Alaala ni Marie



Palagi kong naiisip si Marie tuwing uuwi ako sa bahay galing sa trabaho.

Hindi ako pumapayag na hindi ko siya matikman bago ako umuwi at magpahinga. Para bang ritwal na ang arawan kong pagtikim sa kanya. Hindi nakakasawa kahit na paulit-ulit pa. Kahit pa hindi naman nagbabago ang lasa, para sa akin siya pa rin ang isa sa pinakamasarap na likha sa mundo. Lasang gatas pa rin siya tulad ng dati. Kumakatas sa bibig ko ang kanyang mga piraso. Lasang lasa ko ang linamnam niya. Kakaiba ang pagiging kakaiba ng lasa niya kumpara sa ibang katulad niya.

Mahal siya kumpara sa mga tigdo-dos na wafer at hopyang baboy at monggo at higit na mura naman kumpara sa mga tigsa-sais na Bingo, Hiro at Fita. Nakatayo si Marie sa pagitan ng dalawa at nagkakahalaga ng kwatro pesos. Pero talagang pambihira ang kanyang lasa. Dati mamiso lang din ang presyo nito pero siguro dahil sa lumapad ang biskwit kaya nagtaas na rin ng presyo. Gayunpaman hindi pa rin nag-iiba ang lasa nito mula noong unang beses ko itong matikman kasama ang kalaro kong walang pangalan.

Maitim siya, pero yung itim na hindi lang dahil pinanganak siya sa isla. Sunog yung tipo ng pagkaitim niya. Nag-ambag sa kutis niya ang mga tanghaling tapat na ginagalugad niya ang mga kalsada para lang maglaro at maghanap ng bagay na maaaring malaro. Kaya naman talagang ang dungis niyang tingnan. Idagdag pa ang outfit niyang sandong puti na nakubkob na ng dumi. Pambaba niya naman ay isang bulaklaking shorts na may kapareho ring kapalaran gaya ng sa sandong puti. Suko na ang lahat ng sabong panlaba sa kanyang mga damit. Palibhasa kasi kung saan saan siya nagsususuot kaya ang resulta, yung suot niya ay nagiging alanganing damit at alanganing basahan.

Anak siya ng kasambahay namin na naninilbihan sa tiyahin ko. Ako naman pinapag-aral din ng tiyahin ko at nakikitira sa kanila dahil nasa ibang bansa ang mga magulang ko. Kaya maliban sa mga pinsan ko, siya talaga ang nakasama ko sa paglalaro at iba pang gawaing pambata. Gaya ng pagtalon sa malambot na kama, paghahampasan ng unan, paglalaro ng nanay-tatay at sawsaw suka.

Grade 2 pa lang ako nun. At siya nama’y hindi ko na maalala, siguro dahil nga puro laro lang ang iniisip namin noon. Pero sa pagkakaalala ko, hindi siya nag-aaral nung mga panahong iyon. Dahil tuwing uuwi ako sa bahay nun, palagi niyang hinihiram ang mga libro at notebook ko. Tapos ikinukuwento ko sa kanya ang lahat ng ginawa namin sa maghapon. Natatandaan ko pa kung paano niya ako tingnan ‘pag nagkukuwento ako. Para bang ang laki ng tiwala niya sa akin at sa lahat ng sinasabi ko. Minsan ‘pag may mga kailangang i-drawing at kulayan, tinutulungan niya ako. Ganun ang araw-araw namin, pag Sabado naman, natutulog lang kami sa tanghali pero ‘pag wala ang mga bantay namin, tumatakas kami at pumupunta sa may pier, simbahan, saod (palengke) at terminal ng mga bus papuntang Maynila.

Hindi namin alintana yung init noon. Minsan isang beses, sa kasagsagan ng ala-una ng hapon, pumunta kami sa may dalampasigan. Naligo at namulot kami ng mga shells. Naglaro kami sa buhanginan at bumuo ng mga kastilyo. Tapos nakapulot kami ng patay na isda. Yung laki ng isda, hindi akma sa aquarium May mga patusok tusok siya sa katawan at malaki ang tiyan. Hanggang ngayon hindi ko pa rin alam ang tawag sa isdang ‘yun. Inuwi namin yun sa bahay at sinubukang buhayin. Binabad namin siya sa batya na pinuno naming ng tubig galing sa gripo. Pero wala na kaming nagawa. Hindi namin naisalba yung patay na isda. Nalungkot siya at kitang kita ko yun sa mukha niya. Hanggang sa makita kami ng nanay niya, nasabi na lang namin: Patay na! Nabitawan namin yung isdang nakababad sa tubig. Pinalo siya nun sa loob ng kuwarto nila. Ako naman pinatulog ng sapilitan ng tiyahin ko. Nababagabag ako nun at hindi makatulog. Rinig na rinig ko kung paano siya umiyak at magmakaawang ‘wag na siyang paluin. Pero bumilib ako sa kanya, matapang siyang bata. Tinanong siya ng nanay niya kung uulit pa siya, hindi siya sumasagot at pilit na pinipigil ang luha at sinasabing wala siyang ginawang masama. Nagpatuloy siyang paluin at ganun din ang kanyang pag-iyak at ako naman ay nagp;atuloy sa pag-aalala sa kanya. Hindi pa rin ako makatulog, hindi dahil sa kati ng banig o lamig ng semento. Hindi dahil sa init ng hanging galing sa Pacific Ocean, kundi dahil sa pag-aalinlangan ko sa kalagayan niya. Ok na kaya yung mga latay sa kanya? Alam ko ang pakiramdam nun dahil beterano na ako sa bagay na yun, kaya alam ko ang sakit ng mga haplit ng sinturon.

Maya-maya lang ginising niya ako. Alas kuwatro na raw, puwede na raw kaming maglaro ulit. Kita ko yung mga pasa niya sa mukha at kamay. Namamaga pa rin ang mga mata niya. Parang naantala lang yung pag-iyak niya para gisingin ako. Aalis daw kami at pupunta sa may saod. Hindi na ako nagmumog. Agad akong bumangon at sumama sa kanya. Magkahawak kamay naming tinakbo ang daan papuntang palengke. Pagdating sa may tindahan ng mga biskwit dumukot siya ng barya mula sa kanyang bulsa. Sampung tigpipiso (yung sinaunang piso pa) tig-lima daw kami. Gusto ko sanang itanong kung saan niya nakuha yun, pero naunahan niya ako, kinupit niya daw sa nanay niya. At bumili kami ng tig-limang pirasong Marie. At binaon namin papunta sa may breakwater at dun tinanaw ang papalubog na araw. Hindi ko na maalala ang mga sinabi niya nun. Hindi ko nga alam kung anong pinag-uusapan namin. At yun na rin lang ang huling alaala kong kasama siya. Pag-umuuwi ako sa probinsya sinusubukan ko siyang hanapin, pero hindi ko alam kung paano. E kung yung simpleng pangalan niya e, hindi ko na maalala. At siguro kung makikita ko man siya ngayon, hindi ko rin siya makikilala. Marahil gradweyt na rin siya sa outfit niya noon. Pumuti pa kaya siya? Nasaan na kaya siya, hindi ko maalala kung nakapagpasalamat man lang ba ako sa linibre niya sa’king biskwit.

Kaya ngayon, tuwing umuuwi ako galing sa trabaho muli kong nalalasahan ang tamis ng nakaraan. Inaalay ko sa kanya ang unang kagat. Bumabalik sa akin ang lahat ng gunita kasama siya. Pero talagang hindi ko matunton kung may pagkakataong tinawag ko siya sa kanyang pangalan. Naisip ko tuloy, buti pa yung biskwit nabinyagan ng pangalanan ng aking nakaraan.




Next PostMas Bagong Post Previous PostMga Lumang Post Home

2 komento: