador dahil sa ilang iskandalong kinasangkutan ay nakabili pa rin siya ng baril-barilan para sa kanyang anak.

Ngayong pasko, hindi alam ni Aling Celia kung paano gagampanan ang gawain ng kanyang asawa. Pumatak ang kanyang luha sa papel na sinulatan ng liham ni Karl.

           
            Dear Santa,
                        Sana po ay mahanap na namin si Papa.
                                                                        -Karl











Homilya

Sa ikawalong simbang gabi.

Nagtanong ang pari:                    Sino ang gustong makapunta sa langit?
Sumagot ang bayan:                     Kami po! (halos lahat ay nagsipagtaasan ng kamay)
Nagtanong ulit ang pari:            Sino naman ang gustong mamatay?
Sumagot ulit ang bayan:             (natahimik ang buong simbahan at binawi na sa ere ang mga nakataas na kamay.)
Nagsalita ang pari:                       Akala ko ba ay gusto niyong makapunta sa langit? Walang ibang daan papunta sa                                                                   langit kung hindi ang kamatayan. Para magkaroon  ng walang hanggang buhay ay                                                                 kinakailangan mo munang mamatay.

Muling nagtanong ang pari:     Ngayon, sino ang gustong mamatay?

Muling sumagot ang bayan:     Kami po! (may kasama nang tawanan ang pagtataas ng kamay)

Nang biglang umuga ang lupa at bumagsak ang chandelier sa gitna ng simbahan. Bumaliktad din ang krus na pinagpakuan kay Kristo. Natumba ang mga imahen ng Birheng Maria. Nagputukan ang mga Christmas lights. Nagsisigawang nagtakbuhan ang mga tao palabas ng simbahan. Pinauna ang mga matatanda at ang mga bata. Walang natira sa loob kundi ang mga estatwa at mga upuan.
At sa labas ng simbahan ay nagsimula sa pagdarasal ang pari na sinagot naman ng mga taong may masidhing pagnanais na makaakyat sa langit.







Bisperas

Simple lang ang handa ng pamilya ni Mang Jose ngayong gabing inaalala ang pagsilang sa sabsaban ng tagapagligtas. Naroon ang mga manok na hindi mo na makilala kung anong parte. Naroon din ang samu’t saring prutas gaya ng ubas, ponkan, mansanas at mangga. Pero wala sa kanila ang malaya sa lamog. May kanin sila pero hindi pa nai-inin sa kanilang ulingan. Ganito kapayak ang kanilang noche buenang pagsasaluhan.

Nagsalita ang kanyang anak.

“Tay ito lang ba ang handa natin?”

“Oo nak! Aba sa labas ng Jollibee ko nakuha yang mga manok na ‘yan a. Chicken Joy ‘yan. Yung iba nga e hindi pa nababawasan ng husto.”

“E, araw araw, ganyan na ang kinakain natin. Wala na bang iba? Yung may sabaw man lang. Nakakasawa na e.”

Natahimik na lang si Mang Jose at inilagay na niya ang kanin sa hapag.



Sa hudyat ng kulog ay bigla na lang bumuhos ang malakas na malakas na ulan. Napatingala na lang silang mag-ama sa kalangitan at sa mga manok na tinutusok ng mga patak ng ulan.
Noong bata ba ako, palaging nagagalit ang tatay ko kapag kaliwang kamay ang ginagamit ko sa paghawak sa lapis. Ganun din kapag nasa kaliwa ang kutsara kapag kumakain. Galit na galit din siya sa akin kung kaliwang kamay ang ginagamit ko sa pag-aabot sa kanya ng tsinelas tuwing uuwi siya, kung kaliwang kamay ang ipinapanghawak ko sa Chicken Joy at lollipop. Kapag naglalakad din sa kalsada bawal akong pumunta sa kaliwa, delikado daw yun. Lahat na lang ng kaliwa para sa akin noong bata pa ako ay masama at peligroso. Dumating na sa punto na kapag kaliwang kamay ang ginagamit ko e, palagi akong kinukurot at pinapalo sa kaliwa kong kamay. Nasa kaliwang kamay ang lapis—palo. Nasa kaliwang kamay ang Chicken Joy, lolli pop at iba pang pagkain—masakit na masakit na palo. Naaalala ko pa ang sabi ng tatay ko noon, “kapag nalilito ka kung alin ang kanan at kaliwa, palagi mong iisipin kung alin ang palaging sumasakit.” Kaya simula noon, kapag naglalakad lakad ako at nagtatanong ng direksyon, kapag sinabing kumaliwa sa ganung kanto at ganyang kalsada, palaging sumasakit ang kaliwa kong kamay.

Pero ano nga kaya ang politika ng kanan at kaliwa. Sa ingles, right and left. Yung right ay nangangahulugan ding tama. Right guy, nararapat na lalake. Right food, nararapat na pagkain. Samantalang sa kabilang banda, ang kaliwa naman ay left. Ang iba pang ibig sabihin, left, naiwan, nang-iwan, iniwanan. Para bang noon pa mang iniimbento pa lamang ang mga salitang ito ay bugbog sarado na ng kanan ang kaliwa sa lahat ng aspekto. Dati doon sa poster ko ng dasal na “Angel of God,” may isang batang nagdadasal at tumatawag sa Panginoon. Nasa kanan niya ang isang maputing anghel samantalang nasa kaliwa naman ang isang mapulang demonyo.

Nasa panahon at lipunan tayong ang kanan ang tama at nasa kaliwa naman ang mali. Dahil ba ito sa dami ng taong kanang kamay ang ginagamit sa pagsusulat, pagkain ng lolli pop at Chicken Joy? Kapag ba marami na, sila na agad ang tama? At yung mga nasa kaliwa naman ang mali.

Ilarawan natin ang mundo ng mga maka-kanan at alamin natin kung tama nga ba ang right?

Tayo ay pinamumunuan ng pangulo na as usual ay galing sa elististang isang bahagdan ng mamamayan sa Pilipinas. Siya ay may malawak na lupain, negosyo at mula sa isang clan ng mga politiko. Miyembro din siya ng partidong naghahari sa senado at kongreso na kung susuriin ay galing din sa iisang bahagdan ng ating lipunan. Kaya naman lahat ng batas na ginagawa nila ay mula sa kanila at para sa kanila. Sa pagdating ng araw na eleksyon, bababa ang pangulo at papalitan ng mula rin sa elitistang hanay. Kaya hindi totoong mayroong pagbabago sa eleksyon. Para lang tayong nagpalit ng kulay ng sombrero pero hindi ng utak at lalong hindi ng ulo.

Wala tayong kulturang sariling atin. Maliban sa ginawang impluwensya ng mga Kastila sa loob ng 333 na taon ay pinapanatili ng Estados Unidos ang kanilang kumpas sa ating mga pagpapasyang pangkultura. Binabad nila tayo sa mga paulit-ulit at nakakaurat na mga palabas sa telebisyon. Panay mga awiting nagtuturong tumakas sa realidad din ang laman ng mga radyo. Ginagawang mababaw at malabnaw ang mga asignaturang nagtuturo sa mga Pilipinong magpaka-Pilipino. Nariyan ang bantang pagtanggal sa Filipino bilang asignatura sa kolehiyo. Siya nga pala hindi na rin kasama ang Kasaysayan ng Pilipinas sa hayskul. Kaya naman nakakatakot na ang ipoprodyus na kabataan ng susunod na henerasyon. Mga kabataang lunod na lunod sa kababawan ng mga akda sa Wattpad at hindi kilala si Sultan Kudarat, Gabriella Silang at Andres Bonifacio. Anong patunay? E kung noon ngang itinuturo sa hayskul ang Kasaysayan ng Pilipinas ay hindi na kilala ng mga kabataan ang mga kontra-Amerikanong sina Teodoro Asedillo at Macario Sacay, ngayon pa kaya.

Sa ekonomiya. Malaking bahagdan ng kita ng buong bansa ay napupunta sa isang bahagdan ng mga mayayamang uri. Samantalang tayong mga nasa panggitnang uri ay nananatiling sapat lang para mabuhay sa isang kinsenas. Makabili ng medyo hi-tech na cellphone at iba pang gadget. Oras na tamaan ng malubhang karamdaman ang isa sa mga kapamilya tiyak na magbebenta ng gamit, bahay at lupain. Pero ang higit na nakakapanggalaiti ay ang mga magsasaka, manggagawang bukid at mangingisda na siyang dahilan kung bakit tayo may kinakain sa araw-araw ay siya namang walang maihapag na matinong pagkain sa araw-araw. Yung mga manggagawang dahilan kung bakit may matatayog na gusali sa kalunsuran ay walang matinong silong na mauuwian. Yung mga OFW na pinagtutulakan ng ating gobyerno palabas ng ating bansa ay nagiging mabuting tagapag-alaga ng mga bata at matatanda pero yung sarili mismo nilang kapamilya ay walang nagbibigay kalinga.

Yan ang estado ng ating lipunan sa kamay ng mga kanan. Education is RIGHT, pero iniiwan ng ating gobyerno sa mga butas butas na bulsa ng mga mahihirap nitong mamamayan ang lahat ng gastusin sa pagpapaaral. Laganap pa rin sa mga State Colleges and Universities ang pagtapyas sa subsidiya mula sa ating gobyerno. Nakasandal ang ating administrasyon sa PPP o Public Private Partnership. Ibig sabihin, pianuubaya na tayo ng ating gobyerno sa sektor ng mga elitistang korporador na walang ibang ginawa kundi gawing komoditi ang mga basic rights natin, kasama na riyan ang health care, housing at iba pang batayang pangangailan natin.

Siguro ito na yung tamang panahon para subukan nating gamit ang mga kaliwa nating kamay para patakbuhin ang lipunang ito. Panahon na para ang mga nasa kaliwa naman ang masunod. Isang lipunang higit na dinadakila ang mga pangunahing pwersa—ang mga magsasaka. Lahat ng yaman ng bansa ay ipamamahagi sa lahat ayon sa kanilang pangangailangan. Mabilis ang paggulong ng hustisya at kayang papanagutin ang kung sinong nagkasala na walang kinikilalang antas sa lipunan. Libre ang edukasyon, ang mga pangangailangang medikal, pabahay at iba pang batayang pangangailangan.


Kung sisimulan nating ipagkatiwala sa kanila ang lahat ng ito sa maagang yugto, masyado nang matagal ang 2030 para mapasaatin ang magandang kinabukasan. Ano ba ang kayang gawin ng labinlimang taon? katumbas ito ng dalawang pangulo, isang nagbibinata at nagdadalagang indibidwal. Sabi nga ng isang kasama,  wala pa tayong nababalitaan na aktibistang nasangkot sa isang karumaldumal na krimen o anomalya, pero ang mga pulis at politiko-- palagi. 

Bilang blogger at aktibo sa social media, hinog na ang panahong sinasabi ni Rizal na dadating ang araw na maaabot ng kamay ng kabataan ang mundo. At sana sa pag-abot natin sa mundong ito, kaliwang kamay ang gamitin natin.



Lahok sa Saranggola Blog Awards 2014


chance passenger

May sale daw ng mga ticket pauwi ng Bicol, yung dating 900, magiging 600 na lang. Isa sa mga natuwa si Mang Hulyo, paano ba naman, matagal na niyang gustong makauwi sa kaniyang probinsya. Matagal na niyang gustong makita ang kanyang mga iniwang anak at asawa. Eksakto, sa bisperas ng pasko, magkakasama-sama na sila. Hindi na siya nagdalawang-isip pa, bibilhin niya ang ticket at susurpresahin niya ang kanyang mag-iina, yung pinaghirapan niyang isanlibo ay binawasan niya ng kaunti at namili ng kaunting pasalubong para sa kanyang asawa at mga anak. Binilhan niya ng kumot na pula at ilang mumurahing bestida ang asawang si Susie at isang lata naman ng biskwit para sa kanyang tatlong anak.


Nasa pila na siya, tanghali pa lamang, dala na niya ang lahat ng damit at kasangkapang pang-constructiong nakakahon sa kanyang kaliwa. Sa kanang kamay naman ang 600 pisong pamasahe papauwi. May paskil siyang nakita sa may ulunan ng teller—malabo ito. Hanggang sa palapit siya nang palapit sa unahan ng pila, at ang dating malabong karatula ay dahan-dahang lumilinaw. At nang siya na ang susunod sa pila, naging malinaw na malinaw ang kaninang malabong malabong paskil na karatula: THE PROMO IS UNTIL NOVEMBER 30 ONLY. Muling pinalabo ng luha ang kanyang paningin. Nalukot ang 600 sa kanyang mga palad, dahan-dahan siyang napatingin sa lata ng biskwit—at kumalam ang kanyang sikmura.





exchange gift

Kasing bigat ng mga kahong buhat ng isang musmos sa Divisoria ang loob ni Millete—ayaw niya kasing sumali sa exchange gift sa klase. Paano ba naman kasi,  nung nasa elementary pa lang siya, lahat na ng kamalasan e nabunot na niya. Nakakuha siya ng mga underwear ng lalake, tatlong pakete ng lucky me noodles, isang piraso ng lapis at sandamakmak na kalendaryo, face towel at picture frame. Kaya ipinangako na niya sa kanyang sarili na hinding hinding hindi na siya sasali sa mga ganitong kabulastugan. Pero ngayong papasapit ang araw ng kanilang Christmas party, heto siya sa may bukana ng Divisoria, hawak ang isang pirasong papel na naglalaman ng wishlist ni Kyle—ang kanyang nabunot, ang kanyang crush simula pa n’ung grade 3. Ang maputing lalaking iyon ay gustong makatanggap ng sumbrerong pula, o kaya ay shades na maganda at kwintas na pang gangsta.

Nang papatawid na siya sa kalsada, eksakto namang biglang naging laman ng fastfood chain si Kyle—nag-iisa. Sinadya yata ‘to ng kapalaran, naisip nito. Baka mamimili rin ng ireregalo. “sana ako ang nabunot niya,” dagdag niya pa.

Tinamaan na siya ng kilig sa katawan. Buo na ang plano—mahirap na siyang mapigilan pa, babatiin niya ito at sasabayan sa pagkain. Susubukan niyang yayain itong sabay na mamili. Hindi naman siguro ito tatanggi. Pero nasa kalagitnaan na siya ng pagtawid sa kalsada nang may dumating itong kasama, isang matangkad na lalake. May pulang sombrero, shades na maganda at kwintas na pang-gangsta, bitbit ang tray ng kanilang inorder. Umupo ito at isinubo kay Kyle ang isang piraso ng fries. Natulala siya sa gitna ng kalsada, at bumusina ang isang jeep may bonus pang mura mula sa driver. Natauhan siya at nabitawan ang listahan—mukhang lalagnatin siya sa makalawa.



papel


“Loko-loko yung isang customer ko pare! Mantakin mo, binayaran ako ng pekeng limandaan.” Nagsisimula ng usapan ang isang matabang lalake sa isang Chinese restaurant sa may Quiapo. Nagpatuloy ito, “Pagkahawak ko pa lang sa pera, alam ko peke na yun. Iba ang gaspang e.” Sumagot naman ang kanyang kumpare, “Astig pare! Puwede ka palang mag-agent sa NBI e.” Nagpatuloy sila sa kuwentuhan at nagpatuloy din sa pakikinig ang matandang kahera sa kanyang kaha.

Nauwi sa halakhakan ang usapan ng magkumpare. Nagpapataasan ng ihi, nagpapayabangan kung sino ang mas mahusay na fixer sa cityhall. Sa ilang sandali pa, dumating na ang kanilang order, tig-isang siopao na asado at mainit na mainit pang lomi. Natakam ang dalawa at pansamantalang hindi nagkibuan para pasinayaan ang pagkain. Nang masimot nila ang nailatag na pagkain sa hapag, nagpatuloy sila sa kuwentuhan. “Oras na makita ko ulit yung lalaking ‘yun, ipapalamon ko sa kanya yung limandaan niyang peke.” Nagpatuloy sila sa halakhakan, ngayon nga lang e may kasama ng dighay. Nagpatuloy naman ang matandang kahera sa pakikinig at pagpupunit sa mga resibo at karton ng noodles. Napangiti ito ng dalhin niya ang mga ito sa kusina.



5678

Kinuyog ang isang lalaking papasakay ng kanyang motorsiklo. Kinuha ang payong nito at pingapapalo sa kanyang ulo at likod. Galit na galit ang mga tao sa kanya. Naghahalo ang pawis at dugo nito sa kanyang ulunan at dahan-dahang bumababa sa kanyang balbas saradong panga at baba. Pati ang pananghalian nitong shawarma ay hindi nakaligtas, kinuha ito sa kanyang bag at inginudngod sa kanyang mukha.

“Walang hiya ka! Ang kapal ng mukha mo. Ang taas mo magpatubo!”
“’Yan ang nararapat sa’yo! Opurtunista!”
“Magdusa ka! Mapagsamantala kang hayup na bumbay ka!

Nanlaban ang lalaki at sumigaw sa gitna ng ingay ng taumbayan na kumukuyog sa kanya.

“Ako, isang arabo, hindi bumbay.”

  

uhaw


“Obey your thirst” naalala niya yung nakapaskil sa isang billboard sa EDSA. Naramdaman niya rin ang bigat ng kanyang sikmura dahil marami siyang nakaing kanin kanina sa Mang Inasal, sa date nila ni Suzette. Ngayon ay sinisingil siya ng uhaw. Para bang may nakabarang polar bear sa kanyang lalamunan na kinakailangan niyang itulak para matunaw sa kanyang sikmura.

Nagkataong sakto lang ang pera niya para ilibre si Suzette ng isang order ng PM1 at ng pamasahe papunta. Inabutan niya pa ito ng 200, pandagdag allowance. Pinauwi na niya ito dahil tumakas lang ito sa kanyang amo. Kinakailangang maunahan ni Suzette ang kanyang amo sa bahay kundi magkakandaletse-letse ang buhay niya. Kaya heto siya ngayon, naiwang nag-iisa at nakatayo sa harapan ng MOA—uhaw na uhaw.

Kung hindi lang sana nagmamadali si Suzette na makauwi mula sa kanilang date, siguro nainom pa niya ang hininging tubig sa waiter. Kaya ngayon, hindi niya alam kung paano, itutulak ang ilang round ng unlimited rice papunta sa kanyang panunaw. Tinaktak niya ang kanyang wallet, eksakto na lamang ito para makauwi siya sa shop. Bigla niyang naalala yung sukli kanina sa bus na inilagay niya sa bulsa. Bente otso. Eksakto. Nabuhayan siya at mabilis na tinungo ang supermarket. Hanap ng pinakamurang softdrinks in can. Pagkabayad na pagkabayad, tinakbo naman niya ang bus para  makahabol sa pagsasara ng shop. Tayuan sa bus. Agad niyang binuksan ang Sprite na nabili at mabilis na nilagok. Naramdaman niya ang lualhati. Sa wakas, kung sa inidorong barado, nabomba na niya ang bara. Maraming salamat sa Sosa. Maraming salamat sa Sprite. At wala pang limang minuto ang glorya nang biglang sumakit at nanikip ang kanyang pantog.



promotor

Kagagaling lang nila sa hide out. Malinaw na malinaw ang planong nakasiksik sa helmet ng dalawang rider. Puno na rin ng angas ang kanilang mga leather jacket. Target na lang ang talagang kulang para sa isa na namang malagim na kuwentong pampolitika. Ang target nila, si Congressman Teodoro, tumatakbong mayor. At ang kanilang boss si Gov. Gonzales, ang mahigpit na makakalaban nito sa papalapit na eleksyon. Pareho nilang plataporma ang pagpapabuti ng kalagayan ng agrikultura sa probinsya, kaya nga pareho silang nagkakasundo sa market to farm road. Para nga naman ang mga palay ay mabilis na maisa-kanin at maihapag sa bawat hapag bago makapananghalian. Pero ilang term na nila ang lumipas, baku-bako pa rin ang mga daanan. Perwisyo pa rin ito sa mga magsasaka, lalo na kapag umuulan. Kabilang din dito ang rutang dadaanan ng kongresista na tatahakin din ng dalawang rider.  Malinaw sa headlight ng kanilang motor ang puwesto kung saan babarilin ang target at kung saan dadaan para tumakas. Pero unti-unti itong nanlabo nang biglang bumuhos ang malakas na malakas na ulan.

“Pare itabihsjsksmnsnshsjskswmwkm una.” Dahil sa lakas ng ulan, hindi na sila magkaintindihan sa loob ng kanilang mga helmet.

“Dito na muna sjshw bwnmwjdbd de,mjsb pare.” Nagpatuloy pa ang lakas ng ulan at ang kasunod nilang narinig ay ang malakas na ugik ng busina ng kanilang motor at ang umpugan ng mga metal nito na nagpabale-balentong ito sa hangin at bangin hanggang sa malugmok ito sa sakahan. Nilamon ng ingay ng buhos ng ulan ang baryo, hinawi na lamang ito ng isang malakas na wang wang ng Pajerong may plakang nakapangalan sa gobyerno.



huling hapunan


Marso ngayon, Abril naman bukas. Triple ang init kumpara sa kinasanayan niya sa mahabang panahon. Pero kahit gaano karaming pawis ang pakawalan ng kanyang magaspang na balat, ginaw na ginaw pa rin si Joel, lalo na at wala siya sa tabi ng kanyang pamilya. Nanalangin siya, sa isip niya kasama niya si Kristong minsang nanalangin sa halamanan ng Getsemani. At bago mananghali, tinipon na sila at ang iba pang desipulong balbas sarado. Nagsama-sama sila sa hapag at nagsalo sa magagarbong pagkain. Nagwika si Joel, “Itong pananghaliang ito ang ating huling hapunan.” Nang ibinaba niya ang tinapay at alak, bumukas ang pinto at nagsipasok ang mga sundalo. Siya pala ang unang isasalang sa pila ng pagdurusa.


                 bilang pakikiisa sa ‘yong semana santa.






lucky charm

Nagkukuwentuhan si Steve at James sa sulok na bahagi ng resto. Madaldal si Steve, matiyagang nakikinig si James. Sinasamantala nila ang patay na oras ng paghihintay sa kanilang inoreder para sa tanghalian.

“Pare! Ang lupit ni Cheska! Ang galing gumiling, panalong panalo.” Lahat naman ng babaeng naikama na ni Steve ay una niyang ikinukuwento sa kanyang pinakamatalik na kaibigan. Agresibong agresibong magkuwento itong si Steve, akala mo wala nang bukas. Halos kopyahin pa kung paano umungol ang iba’t ibang babaeng dumaan sa kanya, samantalang si James naman ay nakukuntento na lamang sa “talaga pare?, lupet a.” Palibhasa wala naman siyang ibang maikuwento. Sa sobrang gaslaw magkuwento ni steve, natabig niya ang kanyang wallet na mabilis namang pinulot ni James. Aksidente niya itong nabuklat.

“Ano ‘to pre?”

“Condom! Ngayon ka lang nakakita niyan?” Halos takpan ni James ang iskandalosong bunganga ni Steve na nililingon na ng mga tao sa resto.

“Pampasuwerte daw ‘yan sabi ng mga kaklase ko.” Wika ni Steve. At biglang nagring ang telepono. Isang text msg para kay Steve:

Steve! Buntis ako, 2 months na. :(

Napapalatak na lang si Steve. “Malas!”

Napapalatak na lang din si James. “Ang suwerte niya.”  

At dumating kanilang order, isang sisig, kare-kare at ice cream na strawberry flavor.




Nagkalat ang mga tao sa baryo. Marami sa mga ito ang taga-roon, pero mas lamang ang mga dayo at namimista sa kaarawan ng poon. Maingay ang pasiklaban ng mga component at iba pang pampatugtog sa bawat bahay. Nagpapalakasan at nagpapaingayan. Lahat ay pinaiindak ang mga bisita at ang mga nagsisipaghanda’t nagsisipag-asikaso sa pista. Pero tumiklop ang lahat ng ingay nang magsimulang dumaan ang parada sa pangunguna ng isang bandang naglalatag ng kakaibang ingay. Ang mga bisitang nagsisipag-indakan ay dagling nagsitanghuran sa mga bakuran kasama ang mga may bahay. Pansamantalang binitiwan ang lahat ng gawain para mapanood ang parada. Inihahatid ng kanilang mga mata ang bawat tambulero, bastunera at manunurotot mula kanan pakaliwa, hanggang sa hindi na nila ito matanaw. At ‘pag napaglipasan na ng parada ang bawat kalsada, muli nilang aatupagin ang mga binitiwang gawain. Ganito kaabala ang barangay ng Santa Teresita sa araw ng kanyang pista. Sa sobrang pagkaabala, hindi na niya nagawang lingunin ang pagdating ng isa sa kanyang mga lehitimong anak—si Jimmy.

Hindi alam ni Jimmy kung paano siya sasalubungin ng kanyang ama, o kung paano niya dapat salubungin ang kanyang ama-amahan. Nalilito siya. Ilang taon na rin kasi mula nang hindi siya makauwi sa kanilang probinsya at ang huli pa niyang balik ay nang mamatay ang kanyang ina. Kung anong layo ng Sorsogon sa Maynila ay siya rin namang layo ng puso ni Jimmy sa kanyang ama, o baka doble pa nga. Na siyang kinabaliktaran naman ng kalapitan ni Jimmy sa kanyang ina. Sapat na sigurong dahilan ang paglaki niya sa mga palo, tadyak at gulpi. Ang mga alanganing paghihigpit at pagpapagalit na siyang nagturo sa kanyang maagang talikuran ang pagiging bata. Kaya ngayong nasa may tarangkahan na siya ng kanilang bakuran, muling nananariwa ang lahat lahat. Pero pilit niya itong kinakalas sa kanyang pandama. Lamang pa rin ang pagmamatigas niya at pag-aalangan sa kanilang muling pagtatagpo. Kailangan niya bang kumatok sa sarili niyang bahay? Naisip niya, habang buhat-buhat ang bag ng mga damit at labahan mula sa Maynila. Kung hindi dahil sa mga banderitas at iba pang palamuting pampista, hindi malalagyan ng kulay ang bahay ni Mang Jacinto—ni Jimmy. Naroon pa ang malaki at kumukupas na karatula ng JIMMY’S KARINDERYA, katabi ang logo ng coke na pininta ng kanilang kapitbahay na si Mang Manny.  Naroon pa ang mga de tiklop na lamesa at mahahabang kahoy na silya. Naroon pa ang malaking bintana na nagsisilbing tanggapan ng mga bibili at lalagyan ng istante na paglalagyan ng mga lutong ulam. Pero ang lahat ng ito ay inulila na ng paninda. 

“Kumain ka na ba?” Nakatalikod si Mang Jacinto, nakaupo sa kanyang tumba-tumba at may kalayuan sa pintuan. Nakaharap sa mga pinapakaing alagang aso at pusa. Mahahalata sa kanyang tinig ang dinaanan nitong panahon. Garalgal na at mababa, pero may sindak pa rin kahit na mabagal.

“Hindi pa po!” Hindi pa rin siya hinaharap ni Mang Jacinto na abalang abala sa paghihimay at pag-iitsa sa mga laman ng isda sa hindi magkandarapang mga aso’t pusa.

“Lakad! Pumunta ka kay Tiyo Ricardo mo at doon ka na makipista.” Hindi niya inaasahang ganito pa rin kalamig ang bahay na kanyang dadatnan. Naging bingi na si Jimmy at pumasok sa kanyang kuwarto. Hindi pa rin naman siya gutom sa kabila ng mahabang biyahe. Kaya, kaya niya pang balewalain ang kanyang sikmura. Mas mahalaga sa kanyang makaulayaw ang kanyang kama—at ang alaala ng kanyang ina.

***

Sakay sila ng malaking jeep noon paluwas sa Sorsogon. Mamimili sa bayan ng mga rekados para sa mga putaheng lulutuin sa pista. Musmos pa noon si Jimmy at natural na mumunti pa rin lamang ang kanyang mga pangarap. At isa na nga roon ang pagsakay ng jeep na hindi ikinakalong ng kanyang ama, ina o kung sinong kakilala. Gusto niyang tumanghod sa bintana at tanawin ang labas na hindi sumasagabal ang kung anumang bahagi ng katawan ng iba. At sa araw na ito, ang katuparan n’on, ayon na rin sa pangako ng kanyang ina. Kaya nang magdagsaan ang mga pasahero, nagsipag-usog ng kaunti ang mga sakay, sa kanan, sa kaliwa. Kinandong na ang ibang mga bata at nagpaabot ang mga ito sa kanya ng tingin. Para bang nagbibigay ng mensahe na “ano pa bang inaatupag mo? Kumandong ka na rin sa iyong kasama” Pero maangas siya sa mga panahong iyon, dahil na rin sa pangako ng kanyang ina.

“Jimmy, kumandong ka na sa’kin, dali!” May paraan ang kanyang ama para magsalita ng paggalit kahit hindi. Sindakan kumbaga. Pero maagang nasanay dito si Jimmy. Kaya alam niyang hindi pa galit ang kanyang ama.

“Pinapaupo po ako ni mama! Sabi niya po babayaran daw ako.” Kahit na alam niyang hindi pa galit ang kanyang ama, nakakaramdam pa rin siya ng takot. Dahil na rin siguro kilala niya ang kanyang ama bilang isang bulkan na biglaan kung sumabog at magalit.

“TAYO SABI E!” At sumabog na nga ang bulkan. Sa sumunod na tagpo, wala na siyang makita kundi ang mga mata ng kapwa niyang bata na tila nang-aasar ng “Beh buti nga sa’yo, ayaw mo pa tumayo a! yan tuloy ang napapala mo.” Nilingon niya ang kanyang ina, at ngumiti lang ito. Ramdam niya ang tigas ng hita ng kanyang ama. Matigas talaga ang kanyang ama.


***

Bumalikwas sa kama si Jimmy. At kinuha ang lumang photo album sa kanyang cabinet. Nagkandalaglagan ang mga nakaipit na picture. Napangiti siya. At napasimangot. Palagi na lang sumisingit ang kanyang ama sa mga masasayang alaala nila ng kanyang ina. Tiningnan niya ang mga pictures at nakita ang koleksyon ng mga tagpo nung isa sa mga birthday niya. Naalala niya, 7th birthday n’ya n’on at yun ang kaunaunahang beses niyang iihip ng kandila sa isang birthday cake sa isang payak na birthday party. Bagong karanasan ito para sa kanya at sa kanyang mga bisita. Kaya naman ang lahat ay pumalibot na sa kanya. Hinihintay na maihipan na ang kandila, ma-slice ang cake at maipamahagi na sa lahat. Pero laking gulat ni Jimmy nang may sumamang laway sa pagbuga niya rito. Mabilis pa sa ala una ang pagdaong ng kamay ng kanyang ama sa kanyang batok. Kaya kung titingnan ang magkakasunod na kuha ng camerang may Kodak 24 shot film sa album ngayon, ito ang makikita: una, nakangiti siya, ang kanyang ina, ama at ang mga bata sa paligid niya. Sa pangalawa nakaihip siya, nakangiti pa rin ang lahat. Sa pangatlo, ayun na yung batok moment nilang mag-ama, naawa ang kanyang ina at nandiri ang mga bata sa paligid. At sa huli, umiiyak na siya at yakap ang kanyang ina, tumatawa ang mga bata sa paligid at hindi na nahagip ng lente ng camera ang kanyang ama. Naisip niya, sana pwedeng ganun na lang. Habang buhay siyang yakap ng kanyang ina, at habang buhay na wala ang kanyang ama. Kung ito man ang matagal nang ipinapanalangin ni Jimmy, marahil mali ng pagkakaunawa ang Diyos.

***

“Binaril yun ng mga NPA” “Hindi, ng mga militar.” “E bakit ba naman kasi, gabing gabi na e, naroon pa si Emy sa gubat.” “Aba e baka naman nababaliw na?” “May dala pa nga raw na kaldero’t kawali, e aanhin niya ba yun?” “E ‘asan ba si Jacinto n’on?” “Kawawang Emy!”

Ito ang pinagtagpi-tagping impormasyong mayroon si Jimmy. Abuloy mula sa bibig ng mga kapitbahay nila at ibang dayo sa huling gabi ng burol ng kanyang ina. Hanggang ngayon, wala pa ring malinaw na sagot ang pagkamatay ng kanyang ina. Ilang taon na ang lumipas. Ang malinaw lamang e, nasa gubat ito, may dalang kawali at kaldero at may tama siya ng bala sa batok at dibdib. Matataas na uri ng baril ang ginamit. Tortyur para kay Jimmy ang tuntunin at tukuyin ang paraan ng pagkamatay at kung sino ang pumatay sa kanyang ina. Takot siyang maglatag ng mga tanong na may mga sagot na muli na namang magluluwal ng mga bagong tanong at sagot at tanong. Nakakamatay ang proseso. Hanggang ngayong laman siya ng kamang minsang pinaghelehan sa kanya ng kanyang ina at pinagdurusahan ang proseso ng tanong at sagot. Sa huli iniluwal niya ang tanong na pansamantalang tutuldok sa proseso. “Bakit hindi na lang si Papa ang kinuha mo?”

***

Muling nagkuwento ang mga larawan. Mula grade 1 hanggang grade 6, palaging absent si Mang Jacinto sa kanyang mga recognition at pagtatapos dahil abalang abala ito sa pagsisimula ng inuman sa kanilang bakuran. Kung tutuusin, hindi naman talaga masamang tao si Mang Jacinto. Paborito nga siya ng mga kainuman at kabarangay sa pagiging mahusay nitong makisama. Kilala rin siya sa sarap niyang magluto. Kaya naman hindi na nakapagtatakang nagpatayo sila ng karinderya sa gilid ng kalsada ng Santa Teresita. Maliit lang ito nung una hanggang sa lumaki ng kaunti. Palaging abala ang kanilang bahay sa oras ng tanghalian at hapunan dahil sa pagpapakain sa mga customer ng kanilang karinderya. Lahat ng putahe alam n’yang lutuin. Magmula sa dinuguan, kare-kare, bopis, nilaga, bicol express at iba pa. Walang gustong kumumpitensya sa kanila. Dahil na rin siguro sa respeto ng bawat bunganga at sikmura sa kahusayan sa pagluluto ni Mang Jacinto. Pero sa pagkakapatay kay Aling Emy, kasabay ding namatay ang panlasa niya. Nawala ang tamis, nanlamya ang anghang. Hanggang sa tuluyang tinabangan na siya ng gana sa pagluluto. Matapos ang libing ng kanyang asawa, namanata siyang hindi na muling haharap sa kalan para magluto ng kung kahit na anong putahe. Isinama niya sa kabaong ng asawa ang ilang kawali, kaldero, kawa at iba pang kasangkapan sa pagluluto. Sa paglipas ng panahon, bilang bahagi ng pagpupugay sa minsang naging mahusay na kusinero ng baryo, inaabot-abotan na lamang siya ng ulam ng magkakapitbahay. Pero kung wala, nakukuntento na lamang siyang bumili sa ilang bagong bukas na karinderya o kaya nama’y nagtitiyaga na lamang siya sa mga delata at ilang instant na makakain. At ang sapilitang diyetang ito, ay mababakas sa kanyang katawan. Dumidikit na ng husto ang kanyang balat sa kanyang buto.  Kung sakaling hindi man nagsara ang kanilang karinderya, malamang ay papasara na rin ito ngayon. Humina ang benta ng mga karinderyang itinayo sa kanilang bayan dahil sa pagkakatayo ng mga fastfood chain sa may harap ng simbahan. Una, isa lang, tapos nung mag-click nasundan pa ng isa, ng isa at ng isa. Dumadagsa naman ang tao, lalo na ‘pag araw ng Linggo. Unti-unti na nga nitong inuudyukan ng ibang timplada ang panlasa ng kanyang mga kababayan. Pero sa mga araw ng pista kagaya nito, patuloy na may hinahanaphanap ang mga dila ng mga taga Santa Teresita.

Mabuti ring asawa si Mang Jacinto. Sa katunayan, buhay prinsesa si Aling Emy sa kanya. Siya ang namamalengke, nagluluto at nagsisilbi sa mga customer. Kahit may ibang husay din si Aling Emy sa pagluluto, hindi na siya pinahahawak ng kawali’t siyanse sa karinderya ni Mang Jacinto. Pero sa tuwing may mga selebrasyon, si Aling Emy naman ang taya sa pagluluto. Walang ibang gawain sa karinderya si Aling Emy kundi ang tauhan ang kaha at tumanggap ng bayad at magsukli. Ganun din ang kuwento sa mga gawaing bahay. Pero iba talaga ang usapin ng kanyang pagiging ama kay Jimmy. Hindi siya mahusay na ama. Siguro dahil hindi naman talaga siya naging ama. Hinding hindi niya naranasang maging ama.

***

Palaging naaalala ni Jimmy ang pinakamasakit na palong kanyang natanggap mula sa kanyang ama. Ito ang pinakamatagal gumaling sa lahat ng pasa at sugat na natanggap niya, sa buong buhay niya.

Mura lang ang kaligayahan ng bata noon, may limampiso ka lang, solve na solve ka na. Kaya naman makasalanan na ang batang humihiling ng bente at higit pa. Isang araw ng pasko naging makasalanan si Jimmy, hinangad niyang matikman man lang ang ‘tig bebenteng Cornetto na inilalako sa may arko, na matagal nang inilalako sa radyo at telebisyon at paulit-ulit na binili ng kanyang imahinasyon.  Sakto namang wala siyang perang hawak. Mabilis niyang naalala ang aguinaldo sa kanya ng kanyang Ninong Andoy. Isandaan din yun at nakita niyang inipit ‘yun ni Mang Jacinto at inilagay nito sa kanyang pitaka bago matulog. Huli na ang lahat para magtimpi, naglalaway na siya para dito. Hindi siya nakaramdam ng kahit na anong takot. Walang mali sa gagawin niyang pagkuha, dahil ang perang iyon ay kanya.

Naging matamis ang pagkain niya ng ice cream. Matamis na matamis. Tila ba isang pang-uyam sa isang paparating na mapaklang kapalaran. Mabilis siyang bumalik sa bulsa at pitaka ng kanyang ama. Muli niya itong ibinuka at sinauli ang tatlong bente at dalawang sampung pisong barya, nahulog ang isa, kumalansing at tuluyang nagising ang kanyang ama. Sapat na para kay Mang Jacintong makitang hawak ni Jimmy ang pitaka, perang papel, at natutunaw na ice cream sa kanyang apa para mabuo at mapatunayan ang kanyang hinala. Lumatay ang kanyang kamay sa puwitan nito. Tatlong beses ang una at ang mga kasunod ay hindi na mabilang pa. Wala na ring kinikilala ang mababangis na braso ni Mang Jacinto. Nariyang dagitin ang mumurahing hita, braso, tagiliran, dibdib, tiyan at ari. Tanging iyak at palahaw lamang ang maidaing ni Jimmy. At sa huling matinding hambalos sa likod kumawala ang pinakamasasakit na salita. “Tarantado kang bata ka! Magnanakaw! Hindi kita anak! Hindi kita anak! Anak ka ng militar.” Tuluyan nang namanhid ang katawan ni Jimmy kasabay ng paghina ng mga sigaw ni Mang Jacinto. Handa na si Jimmy na tanggapin ang lahat ng suntok at hampas na para sa kanya. Pero sumuko ang kanyang ama, ang kanyang kinilalang ama. Tuluyang nalaglag ang apa ng ice cream sa lapag, kahalo ang dugo at nana mula sa mga bago at nabuksang sugat. Masakit, naramdaman ni Jimmy. Mabigat ang braso ng kanyang ama, pero mas masakit ang sugat na dulot ng dila nito’t mga salita. At naghalo ang tamis ng ice cream at alat ng luha sa kanyang panlasa. Dun niya napagtanto na hindi pala para sa kanya ang mga suntok, bigwas, hambalos, tadyak at iba pang pananakit na matagal na niyang pinagdurusahan, kundi para sa kanyang ama—sa ama niyang militar.

Mula nung araw na yun, naging hayagan na sa bahay ang pagiging ampon ni Jimmy. Hanggang sa maging ang komunidad na ng Santa Teresita ang nakaaalam na si Jimmy ay anak sa pagkadalaga ni Aling Emy. Naghahanap ng paliwanag si Jimmy, pero matipid ang mga sagot ni Aling Emy. “Paglaki mo ipapaliwanag ko sa’yo ang lahat lahat. Masyado ka pang bata para maunawaan ang mga nangyari.” Palaging ganyan ang sagot ng kanyang ina, sa tuwing maghahanap siya ng ama. Pero mahirap itago ang sikretong alam na alam ng buong baryo at kulang ang dalawang kamay ni Aling Emy para takpan ang tenga ng batang si Jimmy noon. Hindi rin abot ng kanyang mga kamay ang tenga ng bata ‘pag nasa eskwela ito. Kaya samu’t saring kuwento ang naririnig niya mula sa kalsada, mga kaklase at ibang kababaryo. “Yung nanay mo ni-rape ng mga sundalo,” “Anak ka pala ng sundalo!” “Ampon ka, hindi mo tatay si Mang Jacinto, tatay mo yung sundalo.” Sundalo. Sundalo. Sundalo. Palaging nakakabit ang sundalo sa lahat ng kuwento. Pero sa kabila ng lahat ng kuwentong sundalo, hindi siya naniwala at nanatili lang na nakikinig. Hinintay niya ang kanyang paglaki, ang araw na magiging handa na siya sa kuwentong sundalo ng kanyang ina. Pero nauna nang namatay ang kanyang ina, bago pa ito makapagkuwento sa kanya. Ang masaklap pa, dawit na naman ang sundalo sa kuwento ng pagkamatay ng kanyang ina.

***

Sa kabila ng lahat, hindi nagtanim ng galit si Jimmy sa kanyang nagsilbing ama. Siguro dahil ang tumana ng kanyang poot at galit ay napuno at natamnan na ng binhi ng kanyang galit sa mga sundalong pumatay sa kanyang ina. Kumbaga, hindi napapanahon kung magagalit pa siya kay Mang Jacinto.

Lalong naunawaan ni Jimmy ang lahat lahat nang siya ay tumuntong ng kolehiyo. Unang apak pa lang niya sa pamantasan, sinalubong na siya ng mga kilos protesta. Mga flag na pula at mga plakards na may panawagang: no to tuition increase, ang unang kumaway sa kanya. At ang mga leaflet ng mga batang organisador ang una niyang nakilala. Hindi na naging mahirap para kay Jimmy unawain ang ipinaglalaban ng mga estudyanteng ito. Sa sobrang pag-intindi niya, naging isa siya sa kanila. Humawak siya ng flag at plakards at namigay ng leaflet.

Ito na ang panahong “Paglaki mo anak” at “mauunawaan mo rin ang lahat”, naisip niya. Ito na yung mga panahong alam na niya na ang mga sundalo ay hindi inimbento para sa kapayapaan. Dumami pa ang mga kuwentong sundalong nalaman niya. Pero ngayon, may nadagdag na tauhan—ang mga aktibista. Nakaengkwentro niya ang kuwento ng nawawalang aktibista at nagtatagong sundalo. Kuwento ng pinahirapan, ginahasa at pinatay na aktibista at mga sundalong may pakana ng lahat ng ito. Sundalong nagpapanggap na aktibista at aktibistang kinukulong ng walang sala at marami pang iba. Ang bawat kuwento ay nagdidilig sa binhi ng kanyang pagkamuhi. Sa bawat nawawala, pinahihirapan, ginagahasa at pinapatay na kasama ay ang dahan-dahang pag-usbong nito. Sa bawat buwan at taon na dahan dahan siyang namumulat sa kanyang lipunan ay siya namang binilis ng paglago ng binhi at ngayon ay isa na itong matayog na puno. At mula sa isa, ito’y naging dalawa at tatlo hanggang sa naging dosena at masukal na guabat ng muhi at galit.  Nakilala niya ang mga kauri ng kanyang ina na matagal na ring biktima—at matagal na ring lumalaban. Hindi na bago kay Jimmy ang lahat. Ilan na ba sa mga kakilala niyang matatanda sa probinsya ang nakaranas ng panggigipit sa lupa ng mga mayayamang politiko? Ilang kababata niya na ba ang umakyat sa bundok para sumapi sa hukbong bayan? Sa bayan naman nila’y hindi una at hindi huli ang karumaldumal na pagkamatay ng kanyang ina. At alam ng lahat kung sino ang kalaban nila. Hangga’t hindi niya nakakamit ang hustisya para sa kanyang ina, hinding hindi makakalaya ang kanyang ina sa nilikhang kagubatan ng kanyang galit.

***

“Sasamahan mo ba ako bukas?” Pareho nilang binibilang ang mga bus na dumadaan sa kalsada. Katatapos lang maisara ng karinderya at naghihintay pa ang mangilan-ngilang plato, kutsara’t baso sa lababo. Kaunti lang ang customer ngayon, palibhasa pasko. Ang lahat ng hapag ng Santa Teresita ay may bakas pa ng noche buena kagabi.

“Alam mo namang hindi ko buhay ‘yan! Hinding hindi ko magiging buhay ‘yan!” Tugon ni Mang Jacinto.

“Kung nandito lang sana si Jimmy.” Ito ang unang pasko ni Jimmy na malayo sa kanyang pamilya. Ito rin ang unang taon niya bilang estudyante sa UP. Naninibago si Aling Emy, pero hindi si Mang Jacinto. Pumasok na ito para hugasan ang mga hugasin sa lababo. At nagpatuloy sa pagdaan ang mga bus.

Sa kama na muling nagtagpo ang mag-asawa. Pinagdamutan nila ng romansa ang isa’t isa. At yun ang pinakamalamig na gabi ng Disyembre.
Gusot na ang kabilang panig ng kama. Wala na si Aling Emy. Napatingala sa kisame si Mang Jacinto at niyakap ang iniwang gusot ni Aling Emy. At yung ang pinakamalamig na umaga ng Disyembre.

***

Tinanggal ni Jimmy ang lahat ng damit sa loob ng kanyang bag. Magkahiwalay pa rin ang mga labahan sa hindi pa nagagamit. Muli niyang binuksan ang kanyang cabinet. Naroon ang mga damit ng kanyang ina. Nakahiwalay din ang mga labahin sa hindi. Naroon ang ilang mga notes ni Aling Emy at mga librong tumatalakay sa kasaysayan ng armdong pakikibaka sa bansa. Ipinatong niya ang kanyang mga damit sa damit ng kanyang ina. Muling nagkasalo ang kanilang natuyong pawis at gunita. Kung hindi man siya makabalik, may iiwanan siyang alaala sa kanyang kinilalang ama. Kinuha niya ang ilan sa mga damit na hindi pa nagamit at masinsing isisnalansan sa loob ng bag.

Sa labas ng kanilang bahay ay dumaan ang prusisyon. Nasa unahan ang mga sakristan at ang poon. May hawak na kandila ang lahat ng deboto’t nakikiprusisyon. At nasa dulo naman ang mga tambulero, bastunera at manunurotot. Kung anong ligalig ng kanilang mga nota kaninang umaga, siya namang lumanay at sagrado ng sa ngayon. Ang mga bisita’t residente’y muling tumanghod sa kani-kanilang bakuran, may ilang sumama at nagpatianod sa prusisyon. Pero hindi natinag ang bahay ni Mang Jacinto. Nanatiling nakatalikod at nakayukod sa pagdiriwang ng pista ni Santa Teresita.

***

Busog ang lahat ng tao, kinaumagahan ng pista sa bayan. Maliban na lamang kay Jimmy na nakaimpake na at handa nang lisanin ang bahay ni Mang Jacinto, ang bayan ng Santa Teresita. ‘Pag labas niya ng pinto, halos nasa parehong posisyon pa rin si Mang Jacinto. Muling hinihimay ang isda at isinasaboy sa mga gutom na aso at pusa.

“Kumain ka na muna bago umalis.” Nanatiling nakatalikod si Mang Jacinto, tulala naman si Jimmy.
“Hindi pa ho ako gutom!” Eksakto namang kumalam ang sikmura ni Jimmy.
“Sinong niloko mo? Ipinagluto kita ng almusal!” Muling nagkalasa ang pananalita ni Mang Jacinto, at muli pang kumalam ang sikmura ni Jimmy. Malinamnam pa ang mga sumunod nitong pahayag.
“Hintayin mo na yung laing, nakasalang na yun. Dalhan mo yung mga kasamahan ng nanay mo.” At muling nakaamba ang paglaya ng panlasa ng baryo ni Mang Jacinto.