“Daddy! Daddy! Daddy!” Sigaw ni Monica.

Nataranta ang kanyang amang si Johnny. Halos nangangalahati pa lamang siya sa pagtatabas ng kanyang bigote ng magulantang siya sa magkakasunod na sigaw ng kanyang anak.  Naalala niya bigla na kanina pa ito nagrereklamo at umaaray sa pananakit ng kanyang puson. Putsa! Ang anak ng makisig na si John Regala, dinadalaw na ng regla at sa kinamalas-malasang kambing, absent pa ang ina niyang si Mila sa unang araw ng pagdadalaga ng kanilang anak.

“Dadddy… Daddy.”

Hindi magkandaugaga si Johnny. Nalilito, hindi alam kung ano ang uunahing gawin. Diyahe kung lalabas pa siya para bumili ng napkin sa tindahan ni aling Tekla ni hindi pa nga niya tapos tabasin ang kanyang bigote. Dali-dali niyang dinampot ang telepono at tinawagan ang kanyang misis.

“Mel, asan ka na ba? Dalaga na ang anak mo, hindi ko alam ang gagawin ko.”
“Hon, kaw na bahala. Marunong na yan. Ang dami pang tao sa palengke e. Tatlong bilog na prutas na lang ang kulang.”

Pagkababa ng telepono, mabilis na umaksyon si Johnny.

“Nak! Paakyat na ang Daddy.” Halata ang nerbiyos sa kanyang tinig.

Pagbukas ng pinto, kumawala ang kulob na ingay ng mga kanta sa album ni Sarah G. Sa sobrang lakas kahit yata putok ng baril e hindi matatapatan ang matinis na tinig ng singer. Nagkalat ang magazine. Nasa paanan ang mga unan. Nakalilis ang kobre kama. Mababakas ang dugo ng pagkadalaga ng kanyang anak sa kama. May tagaktak din sa sahig. Sa doormat ng CR. Parami ng parami.

Halos malagas ang kanyang natitirang bigote ng makita niyang nakasalampak ang anak sa malamig na sahig ng CR. Agad niya itong nilapitan para akayin patayo. Laking gulat nito nang mapunang hindi lamang sa ari tumatagas ang dugo. Nanigas si Johnny ng matunton niyang bumubukal ang dugo sa batok ng pinakabagong dalaga.

Marahang dumilat ang mata ni Monica, “Happy New Year daddy…”

Nagpatuloy sa pagkanta si Sarah G.


Bilin ni ina
pag gabi na at wala pa siya
sa kama na ako dumirekta

Ipipikit ang mata
at matutulog mag-isa
Pag hindi kaya
tsaka na magbibilang ng tupa

Isang tupa
Dalawang tupa
Tatlong tupa

Namanhid  ang hele
Napaos ang oyayi
Kalansing ng baraya pangrenta sa kumakalam na sikmura

Apat na tupa
Limang tupa

Sa ikaanim ng umaga
Nakita ko sa ina

Sa kanlungan ng itim na banyaga

Anak ng tupa
Anak pala ako ng puta


Mula sa FUTANESCA: ang krema de pruta ng mga inang biktima