Silinyador

Unang pumikit ang mga headlight ng taxi ni Mang Ramon sa bulto ng mga nakatambak na sasakyan sa EDSA. Sumuko rin pati ang makina kaya magkasabay na nagpahinga ang radyong kumakanta ng mga awiting pamasko at ang aircon na bumubuga ng hangin. Pinihit niya pababa ang bintana upang hindi mainitan. Mabagal ang andar ng mga sasakyan palibhasa rush hour pa at kasusweldo lang ng karamihan kaya naman punong puno ng mga parokyano ang mga mall at ibang pasyalan.

Uminat si Mang Ramon at naalalang pangatlong gabi niya nang gising. Kailangan niyang samantalahin ang dami ng mga pasahero ngayong magpapasko kaya nakukuntento na lang siya sa mga paisa-isang oras na tulog sa mga gasolinahan at paradahan sa may karinderya.

“Boss, Commonwealth?”

Mabilis niyang binuksan ang pinto para papasukin ang pasaherong may bitbit na pinamiling kutson, unan, at maraming stuff toys na panregalo. At sa pagsara ng pinto kasabay na kumumpas ang traffic enforcer. At muling dumilat ang headlight ng taxi ni Mang Ramon kasabay ng muling pag-awit ng koro sa radyo at pagbuga ng hangin ng aircon. Sa pag-apak niya sa gasolina, nagtakbuhan sa kanyang harapan ang isang pulutong ng tupa.






ATM

Kasing haba ng pila sa ATM ang pila sa listahan ng mga kailangang bilhin ni Ma’am Lesly. Nakapriority ang mga ihahanda sa noche buena at bisperas ng bagong taon. Magkakasunod sa pila ang pasta, hotdog, sauce, giniling para sa spaghetti. Habang nasa kabilang pila naman ang mga softdrinks, loaf bread at fruit cocktail. Absent na sa listahan ang keso de bola at hamon dahil sa sobrang mahal ng mga ito. Hawak ni Ma’am Lesly ang listahan at ang kanyang pulang ballpen habang nakatayo sa pila.  At habang nababawasan ang mga taong nakapila isa isa ring nalalagyan ng pulang ekis ang mga dapat bihin.

·      Bola para kay James  (sa January na lang siguro. Isasabay ko na lang sa birthday niya)
·    Manikang Hello Kitty kay Tina (baka may magbigay sa akin galing sa mga estudyante ko, ibibigay ko na lang sa kanya.)
·      Duster para kay Ate Lyn (prutas na lang siguro pagdalaw namin sa kanila)
·      Pabango para kay Kuya Jim (mukha namang hindi niya na kailangan nito)
·      Pang exchange gift bukas.

Siya na ang kasunod sa pila at pang exchange gift na lang ang natira sa kanyang pinaikling listahan. Binuka niya ang pitaka para kunin ang ATM card nang bigla siyang tuklawin ng panibagong listahan. Nilamon siya ng buo nito at ang kung magkanong laman ng kanyang ATM. Nakiusap siyang baka maaaring tirahan siya ng kahit na isanlibo para sa kanilang noche buena o kahit isang daan para sa pang exchange gift niya sa party ng mga bata bukas. Pero tuluyan nang gumapang palayo ang ahas para manuklaw ng iba pang baon sa utang.










Tala

Nakauwi na ang mga kasamahan ni Mang Ambo pero siya ay nagpapatuloy pa rin. Hindi niya iniinda ang dilim ng gabi para ipagpatuloy ang kanyang trabaho. Sige lang siya sa pagpapakinis ng mga piraso ng kawayan para gawing pundasyon ng ginagawang parol. Pagdudugtungin niya ang mga ito gamit ang maninipis na alambre para maging talang walang ningning sa gabing madilim.

