“Sa bawat nagsasarang pinto,
Ay may nagbubukas na bintana
At sa bawat masisikip na pinto
ay may winawasak na alintana.”
Umiinat pa si Aling Ester nang biglang
may kumatok sa kanilang pintuan. Hindi na bago ang pag-inat niya sa ganitong
parte ng umaga. Paano ba naman, gabi-gabing sumasakit ang kanyang likod dahil
sa matigas at malamig nilang hinihigaan. Kusa na lamang silang nakakatulog sa
kabila ng kirot sa likod hanggang sa balakang. Ang bago ngayon ay ang maagang
pagkatok sa kanilang pintuan. Malamang ito ang kanyang asawang si Mang Renato.
Pero inaasahan niyang tanghali pa ito makakauwi. Hinakbangan niya ang kanilang
mga anak at binuksan ang pinto at hindi nga siya nagkamali.
“May surpresa ako sa’yo Ester.” Halata
ang pagod sa mukha ng kanyang asawa. Mababakas ditong kulang pa ito sa tulog at
naghahanap pa ng malalapatan ng likod para makapagpahinga. Nakita niya sa likod
ng kanyang mister ang isang malapad na katre. Alam niyang ito ang surpresang
tinutukoy ng kanyang asawa pero hinayaan niya pa rin itong ituloy ang kanyang surpresa.
“Ano yung surpresa mo?” pinagbuksan
niya na ng pinto ang asawa. Pero imbes na pumasok, siya pa ang inakay palabas
ng kanyang asawa.
“Eto yung surpresa ko!” sabay turo sa
malapad na katre, “may kama na tayo Ester!”pigil ang ngiti ni Aling Ester sa
surpresa ng kanyang asawa. Alanganing natutuwa pero mas akmang umuunawa.
“Paano natin yan ipapasok sa loob?”
napakamot na lang ng ulo si Mang Renato.
***
Tumilaok na ang manok. Panawagan na
umaga na. Nagdaan na ang nagtitinda ng pandesal at taho. Malinaw na umaga na
nga. Pero malabo ang umaga sa ulirat ng magkakapatid na Minggoy, Mona at Michelle.
Palibhasa bakasyon kaya sulit na sulit ang tulog. Bumangon na si Mona at Michelle.
Samantalang si Minggoy naman ay bumalik pa sa pagtulog. Wala nang bago dito
mapabakasyon man o may pasok.
Uminat-inat silang dalawa at nagmano
sa amang nagkakape.
“Mag-almusal na kayo at may gagawin
tayo pagkatapos.”
Maliit lang ang bahay ng pamilya ni
Mang Renato. Mahirap magtago ng sikreto. Isang kwadrado lang ito at kusang
nagta-transform depende sa pangangailangan ng pamilya. Hapag kainan ito sa
tanghali, salas naman ito sa hapon at sa gabi’y muling magiging hapag kainan at
sa alanganing oras ay magsisibing katre para sa kanilang mag-anak. Inilalatag
lang nila ang mga pinagtagpi-tagping karton at saka nilalatagan ng magaspang na
kobre kama at ito na ang kanilang higaan. Kaya ang pagdating ng katre ni Mang
Renato ay talagang malaking malaking surpresa para kay Aling Ester. Literal at
hindi.
“San mo ba nakuha itong katreng ito.”
Sinisipat ni Aling Ester ang katre. Samantalang ang magkapatid naman ay
patalon-talong lumapit sa katre. “Ate sa dulo ako a. Sa kanan.” hinigaan na ito
ni Michelle. Sumunod naman sa kanya si Mona. Hindi nila alintana kung mainitan
man sila ng araw. Ang mahalaga ay reserved na ang posisyon nila sa bago nilang
higaan.
“Pinauwi sa akin ni Boss, nagasgas ko
daw e. Kesa naman sa masisante, pumayag na lang akong ikaltas sa sweldo ko.”
Tumayo na si Mang Renato para gisingin si Minggoy. Samantalang napaupo na lang
si Aling Ester sa katre dahil sa panghihina. “Paanong gasgas ba?” tanong niya.
“Nalaglag ko kasi nung inilalako namin kahapon ni pareng Abner sa may San Mateo.”
Lalong nanghina si Aling Ester, “ang dami dami na nating utang, makakaltasan ka
pa.” Lumapit si Mang Renato para aluhin ang asawa. “Hayaan mo na, ayaw mo nun
may bago tayong matutulugan. Hindi na sasakit ang likod mo kakahiga diyan sa
malamig na sahig” Kahit paano ay lumiwanag ang mukha ni Aling Ester.
“Paano natin ‘to ipapasok sa loob?”
Muling tanong ni Aling Ester, muling napakamot sa ulo ni Mang Renato.
***
Kahit paano, biyaya yatang maituturing
ang pagdating ng katre sa pamilya ni Mang Renato. Ang pambihirang araw ng
bakasyon ay naging araw ng general cleaning para sa magkakapatid. Walang lusot
kahit ang diyos ng katamarang si Minggoy. Kinailangan niyang bumangon ng maaga
at gumalaw. Malinaw ang mandato ng padre de pamilya: Ilabas ang lahat ng
kasangkapan at itapon ang hindi na kailangan. Mahirap lang sila kaya naman ang
basura sa kanila ay basura na talaga at wala nang kapakinabangan pa sa iba. Niligpit
ni Minggoy ang mga dyaryong ginamit nila sa project noon, maging ang mga lumang
magasin na nakakalat lang sa may istante. Nang ilabas ang istante tumambad ang
maraming alikabok sa ilalim nito. Naroon ang mga takip ng ballpen, limang piso,
balat ng candy at iba pang kalat na hindi umabot sa basurahan.
Nagsilabasan ang kanilang mga
kapitbahay. Nagtataka sa pambihirang gawi ng pamilya ni Mang Renato. Nariyang
may nagwawalis sa bakuran at panakaw na umaabot ng tingin sa kanila, nagdidilig
ng mga halaman at pasimpleng lumilingon sa kanila. Maging ang mga naglalako ng
isda at gulay ay naglilimos sa kanila ng tingin. Para bang ang laking kasalanan
ang paglilinis sa maduming relocation area na kinasasadlakan nila. Para bang
ang laking krimen ng pagkakaroon ng isang malaking katre. Ang pamilya ni Mang
Renato ay walang habas na binilanggo sa pagtingin ng kanilang mga kapitbahay.
Nailabas na nila ang TV, istante,
orocan, lamesang plastic, mga kagamitang pangkarpentero ni Mang Renato, mga
sinulid at karayom ni Aling Ester at ang mga karton ng damit at iba pang
kasangkapan. Kanya-kanya rin ang magkakapatid sa pagliligpit ng kanilang mga
kahong tinutulugan. Ganun din sa unan at kumot. Malinis na ang loob ng bahay.
Handa na ito para sa pinakabago at pinakamalaking kasangkapang ipapasok sa
kanya.
***
Isa
Dalawa
Tatlo
Sabay-sabay nilang binuhat ang katre
papasok sa loob ng kanilang bahay. Makikita ang pagkasabik sa mukha ng mga
bata. “Hoy Kuya Minggoy ako ang hihiga sa dulo a. Sa kanan.” muling pangungulit
ni Michelle. Hikab lang ang itinugon ni Minggoy. Mabigat ang katre. Palibhasa
gawa sa matibay na kahoy. Pareho lang naman ang disenyo nito gaya ng ibang
kama. May apat na paa. Sa mismong katawan nito ay may mga pahalang na kahoy at
may mga awang sa pagitan. May malapad na headboard na may patungan. Pwedeng
lagyan ng lampshade, telepono, aquarium at iba pa. Pero sa lagay ng pamumuhay
nila, malamang alikabok lang ang magtatayo ng puwesto doon.
“Hindi naman kasya sa pintuan tay e”
Yamot si Minggoy. Epektibo sa kanya ang linyang magbiro ka na sa lasing ‘wag
lang sa bagong gising. May ibang version nga lang siya: Mag-utos ka na sa
lasing, ‘wag lang sa bagong gising. Kung sa bagay sa lahat naman ng pagkakataon
basta may iuutos sa kanya, nasisira ang araw niya. “Subukan nating patayo“ sabi
ni Aling Ester.
Isa
Dalawa
Tatlo
Pero malapad din ang headboard nito.
Hindi rin kakasya. Inilapag nila ang katre at agad na sumampa si Minggoy at si Michelle.
Siyempre sa kanan si Michelle. Naupo naman ang tatlo at nag-isip ng paraan para
maipasok sa loob ang katre. “May naisip ako nay!” napangiti si Mona,
napabusangot naman si Minggoy.
***
Isa-isa nilang tinanggal ang jalousie
sa kanilang bintana. Sinamantala na iyon ni Aling Ester para mapunasan ang mga
ito ng basahang inilublob sa sabong panlaba. Pinakuha niya ito kay Minggoy at
saka pinagtulungang punasan. Bonus pa ang pagpapaigib ng dalawang timba ng
tubig sa poso sa may kanto. Si Mang Renato at Mona naman ang gumagawa ng
kalkulasyon para maipasok ang katre sa loob ng bahay. “Dapat tay may isang
maghihintay dun sa loob ng bahay. Para pag naisampa na natin madali na
maipasok.” Tumango lang si Mang Renato sa mungkahi ng anak. Sa hudyat ng ama,
bumalik silang lahat sa trabaho. “Kayong apat dito, ako ang maghihintay dun sa
loob.” Ang mandato ng kanilang ama.
Isa
Dalawa
Tatlo
Pero hindi pa rin nagkasya ang katre
sa bintana. Masyadong mahahaba ang mga paa nito at hindi kakasya sa makipot na
lagusan ng kanilang bintana. Muli nilang binalik ang katre sa dati nitong
pwesto. Lumagabog ito sa pagkakabagsak nila kasabay ng pagkalam ng kanilang sikmura.
Pansamantalang umalis si Aling Ester para manguha ng dahon ng malunggay sa
kabilang kanto.
Napapagod na si Minggoy sa
pagbubuhat-pagbababa-pagbubuhat-pagbababa ng pambihirang katre. Nauubos na ang
pasensya niya. May mga dagdag pang utos si Aling Ester kesyo buhatin yung
ganito diyan, yung ganito doon. Gasgas na gasgas ang katamaran niya sa umagang
ito. Kaya sa lahat ng ito padabog niyang ibinagsak ang mga buhat niyang sako ng
kasangkapan ng tatay niya sa pagkakarpintero. Nagkalat ang mga martilyo, metro,
pako, pala, asarol at lagare. “Ayoko na!” sigaw pa niya.
Sumigaw si Mang Renato. Akmang
papagalitan na ang anak niyang panganay. Pero mas nanaig ang sigaw ni Mona.
“May naisip na ako!” Nagwalk out si Mang Renato at nagbisikleta papunta sa
bilihan ng bigas.
***
Isa
Dalawa
Tatlo
Sa hudyat ni Mona, hinampas ni Minggoy
ng piko ang gilid ng pinto. Nagpaulitulit ang bilang ng isa hanggang tatlo at
nagpaulit-ulit din ang pagyanig sa kabahayan ng pamilya ni Mang Renato. Isa.
Pukpok. Dalawa. Palo. Tatlo, hamabalos. Nanginginig sa kanyang kinatatayuan ang
Sto. Nino. Natitibag ang mga semento at gumuguhit ng lamat papunta sa mas
malawak na panig ng pader. Palakas na rin ng palakas ang paggiba ni Minggoy.
Natutuwa na siya sa ginagawa niya. Tuwang tuwa rin si Michelle habang nakadapa
sa katre, sa may kanan at pinapanood ang kanyang kuya.
“Siguradong matutuwa si inay at itay
pag naipasok natin ang katre sa loob. Dalian mo pa Kuya Minggoy!” Si Mona ang
siyang porman sa planong ito. At si Minggoy ang trabahador. Palawak na ng
palawak ang lamat. Rumuruta na ito papunta sa bintana at kisame. Bawat palo ay
may katumbas na bagong ruta. Maingay na ang pukpukan sa bahay ni Mang Renato.
Sa sumunod na bilang ng tatlo, natibag ang isang malaking tipak ng ding-ding at
dumating si Aling Ester--nabitawan ang hininging sampung bugkos ng dahon ng malunggay.
***
Umiihip ang hangin at tinatangay ang
mga sementong dinurog ni Minggoy sa alikabok kasama ang mga piraso ng dahon ng
malunggay. Walang kibuan ang mag-anak. Binabaybay ng tingin ni Mang Renato ang
nabuong lamat. Tinutunton ang simula nito at patuloy na hinahanap ang wakas.
Lahat ng kurbada ay dagdag sa init ng kanyang ulo at sikip sa kanyang tiyan.
Nakayuko naman ang magkakapatid. Laman pa rin sila ng hindi mapasok pasok na
katre. Lumabas na mula sa bahay si Aling Ester buhat ang kaldero ng kanin at
mangkok na may sardinas. Sa loob ng ilang buwan, ngayon na lang yata ulit sila
nagkasama-samang mag-anak sa pagkain. Palagi kasing wala sa tanghali si Mang Renato.
Abala ito sa paglalako ng katre sa iba’t ibang panig ng Maynila at kalapit na
lalawigan. Gabi na rin ito kung makauwi at sa madalas na pagkakataon ay
inaabutan niyang tulog na ang kanyang mga anak. Wala pa ring gustong magbutaw
ng salita. Tanging kalansing lamang ng mga kutsara at tinidor ang maririnig.
Paminsan-minsan sumisingit ang tunog ng paghigop ng sabaw ni Michelle.
Sa dalawang lata ng sardinas na pula, pitong
katawan ng isda ang kinulong. At sa limang sikmura ang destinasyon nila.
Marahil ang mangkok ang kanilang purgatoryo. Dito sila sinisentensyahan. At
ngayon isang katawan na lang ang nakataya. Nagtama ang tingin ni Minggoy at
Michelle. Nagsalubong ang tig isang pares ng kilay. Ang kanilang kutsara’y
nagdikit at nag-anyong espada. “Nakadalawa ka na e” Sigaw ni Minggoy sa kanyang
bunsong kapatid. “E kulang pa yung kinain ko e.” Sagot ni Michelle. Nagliyab
ang mangkok sa nabuo nilang alitan sa isang pisrasong katawan ng sardinas.
Nariyang madurog ito, kamuntikang mahulog at sa huli, tumalsik ang sabaw sa
mukha ni Mang Renato.
“Hatiin niyo sa dalawa!” Pasigaw na
utos ni Mang Renato. At muling umilaw ang bumbilya sa ulunan ni Mona. “Alam ko
na!” at ang lahat ay tumingin ng masama sa kanya.
***
Sumuko na sila. Hindi na nabigyan pa
ng pagkakaton ang naisip ni Mona. Muli, sa mandato ng padre de pamilya, dahan
dahan na nilang ibinalik ang mga inilabas na kasangkapan. Nabago nga lang ang
kaayusan. Medyo maluwang na ang pinto kaya madali nang maipasok ang mga dati’y
medyo mahirap maipasok. Kanya kanya sila sa pagsasauli at pagtatabi ng kanilang
mga gamit. Ito ang pinakanakakapagod na araw ng tag-araw para kay Minggoy. At
sa dami ng naisip na resolusyon ni Mona, mukhang handa na nga siyang maghayskul
sa darating na pasukan. Naudlot man ang pangarap na katre ni Michelle, trono
niya pa rin ang pinakadulong bahagi ng kanilang higaan, sa kanan.
Nang maipasok na ang lahat lahat
mliban sa katre. Ihiniga sila ng pagod sa ilalim ng kaulapan. Bahala na sa
posisyon. Bahala na kung kaninong paa ang nakatapat sa kung kaninong mukha. Kung
kaninong kilikili ang nakatapat sa kaninong ilong at kaninong puwet ang
nakatutok sa kung kaninong bibig. Basta ang mahalaga si Michelle ang nasa
pinakang kanto ng katre, sa kanan. Inaalala ni Mang Renato ang mga bitak.
Inalala ni Aling Ester ang kaltas sa sahod. Pansamantala, lumiban sila sa mundo
ng pag-aagam agam.
Biglang bumuhos ang malakas na ulan.
Napangiti si Michelle. At ang pamilya ni Mang Renato ay isinuko ang kanilang
mga pagod na katawan sa matutulis na patak ng ulan. Hinayaan nilang linisin ang
pagod ng nagdaang araw at sinamantala ang bihirang pagkakataong nagkasama-sama
sila sa ilalim ng ulan, sa ibabaw ng katreng minsan nilang pinangarap ilagay sa
loob ng bahay.
***
Umiinat pa si Aling Ester nang biglang
may kumatok sa kanilang pintuan. Hindi na bago ang pag-inat niya sa ganitong
parte ng umaga. Paano ba naman, gabi-gabi pa ring sumasakit ang kanyang likod
dahil sa matigas at malamig nilang hinihigaan. Kusa na lamang silang
nakatutulog sa kabila ng kirot sa likod hanggang sa balakang. Sa awang pa lang
ng pinto nakita na niya ang kanyang asawa. Humakbang siya sa kanyang mga anak
at pinagbuksan ang kanyang asawa.
“May surpresa ako sa’yo Ester” halata
ang pagod sa mata ng kanyang asawa. At nakita niya ang isang malapad na cabinet
sa likod nito.
Lahok sa Saranggola Blog Awards 5
Pagsulat ng Maikling Kuwento