Nagsimulang umikot ang balerina mula sa kanyang inaalikabok na pedestal. Nasa paanan niya ang mga mumurahing kwintas, mumurahing hikaw at iba pang mumurahing alahas. Nagpatuloy siya sa pagsayaw sa kakambal na tugtog. Ipinatong sa harap niya ang dalawang pinagpatong na singsing, natigilan siya sa pagsayaw kasabay ng pagdilim ng kanyang uniberso.
***
Nailagay na ng mag-asawa ang kanilang wedding ring sa loob ng jewelry box. Humiga sila sa kama at nagsimulang damhin ang himaymay ng bagong labang kobre kama. Puspos din sa downy ang kanilang inuunanan. Naghihingalong bumbilya ang kanilang buwan at tala naman nila ang mga butas sa bubungan.
“Simula na ng trabaho natin bukas. May kakainin na tayo sa susunod na anim na buwan,” hinahawi ni Aric ang mga humaharang na buhok sa mukha ng kanyang asawang si Mae.
“Kaya mo na a. Bawal ang may boyfriend sa trabaho ko. Paano pa kaya kung malamang may asawa na ako,” tumagilid ito at humarap sa kanyang asawa.
“Oo. Kaya ko yan. Mula bukas hindi malalaman ng lahat ng tao sa mall na mag-asawa tayo. Pero pagkatapos sana ng kontrata natin, bigyan mo na ako ng anak.”
“Anak ng jueteng! Mahirap manganak at mahirap maghagilap ng pera para sa panganganak,” kumalas ito sa asawa at kumiling sa kabilang bahagi ng kama.
Kapag napag-uusapan na ang anak, palaging sa ganito nauuwi ang lahat. Heto’t hanggang ngayon nakahawak sa kanyang bibig si Aric. Bakit pa ba niya yun nasabi? Bakit pa ba niya yun naungkat? At lalamunin na naman siya ng maraming bakit ngayong gabi.

Kung may third party sa relasyon ni Aric at Mae, ito siguro ang malaki at malawak na arkitektura ng mall. Pinaglalayo sila ng mga hagdan at escalator. Pinangungulila sila ng lamig na buga ng aircon at ng maingay na bulungan ng mga parokyano ng mall. Nasa isang restaurant sa ground floor si Aric at abala sa paglilinis ng mga hapag na pinagkainan at/o pinagtambayan, sa paghahatid sa mga order at pagkain ng ilan sa mga hindi nagalaw na pagkain ng mga customer. Samantalang si Mae naman ay laman ng art gallery sa pinakataas na palapag ng mall at abala sa pagtatanod sa mga painting na nakangiti, nakasimangot at nakahubad. Kahit nasa loob ng isang gusali ang mag-asawa, walang pagkakataon para magkita sila. Sa ganitong masaklap na katotohanan, mukhang gustong tanggapin ni Aric na siya na ang kalaguyo ng kanyang asawa at ang mall na ang tunay na karelasyon ng kanyang asawa.

Alas-nuwebe pa lang nasa loob na ng mall si Aric. Dahil tiyak na dadagsa ang mga customer para mananghalian. Dapat nauna na siyang makapananghalian dahil kung hindi, tiyak na siyang naghahanda pa ng makakain ng maraming tao ang malilipasan ng gutom. At siyempre hindi rin uubra kung sa mismong loob ng mall siya kakain. Malaking gastos ‘pag nagkataon. Para lang siyang nagtrabaho para kumain sa mall. Nakukuntento na siya sa mga turo-turo at karinderya sa labas. Mabubuhay na siya sa isang order ng kanin, kalahating order ng gulay at libreng sabaw. Presto na yun hanggang sa uwian. Minsan naman ‘pag walang toyo si Mae, masarap-sarap ang kain niya sa almusal. At ang sunod niyang kain ay pag-uwi na sa kanilang bahay. Kaya hindi na nakapagtataka kung sa kalagitnaan ng pagsisilbi niya sa mga customer ay bigla siyang katukin ng kalam ng sikmura. Lalo’t talagang nakamamatay kung paano manakam ang aroma ng mga pagkaing inihahain niya. May mga pagkakataon ngang gusto niyang kumurot sa isinisilbi niyang crispy pata, pero palagi siyang pinaaalalahanan ng kaluluwa ng baboy na ang mga ihinihahanda niyang pagkain ay hindi para sa kanya.
Isang araw, nagising siya na kumakalam ang kanyang sikmura. Nakalimutan niyang hindi pala siya naghapunan dahil sa sagutan nilang mag-asawa at bonus pang toyo ni Mae sa umaga. Bakante na ang kabilang bahagi ng kama at inulila na rin ng uniporme ng kanyang asawa ang hanger sa likuran ng pinto. At bigla siyang sinigawan ng orasan sa pader. Alas-nuwebe y media na. Nadale na. Hindi siya puwedeng umabsent ngayon dahil nakaday-off ang karelyebo niya. Sumakto na sa limang buhos ang kanyang pagligo. Tatlong kuskos ang pagsesepilyo, sa daan na sinuklay ang buhok at winisik ang pabango. At sa pagpasok na niya sa mall sinelyo ang mga butones ng polo. Naririnig niya ang kanyang tiyan na nagmamakaawa. “Parang awa mo na! Punan mo na ako! Ano ba ang ginawa kong kasalanan sa’yo para tratuhin mo ako ng ganito.” Sa pasilyo ng mall naririnig niyang nakikipag-usap ang mga tao sa kani-kanilang tiyan.
“Baby! Anong gustong kainin ng bebe?”
“Honey! Wait lang a. Mamaya pakakainin na kita ng maraming marami!”
“Nagugutom ka na ba? Sige a. Pili na tayo ng makakainan.”
Tumutugon naman ang mga tiyan nito. Makikita ang saya ng mga parokyano ng mall at ng kanilang mga tiyan.  Lahat iniinggit siya at ang kanyang sikmura. Sa isang iglap ang mall ay naging isang malawak na barrio fiesta. Sa gitna nito naitirik ang malangis na palo sebo na inaakyat ng mga gusgusing bata. Naging maputik ang isang sulok at biglang nagtakbuhan ang marurungis at malulusog na baboy. Hinabol sila ng mga parokyanong sabik na sabik. Napuno ng banderitas ang bawat palapag ng mall. May pa-contest ng pataasan ng ihi, pabinggo at beto-beto. Nabuhay rin ang mga rebulto ni Jollibee at McDo at sumayaw kasama ang mga bata. Mula sa malayo ay tanaw na tanaw ni Aric ang parada ng mga litsong nakabihis sa iba’t ibang kasuotan. May nakapang-congressman, senador, sundalo, pulis at pangulo. Muli siyang tinapik ng kaniyang tiyan.
“Ano ba ang mali kong nagawa sa’yo para parusahan mo ako ng ganito?”
Kumirot ang kanyang tiyan. Nabuwal siya at humampas ang kanyang katawan sa sahig at kasabay na nabitiwan ang isang order ng bulalo na nakalagay sa palayok. Nabasag ito at tumilapon sa kanyang katawan. Napaliguan niya ang sarili ng sabaw ng bulalo. Napaungol ang kaluluwa ng baka at agad na bumangon para alalayan si Aric. Nawala ang maingay na parada, makukulay na banderitas at matayog na palo sebo sa gitna ng mall, pero masebo ang tingin sa kanya ng kanyang boss.
Nauwi sa areglo ang lahat. Tatlongdaan ang bulalo at isandaan daw ang palayok, all-in-all isang araw ng pagtatrabahong libre na may bonus pang kahihiyan sa publiko at bad shot sa kanyang boss. Sa loob ng dalawang buwan ito na ang kanyang pinakamasamang araw. Umuwi siyang katampuhan ang sikmura. Buti na nga lang at hindi pa ito nag-alsa balutan sa tindi ng parusang tinanggap.
Dinatnan niya sa bahay ang asawa—nakangiti ng abot batok at nakaupo sa may sala.
“Honey! Kumain ka na ba?”
“Oo tapos na.” Sasabat sana ang kanyang tiyan pero hindi na nito nagawa nang biglang pumasok sa kwarto si Aric. Humiga ito sa kama na hindi iniinda kung madumi ang uniporme. Gusto niyang ang anumang hindi niya napagkaloob sa sikmura niya sa araw na ito ay maibigay niya sa kaniyang katawan.
Napapapikit na siya ng biglang tumunog ang jewelry box. Binuksan niya ang kaniyang mga mata at katabi na niya ang kanyang asawa. Suot-suot na nito ang wedding ring nila. Yumapos sa kanya si Mae at iniangkla ang kanyang hita sa katawan nito sabay lapit ng nakakuyom na palad nito sa kanya.
“Hon. Isuot mo na! Ayaw mo kumain a.“
Nagpatuloy sa pagsayaw ang balerina sa saliw ng kinagisnan nitong musika. At sa kama ay may ibang sayaw sa ibang musika. Dumami ang gusot sa kobre kama nagkandalaglagan na rin ang mga unan sa may paanan. Wala ring pakialam si Mae sa dumi ng uniporme ng asawa. Kanya ang katawan ni Aric sa pagkakataong ito. Hindi niya maipaliwanag pero lasang bulalo ang katawan ng kanyang asawa. Mas ginanahan siya sa pagpapadulas ng dila sa dibdib nito. Nilimusan din ng tikim ang nagmumukmok na tiyan. Hanggang sa matunton ang sentro ng init ng katawang tinitikman. Hindi maintindihan ni Aric ang balintuna ng araw na ito, siya itong naghahanda ng makakain ng marami tapos siya ring hihimatayin sa gutom at hanggang ngayong laman na siya ng kanyang pamamahay siyang nagugutom ay siya pa ring kinakain. Pero tinalikdan niya ang gutom at hilo.  Baka masalisihan niya ng isang semilya ang kanyang asawa. Nagpapatuloy pa rin ang balerina sa kanyang sayaw ng bumalikwas si Aric at tikman ang labi ng kanyang asawa. Siniil niya ang leeg nito papunta sa dibdib. Kung nalulunok na ito, malamang ito na ang lunas sa kanyang kagutuman. Pero wala na siyang ganang kumain. Kaya naman inihanda na niya ang pagsasanib ng kanilang katawan. Halos magkandalito-lito ang balerina sa pagsayaw dahil sa pagtabon ng mga ungol at hiyaw ng mag-asawa sa musikang kanyang sinasayaw. Mas dumami ang gusot sa kama. Pero hindi pa man tapos ang ballroom ng mag-asawa, nawala na sa ritmo ang katawan at kaluluwa ni Mae. Kumalas ito at lumabas ng kwarto. Muli sa kobre kama na naman naidilig ni Aric ang mga semilyang bubuo sa batang pinapangarap niya. Hinubad niya ang singsing at inilagay sa jewelry box. Napagod ang balerina. Bumalik si Mae dala ang platong may kanin at mangkok na may adobo.
“O! Kain ka na!”
“Dito pala napunta ang toyo mo.” 

Malinaw ang bilin ng kanyang Boss. Isang late pa at isa pang kapalpakan, hindi siya mangingiming isahog sa kaldereta ang kanyang kontrata. Kaya naman ngayon ay mas maaga na siyang natutulog at mas maaga na rin siyang nagigising. ‘Pag may toyo ang misis niya, siya na ang nagluluto ng almusal. Ibig sabihin anim na araw sa isang linggo kung magluto siya ng almusal. Siniguro niyang busog siyang papasok, busog siyang nagtatrabaho at gutom siyang uuwi. Kahit papaano, umaasa pa rin siyang masaganang kainan ang kaniyang uuwian sa kusina at sa kama.
***

Muntikan na si Mae magkaroon ng trabahong wala na may suweldong meron. Paano ba naman kasi, wala siyang ibang ginagawa sa art gallery kundi ang tumayo at magbantay sa mga ibinibentang painting. Minsan ‘pag may mga nagtatanong tungkol sa presyo, nakakapagpaliwanag siya pero mas madalas wala. Napapanis na nga ang ngiti ng mga subject sa painting, naging busangot na ang mga simangot at pinupulmunya na yung mga nakahubad. Ang lahat pa naman ng painting ngayon ay nakatema sa Pregnancy Awareness Advocacy. Kaya sana, magbunga ang kanilang pag-ire sa kani-kanilang mga kanbas. Lahat ng kwadro ay nagpapakita ng iba’t ibang kuwento ng panganganak. Mula sa isang nagpapakita sa kung paano ipinanganak ni Maria si Hesus sa sabsaban habang kinukumadrona ng iba’t ibang hayop. Mayroon ding lalaking buntis na pinapa-ire ng mga babae. Mayroon ding imahen sa loob ng sinapupunan habang naghihintay na lumabas ang bata. May mga konsepto din ng aborsyon at marami pang iba. Ang buong gallery ay muntikan ng magmukhang Ospital ng Fabella.   
Iba ang mundo ng tao sa pinakataas na palapag ng mall. Para itong langit na walang anghel dahil sa mga pasilidad na hindi dinadagsa ng mga customer. Nandyan ang mga spa, photocopy stall, bingguhan at travel agency. Sa gallery ay may mas malawak pang mundo. Parang may kung ilang libong palapag pang matatagpuan dito. Ang bawat kwadro ay pintuan papunta sa iba’t ibang mundo.
Halos buwanan kung maghatid at magpalit ng mga painting sa gallery. Pero hindi araw-araw may bumibili at hindi rin araw-araw na may naglilimos ng sulyap sa mga ito. Pero araw-araw pumapasok si Mae at tuwing kinsenas at katapusan din ay sumasahod siya. Kahanay niya ang mga painting na nakasabit sa ding-ding.
Kung magiging isang painting siya, siguro kabilang siya sa mga pinakamalungkot na obra maestra sa mundo. Maraming bahagi ng buhay niya ang hindi naisara. Walang closure. Parang isang malaking manhole sa kahabaan ng EDSA na naiwang nakabukas. At siguro ang kanyang asawang si Aric ang hindi nakakatakas sa paulit-ulit na nahuhulog dito. Hanggang ngayong may asawa na siya, patuloy niya pa ring hinahanap ang mga nawawalang tuldok sa salaysay ng kanyang buhay: “Hindi ako maganda.” Ito ang palaging laman ng kanyang isip. Paggising sa umaga, sa rurok ng pakikipagtalik niya sa gabi at higit ngayong maghapong inuusig siya ng mga babae sa nanganganak na painting. Nung mga nakaraang buwan nga, naririnig niya ang pagbubulungan ng mga apostol sa Last Supper. Nawala raw ang gana nila sa pagkain dahil sa pagmumukha niya. Si Monalisa nama’y panay ang irap sa kanya. Isang beses sinigawan siya nito, “Impostora ka! Hindi ka maganda.” At binaswitan siya ng mga kalalakihan sa Spoliarium. “Hindi ka maganda, ang dapat na ginagawa sa’yo ay kinakaladkad kagaya nito.” Sabay turo sa alipin sa gitna. Ngayon naman, maaamo ang mga painting sa kanya. Araw-araw sila kung manganak at araw-araw din sila kung mabuntis. At si Mae ang sumasaksi sa lahat.
Sa umaga, pananggalang ni Mae ang makapal na antipara at uniporme na higit na nagpapatanda sa kanya. Tinitingnan siya ng mundo ng ganito. O siguro mas mainam na gusto niyang sa ganitong paraan siya tingnan ng mundo. Pero sa gabi, ‘pag umuuwi siya sa mundo nila ng kaniyang asawa, nag-iiba ang kanyang postura. Kaya niyang ibigay ang lahat kay Aric, maliban na lang sa pagbubuntis ng kanilang supling. Sa mga gabing may kakaibang alinsangan ang kanilang katawan, sumusuko siya sa kanyang asawa at ibinababa ang pananggalang. Ihahatid sila ng kanilang mga haplos at halik sa kanilang mundo. Pero dahil sa takot niyang mapunan ng sanggol ang kanyang tiyan, iniiwan niya sa pedestal ang asawa at baba itong lasog-lasog ang pagkalalaki. Kung may matres nga lang ang kanilang kobre kama marahil ito na ang nabuntis ng kanyang asawa. Matindi ang takot niyang iwan ng asawa dahil sa hindi niya ito kayang mapagkalooban ng anak pero mas matindi ang takot niya na iwan siya ng kanyang asawa oras na manumbalik ang kanyang katawan sa orihinal nitong anyo matapos ang panganganak.
“AGGGGGHHHHHH!!!”
Narinig na naman ni Mae, isang babae na naman sa painting ang manganganak. Magkakasunod ang ire nito at palakas ng palakas. Hanggang sa maabot ang pinakamatinis at pinakamalakas. Ang sumunod ay ilang minuto ng paghingal at katahimikan. At saka umatungal ang isang bagong silang na supling. Nagdiwang ang mga nakapaligid sa painting maging ang mga nasa iba pa. Napangiti na lang si Mae, kahit paano nainggit sa babaeng naging ganap na babae. Bigla na lang siyang nilapitan ng lalaking buntis. Maitim ito, balbas sarado, malaking tao at nakasando.
“Sinasabi ng iyong mga mata na may problema ka.”
Sa totoo lang, nung una pa lang agad na niyang napansin ang painting na ito. Unang pumasok sa isip niya ang kanyang asawa. Naisip niya, siguro kung ipinanganak lamang ang lipunang patas ang lalake at babae sa usapin ng panganganak, malamang matagal ng nagbuntis si Aric para sa kanya. Siya ang iire, ang manganganak at ang magpapasuso sa iluluwal na bata. Habang siya naman ay abala sa paghahanap ng perang ipapanggastos sa panganganak ng kaniyang asawa.
“Ano? Ba’t hindi mo sabihin? Handa akong makinig. Ako nga pala si Bimbo.”
Magsasalita na sana si Mae at handa na itong ilahad ang problema kay Bimbo nang biglang dumating ang kanyang boss. Nagpigil sa pag-ire ang lahat. Maging ang mga sanggol ay tinakpan ang mga bibig para maapula ang pag-iyak. Ang lahat ay bumalik sa kanilang orihinal na kaayusan. Kumindat na lang si Bimbo kay Mae at bumalik sa itsura nitong hirap na hirap sa panganganak.
“Mae, magkakaroon ng session sa susunod na buwan. Puwede ka ba maging model para maipinta ng mga estudyante kong painters? Tutal single ka naman, tiyak na walang magagalit na boyfriend oras na ipakita mo sa iba ang katawan mo. Isa pa for art sakes din naman. At eksakto, last day na yun ng kontrata mo, dun natin malalaman kung mai-extend ka,” nakatingin sa kanyang mga mata ang kanyang boss. Parang tinatalupan ang grado ng kanyang antipara.
“A- e. paanong model po ba?” Sa isip niya, nagdidiwang siya. Sa loob ng mahabang panahon, ngayon lang siya naaya para sa ganitong proyekto. Kung nandito lamang si Monalisa, ang mga apostol at ang mga lalake sa Spoliarium malamang mababanas yun sa kanya.
“Maganda ka kasi Mae. Yung hindi common na ganda. Yung tipo ng gandang hindi mapapanis sa mga kanbas ‘pag pininta.” Dahan-dahang bumaba ang tingin sa kanya at binagtas ang mga kurbada sa kanyang katawan.
“A pag-iisipan ko po.” Kung siya lang, malaking oo ang sagot niya. Pero siyempre may asawa siya.

Hanggang ngayon, napakahalaga pa rin ng mga alas-sais sa mga hapon ni Mae. Sa lahat ng dinaanan niyang pagsusumikap para sa matamasa ang katawang tinataglay niya ngayon. Ang alas-sais ay parang busal sa kanyang bibig na pipigil sa pagsubo at pagnguya at taling gumagapos sa kanyang kamay na magpaparalisa sa kanyang sistema. Sa mga oras na ito pinapatigil ang makinarya sa kanyang sikmura. Pinapatay niya ang TV. Tiyak kasing tatakamin na naman siya ng maraming patalastas. Nagkukulong siya sa kanyang kwarto at pinapatay ang mga ilaw. Kulang na lang magpanggap siyang patay sa mga oras na ito. Kaya naman ngayong napagwagian na niya ang kanyang katawan. Nabubuhay na siyang may busal at may gapos. Patay na rin ang kanyang sikmura sa mga ganitong oras. At sa almusal ang resureksyon. Ito ang isa sa mga hiwagang hindi maipaliwanag ng asawa niya. Nagtataka ito kung bakit alas-singko pa lamang handa na ang kanilang hapunan. Hindi niya maunawaan kung bakit hindi ito kumakain sa kanilang reception. At kung bakit ayaw na ayaw niya ng dinner date. Malaki ang takot ni Mae na muli niyang maging mortal na kaaway ang alas-sais ng hapon. Kaya ayaw niyang magbuntis dahil ayaw niyang maglihi, manganak at maiwanan ng mga tabang matagal na niyang itinapon sa basurahan ng kanyang madilim na kahapon.

“Wala na si Boss, Bimbo!”
Mabilis na plinantsa ni Bimbo ang lukot nitong mukha sa painting. At agad na lumapit kay Mae.
“Ano? Tatanggapin ko ba yung alok ni boss?”
“Tingin ko. Malaki kasi ang problema mo sa kagandahan e. Habang sinasabi niya sa’yo yun kanina, nakaramdam ako ng kakaibang kagalakan sa’yong mga mata.”
“Pero, natatakot ako. Hindi ako maganda.”
“Sabi nino?”
“Ng mundo?”
“Sino ba ang nagdidikta ng kagandahan sa mundo? Diba kayong mga tao. Nalilikha kami dahil sa konsepto ninyo. Kaya may lalaking buntis na kagaya ko dahil sa punyetang art na yan. Ang mata ang nakakakita ng tunay na kagandahan. At hindi lahat ng mata ay nakakakita. Maniwala ka, maganda ka.”
Alas-sais na at bumaswit na ang kumadrona, oras na ng panganganak ni Bimbo sa araw na ito. Naiwan siyang nag-iisip. Hanggang sa pagsasara niya ng gallery. Pagpara sa dyip at pagsipa-sipa sa bato habang naglalakad sa kalsadang hindi niya alam ang puno’t dulo. Nabuo ang desisyon sa pagitan ng pagpapalit ng kalendaryo ng Abril at Mayo. Binuksan niya ang pinto.
“Bakit ngayon ka lang. Gabi na a. Sa’n ka galing?” galit ang magkakasunod na tanong ni Aric.
“Gusto ko nang magkaanak,” ibinulong niya sa kanyang asawa at sabay halik sa pisngi nito.

Lumiwanag ang uniberso ng ballerina at siningil ng mag-asawa ang kanilang singsing na naisangla sa kanyang mundo. Mapagpalaya ang bawat kumpas ng katawan ni Mae. Nagpatuloy sa pag-ikot ang balerina at ang mag-asawa nama’y sabay ring bumalikwas at hinanap ang pinakamabilis na daan papuntang langit. Sa magkatambal na bundok. Sa tore. Sa kagubatan at sa mahiwagang kweba. Sinalubong sila ng mga anghel at sa unang pagkakataon ay nakaramdam ng selos ang kobre kama sa pwerta ni mae. Hindi nila malilimutan ang gabing iyon.
“Salamat,” may hingal sa bawat pantig ng katagang binitawan ni Aric.
“SSSHHHH! Nagsisimula pa lang ang gabi. Nagsisimula pa lang ang kuwento ng pagiging tatay mo.” Nakailang panik at panaog sila sa langit. May ngiti ang balerina sa muling pagdilim ng kanyang uniberso. 

Madalas na maging masiyahin si Aric at dumalas naman ang tingin sa salamin ni Mae. Halos gabi-gabi na rin kung mapagod sa pagsasayaw ang balerina sa kanyang pedestal. Ngumingiti na siya sa gallery at tinutumbasan ang ngiti ng mga inang may bagong silang na supling. Napansin ito ni Bimbo. Madalas silang magkuwentuhan kung ano ang pakiramdam ng nanganganak. Kumalat na sa iba’t ibang mundo ng painting na ang babaeng malungkutin sa labas ng kanilang mundo ay ninanais na mabuntis kagaya nila. Dumalas ang mga workshop kung paano mas mabilis na mabubuntis, paano alagaan ang sarili habang nagbubuntis, ano ang mga dapat gawin habang nagbubuntis at marami pang iba. Ang gallery ay nagmistulang isang family planning session. Handang-handa na si Mae. Pero hindi ang kanilang bulsa, kaya tatanggapin na niya ang alok ng kanyang boss. Hindi na lang niya ipapaalam sa kanyang asawa dahil tiyak na hindi siya papayagan nito. Malaki ang bayad sa pagmomodelo niya. Kahit hindi na ma-extend ang kontrata, ang mahalaga may perang pumasok sa bulsa nila bago may batang manahan sa sinapupunan niya.

Ngayong araw matatapos ang anim na buwan para sa pagpapanggap ng mag-asawa. Makakalipat na sila ng trabaho. Makakapag-mall na sila ng magkahawak ng kamay at higit sa lahat, magkakaanak na sila. Ito ang pinakamatamis na anim na buwan para kay Aric at gusto niyang tapusin itong masaya. Maaga siyang nagising at nagluto ng almusal para maghapon silang magkasundo ng kanyang sikmura. Si Mae nama’y inihanda ang sarili sa kanyang unang trabaho sa loob ng anim na buwan. Hindi na lang siya ang tatanod sa mga painting, siya na ang tatanuran ng mga pintor at matatapos ang araw na naisalin na siya sa iba’t ibang kambas gamit ang iba’t ibang kulay ng pintura. Sa huling pagkakataon ay hinubad nila ang kanilang mga singsing. Sabay silang kumain ng kanyang asawa, sabay na naligo at sa unang pagkakataon ay sabay na pumasok sa mall ng magkahawak kamay. Sa pagbitaw nila magsisimula ang huling pagpapanggap.
Alas-kwatro ang session. Pero alas-dos pa lang inaayusan na si Mae ng make-up artist. Kinulot ang buhok nito at linatagan ng maninipis na kolorete ang kanyang mukha. Hanggang sa pinagtanggal siya ng saplot at may kung anong likidong ipinahid sa kanyang katawan. Sabi para raw hindi siya madaling pawisan. May binuksan ulit itong botelya na may likido at sinimulang ipahid sa kanyang utong. Para raw maging mapula-pula ito. Nasagot ng make-up artist ang mga tagong tanong ni Mae, pero hindi ang lahat. Lumabas ang make-up artist at napatanong si Mae sa sarili, “maganda ba talaga ako?” Sinasagot siya ng salamin ng oo at ng ding-ding ng hindi. Nagtatalo ang mga bangko at kabinet sa loob ng kwarto ukol sa kanyang kagandahan. Mainit ang debate na nauwi sa batuhan ng iba pang gamit. Natigilan ang lahat nang bumalik ang make-up artist. “Ready ka na, magsisimula na.”
Paubos na ang mga kumakain sa restaurant. Palibhasa alas-dos na ng hapon. Halos lahat ng sikmura sa mall ay napunan na, ang kanya nama’y nakakapagtiis-tiis pa. Pero biglang may dumating na lalakeng customer kaya naunsyami ang pagpapahinga ni Aric.
“Aric? Ikaw ba yan? Kumusta ka na?” Sinipat siya ng lalake mula sa ulo pababa sa talampakan. Puwede na siyang hindi maghintay ng sagot dahil sa pustura pa lang nito mukhang hindi nga ok kagaya niya ang dating kaklase.
“O Benjo, sa’n ka ngayon? Long time no see a,” tsaka niya naalala na bawal makipag-usap sa mga customer.
“Eto may ari na ako ng gallery sa Baguio. Diba dati kang painter? Magpipinta kami mamaya diyan sa taas. Sama ka.”
“On duty pa ako e.”
“Magpipinta kami ng bebot. Ikaw din. Balita ko pamatay daw ang kurbada, tiyak na maglalaway ang dalawang brotsa ko. Papadeliver na lang namin sa’yo tapos daan ka. Balik ka na lang after ng duty mo para mas makapagkumustahan pa tayo.”
Ngiti ang isinagot ni Aric sa lahat. Mas maginaw na ang mall, alam niya. Matapos na maiproseso ang mga pagkain at handa na itong maipaproseso sa mga bibig at sikmura.
 Lumabas sa kwarto si Mae na nakatapis. Naiwan niyang nagbabangayan ang mga kasangkapan sa loob. Nasagot naman ng mga mata ng lalaking pintor ang kanyang katanungan. “Maganda ako!” Sabay hubad sa bathrobe. Umoo naman ang mga matang nakasipat sa kanya. Iginiya siya ng kanyang boss kung paanong posisyon ang gagawin. May mga nakaw na tingin at haplos ang kanyang boss. Nakahubad na nga siya, parang gusto pa siyang higit na hubaran nito. At nagsimulang ilapat ang mga brotsa sa mga kanbas. Nagniig ang mga kulay at nagsilang ng mga imahen. Sa puso naman ni Mae ay may kung anong kapanatagan at kagalakan. Parang practice ng pagsasaganap ng kanyang pagkababae.
Umakyat sa 5th floor si Aric at nagpunta sa ibinigay na direksyon ng kanyang boss. Sa loob ng kalahating taong nagtatrabaho siya sa mall, ngayon lang siya naka-akyat dito. At sa dami ng art gallery, hindi niya alam kung aling art gallery ang pinagtatrabahuhan ng kanyang asawa. Narating niya ang gallery na pagdedeliveran ng mga inorder na panlaman tiyan. Walang tao sa bungad nito kung kaya’t hinawi niya ang itim na kurtina. Sinalubong siya ni Benjo at pinapasok sa loob ng kwarto.
“MAE—”
Napalingon sa kaliwa ang lahat tao maliban kay Mae. Bayad ang kanyang galaw kaya kahit pamilyar ang kanyang narinig na boses patay malisya lamang siya. Pero hindi niya natiis, kaya’t nang bumalik sa pagpipinta ang mga pintor bumaling siya sa kaliwa. Napapalatak ang mga pintor.
“Aric!”
Papalabas na si Aric nang masundan niya ang naunang salita. “Magpapaliwanag ako.”

Nabagsak ni Aric ang mga order na pagkain. At nagkalasog-lasog ang mga kaluluwa ng manok at baboy. Lumakad ito palabas ng gallery. Ilang minutong nanigas si Mae nang mapagdesisyunan niyang habulin si Aric. Tumayo ito at tumakbo palabas ng kwarto – ng gallery. Nasagi niya at nagkatumbahan ang mga kambas. Nagkagulo sa loob ng kwarto. Hindi mabuo ang pagmumura ng mga bibig na hindi rin nabuo sa kanbas. Lahat naghahanap ng mga nawawalang ilong, ngipin, suso, mata at noo. Isinumpa si Mae ng mga imahen niyang kinulang ng bahagi. Hindi na nagawang isuot ni Mae ang bathrobe o hablutin ang kahit na kurtina o dyaryo man lang. Kahit si Bimbo at ang mga buntis na dibuho ay hindi siya naihatid palabas ng gallery.
“Aric! Hintayin mo ako!”
Pero hindi na maabot ng mga mata niya ang kahit na anino ni Aric. Sa huling araw ng kontrata, ang pinakataas na palapag ay naging impyerno para kay Mae at naging langit para sa mga anghel na pumalibot sa kanya. Lahat may hawak na camera at pinagmamasdan ang kanyang hubad na katawan. Para siyang balerinang pinalibutan ng mga manonood. Lahat nakatingin sa kanyang katawan mula sa mukha, suso, sa tiyan sa puke at sa dumadaloy na dugo pababa dito. Naging kanbas ang sahig ng pinturang dugong minsang pinangarap ni Aric.   At mortal na kaaway na naman ni Mae ang Alas-sais ng hapon.