AKO SI BATMAN



Madamot ang ilaw na hatid ng inaalikabok na bumbilya. Gumegewang-gewang sa may ulunan ng aktibistang nabingwit ng apat na pulis.

Nakatali ito sa upuan. Hubu’t hubad. Basang basa at puno pa ng boltahe ang kalamnan. Subalit puno pa rin ng angas, tahanan pa rin ng tapang at pagmamahal sa bayan ang kanyang tikas. Nakapaligid sa kanya ang apat na pulis na hindi nauubusan ng maitim na balak para sa kanya at sa mga kauri niya.

“BATA ANONG PANGALAN MO? SINO PA MGA KASAMA MO?” Usisa ng matandang pulis.
“AKO SI BATMAN! WALA KAYONG MAKUKUHA SA’KEN” nanunudyo ang ngiti nito.

Isinabit ng mga pulis sa leeg niya ang isang lumang tirador, matapos ay makailang beses na hinila at ipinatama ang kahoy sa kanyang leeg. Namula ito at lumobo sa pamamaga. Walang humpay ang halakhakan ng mga pulis sa tuwing mahihirapang mapalunok ang aktibista.  

“BATA ANONG PANGALAN MO? SINO PA MGA KASAMA MO?” Usisa ng isa pang bundat na pulis.
“AKO SI BATMAN! WALA KAYONG MAKUKUHA SA’KEN” tumabang na ang ngiti nito subalit lumalagablab pa rin ang tapang.

Pinilit itong ibuka ang bibig. Matapos ay ipinagduldulan sa loob nito ang kapiraso ng barbed wire hanggang ngala-ngala.  Nang matiyak na nilang na nakasayad ang mga talim nito sa kanyang dila, mabilis itong binatak palabas ng mga pulis. Hindi maubos-ubos ang halakhakan ng mga pulis na nakikipagblending sa sigaw ng pag-aray ng kawawang aktibista. Hindi pa sila nakuntento sa isa, dalawa, inulit-ulit pa nila hanggang sa magkagula-gulanit ang dila at mapuno ng dugo ang bunganga nito.

“BATA ANONG PANGALAN MO? SINO PA MGA KASAMA MO?” Sabay na tanong ng dalawang bagitong pulis.
“AKO SI BATMAN! WALA KAYONG MAKUKUHA SA’KEN” humina ang boses nito at sumabay sa pagtakas ng kanyang diwa.

Isang pamilya ng bala ang pinakawalan ng pulis. Ang tatay ay sa noo. Ang nanay ay sa puso at ang anak ay sa bayag. Kinalagan nila ang bangkay ng superhero at kinaladkad sa likod bahay.


“O Ipasok niyo na yung pangalawa.” Hudyat ng kanilang hepe.

“BATA ANONG PANGALAN MO? SINO PA MGA KASAMA MO?” Sabay na tanong ng dalawang bagitong pulis.

Hindi gaya ng nauna. Bagito ang isa pang aktibista. Tahanan ng takot at nginig ang buong katawan. Kung hahalukayin ang kanyang isipan, matatagpuan dun ang kanyang pagmamahal sa kanyang ina, pag-aalala sa kanyang ama at galaiti sa bulok na sistema ng lipunan.

“ANO SABING PANGALAN MO E? HINDI KA SASAGOT?” sabay himas ng hepe sa gatilyo ng kanyang kwarentay singko.

“A e a -- ako po si ROBIN” Takot na takot siyang sumagot at nag aabang sa mga sususnod na gagawin ng hepe.

“KANINA BATMAN, NGAYON ROBIN????? PUTANG INA KAYO. PINAGLOLOKO NIYO AKO A“
Galit na galit ang hepe at magkakasunod na ipinalunok ang tatlong tirang bala. Lahat isinentro sa noo. Tinuhog ang kanyang diwang nagmamahal, nag-aalala at nanggagalaiti.

Saksi ang bumbilya. Gumegewang-gewang sa sayaw ng kamatayan.

“Check mo nga ID nitong pangalawa. Anong pangalan nito?”

“TSIP… ROBIN CLAROS”



mula sa koleksiyon ng mga dagli

FOOLISH PATOLA: Mga dagling nagseserb at nagpoprotek.
Next PostMas Bagong Post Previous PostMga Lumang Post Home

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento