Balintawak

Sumisigaw ng balut si Andres. May ilang lumalapit sa kanya at nagtatanong kung may penoy? May suka? May asin? May tsitsaron? Oo naman ang sagot niya sa lahat ng mayroon siya. Nagpatuloy siya sa paglalakad, sa pagtitinda at sa pagsisigaw ng balut. Walang bumibili ng balut pero mayroong bumibili ng penoy at tsitsaron at mayroong nagpapalagay ng suka at asin. Nang makarating siya sa may Balintawak, muling sumigaw si Andres ng balut, balut, balut, balut kayo riyan. Pero kakumpitensya niya ang mga nagdaraang 10 wheeler truck na tinatahi ang kalsada papuntang pier ng Maynila at mga probinsya sa norte ng Luzon. Kahit na wala siyang nakikitang tao ay nagpatuloy siya sa pagsigaw sa Balintawak.

Balut, balut, balut kayo riyan. Ang paulit-ulit niyang sinigaw sa kalaliman ng gabi at kalawakan ng Balintawak. Hanggang sa wakas ay may bumili na rin sa kanya ng balut. Isang umpukan ng mga pulis na nagdidilig ng alak sa kanilang mga lalamunan habang namimingwit ng mga kawatan. Isa, dalawa, tatlo, apat, isang dosena, dalawang dosena—naubos ang balut ni Andres. Sa wakas makakauwi na siya sa kanyang pamilya ng maaga-aga.

“Mga tsip, 300 ho lahat.” Magalang niyang paniningil.

“Anong 300? Hindi ba’t libre ‘to, dahil birthday ngayon ng asawa ko! Tarantado ka pala e.” Pagalit na panunumbat ng isang pulis.

“Hindi po, wala po sa usapan natin yan mga bossing!”

“O eto, makipag-usap ka sa baril ko!”

At umalingawngaw ang isang putok ng baril na wumakwak sa sintido ni Andres. Namayani ang katahimikan sa Balintawak na minsang may boses na sumisigaw ng balut sa kalaliman ng gabi. At ang katahimikan ay nagpatuloy hanggang sa korte—nang magtanong ang hukom, 

“May nakakita ba kung paano namatay ang balut vendor?






Liwasang Bonifacio


Nagpaunahan ang tatlong baryang bumagsak sa semento. Muli silang pupulutin at muling ihahagis sa ere. Paulit-ulit ang proseso sa may paanan ng monumento ni Bonifacio. Nanggigitata na ang mga barya, pero tuloy lang ang pusta, tuloy lang ang taya. Tuloy rin lang ang paghagis sa ere at pagsalo ng semento.

Naroon si Mang Emillio at Mang Andres. Magkumpare, minsan nang naging magkakampi laban sa mga dayong umaagaw ng puwesto ng kanilang itinitinda. Palibhasa ubos na ang perang pamusta, mainit na ang ulo ni Mang Emilio, nariyang ang katyaw ay nagiging pasigaw na. Si Mang Andres naman ay determinado sa kanyang kikitain. Aba, pandagdag din ng almusal nila bukas ng kanyang mag-anak ang maduduming barya. Sa wakas nailapag na ni Mang Emilio ang huli nitong sampung piso. At muling lumipad at nagsisirko ang mga barya sa ere at nagpaunahang dumapo sa semento. Kara-kara-kara, pagsusumamo ni Mang Andres. Sa isang iglap mas mayaman na ng singkwenta pesos si Mang Andres kay Mang Emilio.

Biglang dumating si Mang Mariano, at sabog sa ipinagbabawal na gamot. Walang kaabog-abog na itinulak nito si Mang Andres sa paparating na bus ng Saulog na may biyaheng papuntang Maragondon. At muling sumirko ang barya sa ere at nagpaunahang bumaba sa sementong may dugo.










 Kartilya


“Pahiram nga ako ng ballpen.” Panawagan ni Alex sa kahit na kaninong tengang nakaririnig sa kanya.

“Kung rebolusyon na pala, kay dali mong mamamatay. Simpleng baril at bala wala ka.” Tugon ni Andrew at saka iniabot ang pulang ballpen.

“Wala ka bang itim?”

“Wala e, pula ang kulay ng panulat ko”

“Hardcore.”

Sa ganitong palitan ng mga diyalogo nagsisimula ang pulong ng mga lider estudyante sa kanilang kinukutaan sa paanan ni Boni sa may Cityhall. Sa kabilang panig ng dambana ni Bonifacio ay may mga kabataan namang abala sa pagbibisikleta, pagpapatalon sa bisikleta at pagiiskate-board at pagpapatalon sa skate-board. Bawat bagsak at tumba ay punla ng sugat sa katawan nila at dilig ng dugo sa aspalto.

Nagpatuloy ang mga lider estudyante sa pagpupulong hinggil sa kondukta ng martsa papuntang embahada sa darating na pagbisita ni Obama. At nagpatuloy din naman ang mga kabataan sa pagbibisikleta at skateboard. Nagpatuloy sa pag-ikot ang pares ng mga gulong na pinapatalon ng mga riders.

Tumalon sa bisikleta ang isang rider at nabatukan siya ng buong bisikleta. Nagtawanan ang mga katropa nito. “Lampa ka pala p’re e.” Patuloy ang kantyawan ng magkakabarkada.

“Mga kasama, bigyan natin ng sampung bagsak ang naging pulong natin ngayon.” Si Andrew habang nilalagyan ng takip ang ballpen.

Biglang may ‘sang pares ng gulong, na may ‘sang pares ng sakay, na may ‘sang pares ng balang pinakawalan sa ‘sang pares ng aktibistang nasa likuran ni Bonifacio. Kinalabit ng putok ang lahat ng nakakalat na batok.  At bumagsak ang dalawa sa sampung kasama, pati na rin ang hindi pa natatakpang ballpeng pula.



  
Global City

“Akin ang lupain ng Taguig” ito ang karatulang nakasulat sa likod ng kahon ng gatas na nakasabit sa leeg ng taong grasang may pulang pantalon. Hinahabol siya ng mga langaw. Kung ito’y mga paru-paro siguro siya siguro ay isang namumukadkad na bulaklak. Pero hindi e. Isa siyang nanlilimahid na taong grasang walang pumapansin. Kung may pumansin man, ito ay para buskain siya at saktan.

Naglalakad siya araw-araw. Sa kahabaan ng kalsada ng Makati at Taguig. Hindi siya tumitigil sa pagsasalita. Inaampon niya ang mga napupulot niyang salita. Yung mga tunog ng makina ng kotse at jeep, yung mga boses sa radyo, yung mga boses sa malalaking LED screen. Lahat yun ay kinokopya niya. Pero nananatiling hindi nabubura sa kanyang bunganga ang mga katagang, AKIN ANG LUPAIN NG TAGUIG.

Namumulot siya ng mga basura sa basurahan. Sa katunayan mas mukha pa siyang basura kesa sa basurahan. Pinupulot niya ang mga bagay na pula. Gaya ng kulay ng kanyang pantalon. Inaari niya ang lahat ng makitang bote ng softdrinks na pula, wrapper ng tsitsirya na pula, panyong pula, basahang pula at marami pang pula. Nang makakita siya ng pitkang pula. Mabilis niya itong pinulot na eksakto namang may mabilis na nakakita sa kanya.

Umulan ng palo, tadyak, suntok, hambalos at ang kanyang mundo ay naging pula. Wala na ang malay niya, pero naririnig pa rin niya ang balita sa radyo: Pormal na ang naging desisyon ng mataas na hukuman na ang lupaing kinatitirikan ng Bonifacio Global City ay lehitimong pag-aari ng Makati City.



Monumento

Litong lito ang babae. Sa suot niyang damit, halatang galing ito ng probinsya at walang alam sa pasikot-sikot sa Maynila. Sukat ba namang tumawid papunta sa Monumento ni Bonifacio. Tinatanaw siya ng mga nagtataasang gusali. Pinagmamataasan siya, para bang nagwiwikang wala kang karapatang pumunta sa Maynila hampaslupa. Dagdag pa ang pagsasalubong ng dalawang tren ng LRT. Hindi na siya mapakali. Hawak niya ang bayong. Hawak niya ang isang malaking bayong. Ibinaba niya ito sa may paanan ni Bonifacio. At saka kumatok sa rebulto ng bayani. Bumukas ito at sinalubong siya ni Andres, Mang Andres, Andrew at ng taong grasa, mabilis siyang pumasok pabalik sa nakaraan.

Nakakurdon na ang buong paligid. Nakakalat na ang mga pulis at ang mga bomb sniffing dog. Lahat umaantabay sa mga mangyayari. Naroon na rin ang mga tanod ng media. Nagkandabuhol-buhol ang trapik. Maging ang mga side walk vendor ay abala rin sa pakikibalita. “May bomba daw”, “Sino kaya ang nag-iwan noon?” “Basta talaga magpapasko e.” Iba-iba ng kuwento. Ibong kumalat ang balita at narinig ng buong sambayanan. Kaya naman isang malaking malaking mata ang bumuka sa gusali ng Sogo. Namumula. Nagtataka at nag-aabang kung anong mayroon sa loob ng bayong. …



Naghihintay… naiinip…

awserhdfitygnuhdijoikpl,pmnliakubvtyctaserpdfuoybhisnjoakpnjipugh6f5dl4s3aaserbdfyatgunhijkoo



Nagtanong ang mata sa kanyang nakita, dahan dahang gumagalaw ang bayong. Nagulat ang mga tao sa kanilang nasisilayan.



awserhdfitygnuhdijoikpl,pmnliakubvtyctaserpdfuoybhisnjoakpnjipugh6f5dl4s3aaserbdfyatgunhijkoo



Muling nagtanong ang malaking mata.
At nasilyan ng mga pulis, ng mga vendor, media at ng malaking malaking mata ang mensahe. At sinuri ito.


Awserhdfitygnuhdijoikp
l,pmnliaku
bvtyctaserpdfuoybhisn
joakpnjipugh6
f5dl4s3aaserbdfyatgunh
ijkoo




Sa gitna ng katahimikan, ngumawa ang isang sanggol na may pulang pajama sa loob ng bayong. Nagpatuloy ang buhay sa Monumento at ang sanggol ay namuhay sa piling ng masa, sa piling ng malaking mata na ngayo’y mulat na at binabasa ang huling bahagi ng koleksiyon ng dagling Boniverso.