Kukuha siya ng makulay na papel sa lagayan at dahan dahang pakikinangin ang kanyang nililikhang bituin sa pamamagitan nito. Mayroong pula, asul, dilaw at berde. Ipagpapatuloy niya ang pagbabakod ng kulay sa malalamig na pundasyon ng parol at saka niya ipapasok sa puwitan ang maliit na ilaw na may kable.

At matapos niyang magawa ang  ilang parol, nagliwanag na ang paligid pero madilim pa rin ang mundo ni Mang Ambo. Nanatili siyang bulag na saksi sa liwanag ng mga talang kanyang ginawa.










Christmas Tree

Nagpapatagalan ng tayo si Wilma at ang Christmas tree na kanyang itinitinda. Kung tutuusin, lamang na lamang talaga si Wilma sa patagalan ng pagtayo. Hunyo pa lang ay nakatayo na siya sa department store na kanyang pinagtatrabahuhan. Ilang beses na siyang nagtagumpay sa patagalan ng pagtayo. Natalo na niya ang mga manekin na nakasuot ng uniporme with matching back pack at baunan noong Hunyo. Nung Hulyo naman ay dinaig na niya ang mga manekin na nakakapote at may tangang payong. Nakabarong, baro at saya naman nung Agosto. Nung nagkaroon ng sale sa mall nung Setyembre, dinaig niya rin ang lahat ng mga items na itinayo sa tabi niya. Nung Oktubre ay dinaig niya ang mga nakakatakot na zombie na punong puno pa ng sapot at gagamba at nung nakaraang buwan nga ay itinayo sa tabi niya ang mga nagtatayugang Christmas tree—at hanggang ngayong magki-clearing na ang mall ay nagpapatuloy pa rin ang kanilang laban.

Kinalabit siya ng isa pang sales lady.

“Tawag ka ni Sir. Pinapakuha na yung libre mong noche buena items”

“Sige, salamat.”

“May itatayong Savemore dun sa may Junction, subukan mong magpasa ng resume.”

Ngumiti si Wilma at muling sumulyap sa Christmas tree. Tanggap niya ang pagkatalo ilang araw bago magpasko. At bukas magpapatuloy ang laban sa pagitan ng Christmas tree at ng bagong sales lady.










Chance Passenger

May sale daw ng mga ticket pauwi ng Bicol, yung dating 900, magiging 500 na lang. Isa sa mga natuwa si Mang Hulyo, paano ba naman, matagal na niyang gustong makauwi sa kaniyang probinsya. Matagal na niyang gustong makita ang kanyang mga iniwang anak at asawa. Eksakto, sa bisperas ng pasko, magkakasama-sama na sila. Hindi na siya nagdalawang-isip pa, bibilhin niya ang ticket at susurpresahin niya ang kanyang mag-iina|. Yung natira sa pinaghirapan niya sa ilang buwang pagtatrabaho ay isanlibo na lamang at ito ang binawasan niya ng kaunti para ipamili ng kaunting pasalubong para sa kanyang asawa at mga anak. Binilhan niya ng kumot na pula at ilang mumurahing bestida ang asawang si Susie at isang lata naman ng biskwit para sa kanyang tatlong anak.

Ginabi siya sa pamimili. Kaya naman hapunan na nang siya ay dumating sa terminal. Dala na niya ang lahat ng damit at kasangkapang pang-constructiong nakakahon sa kanyang kaliwa. Sa kanang kamay naman ang nakalukot ang 500 pisong pamasahe papauwi. May paskil siyang nakita sa may ulunan ng teller—malabo ito. Hanggang sa palapit siya nang palapit sa unahan ng pila, at ang dating malabong karatula ay dahan-dahang lumilinaw. At nang siya na ang susunod sa pila, naging malinaw na malinaw ang kaninang malabong malabong paskil na karatula: THE PROMO IS UNTIL NOVEMBER 30 ONLY. Muling pinalabo ng luha ang kanyang paningin. Nalukot lalo ang noo ni Ninoy sa 500 sa kanyang palad, dahan-dahan siyang napatingin sa lata ng biskwit—at kumalam ang kanyang sikmura.







Balikbayan

Suot ni Janna ang paboritong dilaw na bestida. Ito ang palaging pinapasuot sa kanya ng kanyang mama Luz kapag kaharap nila sa computer ang asawa nitong nasa monitor ng computer. Lahat na ng pwedeng gawin ng bata sa harapan ng monitor ay nagawa na niya para ipakita ang pagka-miss sa kanyang papa Al ay nagawa na niya. Kumanta na siya ng Pusong Bato. Sumayaw na ng Tatak Mo. Nag ay-lab-yu at nagflying kiss. Sa edad na apat, talagang ang alam ng murang isipan niya ay nasa loob lang kahon ang kanyang papa Al, kaya naman palagi siyang nagtatanong sa kanyang mama Luz kung kailan makakalabas sa loob ng kahon ang kanyang papa Al. Sabi ni mama Luz, bago magpasko.

Araw-araw na nanunood si Janna ng mga balita tungkol sa pagdalaw ng pope sa Pilipinas, pag-ahon ng mga biktima ng bagyong Ruby at ang mga naka-quarantine na peace keeper galing ng Liberia, para abangan ang countdown sa pasko. Inaabangan niya kung ilang tulog na lang bago magpasko at saka niya tinatatakan ng Hello Kitty stamp ang mga numero sa kalendaryo. Tapos ipinapakita niya kay papa Al sa monitor.

Natatakan na ni Janna ang huling numero at pinatay na rin ni mama Luz ang computer. Alas nuwebe ang dating ng eroplanong sinasakyan ni papa Al. Kaya alas otso pa lang ay nakatayo na silang mag-ina sa may waiting area sa airport.

Isang malaking monitor ang lahat ng mahahagip ng mata ni Janna. At mamaya lang ay lalabas dito ang kanyang papa Al. Sabik na sabik na si Janna. Hawak niya pa ang stamp ng Hello Kitty. Gagawin niya itong mikropono mamaya sa pagkanta niya ng Pusong Bato at Taktak. Kumagat na sa alas nuwebe ang relo. Mula sa tuldok sa dulo, dahan-dahang lumaki ang imahen ng kanyang papa Al at ang mga dala nitong maleta. Parehong pareho ang itsura ni papa Al sa monitor ng computer at sa malawak na paliparang ito. Dahan dahang nakaramdam ng kaba si Janna.
Sumenyas si papa Al kay Mama Luz. Tatawag daw siya. At nagring ang kanyang telepono. Samantalang kinikilala pa rin ni Janna ang mukha ni papa Al.

“Ika-quarantine kami ng 21 days ma. Hindi pa ako makakauwi. Ito yung protocol sa mga galing sa Liberia. Skype na lang tayo.” Nagflying kiss pa si papa Al kay Janna na nahihiya at nagtago sa likod ni mama Luz.

Napatango na lang si mama Luz at nalaglag ang kapirasong luha sa kanyang mga mata. Nagtataka si Janna na yung malaking papa Al niya ay muling lumiliit at naging tuldok. Niyakap siya ng kanyang mama Luz at hinanap niya ang saya ng pasko sa mukha ni Hello Kitty. 


Medyas

Nanginginig ang mga kamay ni Aling Celia nang mabaasa niya ang liham ng anak mula sa medyas na nakasabit sa bintana. Taon-taon kasing ganito ang gawi nila sa bahay. Magsasabit sila ng mga pamaskong medyas at lalagyan ito ng liham ng kanilang anak na si Karl. Taon taon namang pinagsusumikapang matupad ng asawa niyang si Ben ang lahat ng kahilingan ng anak. Kahit kakarampot lang ang sahod nito sa pabrika ng medyas na pinagtatrabahuhan, nagawa niya pa ring maibili ng bisikleta ang anak noong nakaraang pasko. Kahit na ilang ulit na siyang napagbantaang tatanggalin sa trabaho dahil sa paglaban ng kanilang unyon ay nakabili pa rin siya ng tshirt na may batman na tatak. Kahit pa pinagbabantaan na ang buhay nito dahil sa napakulong na administrador dahil sa ilang iskandalong kinasangkutan ay nakabili pa rin siya ng baril-barilan para sa kanyang anak.

Ngayong pasko, hindi alam ni Aling Celia kung paano gagampanan ang gawain ng kanyang asawa. Pumatak ang kanyang luha sa papel na sinulatan ng liham ni Karl.

           
            Dear Santa,
                        Sana po ay mahanap na namin si Papa.
                                                                        -Karl











Homilya

Sa ikawalong simbang gabi.

Nagtanong ang pari:                    Sino ang gustong makapunta sa langit?
Sumagot ang bayan:                     Kami po! (halos lahat ay nagsipagtaasan ng kamay)
Nagtanong ulit ang pari:            Sino naman ang gustong mamatay?
Sumagot ulit ang bayan:             (natahimik ang buong simbahan at binawi na sa ere ang mga nakataas na kamay.)
Nagsalita ang pari:                       Akala ko ba ay gusto niyong makapunta sa langit? Walang ibang daan papunta sa                                                                   langit kung hindi ang kamatayan. Para magkaroon  ng walang hanggang buhay ay                                                                 kinakailangan mo munang mamatay.

Muling nagtanong ang pari:     Ngayon, sino ang gustong mamatay?

Muling sumagot ang bayan:     Kami po! (may kasama nang tawanan ang pagtataas ng kamay)

Nang biglang umuga ang lupa at bumagsak ang chandelier sa gitna ng simbahan. Bumaliktad din ang krus na pinagpakuan kay Kristo. Natumba ang mga imahen ng Birheng Maria. Nagputukan ang mga Christmas lights. Nagsisigawang nagtakbuhan ang mga tao palabas ng simbahan. Pinauna ang mga matatanda at ang mga bata. Walang natira sa loob kundi ang mga estatwa at mga upuan.
At sa labas ng simbahan ay nagsimula sa pagdarasal ang pari na sinagot naman ng mga taong may masidhing pagnanais na makaakyat sa langit.







Bisperas

Simple lang ang handa ng pamilya ni Mang Jose ngayong gabing inaalala ang pagsilang sa sabsaban ng tagapagligtas. Naroon ang mga manok na hindi mo na makilala kung anong parte. Naroon din ang samu’t saring prutas gaya ng ubas, ponkan, mansanas at mangga. Pero wala sa kanila ang malaya sa lamog. May kanin sila pero hindi pa nai-inin sa kanilang ulingan. Ganito kapayak ang kanilang noche buenang pagsasaluhan.

Nagsalita ang kanyang anak.

“Tay ito lang ba ang handa natin?”

“Oo nak! Aba sa labas ng Jollibee ko nakuha yang mga manok na ‘yan a. Chicken Joy ‘yan. Yung iba nga e hindi pa nababawasan ng husto.”

“E, araw araw, ganyan na ang kinakain natin. Wala na bang iba? Yung may sabaw man lang. Nakakasawa na e.”

Natahimik na lang si Mang Jose at inilagay na niya ang kanin sa hapag.



Sa hudyat ng kulog ay bigla na lang bumuhos ang malakas na malakas na ulan. Napatingala na lang silang mag-ama sa kalangitan at sa mga manok na tinutusok ng mga patak ng ulan.
Noong bata ba ako, palaging nagagalit ang tatay ko kapag kaliwang kamay ang ginagamit ko sa paghawak sa lapis. Ganun din kapag nasa kaliwa ang kutsara kapag kumakain. Galit na galit din siya sa akin kung kaliwang kamay ang ginagamit ko sa pag-aabot sa kanya ng tsinelas tuwing uuwi siya, kung kaliwang kamay ang ipinapanghawak ko sa Chicken Joy at lollipop. Kapag naglalakad din sa kalsada bawal akong pumunta sa kaliwa, delikado daw yun. Lahat na lang ng kaliwa para sa akin noong bata pa ako ay masama at peligroso. Dumating na sa punto na kapag kaliwang kamay ang ginagamit ko e, palagi akong kinukurot at pinapalo sa kaliwa kong kamay. Nasa kaliwang kamay ang lapis—palo. Nasa kaliwang kamay ang Chicken Joy, lolli pop at iba pang pagkain—masakit na masakit na palo. Naaalala ko pa ang sabi ng tatay ko noon, “kapag nalilito ka kung alin ang kanan at kaliwa, palagi mong iisipin kung alin ang palaging sumasakit.” Kaya simula noon, kapag naglalakad lakad ako at nagtatanong ng direksyon, kapag sinabing kumaliwa sa ganung kanto at ganyang kalsada, palaging sumasakit ang kaliwa kong kamay.

Pero ano nga kaya ang politika ng kanan at kaliwa. Sa ingles, right and left. Yung right ay nangangahulugan ding tama. Right guy, nararapat na lalake. Right food, nararapat na pagkain. Samantalang sa kabilang banda, ang kaliwa naman ay left. Ang iba pang ibig sabihin, left, naiwan, nang-iwan, iniwanan. Para bang noon pa mang iniimbento pa lamang ang mga salitang ito ay bugbog sarado na ng kanan ang kaliwa sa lahat ng aspekto. Dati doon sa poster ko ng dasal na “Angel of God,” may isang batang nagdadasal at tumatawag sa Panginoon. Nasa kanan niya ang isang maputing anghel samantalang nasa kaliwa naman ang isang mapulang demonyo.

Nasa panahon at lipunan tayong ang kanan ang tama at nasa kaliwa naman ang mali. Dahil ba ito sa dami ng taong kanang kamay ang ginagamit sa pagsusulat, pagkain ng lolli pop at Chicken Joy? Kapag ba marami na, sila na agad ang tama? At yung mga nasa kaliwa naman ang mali.

Ilarawan natin ang mundo ng mga maka-kanan at alamin natin kung tama nga ba ang right?

Tayo ay pinamumunuan ng pangulo na as usual ay galing sa elististang isang bahagdan ng mamamayan sa Pilipinas. Siya ay may malawak na lupain, negosyo at mula sa isang clan ng mga politiko. Miyembro din siya ng partidong naghahari sa senado at kongreso na kung susuriin ay galing din sa iisang bahagdan ng ating lipunan. Kaya naman lahat ng batas na ginagawa nila ay mula sa kanila at para sa kanila. Sa pagdating ng araw na eleksyon, bababa ang pangulo at papalitan ng mula rin sa elitistang hanay. Kaya hindi totoong mayroong pagbabago sa eleksyon. Para lang tayong nagpalit ng kulay ng sombrero pero hindi ng utak at lalong hindi ng ulo.

Wala tayong kulturang sariling atin. Maliban sa ginawang impluwensya ng mga Kastila sa loob ng 333 na taon ay pinapanatili ng Estados Unidos ang kanilang kumpas sa ating mga pagpapasyang pangkultura. Binabad nila tayo sa mga paulit-ulit at nakakaurat na mga palabas sa telebisyon. Panay mga awiting nagtuturong tumakas sa realidad din ang laman ng mga radyo. Ginagawang mababaw at malabnaw ang mga asignaturang nagtuturo sa mga Pilipinong magpaka-Pilipino. Nariyan ang bantang pagtanggal sa Filipino bilang asignatura sa kolehiyo. Siya nga pala hindi na rin kasama ang Kasaysayan ng Pilipinas sa hayskul. Kaya naman nakakatakot na ang ipoprodyus na kabataan ng susunod na henerasyon. Mga kabataang lunod na lunod sa kababawan ng mga akda sa Wattpad at hindi kilala si Sultan Kudarat, Gabriella Silang at Andres Bonifacio. Anong patunay? E kung noon ngang itinuturo sa hayskul ang Kasaysayan ng Pilipinas ay hindi na kilala ng mga kabataan ang mga kontra-Amerikanong sina Teodoro Asedillo at Macario Sacay, ngayon pa kaya.

Sa ekonomiya. Malaking bahagdan ng kita ng buong bansa ay napupunta sa isang bahagdan ng mga mayayamang uri. Samantalang tayong mga nasa panggitnang uri ay nananatiling sapat lang para mabuhay sa isang kinsenas. Makabili ng medyo hi-tech na cellphone at iba pang gadget. Oras na tamaan ng malubhang karamdaman ang isa sa mga kapamilya tiyak na magbebenta ng gamit, bahay at lupain. Pero ang higit na nakakapanggalaiti ay ang mga magsasaka, manggagawang bukid at mangingisda na siyang dahilan kung bakit tayo may kinakain sa araw-araw ay siya namang walang maihapag na matinong pagkain sa araw-araw. Yung mga manggagawang dahilan kung bakit may matatayog na gusali sa kalunsuran ay walang matinong silong na mauuwian. Yung mga OFW na pinagtutulakan ng ating gobyerno palabas ng ating bansa ay nagiging mabuting tagapag-alaga ng mga bata at matatanda pero yung sarili mismo nilang kapamilya ay walang nagbibigay kalinga.

Yan ang estado ng ating lipunan sa kamay ng mga kanan. Education is RIGHT, pero iniiwan ng ating gobyerno sa mga butas butas na bulsa ng mga mahihirap nitong mamamayan ang lahat ng gastusin sa pagpapaaral. Laganap pa rin sa mga State Colleges and Universities ang pagtapyas sa subsidiya mula sa ating gobyerno. Nakasandal ang ating administrasyon sa PPP o Public Private Partnership. Ibig sabihin, pianuubaya na tayo ng ating gobyerno sa sektor ng mga elitistang korporador na walang ibang ginawa kundi gawing komoditi ang mga basic rights natin, kasama na riyan ang health care, housing at iba pang batayang pangangailan natin.

Siguro ito na yung tamang panahon para subukan nating gamit ang mga kaliwa nating kamay para patakbuhin ang lipunang ito. Panahon na para ang mga nasa kaliwa naman ang masunod. Isang lipunang higit na dinadakila ang mga pangunahing pwersa—ang mga magsasaka. Lahat ng yaman ng bansa ay ipamamahagi sa lahat ayon sa kanilang pangangailangan. Mabilis ang paggulong ng hustisya at kayang papanagutin ang kung sinong nagkasala na walang kinikilalang antas sa lipunan. Libre ang edukasyon, ang mga pangangailangang medikal, pabahay at iba pang batayang pangangailangan.


Kung sisimulan nating ipagkatiwala sa kanila ang lahat ng ito sa maagang yugto, masyado nang matagal ang 2030 para mapasaatin ang magandang kinabukasan. Ano ba ang kayang gawin ng labinlimang taon? katumbas ito ng dalawang pangulo, isang nagbibinata at nagdadalagang indibidwal. Sabi nga ng isang kasama,  wala pa tayong nababalitaan na aktibistang nasangkot sa isang karumaldumal na krimen o anomalya, pero ang mga pulis at politiko-- palagi. 

Bilang blogger at aktibo sa social media, hinog na ang panahong sinasabi ni Rizal na dadating ang araw na maaabot ng kamay ng kabataan ang mundo. At sana sa pag-abot natin sa mundong ito, kaliwang kamay ang gamitin natin.



Lahok sa Saranggola Blog Awards 2014