Paparating na si Martin! Ang malaki at magiliw na alupihang kinahuhumalingan sa buong bayan. Nariyan na siya. Paparating na sa kumpulan ng iba pang insekto sa bayan. Dahil sa kaniyang laki, palagi niyang pinasasakay sa kaniyang likuran ang mga ito upang mabilis silang makarating sa kanilang pupuntahan. Dati kasi nakapila lamang silang naglalakad papunta sa imbakan ng asukal. Inaabot sila noon ng tatlong araw bago makarating, ngayon ay tatlong minuto na lamang.

Sumasakay sila sa likod ni Martin ‘pag dumadating na niya. Sabi niya, kumapit kayo nang maigi sapagkat magiging mabilis ang ating biyahe. Mula sa kaniyang likod ay tanaw na tanaw ng mga insekto ang malalawak na dagat at ang mga berdeng burol pati na rin ang maingay na ilog at ang matatayog na bundok. Sa pagdating nila sa kanilang pupuntahan ay titigil si Martin at sasabihing, sana ay naibigan ninyo ang inyong pagsakay at muli siyang babalik sa kanilang pinanggalingan para sunduin ang iba pa.

Bilang kapalit sa kabutihan ni Marin, samu’t saring regalo ang ibinibigay ng mga insekto sa kaniya. Ang mga langgam ay nagbibigay sa ng matatamis na panghimagas. Binibigyan din siya ng mga damit na gawa sa sapot ni Gagamba, at ng iba’t ibang halaman ni Butiki. Kaya naman mas lalo pa siyang ginaganahan sa paghahatid at sundo sa kaniyang mga ginigiliw na pasahero.

Nariyan na si Martin! Mabilis siyang humaharurot papunta sa kumpulan ng mga insekto. Parang hindi siya napapagod. Pakanta-kanta pa nga ito habang naglalakbay. Humihinto siya sa bawat bayan para magbaba at magsakay. Hindi sa kaniya uso ang pahinga. Kaya naman kapag nariyan na si Martin, ang lahat ay nagdiriwang, napapatalon, at ginaganahan ng loob.

Pero isang araw, walang Marting dinatnan ang mga insekto. Dati-rati naman e nauuna pa siya sa mga ito. Ngayon ay walang naroroon kundi ang kaniyang mga mananakay. Nagkakagulo na ang lahat. “Nasaan na si Martin?” sabi ng isang langgam. Iba’t iba ang nabuo at narinig na mga sagot. Baka raw ayaw na niyang pasakayin ang mga insekto. Baka raw nagsasawa na itong magsakay ng mga insekto sa kaniyang likuran. Baka daw kulang na yung mga minatamis, damit, at halaman na ibinibigay sa kaniya. Nagpasya nang maglakad ang iba nang biglang dumating si Martin. Paparating na si Martin! Paparating na! Nagsisigawan ang lahat. Maging ang mga nagpasiya nang maglakad ay muling bumalik.


Hindi tulad ng dati, ubod ng bagal ni Martin  ngayon. Hindi na rin siya nagsasalita sa biyahe.  Hindi na siya kumakanta at hindi na rin nagpapaalala sa kaniyang mga mananakay. Parang ang bagal-bagal ng kilos ng lahat sa mga oras na ‘yun. May ilang pinili nang bumaba at maglakad na lamang. May ilang nanatiling nakakapit kay Martin at nagtiyaga na lamang sa mabagal na paglakad ng dambuhalang alupihan.

Gabi na nang makarating sa imbakan ng asukal ang mga insekto. Yung dating tatlong minuto ay naging tatlong araw na ulit. Mas nauna pa ngang nakarating at nakauwi yung mga nagpasiyang maglakad. Triple ng pagod ng mga insekto sa paglalakbay ang pagod ni Martin. Hindi na siya halos makabalik dahil sa pagod. Awang-awa ang mga insektong nakasakayn sa kaniyang  likod sa pagkakataong iyon.

Noong mga sumunod na araw, naroon pa rin si Martin, pero hindi yung dating Martin na mabilis at makisig kung kumilos. Mas bumabagal na sa paglakad si Martin at nagpatigil-tigil ngayon. Yung dating mabilis na takbo ay naging mabagal na paglakad. At ang mabagal na paglakad ay naging mabagal na mabagal na paglakad. Hanggang sa tumigil ito at hindi na muli pang gumalaw. Pagod na pagod si Martin.

Nagsialisan na ang iba pero naiwan ang ilang insekto. Inakay nila si Martin papunta sa kaniyang bahay. Doon na lamang nila napansing marami na palang sugat si Martin sa kaniyang mga paa. Maliban doon ay mataas na mataas rin ang lagnat niya. Kaya naman agad na gumawa ng kumot na yari sa sapot si Gagamba para malabanan nito ang ginaw na nararamdaman. Si Butiki naman ay naghanap ng mga halamang gamot at pinakuluan para mahigop ni Martin. At si Langgam naman ay masugid na nagbantay kay Martin habang pinupunasan ang kaniyang noo ng mainit na bimpo. Dumating ang nanay ni Martin na si Aling Martha at iniwan namin siya roong mahimbing na natutulog.

Ilang araw ding bumalik sa dati ang gawi ng mga insekto. Lahat ay muling gumigising nang mas maaga at bumabangon. Sabay-sabay silang naglalakad patungo sa imbakan ng asukal. Nakita nilang nagbago ang buhay nila nang mawala ang dambuhalang alupihan sa kanilang buhay.


Hanggang sa isang araw ay may biglang malaking malaking alupihan ang natanaw ng mga insekto sa malayo na papalapit sa kanila. Paparating na si Martin! Paparating na! Napuno ng palakpakan at hiyawan ang paligid. Naroon na nga ang magaling at malakas nang si Martin. Kumakanta siya habang humaharurot papunta sa kaniyang mga ginigiliw na pasahero.


“Sumakay na kayo at maglalakbay na tayo!”

Sabi ni Martin sa mga insekto. Kaya nag-unahan ang mga itong sumakay sa kaniyang likod. Kahit na napuno na ang likod ni Martin ay hindi pa rin ito sasapat para sa lahat.


Nalungkot ang ibang hindi nakasakay. Pero nagsalita si Martin, “Huwag na kayong mag-alala, babalikan ko kayo kaagad.”

Pero hindi pa man natatapos magsalita si Martin ay biglang may natanaw ang mga insekto paparating sa kanilang kinatatayuan.  

“Ako na ang bahala dito sa natitira!” Nagsalita kararating lang na isa pang dambuhalang alupihan. Mas higit na nagdiwang ang buong bayan sa pagdating ng nanay ni Martin, Si Aling Martha.


Mula noon ay naging mas maginhawa ang paglalakbay ng mga insekto. May panahon na para makapagpahinga si Martin kapag si Aling Martha ang naghahatid at sunod sa mga pasahero. Kapag si Aling Martha naman ang nagpapahinga ay nakakasama muli ng mga insekto si Martin. Ayan na! Paparating na si Martin!

* Lahok sa Saranggola Blog Awards 7 (http://www.sba.ph).


(Pitong Diona sa Bigas)

I.

Mga natatapon na
Kanin sa may lamesa
Langgam ang tumitira

II.

Bigas na isasaboy
Sa kasal ng palaboy
Atin nang iabuloy

III.

Kaning lamig at sabaw
Iniinit ang ginaw
Parang ako at ikaw

IV.

Bandehado ng kanin
Kanilang aanihin
Dehado’ng kikitain

V.

Naubusan ng kanin
Ang kalderong maitim
Kumalam nang mataimtim

VI.

Isang kilo ng bigas
at bagyo na malakas
lugaw ang handa bukas


VII.

Sinaing ay natusta
Tutong ang nasa mesa
Binuska ng prinsesa




* Lahok sa Saranggola Blog Awards 7 (http://www.sba.ph).



Sabi ni Nora: Walang himala!
Sabi ko: Meron!



Isang Araw ng Marso
(tapos… pagtatapos)


Malapit na ang pagtatapos. Abala na ako sa paghahanda ng mga papeles para sa aking pagtatapos. Yung mga portfolio, journal, written report at iba pang requirements ay kailangan na ring matapos para sa araw ng pagtatapos. May babayaran pang grad pic, grad fee at year book—lahat ay para sa hindi matapos-tapos na paghahanda para sa pagtatapos.

Pinili kong mag-isang harapin ang lahat.

Yung mga kaklase ko kasi ay abala sa kani-kanilang pagtatapos. Yung mga magulang ko naman ay may iba ring tinatapos. At ang aking karelasyon—ay magdidiwang na ng kanyang kaarawan sa katapusan. Kaya kailangan ko na ring maihanda ang surpresa ko sa kanya kasabay ng mga requirement sa pagtatapos.

Naisip ko, labing walong tula para sa kanyang ikalabingwalong taon. Kailangang siya ang maging pinakamasayang babae sa planeta, sabi ko. Pero hindi ako narinig ng buong mundo, dahil abala ang lahat sa kani-kanilang pagtatapos.

Isang Sabado, matapos ang isang sesyon sa tula ng mga makata. Dahan-dahang nagsialisan ang mga manunulat na kerubin at anghel. Naroong natira ang isang Himala.

Hindi ko na maalala kung siya ba o ako ang nagprisinta. Siya ba o ako ang nag-aya? Siya ba o ako ang unang nag-alok? Basta nagkasundo kaming tutulungan niya ako sa paghahanda ng surpresa. At nakita ko na lang ang sariling tinatapos ang pagkain ng adobo sa ikalawang palapag ng SM kasama ang Himala. Masarap. Lalo na yung bahaging may taba. Kahit delikado, masarap lang talaga. Tapos… Tapos na!


Isang araw uli ng Marso.
(ok… di ako ok.)

Nakaset na ang lahat. Yung tarp, ok na. Yung mga kopya ng tula, ok na rin. Yung mga kaklase niyang babasa ng tula, ok na rin. Lahat lahat ay ok na. Handang handa na. Kasama ko siyang nagmamasid mula sa malayo. Sabi ko, ang cue ay kapag napiringan na nila ang mga mata ng karelasyon ko, tsaka kami papasok. At dun magsisimula ang pagbabasa ng mga tula.

At ok na nga. Napiringan na. Nabasa na ang mga tula. Nairaos na ang surpresa. Nagpaalam siya sa akin. Napangiti ako, sabi ko salamat. Ngumiti naman siya at nagsabing mauuna na siya. May kung anong meron sa pamamaalam niya na hindi ko maunawaan. Baka kako naninibago lang ako na maghihiwalay kami ng landas na walang bahid ng sebo ng adobo sa aking bibig.

Masaya naman ako. pero parang may kulang.

Naalala ko, nung binabasa  na ang mga akda, mas nakatingin ako sa kanya kaysa sa karelasyon ko. Bawat ngiti niya ay parang paulit-ulit niyang sinasabing, “sabi sa’yo, magiging ok ‘to e.” Tapos ako naman ay makakahinga na nang maluwag.

Tinapos namin ng aking karelasyon ang araw sa loob ng parehong restawran sa kaparehong palapag at kaparehong mall, sa kaparehong upuan.

Kumain ulit ako ng adobo—pero hindi ito makagat ng panlasa ko. Nag-aalsa, may kulang daw sa araw ko. Sabi ko sa sarili ko, ok lang ako. Pero sumagot ito, ‘yun ang akala mo.



Isa Uling Araw ng Marso
(mayroong meron sa wala)


Hindi ko maalala kung sino sa amin ang unang humawak sa kamay ng isa’t isa o kung ako nga ba ang unang humalik sa kanyang mga labi o siya sa akin. Ang alam ko lang ay tumugon siya lahat.  

            Isla ang ‘yong nunal
            Pahingahan ng napapagal
            Nais kong diyan na manahan
            Nang di na tayo magtago kaninoman

Bahagi ng tulang binasa ko sa kanya nang wala siyang piring sa mga mata. Binabantayan kami ng mga tala noon sa kaulapan ng Intramuros, na nangakong sesenyasan kami sa oras na may sumalakay na kakilala.

Makailang ulit akong ngumiti at makailang ulit niya rin akong tinanong kung bakit. Sabi ko wala, sabi niya, sa mga walang ‘yan ay palaging meron. Ngiti ang tugon sa ngiti. At alam naming itong saglit lang na ito ang mayroon kami. Maliban dito ay wala na. Lalabas kami sa makakapal na dingding ng Intramuros na hindi magkakilala. Ni walang batian o kung anong kalabitan.

Naghiwalay kami ng landas sa hudyat ng mga tala. Sumakay siya ng dyip papuntang MCU at ako nama’y naghahanap ng barko papunta sana sa islang kami lang ang nakakaalam.



Isa na Namang Araw ng Marso
(tagpuang hiwalayan)

Sa pagkakakilala ko sa kanya noon, mabilis siyang mag-imbento ng tulog. At hindi nga ako nagkamali. At sa hapong iyon, balikat ko ang kanyang laboratoryo. Nakaupo kami sa isa sa mga bench sa UP. Maraming nagdya-jogging sa paligid pero mas marami ang tumatakbo sa utak ko. Hanggang kailan ba ’to? Hanggang saan? May bukas pa bang naghihintay? Kung meron, anong meron bukas? At sa makalawa? At sa makalawa pa ulit?

Ayoko siyang gisingin, pero kumawala ang mga fireworks sa kalangitan na siyang umalarma sa kanya. Aksaya ng oras kung aalamin ko pa kung pawis ba o laway niya ang nag-iwan ng marka sa balikat ko.  Ngumiti siya sa akin at sabi niya, game na. Pero sabi ko, tapos na. Nagpapatuloy ang pagsirit ng mga fireworks pataas samantalang ang kanyang mga luha naman ay nagsimulang magrapelling pababa.

Sana sinabi mo nang maaga, para hindi na ako natulog, sabi niya. Sa isip ko, kung ako lang ang masusunod, pinili kong hindi ka na lang magising. Kahit sa balikat ko na lang ikaw manirahan, ok lang. Pero kailangan kong mamili. Hindi sa kanilang dalawa kundi sa kung alin ang mas makabubuti para sa kanilang dalawa. At sa mga pagkakataon na yun, pinili kong maging maayos kaysa sa maging masaya.

Halos sabay na naubos ang fireworks sa kalangitan at ang luha sa kanyang mga mata. Muli siyang sumakay sa dyip pa-MCU at ako naman sa bus, pabalik sa realidad.


Isang Araw ng Marso
(nagsisimula sa pagtatapos)

Bumalik na ako sa pagtatapos ng mga papeles para makapagtapos. At makalipas lang ang ilang araw ng Marso, wala na akong relasyong binalikan. Para akong batang may hawak na lobo sa magkabilang kamay at sabi ng mundo bitawan ko raw yung kaliwa. At dahil tanga ako sa usapin ng mga kanan at kaliwa, nabitiwan ko ang kanan at nang mapalaya ko ang kaliwa, tuluyan nang tumakas ang kanan.

Malamig na pasilyo na ang dating maiingay na tambayan sa eskwela. Siguro nga malapit nang magbakasyon kaya isa isa nang lumilipad palayo ang mga estudyante. Ilang araw pa ay magtatapos na rin ako. Pero alam ko, magsisimula pa lang ang maraming bagay sa pagtatapos ng pagtatapos.

Nakatingin ako sa mga pagitan sa mga upuan. Sa mga bitak sa sahig at  sa kumikindat na cursor sa cellphone ko. Oo, naisip ko. Kailangan ko nga yata ng space. Ilang taon pa siguro ang bibilangin bago maging kalmado ang ilang araw ng Marso. At kung totoo nga  ang Diyos, naniniwala ako na minsan pa ay dadating muli ang milagro sa buhay ko nang hindi ko inaasahan. Sa mga pagkakataong iyon, sana nakabili na ako ng ticket ng barko para sa aming dalawa.