katre



“Sa bawat nagsasarang pinto,
Ay may nagbubukas na bintana
At sa bawat masisikip na pinto
ay may winawasak na alintana.”

Umiinat pa si Aling Ester nang biglang may kumatok sa kanilang pintuan. Hindi na bago ang pag-inat niya sa ganitong parte ng umaga. Paano ba naman, gabi-gabing sumasakit ang kanyang likod dahil sa matigas at malamig nilang hinihigaan. Kusa na lamang silang nakakatulog sa kabila ng kirot sa likod hanggang sa balakang. Ang bago ngayon ay ang maagang pagkatok sa kanilang pintuan. Malamang ito ang kanyang asawang si Mang Renato. Pero inaasahan niyang tanghali pa ito makakauwi. Hinakbangan niya ang kanilang mga anak at binuksan ang pinto at hindi nga siya nagkamali.

“May surpresa ako sa’yo Ester.” Halata ang pagod sa mukha ng kanyang asawa. Mababakas ditong kulang pa ito sa tulog at naghahanap pa ng malalapatan ng likod para makapagpahinga. Nakita niya sa likod ng kanyang mister ang isang malapad na katre. Alam niyang ito ang surpresang tinutukoy ng kanyang asawa pero hinayaan niya pa rin itong ituloy ang kanyang surpresa.

“Ano yung surpresa mo?” pinagbuksan niya na ng pinto ang asawa. Pero imbes na pumasok, siya pa ang inakay palabas ng kanyang asawa.

“Eto yung surpresa ko!” sabay turo sa malapad na katre, “may kama na tayo Ester!”pigil ang ngiti ni Aling Ester sa surpresa ng kanyang asawa. Alanganing natutuwa pero mas akmang umuunawa.
“Paano natin yan ipapasok sa loob?” napakamot na lang ng ulo si Mang Renato.

***

Tumilaok na ang manok. Panawagan na umaga na. Nagdaan na ang nagtitinda ng pandesal at taho. Malinaw na umaga na nga. Pero malabo ang umaga sa ulirat ng magkakapatid na Minggoy, Mona at Michelle. Palibhasa bakasyon kaya sulit na sulit ang tulog. Bumangon na si Mona at Michelle. Samantalang si Minggoy naman ay bumalik pa sa pagtulog. Wala nang bago dito mapabakasyon man o may pasok.
Uminat-inat silang dalawa at nagmano sa amang nagkakape.

“Mag-almusal na kayo at may gagawin tayo pagkatapos.”

Maliit lang ang bahay ng pamilya ni Mang Renato. Mahirap magtago ng sikreto. Isang kwadrado lang ito at kusang nagta-transform depende sa pangangailangan ng pamilya. Hapag kainan ito sa tanghali, salas naman ito sa hapon at sa gabi’y muling magiging hapag kainan at sa alanganing oras ay magsisibing katre para sa kanilang mag-anak. Inilalatag lang nila ang mga pinagtagpi-tagping karton at saka nilalatagan ng magaspang na kobre kama at ito na ang kanilang higaan. Kaya ang pagdating ng katre ni Mang Renato ay talagang malaking malaking surpresa para kay Aling Ester. Literal at hindi.

“San mo ba nakuha itong katreng ito.” Sinisipat ni Aling Ester ang katre. Samantalang ang magkapatid naman ay patalon-talong lumapit sa katre. “Ate sa dulo ako a. Sa kanan.” hinigaan na ito ni Michelle. Sumunod naman sa kanya si Mona. Hindi nila alintana kung mainitan man sila ng araw. Ang mahalaga ay reserved na ang posisyon nila sa bago nilang higaan.

“Pinauwi sa akin ni Boss, nagasgas ko daw e. Kesa naman sa masisante, pumayag na lang akong ikaltas sa sweldo ko.” Tumayo na si Mang Renato para gisingin si Minggoy. Samantalang napaupo na lang si Aling Ester sa katre dahil sa panghihina. “Paanong gasgas ba?” tanong niya. “Nalaglag ko kasi nung inilalako namin kahapon ni pareng Abner sa may San Mateo.” Lalong nanghina si Aling Ester, “ang dami dami na nating utang, makakaltasan ka pa.” Lumapit si Mang Renato para aluhin ang asawa. “Hayaan mo na, ayaw mo nun may bago tayong matutulugan. Hindi na sasakit ang likod mo kakahiga diyan sa malamig na sahig” Kahit paano ay lumiwanag ang mukha ni Aling Ester.

“Paano natin ‘to ipapasok sa loob?” Muling tanong ni Aling Ester, muling napakamot sa ulo ni Mang Renato.

***
Kahit paano, biyaya yatang maituturing ang pagdating ng katre sa pamilya ni Mang Renato. Ang pambihirang araw ng bakasyon ay naging araw ng general cleaning para sa magkakapatid. Walang lusot kahit ang diyos ng katamarang si Minggoy. Kinailangan niyang bumangon ng maaga at gumalaw. Malinaw ang mandato ng padre de pamilya: Ilabas ang lahat ng kasangkapan at itapon ang hindi na kailangan. Mahirap lang sila kaya naman ang basura sa kanila ay basura na talaga at wala nang kapakinabangan pa sa iba. Niligpit ni Minggoy ang mga dyaryong ginamit nila sa project noon, maging ang mga lumang magasin na nakakalat lang sa may istante. Nang ilabas ang istante tumambad ang maraming alikabok sa ilalim nito. Naroon ang mga takip ng ballpen, limang piso, balat ng candy at iba pang kalat na hindi umabot sa basurahan.

Nagsilabasan ang kanilang mga kapitbahay. Nagtataka sa pambihirang gawi ng pamilya ni Mang Renato. Nariyang may nagwawalis sa bakuran at panakaw na umaabot ng tingin sa kanila, nagdidilig ng mga halaman at pasimpleng lumilingon sa kanila. Maging ang mga naglalako ng isda at gulay ay naglilimos sa kanila ng tingin. Para bang ang laking kasalanan ang paglilinis sa maduming relocation area na kinasasadlakan nila. Para bang ang laking krimen ng pagkakaroon ng isang malaking katre. Ang pamilya ni Mang Renato ay walang habas na binilanggo sa pagtingin ng kanilang mga kapitbahay.

Nailabas na nila ang TV, istante, orocan, lamesang plastic, mga kagamitang pangkarpentero ni Mang Renato, mga sinulid at karayom ni Aling Ester at ang mga karton ng damit at iba pang kasangkapan. Kanya-kanya rin ang magkakapatid sa pagliligpit ng kanilang mga kahong tinutulugan. Ganun din sa unan at kumot. Malinis na ang loob ng bahay. Handa na ito para sa pinakabago at pinakamalaking kasangkapang ipapasok sa kanya.

***

Isa
Dalawa
Tatlo                                                                                                                                               

Sabay-sabay nilang binuhat ang katre papasok sa loob ng kanilang bahay. Makikita ang pagkasabik sa mukha ng mga bata. “Hoy Kuya Minggoy ako ang hihiga sa dulo a. Sa kanan.” muling pangungulit ni Michelle. Hikab lang ang itinugon ni Minggoy. Mabigat ang katre. Palibhasa gawa sa matibay na kahoy. Pareho lang naman ang disenyo nito gaya ng ibang kama. May apat na paa. Sa mismong katawan nito ay may mga pahalang na kahoy at may mga awang sa pagitan. May malapad na headboard na may patungan. Pwedeng lagyan ng lampshade, telepono, aquarium at iba pa. Pero sa lagay ng pamumuhay nila, malamang alikabok lang ang magtatayo ng puwesto doon.

“Hindi naman kasya sa pintuan tay e” Yamot si Minggoy. Epektibo sa kanya ang linyang magbiro ka na sa lasing ‘wag lang sa bagong gising. May ibang version nga lang siya: Mag-utos ka na sa lasing, ‘wag lang sa bagong gising. Kung sa bagay sa lahat naman ng pagkakataon basta may iuutos sa kanya, nasisira ang araw niya. “Subukan nating patayo“ sabi ni Aling Ester.

Isa
Dalawa
Tatlo

Pero malapad din ang headboard nito. Hindi rin kakasya. Inilapag nila ang katre at agad na sumampa si Minggoy at si Michelle. Siyempre sa kanan si Michelle. Naupo naman ang tatlo at nag-isip ng paraan para maipasok sa loob ang katre. “May naisip ako nay!” napangiti si Mona, napabusangot naman si Minggoy.

***
Isa-isa nilang tinanggal ang jalousie sa kanilang bintana. Sinamantala na iyon ni Aling Ester para mapunasan ang mga ito ng basahang inilublob sa sabong panlaba. Pinakuha niya ito kay Minggoy at saka pinagtulungang punasan. Bonus pa ang pagpapaigib ng dalawang timba ng tubig sa poso sa may kanto. Si Mang Renato at Mona naman ang gumagawa ng kalkulasyon para maipasok ang katre sa loob ng bahay. “Dapat tay may isang maghihintay dun sa loob ng bahay. Para pag naisampa na natin madali na maipasok.” Tumango lang si Mang Renato sa mungkahi ng anak. Sa hudyat ng ama, bumalik silang lahat sa trabaho. “Kayong apat dito, ako ang maghihintay dun sa loob.” Ang mandato ng kanilang ama.

Isa
Dalawa
Tatlo

Pero hindi pa rin nagkasya ang katre sa bintana. Masyadong mahahaba ang mga paa nito at hindi kakasya sa makipot na lagusan ng kanilang bintana. Muli nilang binalik ang katre sa dati nitong pwesto. Lumagabog ito sa pagkakabagsak nila kasabay ng pagkalam ng kanilang sikmura. Pansamantalang umalis si Aling Ester para manguha ng dahon ng malunggay sa kabilang kanto.

Napapagod na si Minggoy sa pagbubuhat-pagbababa-pagbubuhat-pagbababa ng pambihirang katre. Nauubos na ang pasensya niya. May mga dagdag pang utos si Aling Ester kesyo buhatin yung ganito diyan, yung ganito doon. Gasgas na gasgas ang katamaran niya sa umagang ito. Kaya sa lahat ng ito padabog niyang ibinagsak ang mga buhat niyang sako ng kasangkapan ng tatay niya sa pagkakarpintero. Nagkalat ang mga martilyo, metro, pako, pala, asarol at lagare. “Ayoko na!” sigaw pa niya.

Sumigaw si Mang Renato. Akmang papagalitan na ang anak niyang panganay. Pero mas nanaig ang sigaw ni Mona. “May naisip na ako!” Nagwalk out si Mang Renato at nagbisikleta papunta sa bilihan ng bigas.

***
Isa
Dalawa
Tatlo

Sa hudyat ni Mona, hinampas ni Minggoy ng piko ang gilid ng pinto. Nagpaulitulit ang bilang ng isa hanggang tatlo at nagpaulit-ulit din ang pagyanig sa kabahayan ng pamilya ni Mang Renato. Isa. Pukpok. Dalawa. Palo. Tatlo, hamabalos. Nanginginig sa kanyang kinatatayuan ang Sto. Nino. Natitibag ang mga semento at gumuguhit ng lamat papunta sa mas malawak na panig ng pader. Palakas na rin ng palakas ang paggiba ni Minggoy. Natutuwa na siya sa ginagawa niya. Tuwang tuwa rin si Michelle habang nakadapa sa katre, sa may kanan at pinapanood ang kanyang kuya.

“Siguradong matutuwa si inay at itay pag naipasok natin ang katre sa loob. Dalian mo pa Kuya Minggoy!” Si Mona ang siyang porman sa planong ito. At si Minggoy ang trabahador. Palawak na ng palawak ang lamat. Rumuruta na ito papunta sa bintana at kisame. Bawat palo ay may katumbas na bagong ruta. Maingay na ang pukpukan sa bahay ni Mang Renato. Sa sumunod na bilang ng tatlo, natibag ang isang malaking tipak ng ding-ding at dumating si Aling Ester--nabitawan ang hininging sampung bugkos ng dahon ng malunggay.

***
Umiihip ang hangin at tinatangay ang mga sementong dinurog ni Minggoy sa alikabok kasama ang mga piraso ng dahon ng malunggay. Walang kibuan ang mag-anak. Binabaybay ng tingin ni Mang Renato ang nabuong lamat. Tinutunton ang simula nito at patuloy na hinahanap ang wakas. Lahat ng kurbada ay dagdag sa init ng kanyang ulo at sikip sa kanyang tiyan. Nakayuko naman ang magkakapatid. Laman pa rin sila ng hindi mapasok pasok na katre. Lumabas na mula sa bahay si Aling Ester buhat ang kaldero ng kanin at mangkok na may sardinas. Sa loob ng ilang buwan, ngayon na lang yata ulit sila nagkasama-samang mag-anak sa pagkain. Palagi kasing wala sa tanghali si Mang Renato. Abala ito sa paglalako ng katre sa iba’t ibang panig ng Maynila at kalapit na lalawigan. Gabi na rin ito kung makauwi at sa madalas na pagkakataon ay inaabutan niyang tulog na ang kanyang mga anak. Wala pa ring gustong magbutaw ng salita. Tanging kalansing lamang ng mga kutsara at tinidor ang maririnig. Paminsan-minsan sumisingit ang tunog ng paghigop ng sabaw ni Michelle.

Sa dalawang lata ng sardinas na pula, pitong katawan ng isda ang kinulong. At sa limang sikmura ang destinasyon nila. Marahil ang mangkok ang kanilang purgatoryo. Dito sila sinisentensyahan. At ngayon isang katawan na lang ang nakataya. Nagtama ang tingin ni Minggoy at Michelle. Nagsalubong ang tig isang pares ng kilay. Ang kanilang kutsara’y nagdikit at nag-anyong espada. “Nakadalawa ka na e” Sigaw ni Minggoy sa kanyang bunsong kapatid. “E kulang pa yung kinain ko e.” Sagot ni Michelle. Nagliyab ang mangkok sa nabuo nilang alitan sa isang pisrasong katawan ng sardinas. Nariyang madurog ito, kamuntikang mahulog at sa huli, tumalsik ang sabaw sa mukha ni Mang Renato.

“Hatiin niyo sa dalawa!” Pasigaw na utos ni Mang Renato. At muling umilaw ang bumbilya sa ulunan ni Mona. “Alam ko na!” at ang lahat ay tumingin ng masama sa kanya.

***
Sumuko na sila. Hindi na nabigyan pa ng pagkakaton ang naisip ni Mona. Muli, sa mandato ng padre de pamilya, dahan dahan na nilang ibinalik ang mga inilabas na kasangkapan. Nabago nga lang ang kaayusan. Medyo maluwang na ang pinto kaya madali nang maipasok ang mga dati’y medyo mahirap maipasok. Kanya kanya sila sa pagsasauli at pagtatabi ng kanilang mga gamit. Ito ang pinakanakakapagod na araw ng tag-araw para kay Minggoy. At sa dami ng naisip na resolusyon ni Mona, mukhang handa na nga siyang maghayskul sa darating na pasukan. Naudlot man ang pangarap na katre ni Michelle, trono niya pa rin ang pinakadulong bahagi ng kanilang higaan, sa kanan.

Nang maipasok na ang lahat lahat mliban sa katre. Ihiniga sila ng pagod sa ilalim ng kaulapan. Bahala na sa posisyon. Bahala na kung kaninong paa ang nakatapat sa kung kaninong mukha. Kung kaninong kilikili ang nakatapat sa kaninong ilong at kaninong puwet ang nakatutok sa kung kaninong bibig. Basta ang mahalaga si Michelle ang nasa pinakang kanto ng katre, sa kanan. Inaalala ni Mang Renato ang mga bitak. Inalala ni Aling Ester ang kaltas sa sahod. Pansamantala, lumiban sila sa mundo ng pag-aagam agam.

Biglang bumuhos ang malakas na ulan. Napangiti si Michelle. At ang pamilya ni Mang Renato ay isinuko ang kanilang mga pagod na katawan sa matutulis na patak ng ulan. Hinayaan nilang linisin ang pagod ng nagdaang araw at sinamantala ang bihirang pagkakataong nagkasama-sama sila sa ilalim ng ulan, sa ibabaw ng katreng minsan nilang pinangarap ilagay sa loob ng bahay.

***
Umiinat pa si Aling Ester nang biglang may kumatok sa kanilang pintuan. Hindi na bago ang pag-inat niya sa ganitong parte ng umaga. Paano ba naman, gabi-gabi pa ring sumasakit ang kanyang likod dahil sa matigas at malamig nilang hinihigaan. Kusa na lamang silang nakatutulog sa kabila ng kirot sa likod hanggang sa balakang. Sa awang pa lang ng pinto nakita na niya ang kanyang asawa. Humakbang siya sa kanyang mga anak at pinagbuksan ang kanyang asawa.

“May surpresa ako sa’yo Ester” halata ang pagod sa mata ng kanyang asawa. At nakita niya ang isang malapad na cabinet sa likod nito.


Lahok sa Saranggola Blog Awards 5
Pagsulat ng Maikling Kuwento

Next PostMas Bagong Post Previous PostMga Lumang Post Home

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento