Romano Pilosopo



Ang pilosopiya ng mundo ay maikukumpara sa kalituhang taglay ng hiwaga sa pagitan ng kung ano nga ba ang nauna, ang itlog o ang manok. Para kahit paano ay maunawaan ang talinghagang ito, may dalawang kasangkapan ang puwedeng gawing tuntungang bato—ang utak at ang lipunan.

Utak

Ang pagkakaloob sa atin ng utak ay pagpapaubaya lamang sa atin ng dakilang lumikha na pumili sa itinakda niyang mapamimilian. Hindi porket may utak na at nakapag-iisip na ay nangangahulugang matalino na ang mga mabubuo nitong konsepto o desisyon. Gaya na lang halimbawa sa isyu ng pagbuo ng mga desisyon ng mga mambabatas sa pagbubuo ng mga walang kuwentang batas gaya ng Cybercrime Prevention Law. Hindi ko sinasabing bobo sila o kung anuman, pinapatunayan ko lang na kahit may utak ang tao (mga intelekwal na nagtapos pa sa mga pangunahing pamantasan) hindi nga nangangahulugang matalino na sila sa lahat ng pagkakataon. Kahiwalay pang usapin dito angmoralidad bilang aspekto sa pagbubuo ng desisyon gaya ng pangongopya ng talumpati ng may talumpati.

Ang mundo ay dumaraan sa maraming ulit ng pagbabago at pagpapanibago at ang trabaho ng tao ay ang sumabay sa bawat kumpas nito. Ang utak bilang sentral na kabahgi ng isang indibidwal ay may gampaning manguwestiyon, magtaka at bumuo ng mga konseptong pilit na magpapaliwanag sa mundong kinabibilangan niya. Itatanong niya marahil, bakit ganito lang kaliit ang sahod ng mga manggagawang dugo at pawis ang puhunan samantalang ang mga kapitalista nama’y uupo upo lang sa kanilang mga palasyo e, kung kumita ng limpak limpak na salapi e ganun ganun na lang (hindi pa palaging naidedeklara sa mga SALN).

Anong itsura ng tao—ng mundo kung walang utak na naghahari. Sabi nga, “it’s all in our mind”—ang saya, sakit, lungkot, pasakit at lahat ng emosyong tinataglay ng tao. Mawawala rin ang memorya. Maraming makakalimutang listahan ng utang, maraming makalulusot na congressman sa mga kasalanan nila sa bayan. Wala ng mga malikhaing isip na gagawa ng mga panitikan. Wala ng mga maliliksing kaisipang magbabalangkas ng ating kasaysayan. Ibig sabihin, ang mundo ay mamatay—wala ng pinagkaiba sa mga kapitbahayan nating planeta.
Ang totoo niyan, utak lang tayo na tinubuan ng katawan. Sunud-sunuran lang ang paa, tuhod, balikat at ulo sa dikta ng ating utak.

Lipunan

“Neccesity is the mother of all invention.”

Kaya may ganito dahil may ganyan. Kaya may mata para makita ang lipunan. Kaya may tainga para marinig ang lipunan. Kaya may pandama para madama ang lipunan, kaya may panlasa para malasahan ang lipunan, kaya may ilong para maamoy ang lipunan—at kaya may utak para subukang unawain ang mga nakikita, naririnig, nararamdaman, nalalasahan at naaamoy natin sa lipunan. Lahat may kinalaman sa lipunan. Ito ay dahil sa katotohanan na ginagawa ang tao para manirahan sa lipunan. Lahat ng taong nabubuhay at namamatay, ay may lehitimong ambag sa lipunan (sa parehong positibo at negatibong konteksto), depende sa kung paano gagamitin ang utak.

Gampanin ng utak na bumuo ng desisyon at gampanin naman ng lipunan na bumuo ng hanay na mapamimilian. Parang exam—ang utak ang nagtatanong at ang lipunan ang A, B C at D. Pero ang walang maling sagot kung mayroon man, malamang pakana na naman ito ng mga naghaharing uri ng lipunan gaya ng moralistikong simbahan at ganid na kapitalista. Ang tunay na mundo ay walang iisang sagot. Minsan, “both A and B” o kaya naman “both A and C”, “both B and C”, madalas pa nga “All of the above” pero ni minsan ay hindi naging “None of the above”. Palaging naglalaan ng mapagpipilian ang ating lipunan at ang bawat karanasang tinaglay natin ang nagtatakda kung paano tayo pipili.

Sinasabi ng simbahan na ang problema ng tao ay hindi niya alam bakit niya pinoproblema ang lahat ng konseptong hindi niya nauunawaan, at tutuldukan ito ng mga pamosong litanya na, magtiwala ka lang sa Diyos. ‘Wag daw kuwestyunin ang karunungan ng Diyos. Pag ginamit na ‘to sa debate ng tatay ko (Komunismo kontra Divine providence) nasasabi ko na lang, patay na! talo na naman ako. Tinatanong ko siya, bakit si Cory Aquino, madasalin at kilalang religious icon pero hindi magawang maipamahala ang Hacienda Luisita sa mga mahihirap na magsasaka, ang matindi pinapatay niya pa ang mga ito. Sasagot na lang yun, ba’t ba kinukwestiyon mo ang kalooban ng Diyos. Ibig sabihin nun tapos na ang usapan.

Nagbabanggaan ang mga higanteng konsepto ng FREE WILL at GOD’S WILL. Utak laban sa kalooban ng Maykapal. Ito yung ilan sa mga dalawang konseptong ayaw na ayaw na pagtagpuin ng tao. Parang ice cream na may sili lang. Kasi nga takot na makasagasa ng mga pananaw. Yung isyu na lang ng Reproductive Health Bill e. Sa bibihirang pagkakataon, nanalo ang FREE WILL sa GOD’S WILL. At sasabihin na naman ng mga katoliko sagrado, mapupuno ang impyerno ng mga kagaya ko.

Ano ang punto ko? Ibinigay sa atin ang utak,(wag na pag-usapan kung kanino galing) kaya dapat nating gamitin. Para saan? Sa lipunan. Para mas maunawaan natin ang mga bagay bagay. Hindi ko hinihikayat na ipaliwanag ang lahat ng wlang kapararakanag bagay. Pero hangga’t maaari, hangga’t kaya, ipaliwanag natin yung mga misteryo ng pananamantala.

Mahalaga ang gampanin ng mga kabataan at intelektwal sa pagpapalaya sa bayan. Responsibilidad nating buksan ang mga nakasarang utak para maglingkod sa bayan. Lalo’t higit sa mga guro. Malaki ang panawagan na lumabas sa kumbensyong kinabibilangan. Sa status quo na pinakikinabang ng mga mapagsamantalang utak ng lipunan.

Ngayon kung hindi kayo maniniwala sa mga sinasabi ko, para na rin kayong mga taong nasa loob ng kuweba—pasibo, arogante at ignorante.

Hanggang sa mga oras na ito, hindi ko pa rin kayang ipaliwanag ang misteryong bumabalot sa itlog at sa manok.


Reaction Paper Number 1
Philosopical Analysis
Next PostMas Bagong Post Previous PostMga Lumang Post Home

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento