Kare-kare.
Masarap. Malinamnam. Lalo
kung may kapares na bagoong. Sa lahat ng ulam ito lang ang lalong sumasarap
‘pag lalong tumatabang. Pinagtagpo-tagpo ang tuwalya at laman ng baboy, petsay,
talong, sitaw at peanut butter para paluhurin sa sarap ang mga tao.
Lampas-lampas na sa
overtime si Elias. Narito’t pasara na ang kanyang pinagtatrabahuhang opisina.
Ba’t kaya hindi pa naisip ng kanyang Boss na ibigay na rin sa kanya ang susi
total siya rin naman ang pinaka-maagap pumasok sa umaga. Subalit pagdating ng
akinse at katapusan bula na namang maglalaho ang kanyang mga pinaghirapan sa
kaka-overtime dahil sa dami ng bayarin.
Tiyak na magagalit na naman
sa kanya ang asawang si Elizabeth pag nalamang nalipasan na naman siya ng gutom
at hindi niya na naman kinain ang inihanda nitong baon. Kaya bago siya lumabas
sa opisina, isinilid niya sa plastik ng SM ang ulam at ihiniwalay naman sa mas
maliit na plastik ang kanin at bagoong. Mamaya maghahanap siya ng
mapagtatapunan pagdaan niya sa Luneta.
Sipa-sipa ang lata ng
sardinas na walang laman. Palakad-lakad na naghanap ng maipanglalaman-tiyan si
Castor. Hindi na biro kung ilang agahan, tanghalian at hapunan ang nalaktawan
niya. Bumuo na nga ng piket sa kanyang sikmura ang mga bulateng hindi na
nakatatanggap ng arawang rasyon. Mababakas na rin sa kanyang manipis na
pangangatawan at matamlay na kakisigan ang mga bitaminang nawawala.
Sa di kalayuan, nakita niya ang isang galising
asong hindi magkamayaw sa pagkawag ang buntot. Nakasalampak ang mukha nito sa asul
na plastik. Mabilis na nagdiliryo ang isipan ni Castor at dali-daling sinipa
ang lata ng sardinas direkta sa asong galisin. Naalarma ang aso at tumakbo
palayo. Nawala sa katinuan si Castor nang matuklasan niyang panlaman-tiyan ang
laman ng plastik. Hindi na siya nagdalawang isip at mabilis na tinangay palayo
ang plastik.
Pumwesto siya sa paanan ng
rebulto ng itim na kalabaw kung saan abot tanaw niya si Rizal. Pagkabukas ng
plastik agad na kumalat ang aroma ng ulam na lutong bahay. Mabaliw-baliw siya
sa panunuot ng amoy nito sa kanyang ilong. Nilalapirot nito ang utak na madalas
mangarap ng masaganang pagkain. Halos maabot niya ang langit sa sobrang
pagnanasang matikman na ito sa unang pagkakataon. Lalo pang nakumpleto ang
kanyang pagdiriwang nang mapansin niyang may kanin at bagoong ding kasama.
Nalunod sa sabaw ang kanin.
Nanatili sa isang plastik ang petsay, karne ng baboy at ibang solidong sangkap.
Hindi na uso ang paghuhugas ng kamay. Talo-talo na ang kagutuman at kalinisan.
Mas mamamatay pa nga yata siya kung maipagpapaliban niya ang pagkain kahit na
sandali. Kumurot siya ng kapiranggot sa bagoong at saka ibinudbod sa kanin at
sabay sinubo. Nalimot na ng dila ni Castor ang tunay na lasa ng tunay na
pagkain ng tao. Nanibago rin ang kanyang lalamunan sa hindi inaasahang pagdalaw
ng kanin na kargada ng magarang ulam. Dati kasi kung ano-ano na lang ang
isinusubo at nilulunok niya para lang mapagana ang makinarya sa loob ng kanyang
sikmura. Subo at lunok lang ang kadalasang magamit niya. Absent at muntikan
nang ma-drop ang pagnguya at paglasa. Kailangan pa ba? E sa kadalasan nga,
hindi siya sigurado kung pagkain talaga ang nilalantakan niya. Suwerte na siya
kung maka-tiyempo siya ng mga
tira-tirang pagkain sa basurahan sa likod ng mga fast food chain at karinderya
na sariwa pa mula sa bunganga ng mga unang kumunsumo nito. Bago ang araw na
ito, mga tira-tirang buto ng chicken joy, mga hindi naubos na kanin mula sa
promong unlimited rice, gulay na isinantabi ng mga batang anak ng mayayaman ang
napasama sa kanyang menu. Samantala, ang tubig na ipinandidilig sa mga halaman
sa Luneta naman ang ipinapantulak niya. Kaya naman himala na niyang maituring
ang bloke-blokeng karneng tangan niya ngayon.
Ang unang pagnguya at
paglunok ay naging isang selebrasyon. Pansamantalang nabuwag ang piket sa loob
ng kanyang sikmura at napalitan ng malapiyestang pagdiriwang. Nagkanya-kanya
muna ang mga bulate sa pagsambot ng grasya. Nagpatuloy ang proseso ng pagsubo,
pagnguya at paglunok. Ninanamnam niya ang bawat subo. Lubos niyang pinapatagal
sa kanyang bibig bago lunukin. Kailangang mabaon niya ang lasa nito papunta sa
mga susunod na araw na babalik siya sa kanyang orihinal na menu. Maya maya’y narinig ng nahihimbing na Luneta
ang kanyang mahabang dighay.
Biglang dumilim ang madilim
na gabi ni Castor. Nag-amok ang mga bulate na kanina’y minsan nang naging
payapa. Humilab at biglang nanakit ang kanyang sikmura. Sinubukan niyang
tantanan ang paglantak sa pagkain, subalit mas umiigting pa ang pananakit nito
sa bawat segundong itinitigil niya. Dumodoble ang kanyang paningin. Dahan dahan
ding pumupuga ang kanyang pandinig. Nag-uunahan pababa ang mga butil ng
malalamig na pawis. Muling bumalik sa hanay ang mga bulate. Naudlot ang kaninang
pagdiriwang at muling nauwi sa
pagrerebolusyon.
Napatigil sa pagnguya si
Castor at napahawak sa kanyang tiyan. Namilog at tumirik ang kanyang mga mata
kasabay ng pagdaloy ng masangsang na likido sa kanyang puwitan pababa sa hita
hanggang sa tuhod at paanan. Nagkandahiya-hiya ang mga makahiya at nagkamatayan
ang iba pang halamang kanyang nadiligan. Pinigil niya ang pag agos at mabilis
na binagtas ang portable CR sa may Quirino Grandstand.
Nanggigitata ang
pampublikong palikuran. Sa labas pa lamang, nanunuot na ang masangsang na amoy
nito. Hindi pa tuluyang nalulunok ng inidoro ang mga natirang deposito ng mga
naunang sumintensya dito. May pahabang korte at kulay mais. May mga durog na
parang Quaker oats, malapot na kagaya ng sa kanya. Hawak pa rin ni Castor ang
biyaya sa plastik na asul. Pagkasalampak niya sa kubeta, pinakawalan niya agad
ang pinigil na pwersa sa loob ng kanyang tiyan. Bumulwak ang mainit na
prinosesong laman-tiyan. Gumaralgal pa ito at saka sumabaw sa mga nakalutang na
tae sa inidoro. Nang maubos ang unang buga tsaka siya nagsimulang umire upang
iluwal ang mga nahihiya pang lumabas. Gumulo na ang nahihimbing na kaayusan ng
tubig at mga latak na tae ng iba sa loob ng inidoro. Ang ilang malapot na
likidong hindi umabot ay sa sahig na lamang niya nairaos. Nanlupaypay ang mga
bulate, nanghina at pansamantalang natahimik.
Pansamantalang
naging mapayapa ang sikmura ni Castor. Iniwan siyang pawis na pawis ng nagdaang
dilubyo sa kanyang sistema. Pagkatapos ng isang malalim na buntong hininga.
Muling sumiklab ang kaguluhan sa loob ni Castor. Nagwawala na naman ang mga
bulate, nagsusunog na sila ngayon ng replica ni Castor. Pinilit niyang muling
umire, pero puro hangin lang ang naibuga nito. Puro lamang patak ang nailalabas
niya. Bakante na ang kanyang sikmura samantalang halos mapuno naman ang nanlilimahid
na inidoro. Patuloy na sumakit ang kanyang tiyan. Nagtatalo na sa kanyang
isipan kung ano ang ipapangalan niya sa sakit na nararamadaman, ito ba’y gutom
o pagtatae.
Nanghihina
na siya nang maisip niyang muling kunin at ibuka ang plastiK ng ulam. Muli siyang
dumakot dito para maisubo. Subo-nguya at lunok. Nagpatuloy ang paulit
ulit na pagpoproseo hanggang sa maramdaman niyang may laman na ang bakante
niyang tiyan. Muling umagos ang malapot na likido sa kanyang puwitan. Matapos
ang pagdaloy nito. Muling humilab ang kanyang sikmura. Kaya nagpatuloy lamang
siya sa proseso.
Mas dumilim ang kanyang
paningin sa pagkakataong ito. Sa pagsakit ng kanyang tiyan ngayon, hindi na
pababa ang tinatahak na rebolusyon ng pagkaing kanyang nilunok kundi pataas.
Naglalagablab na ang sinunog na replica ng mga bulate. Pinagbabato nila ito ng
monotob kasabay ng pagsuko ng kanyang sukmura. Ibinuka niya ang asul na plastik
atsaka niya pinakawalan ang lahat ng hindi natunaw na pagkain.
Matapos ang isang
napakahabang dighay. Kumalma at nagtagumpay na ang mga bulate. Naunawaan na rin
niyang tapos na ang serbisyo sa kanya ng maduming palikuran. Itinapon niya ang
asul na plastik sa may tabi ng puno sa kanyang paglabas.
May galising asong hindi
magkamayaw sa pagkawag ang buntot. Nakasalampak ang mukha nito sa paanan ng
matandang puno. Pabilis nang pabilis ang kawag ng buntot nang bigla itong
mapaungol sa tama ng lata ng luncheon meat.
“Wow may almusal na ako!”
sigaw ng batang uhugin at laman ng lansangan.
“Mahal ba’t hindi kita makontak
kanina?”
“Pasensya na Beth, hindi ako
nakapagkarga e, lowbat pala.”
“Kinain mo ba yung kare-kare?”
“Oo naman. Ang sarap nga nun dear e.”
“Ah.”
Para sa mga
nakisawsaw sa nanlilimahid na kare-kare
Zhen Lee, Ian Harvey, Geraldine at Sharon